frchito

Archive for the ‘Mahal na Araw’ Category

OSANA? O SIGE NA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Mahal na Araw, Taon K on Marso 22, 2013 at 10:14

LINGGO NG PALASPAS

Marso 24, 2013Entry_into_Jerusalem002

OSANA? O BAKA NAMAN, O SIGE NA!

 

Sanay tayo sa larawan ng mga alalay. Halos lahat ng tanyag na tunay na tanyag ay sandamakmak ang alalay. At yamang ang politica natin ay showbiz na showbiz na rin, pinakamaraming alalay ang mga politico sa bayan natin. Saanman sila pumunta … saanman sila naroroon, ang mga alalay ay parang patunay sa awiting ganito ang linya: “Saan ka man, naroroon sinta ..”

Pero nang pumasok ang Panginoon sa Jerusalem, sandamakmak rin ang mga alalay. Hinatak at dinala nila lahat ang unang mahugot sa kanilang katawan at kapaligiran. May nagtanggal ng mga balabal … ginawa nilang alfombra o tapakan ng Panginoon. May nagsira ng mga puno at palumpong … Pinitas ang mga sanga, ginupit ang mga dahon at iwinagayway, kundi ilinatag sa daraanan ng Panginoong dumarating sa ngalan ng Diyos.

Hindi magkamayaw sa ingay, sa galak, sa tuwa at pagbubunyi nang dumating si Jesus sa lungsod.

Pero uso na rin yata noon ang palitan ng partido. Hindi naglaon ay ang mga maiingay na alalay ay nagsipagbaligtaran na ng partido. Yaong mga dating napaos sa kasisigaw ng Osana ay nagbago ng tugtugin … nagpalit ng awitin … at nagbaligtad sa kanilang hiyaw … En vez na Osana ay naging O sige na! ipako yan sa krus!

Sa buhay natin, ilang beses na tayo nagbago ng isip? Ako, inaamin ko … pabago-bago ang isip ko rin sa maraming bagay. Ilang beses tayo bumaligtad sa ating pangako? Ako … may mga pangako ring tinalikuran … Ilang beses tayo bumalikwas at lumayo sa orihinal nating mga layunin at adhikain?

At yamang narito tayo sa paksang ito? Ilan ang kilala ninyong balimbing na dati-rati ay kakampi noong si kwan, pero ngayon ay kakampi na ni ano? Ilan sa atin ang sanga-sanga ang dila at kapag nabusalan ay nagsasalawahan?

Di ba’t ito ang kwento ni David? Di ba’t ito ang kwento ng mga propeta tulad ni Jonas? Na sa halip na tumungo sa Nineve ay bagkus lalu namang umalis palayo? Di ba’t tayong lahat ay salawahan? Di ba’t tayong lahat ay makasalanan?

O anyare sa Jerusalem? Sandamakmak na alalay ang sumalubong, parang dumating sa bayan si Sir Chief at naglabasan ang lahat ng halos mahimatay sa kanyang pagdating. Pero pagkatapos ng ilang araw ay ano ang nangyare? Nasaan sila?

Hayun! Matapos sumigaw ng Osana, ay iba na ang sigaw nila … O Sige Na! Ipako na yan sa krus! Palayain na ang aming bagong Sir Chief, si Barabas!

Banal ang buong Linggong ito. Banal at handa tayong makarinig ng kaunting pasaring mula sa Diyos … bukas ang looban natin na magtika at gumawa ng kaunting pagsisisi.

Eto ang dapat siguro natin marinig. Malimit sa buhay natin, ito ang ating sigaw … At kung yan man ay kasalanan, ay sapagka’t kami ay tao lamang … Alam ko masama, pero sige na, wala na tayong magagawa. Alam kong mali, pero sino ang hindi nagkakamali? Sige na!

Alam nating hindi angkop sa kalooban ng Diyos, pero anong karapatan ng mga pari upang humusga? Sino ang dapat magsabi sa akin kung ano ang aking dapat gawin? Malinis ang aking konsiyensiya … Siya, sige na!

Sa halip na unahin ang Diyos at bumigkas ng Osana, anyare? Heto … napapalitan tuwina ng O SIGE NA! BAHALA NA! PUEDE NA!

Sa dinami-dami ng mga alalay ng Panginoon, nang tumiwalag ang karamihan at nag-asal balimbing, mayroong kaunting nanatili sa kanyang likuran. Ito ang mga hindi pansamantalang mga alalay at tagahanga. Ito ang mga tunay na disipulo.

Ang kailangan ng Panginoon ay hindi mga alalay, bagkus mga tunay na tagasunod!

PAGTALIKOD O PAGTALIMA?

In Mahal na Araw, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Abril 23, 2011 at 16:10

Linggo ng Pagkabuhay (A)
Abril 24, 2011

PAGTALIKOD, O PAGTALIMA?

Muli na namang napukaw ang damdamin ng marami sa mga nakaraang araw. Mga “mahal na araw” ang tawag natin sa nagdaang Linggo. Nagmula sa Linggo ng palaspas, nakipaglakbay tayo sa buong Santa Iglesya sa landas ng kabanalan, landas ng kahirapan, landas ng pagpapahindi sa sarili, landas ng pagsunod sa yapak ni Kristo, na ngayon ay namamaulo sa tagumpay na walang kapantay sa kasaysayan.

Landas ng tila pagkatalo, pagkautas, na wari ay balot ng kadiliman … landas ng tila kawalang saysay at kawalang kahulugan … landas ng wari’y isang pagkagapi at pagiging api sa harap ng mga makapangyarihan nang panahong yaon.

Pero, sa kabila nito, tanging sa Pilipinas lamang na ang katagang “banal” ay pinalitan natin ng katagang “mahal.”

Sa aking pagkawari, iisa ang tinutumbok nito … Walang kabanalan sa Pinoy kung walang pagmamahal at pagpapahalaga. Walang banal na hindi itunuring na mahal, mahalaga, mamahalin, at walang maaaring ituring na kabayaran!

Mahal ang mga araw na ito. Una, nagsipag-uwian ang marami sa atin upang makapiling ang mga mahal sa buhay. Taon-taon, hindi magkamayaw sa istasyon ng bus, mga pantalan, at mga paliparan! Kahit mahal ang gasolina, at patuloy na nagmamahal, minahal nating tunay ang mga araw na nagdaan at ibinukod upang gugulin sa gawaing mahal at malapit sa puso natin.

Mahal ang mga araw na ito … Kahit hindi na uso ang mga sinakulo, at mga pabasa, tuloy pa rin ang paghahanap ng Pinoy sa dagdag na kaalaman tungkol sa mahal na Nazareno. Hindi tayo umangal at walang “Eat Bulaga” o “Willing-Wili” sa TV. Hindi tayo nalungkot at walang bukas na mga internet cafe. Hindi tayo nagtaka at sarado ang mga malls sa Biernes Santo. Sa lugar na kinatatayuan ko ngayon, habang wala sa Guam, libo-libo ang mga dumayo para lamang mangumpisal, dahil alam nilang may mga magigiting pang mga pari na nag-gugugol ng mahal na panahon upang tulungan makapagbalik-loob ang mga tao, kahit isang beses lamang isang taon, o sa maraming kaso ay maraming taon!

Mahal ang mga araw na ito … Mahalaga at matimbang, kung kaya’t ginamit natin upang mapalapit nang higit pa sa Diyos.

Subali’t may ibang kamahalan naman ang nagiging unti-unting palasak na rin sa lipunan nating nahihirati na sa globalisasyon. Para sa mga may kaya, mahal rin ang kanilang ginugol upang palampasin ang mga araw na ito … sa Boracay, sa mga dalampasigan, sa Baguio, sa Tagaytay, at sa iba-iba pang takbuhan ng mga parami nang paraming mga Pinoy na nababago na ang kulturang kinagisnan.

Sa araw na ito, ang ganap at kasukdulan ng pagiging “mahal” sa mga araw na ito, ay ang tanda ng dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin. Matapos ibuhos ang sariling buhay at ialay para sa ating kaligtasan, muling nabuhay si Kristo … muling itinanghal ang kamahalan ng buhay na kailanman ay hindi na magagapi ng kamatayan!

Ito ang pinakamahal na katotohanan na ating ipinagdiriwang sa araw na ito. Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, araw na napakalapit sa puso Niya … araw na naging rurok at kasukdulan ng mahal na pangako ng Diyos para sa ating kaligtasan.

Araw ito ng buhay! … buhay na walang hanggan … buhay na hindi na magagapi, makikitil, at mapipinsala ninuman at ng anuman!

Malungkot nga lamang at sa mga mahal na araw na ito, may mga mambabatas na nag-aral at nagpulong upang isulong ang kanilang kapasyahang bigyang-balakid ang buhay na mahal ng mga bata sa sinapupunan! Malungkot rin na sa mga mahal na araw na ito, may mga taong ang higit pang minahal ay ang sariling bakasyon, sariling ginhawa at sariling kapakakanan, at ni hindi tumuntong sa simbahan, o nagnilay sa mga tunay na mahal na araw.

Malungkot rin na sa kabila ng patuloy na pagtuturo ng Inang Simbahan para itaguyod ang tunay na mahal at mahalagang mga pagpapahalagang Kristyano, (values), may mga taong ang higit na pinahahalagahan ay ang mungkahi ng America, at ng mga kompanyang gumagawa ng mga sari-saring paraan upang bawasan ang tao sa daigdig.

Pagtalikod ang kanilang tugon sa mahal na pag-aalay ng Diyos ng sariling anak, at malayang pagbubuhos ng sariling dugo at buhay ng bugtong na Anak ng Diyos.

Sa araw na ito, na sukdulan at rurok ng mga mahal na araw, dalawang tao ang ipinakikita ng mga pagbasa bilang ating huwaran. Una, si Maria Magdalena. Maaga pa at madilim, ay nasa gawing puntod na siya upang gawin ang dapat gawin sa kalilibing pa lamang na kanyang Panginoon. Nabigla siya sa pagkakita na nahawan ang batong takip ng puntod. Hindi siya nagsiyasat. Hindi siya nag-usyoso. Hindi siya nagkunwaring isang siyentipiko at isang imbestigador. Wala siyang anumang teoriya o hipotesis. Wala siyang anumang hinuha o hula. Wala siyang anumang inakala. Kagya’t siyang tumalikod at tumakbo, patungo kay Simon Pedro. Kagya’t siyang humangos upang ihatid ang balita!

Ito ay ginawa niya dahil sa kanyang pananampalataya! Tumalikod at tumakbo upang mamahagi at mamalita!

Malungkot na sa ating panahon, kay raming tumatalikod na lamang at sukat sa Panginoon. Subali’t ang pagtalikod na ito ay walang pakay, walang saysay, walang patutunguhan. Ito ang pagtalikod ng mga taong sabi nila ay Katoliko sila, nguni’t labag ang kilos at pangaral sa utos ng Simbahang katawang mistiko ni Kristo.

Malungkot na sa ating panahon, kay raming ang turing sa mga mahal na araw ay mahalagang araw lamang para sa sarili, para sa ikabubuti ng kanilang katawan, para sa mga pansariling mga pagpapakasasa sa sarili. Tumatalikod lamang sila at sukat, wala nang iba pang dahilan.

Si Juan na mabilis tumakbo ay nauna kay Pedro. Hindi siya nagsiyasat. Hindi rin siya nag-usyoso. Hindi rin siya nagkilos imbestigador. Hindi teoriya ang kanyang hatid. Hindi hipotesis, o isang hinuha lamang. Pananampalataya ang kanyang dala. Pananampalataya ang nag-udyok sa kanya upang sumandaling tumalikod at magbigay-daan sa pinuno nilang si Pedro.

Kay raming marurunong sa ating bayan. Kay raming mga pagsasaliksik ang kanilang binabanggit at pinanghahawakan, mga pagsasaliksik na salungat sa napakarami nang mga pagsasaliksik na nauna. Handa silang tumalikod sa buhay. Handa silang sumiphayo sa inosenteng buhay, at gumanap bilang pulis ng patuloy na pagdami ng tao sa mundong ibabaw. Handa silang tumalikod sa tinig ng Diyos at mag-astang tila Diyos na nagpapasya sa buhay at kamatayan ng ibang tao. Hand silang tumalikod sa angking dignidad ng tao na hindi kailanman dapat talikuran ninuman.

Ngunit sa araw na ito ng muling pagkabuhay, dalawang nilalang ang sa atin ay nangangaral – si Maria Magdalena at si Juan. Pareho silang tumalikod sumandali sa ngalan ng kanilang pananampalataya. Subali’t sa wakas ang kanilang pagtalikod ay walang iba kundi pagtalima, pagsunod, pakikibagay at pakikisama sa “mahal” na kalooban ng Diyos!

Ang mga nagdaang araw ba para sa iyo ay naging mahal? O mas minahal mo pang tumalikod na lamang at sukat sa Diyos na gumapi sa buhay, at nagkaloob ng buhay na hindi dapat pakialaman ninuman? Naging mga araw ba ito ng pagtalikod o pagtalima?