frchito

Archive for the ‘Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

TAPAT, SAPAT, DAPAT

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Pebrero 23, 2009 at 20:31

ash_wedsm

Miercoles ng Abo (Taon B)
Febrero 25, 2009

Mga Pagbasa: Joel 2:12-18 / 2 Cor 5:20 – 6:2 / Mt 6:1-6, 16-18

Simula na naman ng Kwaresma – kwarentang araw ng paghahanda sa pinakadakilang kapistahan ng pananampalatayang Kristiyano, ang muling pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo. Ang simula ay pinasisinayaan ng isang tradisyong matagal nang panahon ang pinagdaanan – ang pagpapahid ng abo sa noo ng mga sumasampalataya.

Nagsisimula ang kwaresma sa isang tanda. Isa ito sa maraming pang tanda na matutunghayan natin sa kabuuan ng panahong ito. At sa unang araw na ito, ang malalim na kahulugan ay binibigyang-liwanag ng mga pagbasa. Simulan natin kay Propeta Joel.

Nananawagan si Joel sa isang malawakang pag-aayuno, pagsisisi sa kasalanan, at pagbabalik-loob sa Diyos. Walang pag-aatubili ang kanyang pagpapasyang manawagan ng ganoon. Ni isa mang hibla ng pagdududa ay makikita sa kanyang mga kataga. Tapat ang kanyang pagkakilala sa Diyos. At tinatapat din niya ang mga nakikinig sa kanya. Tapatan niyang ipinangaral ang katotohanan tungkol sa Diyos: “Sapagka’t lubha Siyang maawain, banayad sa pagkagalit, mayaman sa kabaitan, at madaling maglubag ang kalooban.”

Ito ang tapat na pangaral at pagkakilala ni Propeta Joel sa Diyos ng mga Israelita. Tapat ding tinugunan ng Diyos ang pagkakilalang ito: “Natinag ang Panginoon at ito ay naghatid sa kanya upang magdalang-habag sa kanyang bayan.”

Ang tapat na pagkakilalang ito ni Joel sa Diyos ay tinapatan din ni Pablo. Hindi na siya naghanap pa ng iba. Ang pagiging tapat ng Diyos ay naging sapat na sa kanya. Sapat na itong pagkabatid at pagkakilala sa Diyos upang magbunsod kay Pablo na manghinuhod sa kanyang ngalan upang magbalik-loob ang lahat sa Diyos. At sapat na rin sa kanya ang pangkasalukuyang panahon. Ang “ngayon” aniya, ang tamang oras upang maligtas. “Ang araw na ito ay kaaya-ayang panahon; tingni, ito ang araw ng inyong kaligtasan.”

Ngayon, hindi bukas … sapat na ang araw at sandali na ito. Hindi na dapat maghanap pa ng iba.

Ang ebanghelyo naman ay isang aral tungkol sa kung ano ang dapat. Kung tapat ang Diyos at hindi mapagbalatkayo … kung tapat ang kanyang pag-ibig at pagpapatawad … kung sapat na ang kanyang pag-ibig at pagmamalasakit sa atin, ay mayroon namang dapat tayong gampanan. Mayroon tayong dapat na pagsikapan, na humihigit sa pakitang-tao lamang.
Una sa lahat, dapat na gumawa ng tama at magaling … para sa Diyos at sa kapwa, hindi para makita lamang ng tao. Dapat na kung magbibigay ng limos ay wala nang mga tarpaulin na nagsasabi sa lahat na ito ay proyekto ng kagalang-galang na politico o sino man. Dapat na kung magdarasal, ay hindi na sa Luneta, o sa Shangri-La hotel, upang makita ng ABS-CBN network. Dapat na kung mag-aayuno din lamang, ay hindi na mag-aayos at magagayak na parang inabuso at nilampaso, bagkus dapat magsuklay at mag-ayos ng sarili bilang maikubli sa madla ang pagpapakasakit na ginagawa.

Tapat ang Diyos. Tapat ang kanyang pag-ibig. Sapat na ang katotohanang ito para sa atin. Wala na dapat tayong hahanapin pa.

Ang penitensya na kaakibat ng kwaresma ay hindi lamang mga pagpapahindi sa sarili na madaling sukatin at bilangin. Hindi lamang ito mga gawaing madaling ipeke, madaling gayahin, tulad ng mga pekeng mga polo, mga cellphones, at kung ano-ano pa na galing sa Tsina.

Ang penitensya na kaakibat ng kwaresma ay panloob muna bago ito maging panlabas. Bago ito maging dapat, ito muna ay kinakailangang maging tapat. Kung ito ay tapat, wagas, at tunay, ay wala nang dapat hanapin pa. Sapat na ito sa Diyos. Sapat na ito sa Kanya na ngayon mismo sa araw na ito ay nagdudulot ng kaligtasan sa atin: “Sa isang kaaya-ayang panahon ay dininig kita; sa araw ng kaligtasan ay tinulungan kita.”

Tapat ang Diyos sa atin. Sapat nang salaysay ito. Wala nang pasakalyeng kailangan; wala nang dugtong ang kailangan pa. Ang kulang na lamang ay kung ano ang dapat … ang dapat nating gawin upang maging makatotohahanan sa buhay natin ang kaligtasang kaloob Niya.

ICM House of Prayer
C. M. Recto, Baguio City
February 23, 2009

KETONG, KULONG, KANLONG, SULONG!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Pebrero 13, 2009 at 09:04

leper

Ika-6 na Linggo ng Karaniwang Panahon (Taon B)
Febrero 15, 2009

Mga Pagbasa: Lev 13:1-2,44-46 / 1 Cor 10:31 – 11:1 / Mk 1:40-45

Maraming kaso ng ketong sa lipunan natin … mga taong walang masulingan, mga nilalang na hindi katanggap-tanggap sa nakararami, mga kaluluwang hindi napapansin, hindi pinahahalagahan – at higit sa lahat, mga mukhang iniiwasan, tinatakasan, tinatakbuhan nang papalayo, hindi papalapit.

Ang lahat ng uri ng ketong na ito ay may iisang katangiang makikita sa lahat – pawa silang tila nakakulong – kulong sa isang malarehas na piitan sa pag-iisip at pagtingin ng kapwa. Mahirap humulagpos, mahirap umungos sa pagkagupiling sa piitang ito ng guni-guning nalihis ang landas sa maling akala, maling pang-unawa, at lalung maling mga panukala.

Nagtitipon tayo bilang mga mananampalataya tuwing araw ng Linggo upang makibahagi sa magandang balitang dulot ng ating Mananakop at Tagapagligtas. Para sa marami sa atin, tanging ito na lamang ang puede nating panghawakan … tanging itong pangako na lamang ng Diyos ang pag-asa natin. Kung titingnan natin ang kalakaran ng lipunan, napakaraming mga bagong piitang nagkukulong sa atin: terorismo, katiwalian, karahasan, kadayaan, at kawalang pagtalima sa kalooban at kautusan ng Poong Maykapal.

Ang ketong sa lipunan at panahon natin ngayon ay malayo sa pangkatawang suliranin, subali’t parehong pareho ang bunga at epekto nito sa atin. Tinatawag na “new forms of poverty” – mga bagong anyo ng kahirapan o dili kaya’y panibagong uri ng alienasyon sa lipunan, kay dami sa atin ang walang tinig, wala ni gaputok na kakayahang mangusap, marinig ang hinaing, at mapakinabangan ang ating niloloob. Kay dami ngayon ang tila nakakulong sa mga maling paniwala, mga palsong hinuha at nababalot sa alkitran ng mga panlilinlang ng mga politico at ng larangan ng mass media. Pulos propaganda na lamang yata ang lahat … ang mga patalastas ay nagkukulong sa marami sa kaisipang hindi sila ganap na liligaya kung walang ganito o ganoong gamit o damit. Ang mga propaganda political ay nagkukulong sa marami sa isang larawan ng lipunan na umiinog sa tinawag na “bata-bata system.” Kulong ang mga walang kaya at mangmang sa mga pangakong hungkag ng mga politicong ang tangi namang pakay ay mapanatili ang sarili hangga’t maaari sa kapangyarihan.

Narinig natin sa unang pagbasa kung paano ang lumang kautusan ay nagsabing ang ketongin ay kumbaga’y dapat kulungin sa isang uri ng pamumuhay na dapat iwasan ng balana. Subali’t narinig din natin kung paano ang lumang kautusang ito ay pinapagpanibago ni Kristo at ang pagkakulong, ay nauwi sa pag-aalay ng sarili niya bilang isang kanlong – isang bahay na maaaring uwian, isang bubong na maaaring maging silong sa init ng pagtanggi ng kapwa. Ito ang ating ipinagmamakaingay sa araw na ito: “Bumabaling ako sa Iyo, Panginoon, sa sandali ng kapighatian, at ako’y pinupuno Mo ng kagalakan at kaligtasan.”

Ito ang magandang balita na tinutumbok ng ebanghelyo sa araw na ito. Bagama’t ang ketongin ay walang karapatang lumapit man lamang kaninuman, ayon sa lumang kautusan na narinig natin sa unang pagbasa, ang pagnanasa ng isang may ketong na kulong sa loob ng maling paniniwala ng balana, na makatagpo ng isang kanlungan sa init ng pagsiphayo ng tao ay nagbunsod sa kanya upang lumapit kay Kristo. Kanlong ang hanap niya sa init ng pagkakakulong na ito. At kanlong ang hatid ng Panginoon.

Si Kristo ay hindi lumayo, hindi tumakas, hindi umaskad ang nguso sa pagtanggi sa taong napipiit sa kulungang kinasadlakan. Bagkus lumapit siya, at hindi lamang iyon, iniunat ang kamay at hinipo ang may ketong. “Nais ko. Gumaling ka nawa.” At kapagdaka’y gumaling ang lalaking may ketong.

Ang antipona (bersikulo) sa pambungad ay angkop na angkop sa paksain natin ngayon. Hiniling natin sa Diyos: “Panginoon, ikaw ang aking muog ng katiyakan, kalakasan at kaligtasan. Alang-alang sa Iyong ngalan, ihatid Mo ako sa tamang landas.”

At ito ang isa sa tamang landas na dapat nating tahakin, matapos tumanggap ng kanlong, silong, at bagong pagsilang mula sa Panginoon.

Ang lalaking ketongin ay hindi lamang niya pinagaling. Inatangan niya ang ketongin na naging malinis ng isang tungkulin. Nang makatanggap ng kanlong at lugar upang sumilong sa init ng pagtatangi at pagtanggi ng lipunan, pinabalik ni Kristo ang lalaki sa parehong lipunan na nagsiphayo sa kanya. “Humayo ka sa mga pari at pasuri at mag-alay na nararapat ayon sa batas ni Moises. Sapat na patunay na iyon sa kanila.”

Bilang isang guro na 32 nang taong nagtuturo, bilang isang pari sa nakalipas nang 26 na taon, hanga ako sa mga nagbabalik at nagpapasalamat. Saludo ako sa mga nilalang na, sapagka’t galing sila sa isang madilim o mapait na karanasan, at naihango sila mula duon sa biyaya ng Diyos, at nagbalik upang kumilala ng kabutihang kanilang natanggap. Ito ang mga taong umahon, hindi lamang sa ketong, kundi sa pagkaka-kulong. Ang biyaya ng Diyos ay naging silong o kanlong sa ilalim ng nakapapasong init ng suliranin o pagkakaiba sa balana.

Nguni’t tulad ng kwento ng sampung ketongin sa ebanghelyo at iisa lamang ang nagbalik upang magpugay sa Panginoon, ang taong nagbubunyi at nagpupuri sa Diyos matapos makatanggap ng silong o kanlong ay siyang umaako sa utos ni Kristo upang ang pagpapasalamat ay mauwi sa pagsulong – sa pagpapalawig ng magandang balita ng kaligtasan.

Lahat tayo ay galing sa lusak ng kasalanan … Lahat tayo ay hinango mula sa kalalimang ito ng kabuktutan, kung saan tayong lahat ay nakulong. Ang naghango sa atin ang Siyang nagdulot sa atin ng kanlong at paglaya sa kulungan ng kasalanan.

Siya ring naghango sa atin ang Siya ring nag-aatang sa atin ngayon ng tungkuling tumulong sa iba upang sumulong palapit sa kahariang dulot Niya.

Ang ketong natin ay pinalitan ng kanlong ng pag-asa at kaligtasan. Tungkulin na natin ngayon ang isulong ito tungo sa ikalalaganap ng kaganapan ng kaligtasang ito.