frchito

Archive for the ‘Pagsilang ng Panginoon’ Category

ALINGASNGAS LANG BA?

In Pagsilang ng Panginoon, San Juan Bautista, Tagalog Homily, Taon A on Enero 6, 2014 at 20:14

images

N.B. May mahabang biyahe ako simula bukas, patungong Eastern Samar upang maghatid ng kaunting tulong sa mga nangangailangan, kung kaya’t akin nang ginawa ang dapat kong gawin pa sa darating na Biyernes.

Pagbibinyag sa Panginoon (A)
Enero 12, 2014

ALINGASNGAS LANG BA?

Puno ngayon ng alingasngas ang maraming usapin. May bulung-bulungan hinggil sa huling mga pahayag diumano ng Santo Papa. May alingasngas at ingay tungkol sa kung sino nga ba ang napupusuang tatayong unang kandidato sa halalan sa darating na 2016.

May mga taong wala mang alingasngas ay may alam, may pinanghahawakan, at may panuntunang sinusundan. Kung ang pag-uusapan ay kaalaman, walang lalampas sa mga eskriba at Pariseo noong panahon ni Kristo. Ang mga eskriba ay mga tagasulat, taga kopya, taga limbag. Wala pa noong mga printer, mga kompyuter, at mga tablet. Kung marunong kang magsulat ay lamang ka, hindi lamang sa paligo, kundi sa kaalaman.

Kung meron mang taong nakababatid kung saan isinilang ang Panginoon, ang mga iyon ay walang iba kundi ang mga eskriba. Alam nila ang kabuuan ng batas at ng panulat ng mga propeta. Bakit hindi, ay sila ang naglilimbag sa mga parchment o balat ng hayop. Sila lamang ang marunong magbasa at magsulat.

Pero hindi ba kayo nagtataka? Hindi mga pariseo at eskriba na maraming alam ang tumayo, naglakbay, at naghanap sa baong silang na pangakong sanggol. Tanging mga mago lamang, na nakarinig lamang ng isang alingasngas ang siyang pumulas at naglakbay, at nagsikap upang makita ang sanggol na bagong silang.

Alingasngas lamang ang kanilang batayan.

Kung minsan, mas mabuti yata ang walang masyadong kaalaman. Noong isang Linggo, sinabi nating ang kaalaman, na hindi galing sa makalangit na karunungan, ay walang kahihinatnan. Hindi sapat ang maging maalam. Mas mahalaga ang maging marunong, mapanuri, mapagsiyasat, mapag-kilatis, at saka lamang magpapasya.

Pero kapag ang taong may wastong karunungan ay nagpasya, hindi siya titigil hangga’t hindi natatapos at natutupad ang pinagpasyahan.

Natural lamang na isipin na ang maalam o may alam ang siyang dapat unang kumilos, di ba? Pero ang kwento sa ebanghelyo ay hindi ganito. Walang ginawa ang maalam. At sino ang naghanap? Ang mga mago na tanging alingasngas lamang ang batayan.

Samakatuwid, alingasngas baga ang mahalaga? Hindi. Ang mahalaga ay ang pagkilos, paggawa, pagtupad at pagsasakatuparan ng kung ano mang pinagpasyahan. Kay raming taong walang ginawa kundi mag-isip, magmuni-muni, gumawa ng plano, mag-analisa, magsuri, pero walang nararating liban sa paralisis ng walang katapusang analisis.

Nais kong isipin na hindi ganito ang nangyari sa ipinagdiriwang natin ngayon. Matapos magsuri at magkilatis si Isaias, naging megapon siya ng Diyos nang siya ay nagbitiw ng hula: “ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.” Nang makita ni Isaias ang katotohanan, ipinasya niyang ipangaral at ipahayag ang totoo.

Ganoon din sa wari ko ang ginawa ni Pedro. Nang makilala niya ang Diyos, siya man ay nagwika at nangaral o nagpahayag: “Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang hinirang.” Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Pedro. Natuto na siya nang kanyang itinatwa ang Panginoon ng tatlong beses noong gabing siya ay ipagkanulo ni Hudas.

Para kay Isaias, at para kay Pedro, hindi lang alingasngas ang tungkol sa Mananakop at Mesiyas.

Pero ito ang mas matindi. Sa simula ay isa rin lamang alingasngas ang balita ni Juan Bautista. Hindi niya tahasang kilala si Kristo, pero wala siyang problemang igiit sa mga nagtanong sa kanya: “Hindi ako ang Mesiyas. Mayroong darating na mas dakila kaysa sa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.”

Nang makita niya ang Panginoon, lalung hindi siya nangiming sabihin: “Ito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Ang alingasngas ay napalitan ng matibay at tiyak na patunay at pagiging saksi.

Kailangan pa ba natin si Isaias? Oo. Kailangan pa ba natin si Pedro at ang kanyang patotoo? Oo rin. Kailangan pa rin ba natin si Juan Bautista? Oo, kailangan pa rin. Pero ang ating patotoo ay hindi na lamang sabi-sabi, ayon kay Isaias, o ayon kay Pedro o ayon kay Juan. Ang ating patotoo ay batay na ngayon sa walang kapantay na nagpatotoo kay Kristo – walang iba kundi ang Diyos na mismo: “Ito ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan!”

Magpapadala pa ba tayo sa alingasngas? Puede. Tulad ng mga mago napadala sila sa alingasngas at humayo at naghanap. Pero nang matagpuan na nila, ang kanilang paniniwala ay hindi na lamang batay sa alingasngas, kundi batay sa patotoo ng Siyang hindi maaaring malinlang at hindi makapanglilinlang.

Hala! Wag lang mapadala sa sabi-sabi … Humayo, maghanap, at manindigan sa kanyang ngalan!

WASTONG PAGKILALA; TAMANG PAGPAPASYA

In LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Taon A on Enero 4, 2014 at 18:09

images

Linggo ng Epipaniya (A)
Enero 5, 2014

WASTONG PAGKILALA; TAMANG PAGPAPASYA

Wagas kung magwika ang mga paham. Madulas ang dila ng mga maaalam. Nguni’t tunay na matinik ang gawa ng matatalas at matatalino. Pero gaya nga ng kasabihan, matalino man ang matsing, ay napaglalalangan din!

Maalam si Isaias. Nakita niya ang darating na kahiwagaan: “Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon!” Maalam rin si Pablo. Mula sa dating tagapag-usig ng Simbahan, ay nakita niya ang liwanag ng katotohanan at naging apostol ni Kristo. Aniya, “dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan … ang kanyang lihim na panukala.”

Pero merong bukod sa pagiging maalam, ay matalas rin. Tulad ni Herodes … matalim ang mata sa mga posibleng karibal. Nangamba siya dahil nabalitaang may bagong silang na sanggol sa Belen. At lalong naging diskumpiyado nang mabalitaang may mga paham na parating upang siya ay parangalan at pagpugayan.

Maalam ang mga paham. E di ba ito ibig sabihin ng paham? Pero hindi lang sila maalam at matalas … mapagmatyag at mapagsiyasat rin … Nang malamang may ibang balak ang haring inggitero, nag-iba sila ng landas. Disin sana ay naging Gestapo sila, secret police na nagbigay ng impormasyon tungkol sa most wanted child alive, better dead!

Ang lipunan natin ay pinamumugaran ng sandamakmak na maalam. Magaling silang pumeke ng pirma. Magaling silang magtago ng pera ng bayan. Madulas ang mga NGO na nakapag-iimbento ng mga proyekto. Matalas ang mga legislador na wala raw kinalaman sa pagkawaldas ng pera, pero naglalakihan ang mga bahay dito, doon, at doon pa sa malalayong bansa.

Matatalino ang mga kandidatong tatlong taon pa ay gumagawa na ng paraan upang sila ang manalo. Di ba’t ito ang dahilan kung bakit 57 katao ang minasaker sa Mindanao na hanggang ngayon ay wala pang kalutasan?

Si Isaias ay maalam. Si Pablo ay naging paham, bagama’t sa simula ay makitid ang isipan at naging taga-usig ng mga Kristiyano. Ang mga Mago ay di hamak na maalam rin. Pero may kaibahan ang maaalam lamang at ang taong mapagsiyasat, mapagmasid, marunong at may tamang pagpapasya. Hindi talino ang kailangan dito, kundi pag-ibig sa Diyos, at pagmamalasakit sa kapakanang pangkalahatan.

May hangganan ang katalinuhang makamundo. Naagnas rin si Herodes. Namatay ang mga mamamatay-taong tulad nina Idi Amin, Hitler at iba pa. At bagama’t patuloy na kinamumuhian ang Simbahan, kahit kaming mga pari ay hindi nagtagumpay ibagsak ito.

May dalang aral para sa atin ang mga Mago. Dapat maging higit sa matalino at maalam. Kailangan ng karunungang espiritwal at makalangit. Hindi sapat ang maging matalas, madulas, at matikas. Kailangan higit sa lahat ng dunong mula sa itaas.

Ito ang wastong pagkilala at tamang pagpapasya … ang malaman kung ano ang tama at dapat, at ang matutong gumawa ayon sa tama at nararapat.

Huwag tayon manatiling mga tuso na para lamang matsing. Maging maalam, marunong, mapagmasid, mapagsiyasat, at mapag-kilatis. Alamin ang tama at dapat. At gawin kung ano ang tama at dapat ayon sa wastong pagkilala at pagkilatis, sa liwanag ng tala ng paggagabay ng Diyos!