frchito

Posts Tagged ‘Katapusan ng Kapaskuhan’

ALINGASNGAS LANG BA?

In Pagsilang ng Panginoon, San Juan Bautista, Tagalog Homily, Taon A on Enero 6, 2014 at 20:14

images

N.B. May mahabang biyahe ako simula bukas, patungong Eastern Samar upang maghatid ng kaunting tulong sa mga nangangailangan, kung kaya’t akin nang ginawa ang dapat kong gawin pa sa darating na Biyernes.

Pagbibinyag sa Panginoon (A)
Enero 12, 2014

ALINGASNGAS LANG BA?

Puno ngayon ng alingasngas ang maraming usapin. May bulung-bulungan hinggil sa huling mga pahayag diumano ng Santo Papa. May alingasngas at ingay tungkol sa kung sino nga ba ang napupusuang tatayong unang kandidato sa halalan sa darating na 2016.

May mga taong wala mang alingasngas ay may alam, may pinanghahawakan, at may panuntunang sinusundan. Kung ang pag-uusapan ay kaalaman, walang lalampas sa mga eskriba at Pariseo noong panahon ni Kristo. Ang mga eskriba ay mga tagasulat, taga kopya, taga limbag. Wala pa noong mga printer, mga kompyuter, at mga tablet. Kung marunong kang magsulat ay lamang ka, hindi lamang sa paligo, kundi sa kaalaman.

Kung meron mang taong nakababatid kung saan isinilang ang Panginoon, ang mga iyon ay walang iba kundi ang mga eskriba. Alam nila ang kabuuan ng batas at ng panulat ng mga propeta. Bakit hindi, ay sila ang naglilimbag sa mga parchment o balat ng hayop. Sila lamang ang marunong magbasa at magsulat.

Pero hindi ba kayo nagtataka? Hindi mga pariseo at eskriba na maraming alam ang tumayo, naglakbay, at naghanap sa baong silang na pangakong sanggol. Tanging mga mago lamang, na nakarinig lamang ng isang alingasngas ang siyang pumulas at naglakbay, at nagsikap upang makita ang sanggol na bagong silang.

Alingasngas lamang ang kanilang batayan.

Kung minsan, mas mabuti yata ang walang masyadong kaalaman. Noong isang Linggo, sinabi nating ang kaalaman, na hindi galing sa makalangit na karunungan, ay walang kahihinatnan. Hindi sapat ang maging maalam. Mas mahalaga ang maging marunong, mapanuri, mapagsiyasat, mapag-kilatis, at saka lamang magpapasya.

Pero kapag ang taong may wastong karunungan ay nagpasya, hindi siya titigil hangga’t hindi natatapos at natutupad ang pinagpasyahan.

Natural lamang na isipin na ang maalam o may alam ang siyang dapat unang kumilos, di ba? Pero ang kwento sa ebanghelyo ay hindi ganito. Walang ginawa ang maalam. At sino ang naghanap? Ang mga mago na tanging alingasngas lamang ang batayan.

Samakatuwid, alingasngas baga ang mahalaga? Hindi. Ang mahalaga ay ang pagkilos, paggawa, pagtupad at pagsasakatuparan ng kung ano mang pinagpasyahan. Kay raming taong walang ginawa kundi mag-isip, magmuni-muni, gumawa ng plano, mag-analisa, magsuri, pero walang nararating liban sa paralisis ng walang katapusang analisis.

Nais kong isipin na hindi ganito ang nangyari sa ipinagdiriwang natin ngayon. Matapos magsuri at magkilatis si Isaias, naging megapon siya ng Diyos nang siya ay nagbitiw ng hula: “ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.” Nang makita ni Isaias ang katotohanan, ipinasya niyang ipangaral at ipahayag ang totoo.

Ganoon din sa wari ko ang ginawa ni Pedro. Nang makilala niya ang Diyos, siya man ay nagwika at nangaral o nagpahayag: “Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang hinirang.” Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Pedro. Natuto na siya nang kanyang itinatwa ang Panginoon ng tatlong beses noong gabing siya ay ipagkanulo ni Hudas.

Para kay Isaias, at para kay Pedro, hindi lang alingasngas ang tungkol sa Mananakop at Mesiyas.

Pero ito ang mas matindi. Sa simula ay isa rin lamang alingasngas ang balita ni Juan Bautista. Hindi niya tahasang kilala si Kristo, pero wala siyang problemang igiit sa mga nagtanong sa kanya: “Hindi ako ang Mesiyas. Mayroong darating na mas dakila kaysa sa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.”

Nang makita niya ang Panginoon, lalung hindi siya nangiming sabihin: “Ito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Ang alingasngas ay napalitan ng matibay at tiyak na patunay at pagiging saksi.

Kailangan pa ba natin si Isaias? Oo. Kailangan pa ba natin si Pedro at ang kanyang patotoo? Oo rin. Kailangan pa rin ba natin si Juan Bautista? Oo, kailangan pa rin. Pero ang ating patotoo ay hindi na lamang sabi-sabi, ayon kay Isaias, o ayon kay Pedro o ayon kay Juan. Ang ating patotoo ay batay na ngayon sa walang kapantay na nagpatotoo kay Kristo – walang iba kundi ang Diyos na mismo: “Ito ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan!”

Magpapadala pa ba tayo sa alingasngas? Puede. Tulad ng mga mago napadala sila sa alingasngas at humayo at naghanap. Pero nang matagpuan na nila, ang kanilang paniniwala ay hindi na lamang batay sa alingasngas, kundi batay sa patotoo ng Siyang hindi maaaring malinlang at hindi makapanglilinlang.

Hala! Wag lang mapadala sa sabi-sabi … Humayo, maghanap, at manindigan sa kanyang ngalan!

Advertisement

LINGKOD NA ITINAAS, PINILI AT KINALUGDAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Enero 4, 2010 at 17:10

BINYAG NG PANGINOON
Enero 10, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 40:1-5, 9-11 / Gawa 10:34-38 / Lukas 3:15-16-21-22

Paumanhin sa taga-basa: ako ay masyadong natabunan ng gawain matapos ang simbang gabi kung kaya’t hindi ko nagampanan ang pinakagusto kong gawain – ang magsikap maging daan ng magandang balita sa pamamagitan ng blog na ito. Pasensya na po!

Kay bilis ang daloy ng panahon … tapos na ang panahon ng pagsilang o Kapaskuhan sa araw na ito. Noong isang linggo lamang, pinagnilayan natin ang epipaniya ng Panginoon – ang kanyang pagpapakilala sa madlang-tao. Sa araw na ito, itinutuloy natin ang paggunita sa kanyang malalim na pagpapakilala at pagpapahayag ng sarili bilang Diyos.

Pero matay nating isipin, hindi sa kanyang balikat lamang napatong ang tungkuling magpahayag at magpakilala. Ang kanyang Ama mismo, ang Diyos Ama, ang siyang nagkusa at nagbalak upang siya ay makilala ng tanan bilang Anak ng Diyos mula sa kaitaasan.

Mahabang panahon ang ginugol ng Diyos upang maganap ang pagpapahayag na ito. Isinapaloob ng Diyos ang kanyang pagpapahayag sa takbo ng kasaysayan ng bayang pinili – ng bayang Israel. Sa katunayan, sa unang pagbasa, ang mapait na karanasan ng pagkatapon sa Babilonia ang naging daan upang bigkasin ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias ang matamis na balita ng kaligtasan sa kabila ng kapaitan at kapighatian.

Mataginting ang tunog ng magandang balitang ito … ang pagpapakilala ng Diyos sa “lingkod na aking itataas na aking pinili at kinalulugdan.” Ang kapaskuhan ay walang iba kundi pagdiriwang ng naganap na ito sa ating kasaysayan – ang pagdatal ng Mananakop sa katauhan ni Kristong Panginoon!

Ito rin ang parehong magandang balitang naganap rin sa kasaysayan ng bayang hinirang ng Diyos, na mismong ang Ama sa langit ang nagwika at nagpakilala: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ito rin ang ipinagmamakaingay ni Pedro sa aklat ng mga Gawa: “Ipinagkaloob sa kanya ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang hinirang. Sapagka’t sumasakanya ang Diyos.”

Kasaysayan ang naging daan at panuto ng Diyos sa Kanyang pagpapahayag at pagpapakilala ng sarili. Ito ang malinaw na tinutumbok ng Banal na Kasulatan.

Nguni’t ang pagpapakilala ng Diyos sa pamamagitan ng kasaysayan ay nangangahulungang may kinalaman rin Siya sa takbo ng ating kasaysayan ngayon, bukas, makalawa, at magpakailanman. Siya ang Panginoon ng kasaysayan, at sa Kanya umiinog at umiikot ang takbo ng kasaysayan. Siya ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang simulain at siyang hantungan.
Bilang maestro at panginoon ng kasaysayan, mayroon siyang maaaring ituro sa kasaysayan rin natin ngayon, bukas, at kailanman, dito, doon, at saanman.

Sa yugtong ito ng kasaysayan ng ating bayan, nararapat magkatotoo sa buhay natin ang pinananampalatayanan natin, ang pinaniniwalaan natin, ang inaasam at hinihintay natin sa diwa ng pag-asa. Nais kong isipin na habang tayo ay naghahanda sa eleksyong darating, habang tayo ay namimili ng kung sino ang dapat mamuno sa atin, dapat nating kilalanin ang Diyos na nagpahayag at nagpakita sa atin sa katauhan ni Kristo. Dapat nating tandaan na ang Diyos na nagpahayag sa pamamagitan ni Kristo, ay dapat nating pakinggan at sundin.

Subali’t sa kasawiang palad, marami tayong ingay na higit na pinakikinggan. Nandiyan ang mga estasyon ng TV, mga komentarista, mga mangangalakal na silang nagluluklok halos sa mga manok na gusto nilang umupo sa kapangyarihan. Nandyan ang mga komersyanteng nakagagawa ng paraan upang ang kanilang manok ang siyang maghari at magmando sa bayang hibang na hibang sa showbiz at sa mga palabas na puro pugad ng kababawan.

Maraming tinig ang nagwiwika at nagpaparamdam. Sala-salabat ang daang tinatahak ng tapat na taong ang hangad lamang na tunay ay maglingkod at isulong ang kaunlarang pangkalahatan ng bayang Pinoy.

Batay sa kasaysayang natutunghayan natin sa Kasulatan, hindi lahat ng mga nagnanais mamuno sa bayan ay kinasihan ng Diyos. Hindi lahat ay kapani-paniwala at hindi lahat ay may angking kakayahang isulong ang kalooban ng Diyos, bagkus ang kaloobang makatao lamang nila. Hindi lahat ay may takot sa Poong Maykapal, at lalung hindi lahat ay kaanib, kapanig, at kapanalig ng taong may takot sa Diyos.

Malinaw ang turo ng kasaysayan ng kaligtasan … ang Diyos ang nagluluklok as pinunong kanyang napupusuan. Ang Diyos ang siyang dapat masunod kung ang pag-uusapan ay may kinalaman sa ating kapakanang pangkalahatan at pang kabuuan.

Maliwanag pa sa tanghaling tapat ang kaloobang pahatid Niya sa pamamagitan ni Isaias: “Ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.”

Naganap ito sa pagsilang ni Kristong Panginoon. Nagaganap ito kung ang tao ay may takot sa Diyos at pumipili ng siyang karapat-dapat, hindi yaong mga ungas at sakim sa salapi at sa kapangyarihan – mga tampalasang nagkukubli sa likod ng isang mababaw na pagsasakanya ng pangaral at halimbawa ng mga personahe sa Biblia.

Nagpakilala ang Diyos sa pamamagitan ng buhay at pagkamatay ni Jesus. Ang nakakilala sa kanya ay nagpugay at tumalima sa kanyang mga pangaral. Walang saysay ang anumang gimik, anumang palamuti, at anumang mga ka-ek-ekan kung walang kumilala at tumalima sa kanyang mismong ang Diyos ang nagwika: “Ito ang pinakamamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”

Handa ba tayong pumili ng pinunong napupusuan ng Diyos? Handa ba tayong sumunod sa kanyang mismong si San Juan Bautista ang nagwika: “Hayan ang kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.”

Siya ay Diyos at tao … taga-sunod at pinuno … Guro at Panginoon … payak, dukha, at mayamang walang katulad … lingkod na itinaas, pinili at kinalugdan!