frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pasko’ Category

SA BAHAY NG AKING AMA!

In Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon K, Uncategorized on Disyembre 26, 2015 at 10:11

Banal_na_Pamilya_2015[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kapistahan ng Banal na Pamilya

Disyembre 27, 2015

SA BAHAY NG AKING AMA!

Walang Pasko kung wala ang pamilya. Ang Pasko ay laging kaakibat at kaugnay sa pamilya.

Nakita ko ito noong bisperas ng Pasko. Libo-libo ang nagsikap humabol at umuwi patungong bahay, kahit na siksikan at mahaba ang pila sa mga istasyon ng bus patungong probinsiya. Sa mga posting sa facebook, damang-dama ko ang mga kaibigan kong malayo sa pamilya sapagka’t nasa trabaho sa abroad. Para sa Pinoy, ang pasko at pamilya ay hindi puedeng paghiwalayin.

Tamang-tama at matapos ang araw ng Pasko, ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang pista ng Banal na Pamilya. Pati ang pamilya ni Jose, Maria at Jesus ay nagbuklod matapos siya isilang. Pero sa naiibang paraan …

Matapos siya isilang ang buhay ng banal na pamilya ay hindi na pareho. Pinag-usig ang bata, pinagbantaan, at pumatong sa kanilang mga ulo ang matinding problema at paghamon nang kung paano pananatilihing buo ang kanilang pamilya.

Ito ang dahilan kung bakit sila nangibang-bayan, tulad ng maraming Pinoy na nagtitiis nang malayo sa pamilya, maitawid lang sila sa kahirapan. Ang dati nilang buhay na simple ay naging komplikado nang pinagbalakang gawan ng marahas ang sanggol dahil sa inggit ni Herodes.

Ang pamilya ngayon ay nagdadaan rin sa maraming modernong pagsubok at paghamon. Nariyan ang pagsubok ng pagwawalang-halaga sa buhay – ang walang habas na pagpaslang sa mga inosente. Nariyan ang pagsubok ng droga at masasamang gamut … nariyan ang paghamon galing sa isang kulturang ang inuuna ay pagpapasasa sa sarili, at pagiging makasarili at mapaghanap lamang ng luho at sarap sa katawan.

Nariyan rin ang paghamon na galing sa katotohanang hindi sapat ang trabaho sa bansa, at kung meron man, ay hindi naman sapat ang kita. Kung ang banal na pamilya ay napilitang mangibang-bayan, ngayon rin, maraming pamilya ang nagkakahiwa-hiwalay sa paghahanap ng magandang kinabukasan.

May isang araw na turo sa atin ang banal na pamilya. Una at higit sa lahat, ang paglalagay sa unang hanay ng pagtupad ng kalooban ng Diyos ang siyang dapat bigyang-pansin ng lahat.

Si Jesus ay lumisan sa kanilang pamilya, at ito ay ikinalungkot ng kanyang mga magulang. Tinanong siya nang siya ay matagpuan, at ito naman ang kanyang sinabi: “Hindi nyo ba alam na nararapat akong magtungo sa bahay ng aking Ama?”

Sa harap ng paghamon at pagsubok sa atin, iisa ang dapat nating unahin – ang pagtupad sa kalooban ng Diyos!

Ang pananatili sa bahay ng Ama ang ibig sabihin nito – hindi ang pakikituluyan sa bahay ng may bahay. Hindi tayo mga taga hotel lamang, o nakatira sa mga bahay panuluyan. Kailangan natin ng isang uwian, ng isang tahanan o tiyak na tirahan kung saan dapat magmula ang paggawa ng mabuti at tama.

Simulan natin sa dapat pagsimulan. Umuwi muna tayo sa Diyos. Tumuloy muna tayo sa tahanan … simulan natin ang misyon natin mula sa “bahay ng ating Ama!”

Ikaw, saan ka ba nakatira?

GAWIN LAMANG ANG TAMA!

In Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 27, 2013 at 11:57

HolyFamily

Banal na Mag-anak (Taon A)
Disyembre 29, 2013

GAWIN LAMANG ANG TAMA!

Nagbabago ang kultura sa bayan natin. Nauso na ang mga Misa sa malls at mayroong mga malls na halos parang parokya na ang dating: may anticipated Mass sa gabi ng Sabado, at may apat na Misa sa buong araw ng Linggo. Bagama’t wala akong problema sa Misa sa ibang lugar kung kinakailangan, mayroon akong nakikitang hindi magandang dulot ng mga Misa na isinasagawa sa mga shopping centers na pampubliko.

Una, maraming taong dumadaan, pati mga taong hindi naniniwala sa Misa o walang pagpapahalaga dito. Ikalawa, malapit ang mga bilihan ng laruan at kainan para sa mga bata … Ikatlo, walang tamang upuan at luhuran sa malls. Maraming bunga ang idinudulot nito na nakapagpapabago ng kultura at nakaka apekto sa pananampalataya at wastong pagsamba.

Hindi na para sa akin ang isa-isahin ang lahat ng ito, pero mayroon akong gustong bigyang-liwanag na may kinalaman sa pamilya, na siyang pokus ng ating pagdiriwang sa araw na ito, yaman at ang sentro ay ang banal na mag-anak.

Una, bigyang-pansin natin ang mga pagbasa. Ang lahat ay nakatuon sa wastong paggalang sa magulang. Pero ang paggalang ay hindi lamang mula sa mga bata. Ito man ay nakatuon sa isa’t isa, sa parte ng matatanda at sa parte ng mga nakababata. Ito ang turo ng ikalawang pagbasa: “Kaya dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin.”

Sa ebanghelyo naman, alam nating may isang taong walang paggalang, hindi lang sa kapwa, kundi pati na rin sa buhay. Handa siyang isangkalan ang buhay ng bata para lamang matanggal niya ang isang potensyal na hahamon sa kanyang kapangyarihan. Si Herodes ay nag-utos na pagpapatayin ang mga batang lalaking dalawang taon pababa.

Hindi na natin kailangan ng isang Herodes upang patayin ang kultura ng tama, wasto, at dapat. Sa panahon natin, dahil sa kulturang dala ng komersyo sa mall, ang mga bata ay nagtatakbuhan sa loob ng simbahan, nagkakainan, at walang pansin sa kabanalan ng mga nagaganap. Kapag nasanay sa Mall, wala nang pagpapahalaga sa kabanalang nagaganap sa Misa. Wala nang lumuluhod. Wala nang sumasamba. At sapagka’t malapit sa mga laruan at kainan, ay wala nang kakayahang maghintay, tumahimik, at makinig ang mga bata.

Mahalagang matutunan natin ang diwa ng kapistahang ito ng banal na mag-anak. Ipinagkakaloob ng Simbahan bilang isang modelo o huwaran ang banal na mag-anak ni Jesus, Jose, at Maria.

Gusto ko sanang bigyang-lagom ang huwarang ito sa tatlong salitang ginamit sa ebanghelyo: Lumisan, Umiwas, at Manatili.

Sanay tayong Pinoy sa paglisan. Mahigit 12 milyong Pinoy ang nasa abroad upang magtrabaho. Pero hindi lang kahirapan ang ating dapat iwasan. Ang banal na mag-anak ay umiwas kay Herodes. Umiwas sila hindi lamang sa masama kundi sa okasyon ng kasamaan. Isang tungkulin natin bilang tagasunod ni Kristo ang umiwas rin pati sa okasyong na naghahatid sa kasamaan.

Kung ako ang tatanungin, dapat din tayo umiwas sa anumang hindi naghahatid sa wasto, sa tama, sa nararapat, at sa anumang hindi naghahatid sa tunay na buhay maka-Diyos.

Pero may ikatlo pang salita. Manatili … dapat rin tayong manatili hangga’t ang panahon ay hindi pa tama … ang manatili sa kabutihan, sa wasto at tama, at sa nararapat. Madali ang manghinawa sa panahon natin. Madali ang mawalan ng pag-asa at sumama na lamang sa agos, o sa takbo ng lipunan. Mahirap ang manlaban para sa tama, sapagkat sa mundo natin, ang tama ang nagiging mali, at ang mali ay siyang pinalalabas na tama.

Si Mr. Gerardo Gamboa na isang taxi driver sa Las Vegas ay may mahalagang paalaala sa atin. Hindi natin kailangan maging dakila. Hindi natin kailangan gumawa ng bagay na nakagigimbal sa mundo. Simple lamang ang dapat gawin … ang manatili sa tama, lumisan sa maling gawa, at umiwas sa masama. At ano bang dapat gawin?

Simple lamang … Gawin ang tama … Gawin lang ang nararapat. Tulad ng ginawa niya … nakakita ng tatlong daang libong dolyar sa taxi niya. Hinanap ang may-ari at ibinalik. Bakit? Sapagka’t iyon ang tama!