frchito

Archive for the ‘Propeta Isaias’ Category

PAGSIKAPANG PUMASOK SA MAKIPOT NA PINTUAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Taon K on Agosto 23, 2013 at 20:27

Ika-21 Linggo ng Taon K
Agosto 25, 2013

PAGSIKAPANG PUMASOK SA MAKIPOT NA PINTUAN

Kung pasyal lang ang hanap natin, mas maiging maglakad sa malawak na daan. Walang tinik, walang dawagan, walang harang at walang katitisuran. Pero kung paghamon ang hanap mo, mas maiging maglakad sa makipot na daan. Ito ang hanap ng mga umaakyat ng bundok, liban kung tinatawag na “executive trail” ang gusto mo para lang masabing umakyat ka sa bundok.

Hindi na kailangang imemorize iyan … masarap kung maluwang at maaliwalas ang daan. Masarap mamasyal kung walang balakid at walang harang.

Nakatutuwang isipin ang pangitaing kwento ni Isaias. Magdaratingan daw ang iba-ibang mga tao mula sa lugar na hindi nila kakosa, kumbaga. Magtitipon daw pati ang mga taong walang pananampalataya sa Diyos na kinikilala ng mga Israelita. Isa itong pangitaing puno ng pag-asa, tigib ng kagalakan. Pati ang mga Israelitang may pagka suplado at walang pagtingin sa hindi nila kapanalig ay magiging kasama ng mga pagano sa kanilang pagsamba at pag-aalay ng sakripisyo sa dambana.

Nais ko sanang panghawakan natin ang pag-asang ito. Marami ang nagaganap sa ating kapaligiran at sa ibang lugar sa mundo. Kahindik-hindik ang sinapit ng maraming taga Syria nang sila ay pasabugan ng Sarin gas habang natutulog. Kahabag-habag ang dinaranas ng mga Kristiyano sa Egipto, kung saan mayroon ring sigalot na nagaganap. Ang ating bayan ay muling binabalot ng pag-aagam-agam dahil sa usaping pork barrel, at muling nagkakahati-hati ang taong bayan.

Hindi malawak ang landas na nilalakaran natin ngayon. Hindi maaliwalas at walang maliwanag na pangakong napipinto. Mahirap ang magpasya kung saang panig tayo at kung saan tayo susuling. Mahirap rin ang manatiling nasa balag ng alanganin tuwina, na walang tiyakang paninindigan, sa harap ng laganap na kawalang-hiyaang ginagawa ng mga taong dapat sana ay nangunguna sa pag-ugit ng isang magandang tadhana para sa bayan.

Pero hindi totoo na wala tayong magagawa. Meron tayong kakayahang umugit ng pagbabago. At ito ay nagmumula sa pusong handang magbata ng hirap, handang tumahak sa isang landasing hindi man malawak, ay siyang naghahatid sa wasto, sa tama, at sa kaaya-aya.

Ito ang binigyang-pansin ng liham sa mga Ebreo: “Tiisin ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagka’t ito’y nagpapakilalang kayo’y inaari ng Diyos na kanyang mga anak.” Sa madaling salita, may katuturan ang pagtitiis. May kahulugan ang paghihirap.

Hindi lang malawak ang daan ng karangyaan at kapangyarihan. Marami ang nabibili ng pera. Maraming sarap ang nakukuha ng salapi. Ngunit kung gaanong kabanayad ang agos sa maluwang na ilog, ay ganuon din kabilis ang takbo tungo sa kapariwaraan.

Noong ako ay nasa kolehiyo pa, nagtuturo ako ng katesismo sa isang baryo sa Calamba. Isang araw, habang naghihintay sa sasakyan pauwi, may nakita akong maliit na bagong tanim na puno ng mangga. Sapagka’t walang magawa, ibinuhol ko ang puno. Pagkaraan ng mahigit sampung taon, binalikan ko ang punong yaon sa tabing daan. Naroon pa ang buhol. Matigas na. Pati puno ay malaki na. At ang pinakamatigas na bahagi ay kung saan ko siya pinahirapan, sa lugar kung saan ko siya ibinuhol. Lumakas at tumibay ang bahagi ng puno kung saan siya nasugatan.

Hindi lihis sa ating usapan ang paalaala ng Panginoon sa araw na ito: “pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.” Huwag nang makisabay sa karamihan. Huwag nang magpadala na lamang sa agos at sumunod sa karamihan. Gumawa ng tama kahit na parang iilan kayong tumatahak sa daang matuwid.

IKAW NA! WALA NANG IBA!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Propeta Isaias, Taon K on Pebrero 8, 2013 at 10:08

imagesIkalimang Linggo ng Taon K

Febrero 10, 2013

Mga Pagbasa: Isaias 6:1-2a.3-8 / 1 Cor 15:1-11 / Lu 5:1-11

IKAW NA, PROPETA; WALA NANG IBA!

 

Kapag sumagi ang takot, mahirap kumilos; mahirap gumawa ng anuman. Naranasan nyo na bang kumuha ng test kung saan nakasalalay kumbaga ang inyong kinabukasan? Natatandaan ko nang kumuha kami ng eksamen para sa propesyonalisasyon ng mga guro. Kami ang unang-unang grupo na kumuha nito mula nang ito ay naging batas. Pawis na ang puwet ay pawis pa ang kili-kili at mga kamay. Hindi kami mapakali sa upuan. Gutom at uhaw kami pero hindi namin makuha kumain. At nang bumalik kami upang tingnan kung kami ay pumasa, ang daming nanginginig habang naghihintay; at lalung marami ang nag-iiyak dahil sa hindi sila kasama sa listahan.

Dama ko ang dinama ni Isaias … Hindi niya maubos maisip na siya na nga ay itinuring na propeta at nakatunghay sa Diyos: “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi.” Natako siya sapagka’t nakita niya ang Diyos, at ayon sa paniniwala ng mga Judio, walang nakakakita sa Diyos na nananatiling buhay.

Subali’t hindi lang Diyos ang kanyang nakita. Pati sarili niya ay nakilala niya at nakita sa kanyang kabuuan – isang makasalanan … isang taong hindi karapat-dapat na maging propeta.

Kung titingnan ko ang nakalipas, wala ni isang pagkakataong maituturing ko ang sarili ko bilang karapat-dapat at handa. Nang nakuha ko ang aking grado sa PRC, at naging ganap na guro, hindi ako makapaniwalang ako na nga! Nang ako ay maging pari, hindi ko maubos maisip na ako ay pinagkatiwalaan ng Diyos. Hindi ako handa. Hindi ako ganap na maalam. At lalung hindi ko tanggap na ako ay karapat-dapat. Aminin ninyo … wala isa man sa inyo ang makapagsasabing handang-handa kayo sa anuman, di ba? Baka sa inuman, puede pa.

Noong nakaraang dalawang Linggo, nakapagsabi ako ng mga hinaing sa inyo. Mahirap, ika ko, ang mangaral ngayon sa ngalan ng Diyos. Walang masyadong nakikinig. Maraming kabataan ang nagpupunta ng Simbahan na dala ang kanilang smartphone, at sa oras ng sermon ay nagpepesbuk o nagtetext. Iyong mga nakikinig ay pag nagkataon ay nagagalit, sa maraming dahilan … kesyo namumulitika raw kami, kesyo makaluma raw kami at hindi na akma sa takbo ng panahon, kesyo hindi raw nila maintindihan ang aming sinasabi, at marami pang iba. Meron pang paborito niyang itawag sa amin ay Damaso. At kahit na siya na nga ang nambastos at naglapastangan sa isang panalangin sa loob ng simbahan, ay siya pa ang bida at kawawa, ayon sa grupo ng mga artista at mamamahayag sa mainstream media.

Tingnan natin ang dalawa pang pagbasa … Pati si Pablo ay tinamaan rin ng sakit ng pangamba. Nguni’t tulad ni Isaias ay tumanggap rin ng katotohanan kung sino siya: “Ako ang pinakahamak sa mga apostol, ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin.”

Ganito nga yata ang buhay. Ganito nga yata ang pagiging apostol o propeta. Laging hindi handa. Buti pa ang mga Boy Scout, laging handa raw sila. Iyon ang akala nila…

Pati mga mangingisda ay nawawalan rin ng tiwala sa sarili at nanghihinawa. Buong magdamag ka nga naman mangisda at walang mahuli, ay narito ang guro at sabihin ba naman sa iyong pumalaot ay ihagis muli ang lambat! A ver! Kaya nyo ba yon? Puyat na nga at pagod magdamag ay may bagong saltang nanghiram na nga at lahat ng bangka ay may hatid pang liksyon kung paano at saan maganda ang huli!

Nguni’t may hatid na pangaral ang lahat ng ito. May magandang balita para sa ating puro masamang balita ang dumarating. Bagama’t nag-atubili, sumunod sila sa Panginoon na magsusugo sa kanila kapagdaka. May iba pa palang mas mahalaga kaysa sa makahuli ng isda.

At ang lahat ay nababatay sa katotohanan: ang unang katotohanan ay tungkol sa ating sarili … Hindi tayo handa. Hindi natin alam ang lahat. At lalung hindi natin kayang gawin ang gawaing Diyos lamang ang makagagawa. Pero ito ang ikalawang katotohanan: kailangan ng tulong ng Diyos – tulong mula sa taong tulad mo, tulad ko na walang angking kakayahan at kapangyarihan – mga taong gumagawa ng mga bagay na hindi nakukuha sa pa-cute at kayabangan, porma at kasinungalingan.

Ngunit may isang mahalagang hinding-hindi dapat natin kalimutan … Huwag matakot … mamalakaya … gumawa at tumalima!

Handa ka na ba? Ako, matapos nang maraming taon ay ito pa rin ang sagot … Hindi! Pero ngayon ay batid nating hindi ito ang mahalaga …

Huwag matakot! Mamalakaya! Ikaw na! Wala nang iba!