frchito

Archive for the ‘Propeta Jeremias’ Category

KINILALA, HINIRANG, ITINALAGA AT ISINUGO

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Jeremias, Taon K on Pebrero 1, 2013 at 08:31

Ika-apat na Linggo Taon K

Febrero 3, 2013

KINILALA, HINIRANG, ITINALAGA, ISINUGO

 

jeremiah-michelangeloi

 

Pagka nga naman ukol, ay talagang bubukol. Kapag ikaw na, wala nang iba. Kung ikaw ang hinirang at itinalaga, nasa balikat mo ang pananagutan at panunungkulan. Tulad ni Jeremias … batang-batang propeta na kinilala, hinirang, itinalaga, at isinugo … kahit na ayaw niya sa simula, nag-atubili, nag-alinlangan … Tumawad pa at naki-usap, humiling na huwag na siya, sapagka’t siya ay sobrang bata pa.

Nakita niya kung gaano kahirap ang magwika sa ngalan ng Diyos. Mas madali pa ang humula tulad ni Madame Ong tungkol sa hinaharap. Subali’t ang pagiging propeta ay hindi panghuhula ng darating na kapalaran, kundi ang pagsasalita sa ngalan ng Diyos.

Mahirap pa rin hanggang ngayon ang magwika sa panig ng Diyos … lalu na ngayon. Anumang sabihin mong hindi akma sa takbo ng isipan ng madla, na hinuhubog ang kamalayan ng mass media na sanib lamang sa mas malaki ang pabuya, at kampi lamang sa sinumang may hawak ng kapangyarihan at ng komersyo, ay kagya’t sasansalain, lilibakin, tutuligsain at tatagpasin nang walang patumangga sa dyaryo, sa TV, sa radyo ng mga bayarang mamamahayag, at higit pa sa social media, na pinamumugaran ng mga taong hindi lubos na nagpapakila ng sarili. Tanging avatar lamang at pekeng identidad ang iyong makikita, at panay ang batikos sa anumang hindi akma sa kanilang uri ng katotohanan.

Sa gitna ng kaguluhang ito, madali ang manghinawa. Madali ang mawalan ng sigla. Nais kong isipin na ang araw na ito ay binalak ng Diyos na maging isang tulak sa mga propetang moderno ng ating panahon: ang mga nagtataguyod sa kalikasan … ang mga nagtatanggol sa katotohanang moral, sa kabila ng metapisikal at moral na uri ng materyalismo sa ating lipunan … ang mga nagtutulak ng katotohanan at ng karapatang malaman ang katotohanan kung saan napupunta ang pera ng taong bayan … ang mga nagsusulong ng FOI law, na ayaw gawin sapagka’t mabubunyag sa lahat ang kanilang mga ginagawa sa pera ng taong bayan.

Ang marami sa nagbabasa nitong aking blog ay mga propeta … mga bata at matandang nagpupunyagi upang makilala ng mundo ang magandang balita ng kaligtasan … ang makilala nang wasto ang Simbahan sa gitna ng walang ampat at walang patid na paninira ng mga namumuhi sa kanya.

Haters just gotta hate; gonna hate! Iyan ang katotohanang malinaw pa sa sikat ng araw. Marami ang muhi sa isang katotohanang hindi naman lubos na kilala. Ang kanilang kinamumuhian ay ang palso at pekeng larawan na binuo nila sa kanilang isipan, at hindi ang tunay na larawan at kalalagayan ng Simbahan.

Mga kapwa propeta, limiin sana natin ngayon ang mga kataga ng unang pagbasa: “Nguni’t gagawin kitang sintibay ng isang lunsod na naliligid ng mga muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagka’t ako ang mag-iingat sa iyo.”

Subali’t mayroon tayo bilang propeta na dapat angkinin at linangin sa ating pagkatao. Hayaan natin si Pablo ang magwika:  “Kung ako man ay may kakayahang maghayag ng Salita ng Diyos […] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.” Ang pag-ibig ay lubhang kailangan ng isang propeta.

Marami rin akong dahilan upang magtampo sa simbahan, dahil sa mga namumunong hindi nagpakita ng pag-ibig sa pinamumunuan. Marami rin akong dahilan upang mamuhi sa mga taong ito. Subali’t iba ang tao at iba ang Simbahan ng Diyos. Masama man sila, at tunay na may mga masasamang obispo at mga pari, hindi kailanman naging mala demonyo ang simbahang itinatag ng Panginoon, tulad ng ipipinta ng mga namumuhi sa simbahan. Oo, aaminin ko … namuhi rin ako sa ilang taong namumuno sa kanya … naiskandalo rin ako sa ilan sa kanila. Pero hindi sila ang simbahan. Ang simbahan ay ako, ikaw, tayong lahat, at ang simbahan ay isang komunidad na binubuo ng mga banal at mga makasalanan. Kasama tayong lahat sa ikalawang uri … ikaw, ako, at sila.

Kung ito ay makatutulong rin sa atin, dapat natin malaman na maging ang Panginoon ay hindi lang tinuligsa, hindi lang siniphayo. Pinagsikapan rin siyang patayin: “Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin.”

Matindi at mahirap ang nagsasabi at nangangaral ng katotohanan sa ngalan ng Diyos.!

Pero alalahanin nawa natin: Kinilala tayo ng Diyos; hinirang; itinalaga. Higit sa lahat, tayo ay kanyang isinugo upang magpahayag at maghatid ng katotohanang mapagligtas!

Kaya mo bang panindigan ito?

TUTUPARIN, PASISIBULIN, PAIIRALIN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Jeremias, Tagalog Homily on Nobyembre 30, 2012 at 18:35

jeremiah-michelangeloiUnang Linggo ng Adbiyento (Taon K)

Disyembre 2, 2012

Mga Pagbasa: Jer 33:14-16 / 1 Tesalonika 3:12-4:2 / Lc 21:25-28, 34-36

TUTUPARIN, PASISIBULIN, PAIIRALIN!

Dama nyo ba ang pinapasan ni Jeremias? Hindi ko masasabing damang dama ko, pero sa pakiwari ko’y may konti akong pakiramdam. Mahirap ngayon ang manindigan, di ba? Ang daming kontra … ang daming maraming alam, at sa dami ng mga nasa cyberspace ngayon, na kanya-kanyang mga alyas at avatar, mas madali ngayon ang manira, ang sumalungat, ang bumatikos. Pati ba naman ang canonisasyon ni San Pedro Calungsod ay binabatikos ng mga taong antemano ay may kimkim na galit sa ating mga Katoliko.

Pero tingnan nating mabuti. Ang pinagdaanan ng mga Israelita na mapatapon sa Babilonia ay karanasang hindi natin pa nararanasan. Ito ang pinagdaanan ni Jeremias, na hindi nagkulang ng paalaala sa kanyang mga katoto na magbalik-loob sa Diyos.

Nguni’t naganap nga ang siyang naganap, dahil sa kabuktutan ng tao, at pagkamasuwayin. Nagkasala sila ng paulit-ulit, at sila’y ipinatapon sa lupaing banyaga, sa ilalim ng mga taong walang pagkilala sa tunay na Diyos. Ewan ko kung ano pakahulugan ninyo dito, pero sa ganang akin, ito ay isang paghamong walang katulad, ang mayurakan ang kasarinlan, at matapakan ang pinagpipitagang pananampalataya.

Ayon sa mga pag-aaral at pagsasaliksik, sa loob ng 40 taong darating, ang Pilipinas ay hindi na malalayo sa tayo ng Espana at Italya at Kanlurang Europa ngayon – halos walang Diyos, walang pananampalataya, at walang pitagan sa Maylikha. Marami sa mga kabataan ngayon ay nagsisimba (daw) lamang sa labas ng simbahan, at hindi nila binibitawan ang cellphone. Wala nang nakikinig sa aming mga pari, at lalung hindi sa mga obispo. Hirap kaming ipaliwanag ang mayamang pangaral ng simbahan, pangaral na lubha nilang kinakailangan upang mapalapit sa Diyos.

Tuyot na tuyot ang pangitaing hinaharap natin ngayon. Nakapanlulumo. Nakalulungkot, at kapanga-pangamba.

Subali’t ang taon ng Simbahan ay patuloy na nagpapaalala sa atin. Sa tuwing sasapit ang Adbiyento, muling binubuhay sa puso natin at kaisipan ang hibla ng pag-asa, at himig ng katuparan. Di ba’t ito ang mga katagang binanggit ni Jeremias, na kamakailan lamang ay nasabi nating lubusan nang nanghinawa at pinanawan ng pag-asa? Darating daw ang araw, kung kailan tutuparin ang pangako ng Diyos. Darating rin ang araw kung kailan pasisibulin ang matuwid na sanga ni David. Di lamang ito, paiiralin din daw niya ang katarungan at katuwiran.

Ito ay mga salitang puno ng pangako at lalung puno ng pag-asa.

Ito ang pag-asang natupad, natutupad, at muli pang matutupad sa pagdating ng panahon.

Natutupad nga ba?

Bakit hindi? Habang sinusulat ko ito, nanonood ako sa livestream ng Misa sa Cebu, bilang pagpapasalamat sa Diyos sa karangalang ipinagkaloob kay San Pedro Calungsod. Buhay pa rin kahit papaano ang pananampalataya! Libo-libo ang sumama sa prusisyon, sa Misa, at sa iba pang pagdiriwang sa kanyang karangalan. Ilang mga maysakit ang sa kabila ng paghihirap ay patuloy na umaasa at tumitingala sa langit, na wari baga’y ipinagpapasa Diyos na ang lahat, lalu na ang kanilang paghihirap!

Ito ang katotohanang hatid sa atin ng mga pagbasa – Diyos na mismo ang “magpapalakas ng ating loob” at tayo ay may kakayahang “manatiling banal at walang kapintasan.”

Ako man ay personal na nagdaan sa iba-ibang uri ng pagsubok. Nagtampo rin ako sa Diyos lalu na’t alam kong ang pagdurusang sinapit ko ay hindi dahil sa anumang masama at maitim kong balak, kundi galing sa makataong inggit at kakulangan lamang ng pagkakaintindihan.

Ito ang malinaw na turo sa atin sa araw na ito. Dumating man ang mga tanda, sumapit man ang anumang mga nakasisindak na signos o mga tanda mula sa kalawakan, ay nananatili ang katotohanang ito … at wala nang iba:

TUTUPARIN KO ANG PANGAKO, PASISIBULIN KO ANG MATUWID NA SANGA NI DAVID, AT PAIIRALIN KO ANG KATARUNGAN AT KATUWIRAN.

Meron pa bang hahalaga pa kaysa rito? Meron pa bang dapat hanapin pa? Tanging Siya lamang … Tanging Diyos lamang … Purihin nawa ang kanyang ngalan!