frchito

Archive for the ‘San Juan Bautista’ Category

UKAY-UKAY O WASTONG PAMUMUHAY?

In Adviento, Homily in Tagalog, San Juan Bautista, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 18, 2012 at 17:15

samson

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ika-4 na Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 19, 2012

Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a / Salmo 70, 3-4a. 5-6ab. 16-17 / Lucas 1, 5-25

UKAY-UKAY O WASTONG PAMUMUHAY?

Dalawang batang lalaki ang paksa ng dalawang pagbasa – si Samson at si Juan Bautista. Dalawang taong hinirang … dalawang misyong ginampanan … isang adhikaing pinangatawanan, at iisang Diyos ang pinaglingkuran.

Sa taong ito ng pananampalataya, ang parehong iisang Diyos na nagpakilala at nagpahayag ng sarili sa kasaysayan ang siya rin nating pinagsisikapang paglingkuran. Pero ayon sa Porta Fidei, na nagbigay sa atin ng mga alituntunin at prinsipyo ng pagdiriwang ng buong taong ito ng pananampalataya, ang paniniwala natin ay IPINAHAHAYAG, IPINAGDIRIWANG, ISINASABUHAY at nagiging isang GAWAIN O PANANAGUTAN ng bawa’t isa sa atin.

Napakadali ngayon ang mangako. Ngayong malapit na ang eleksyon, malulunod tayo muli sa pangako ng mga politiko. Sa bawa’t taong may nagtatapos sa kolehiyo at universidad at pumapasa sa Board, ang bawa’t bagong gradweyt ay nagbibigkas ng pangako … mga bagong abogado, bagong duktor, bagong akawntant, at bagong inhinyero. Ang mga bagong mahistrado ng Korte ay nangangako rin, tangan ang Biblia.  Maging kaming mga pari, bago ma-ordenahan bilang Diakono ay nangako rin at pumirma.

Subali’t ang pangako ay hindi napapako sa tubig, at hindi rin nasusulat sa buhangin. Sa buhay ni Samson, ang pagkahirang sa kanya at panata ng kanyang Amang si Manoah ay pinagtibay na kanyang buhok na hindi dapat nakatikim ng gunting – tandang malinaw at matibay na siya ay nakatalaga sa paglilingkod sa Diyos.

Maging si Juan Bautista ay hinirang rin at itinalaga … At ano ang tanda? Walang alak, o inuming nakalalasing … pagkaing kakaiba sa kinakain ng ibang tao … buhay na matiwasay sa ilang, kasama ng mga mababangis na hayop. May patunay at patibay rin, gaya ng nasabi natin kagabi, ang kanyang pagiging hinirang ng Diyos.

Ayon sa Porta Fidei, ang pananampalataya ay hindi lamang ipinagbubunyi at ipinagdiriwang, bagkus pinangangatawanan at isinasabuhay.

Marami ngayon ang nagsasabing sila raw ay katoliko. Bininyagan. Nag-aral sa paaralang katoliko. Sanay sila sa mga gawaing banal, sa pagsisimba, (kahit panaka-naka lamang), sa pagdarasal (kahit pahapyaw lamang). Mayroon raw silang pananampalataya. Pero ang ibig sabihin ng pananampalatayang ito ay isang mababaw na pagsang-ayon sa turong may Diyos, may langit, may impyerno, at may purgatoryo. Pero para sa karamihan ng mga katolikong ito, ang pahapyaw na damdaming may Diyos ay parang gripong puedeng buksan at saraduhan, depende kung nasaan sila. Buksan kapag Linggo. Sarahan kapag nasa trabaho, nasa party, o nasa eskwela. Iba ang simbahan; at iba ang lipunan. Ito ang pananampalatayang maganda lamang tuwing Pasko, Pista, o Graduation. Ito ang pananampalatayang walang paninindigan, walang pananagutan, at walang pakundangan sa kalikasan, sa kapakanang pangkalahatan.

Ang tawag dito sa Ingles ay “fiduciary faith,” na batay lamang sa damdamin, sa pansamantalang magagandang hangarin. Ito ang pananampalataya ng mga politikong handang isakripisyo ang paniniwala sa altar ng eleksyon at popularity ratings, at sa mga pragmatikong mga hangarin at adhikain. Ito ang pananampalatayang magandang kuhanan ng piktyur sa mga pray over kasama ng mga born again na panay ang hikbi at pikit at iyak sa prayer meeting sa entablado.

Pero nakita natin na may patunay at patibay si Samson at si Juan. Hindi lamang nagdiwang. Hindi lamang nangako, bagkus tinupad at iniaalay ang buhay para sa pangako.

Hindi natin kailangan ngayon ng fiduciary faith na walang kinalaman sa paggawa. Ang kailangan natin ay performative faith, isang pananampalatayang nakaumang sa kung ano ang tama at dapat.

Ang tama at dapat ay hindi ayon sa bugso ng damdamin. Hindi ito ayon sa iyak o sa tibok ng puso. Ito ay ayon sa kalooban ng Diyos, na nababatay sa desisyon, hindi sa lukso ng dugo. Ang pagiging katoliko ay hindi parang pagpunta sa cafeteria, na parang namimili ka ng putahe o parteng gusto mong paniwalaan. Hindi ito ukay-ukay na pipili ka at kukuha ng gusto mo at hindi mo papansinin ang ayaw mo.

Minsan sa ukay-ukay, sinuswerte ang tao. Nakakatiba, ika nga. Ang galing naman ng mga oportunistang katoliko na katoliko raw pero hindi katoliko ang ugali at saloobin. Paiikutin pa tayo sa mga salitang mababaw, tulad ng pro quality life raw sila, pero handang kumitil o pondohan ang saloobin at kaugaliang nagdudulot ng kultura ng kamatayan. Sinuswerte sila sa ukay-ukay.

Tapatin natin ang sarili. Ang buhay ay hindi ukay-ukay. Ang pananampalataya ay hindi isang eat-all-you want, at tapos ay itulak ang ayaw. Ito ay pakyawan, hindi ukay-ukay at utay-utay.

INGAY O PAGPAPATUNAY?

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, San Juan Bautista, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 7, 2011 at 12:54

Ikatlong Linggo ng Adbiyento (B)
Disyembre 11, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 61:1-2.10-11 / 1 Tes 5:16-24 / Jn 1:6-8.19-28

Maraming ingay tayong naririnig sa kabi-kabilang dako. Mga ingay tungkol sa mga artistang biglang nagtungayaw, naghiwalay, at nag-iyakan sa TV … mga ingay tungkol sa mga testigong isa-isang sumusulpot mula sa lungga na parang mga dagang may naamoy na bagong kesong puedeng pagpiyestahan … mga ingay tungkol sa kinamumuhiang dating pinuno ng bayan na ngayon ay isa nang tampulan ng lahat ng uri ng panlalait at panlilibak.

Sari-saring ingay, iba-ibang sangay ng mga usaping iisa naman ang pinagmumulan – ang kasabikan ng taong pag-usapan ang buhay ng may buhay, at bilangin ang pera na hindi naman kanila, at kumilos na tila baga’y parang mga abogadong dalubhasa lahat sa batas, at may kanya-kanyang paghuhusga sa taong hindi pa man nalilitis ay napagpasyahan na ng balana, sa tulong ng mass media.

Maraming ingay tungkol sa napaslang na anak ng isang dating senador (isa sa ilang dosenang mga anak niya sa iba’t ibang babae). Maraming ingay tungkol sa pagkapanalo ni Pacquiao laban kay Marquez, na magpahangga ngayon ay hindi pa matanggap ng ilang Pinoy at ng kampo ng Mexicano. Maraming ingay rin tungkol raw sa kalusugan ng kababaihan, na kamukat-mukatan mo ay hindi kalusugan kundi ang pagpigil sa pagdami ng mga Pinoy ang pakay. Maraming sa likod ng ingay ay nagpapatunay diumano sa katotohanan, tulad nga ng mga testigong parang dagang nangagsipaglabasan mula sa lungga ng pagkukubli at katahimikan.

Ingay ba kaya ito lamang o walang halo at simpleng pagpapatunay?

Ingay ba ito na may halong sungay, at handang suwagin ang ano man maitumba lamang ang kinamumuhiang tao? Ingay ba ito, na walang iba kundi sangay lamang ng maitim na paghahangad upang panagutin ang dapat managot, at ipiit ang dapat magbayad sa mga krimeng bintang sa kanila?

Katotohanan ba kaya ang pakay ng lahat ng ingay na ito?

Wala akong maisasagot dito. Hindi ako lubusang nakapasok sa isyu upang maging isang bahagi ng malaking usaping ito ay maging bahagi ng mga nagmamakaingay sa kasong nabanggit.

Ako ay isang pari, guro, tagapayo, at manunulat, na nagpapatakbo rin ngayon ng isang maliit na paaralan. Nguni’t bilang pari at tagapayo, hangad ko lamang lumutang kumbaga sa lahat ng ingay na ito, at tingnan kung mayroon bang maitutulong ang Salita ng Diyos hinggil sa mga pangyayaring kumukuha ng ating pansin.

Ang aking tugon? Meron … merong aral ang mga pagbasa natin para sa buhay natin na nababalot sa ingay at iba pang uri ng kaguluhan.

Puno ng ingay ng kasinungalingan ang maraming mga pangyayari sa paligid natin. Hindi na natin masala kung alin ang tunay at alin ang ingay. Pati mga nagsasabing sila raw ay testigo ay papalit-palit ang salaysay, tulad ng kapatid mismo ng artistang pinatay kamakailan. Walang isang salita, at sanga-sanga ang dila sa pagsasabi ng mga magkakasalungat na salaysay.

Sa kabutihan ng Diyos, isa ngayong tao ang ibinubungad sa atin ng liturhiya upang tularan, upang maging huwaran … walang iba kundi si Juan Bautista.

Iisa ang kanyang salita. Hindi sanga-sanga ang dila, at lalung hindi nagsangay-sangay ang mga binibitawang salita. Nang tanungin kung sino siya, wala siyang atubiling sumagot: “Hindi ako ang Mesiyas.” “Hindi ako si Elias.” “Hindi ako ang propeta.” At sa kabilang dulo ng pagtanggi ay isang malalim at tiyak na pagtanggap: “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.”

Malaking pangangailangan ng mundo natin ngayon ang isang hindi ingay ang dulot, kundi pagpapatunay. Balot na balot na tayo ng ingay. Hindi na tayo magkamayaw sa akusasyon at kontra akusasyon ng mayayamang pamilya sa Pilipinas, na nag-aaway daw para sa prinsipyo, nguni’t malinaw na ang pinag-aawayan naman ay pera, posisyon, at poder.

Kailangan natin ang maghalintulad kay Juan Bautista, na hindi napasailalim sa anumang may poder o kapangyarihan, bagkus nagbitbit ng sariling dangal at paggalang sa sarili. Sa halip na mag-ingay tulad ng lahat, siya ay nagbigay patunay. At ang kanyang patunay ay walang kinalaman sa isang bagay na nasusukat at natitimbang, hindi tungkol sa walang kapararakang naisin, kundi sa isang adhikaing walang kapantay dito sa lupang ibabaw.

Nagpatunay siya sa katotohanan tungkol kay Kristo. Nagpatunay siya hinggil sa katotohanang mapagligtas – ang katotohanan tungkol sa sugong Mesiyas na darating, na wala siyang kakara-karapatang magtali o magkalag ng mga sintas ng kanyang sandalyas.

Pagpapatunay. Katotohanan. Kaligtasang walang kaakibat na paghahanap sa sarili at mapanlinlang na ingay tungkol sa kapwa, liban sa simpleng patunay na si Jesus, ang kanyang Panginoon, ang Mesiyas na pinakahihintay.