frchito

Archive for the ‘San Juan Bautista’ Category

ANO ANG DAPAT NAMING GAWIN?

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, San Juan Bautista, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 7, 2009 at 09:54

Ika-3 Linggo ng Pagdating(K)
Diciembre 13, 2009

Mga Pagbasa: Sofonias 3:14-18a / Filemon 4:4-7 / Lucas 3:10-18

ANO ANG DAPAT NAMING GAWIN?

Noong isang Linggo, binigyang pansin natin ang kahalagahang panatiliing magkasama at magka-agapay ang dalawang aspeto ng turo ng Panginoon: pangako at pangaral. Mahalaga, sabi natin, na hindi lamang puro pangako ang panghawakan natin, kundi pati ang mas mahalaga – ang pangaral. Bawa’t pribilehiyo o kaloob ay may kaakibat na pananagutan. Bawa’t pangako ay may kalakip na pangaral.

Sa Linggong ito, tinaguriang Gaudete Sunday, o araw ng pagsasaya, dahil malapit na ang pagdatal ng Mananakop, dalawa na namang magkatuwang at magkalakip na katotohanan ang atin matutunghayan: pagsasaya at paggawa!

Unahin natin sa una: magsaya … gaudete … ito ang tinutumbok ng una at ikalawang pagbasa. Maraming salita ang ginamit upang ikintal ito: “umawit nang malakas … sumigaw … magalak nang lubusan … masayang aawit sa laki ng kagalakan” … Si Pablo sa liham kay Filemon, ay pareho rin ang sinasabi: “magalak kayong lagi sa Panginoon … inuulit ko, magalak kayo!”

Sa kalagitnaan ng panahon ng Pagdating, wasto lamang na bigyang-pansin natin ang diwa ng panahong ito – hindi pagpepenitensya, bagkus, marubdob na paghihintay sa diwa ng pag-asa ang siyang bumabalot sa ating kamalayan sa araw na ito.

Nguni’t ang paghihintay bang ito at pag-asa ay isa lamang mababaw na damdaming dapat manaig sa kabila ng lahat ng kabuktutan at kasalanang naghahari sa daigdig na iniikutan natin? Tayo ba ay dapat mabalot ng kagalakan dahil sa 57 katao ang pinaslang nang ganoon na lamang at sukat nang walang kalaban-laban? Tayo ba ay dapat magpanggap na masaya ang lahat sa kabila ng walang awa at walang pusong pagkitil sa inosenteng buhay sa kadahilanang sila ay nasa maling lugar sa maling oras? Tayo ba ay dapat magkunwaring masaya ang bayang Pilipino kahit na puro pandaraya at panlilinlang ang inaatupag ng naka luklok sa kapangyarihan? Totoo bang sa ikatlong linggo ng panahon ng pagdating ay dapat tayong “umawit sa laki ng kagalakan?”

Hindi ito ang naririnig ko sa mga pagbasa. Totoo na ipinagtatagubilin ni Pablo at ni Sofonias na tayo ay kailangang magalak. Nguni’t ang kagalakang ito ay nakatuon sa isang pangakong ang katuparan ay bumabagtas at lampas sa mga makamundong adhikain at hangarin na atin ngayong inaatupag sa mundong ibabaw.

Ang kagalakang ito ay may kinalaman sa mga pangakong mesiyaniko na dumating na, patuloy na dumarating, at darating pa. Ang kaganapan nito at katuparan ay hindi kailanman natin makakamit ngayon at dito, kundi sa kaganapang darating sa muling pagbabalik ng Mananakop.

Ito ang kagalakang malalim, wagas, lubos, at pang sa walang hanggan!

At dito papasok ang tunay na magandang balita … Hindi ito isang malikhaing pagnanasa lamang … hindi ito isang paghahangad na walang basehan sa kasaysayan at sa anumang turo ninuman. Sa likod ng pangakong ito, ay isang pangaral, tulad ng sinabi natin noong nakaraang Linggo.

Ano ba ang pangako? “’ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon” … “wala nang kasawiang dapat pang katakutan” … “nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos” … “malapit nang dumating ang Panginoon.”

Subali’t ano ba ang pangaral? Narito … sa katauhan, buhay, at pagkamatay ni Juan Bautista. Siya ang naging tampulan ng lahat ng katanungan ng mga tao: “Ano ba ang dapat naming gawin?” Si Juan Bautista, na isinugo ng Diyos upang maging tagapaghatid ng balita at tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon, ang siyang tinanong ng mga taon.

Ano nga ba ang dapat natin gawin? Heto … Una, “huwag sumingil nang higit.” Ikalawa, “huwag manghingi sa pamamagitan ng pamimilit o pagpaparatang nang di totoo.” Ikatlo, “masiyahan sa iyong sahod.”

Ano ang dapat natin gawin? Simple lamang! … ang lahat ng ito ay may kinalaman sa katarungan. Ang katarungan ang siyang buod ng ipinangangaral ni Juan Bautista. Ito ang magandang balitang ating hinihintay – ang katarungan ng Diyos na darating sa atin sa pamamagitan ng “prinsipe ng kapayapaan,” na maghahatid sa atin sa daan tungo sa kapayapaan.

Sa madaling salita, hindi ito isang walang batayang paghihintay … hindi ito isang paghahangad na walang kapalit na pagsisikap. Hindi ito isang trabahong tamad na pagnanais, na walang kaakibat na pagpupunyagi. Hindi ito isang hungkag na pangako na walang kahugpong na pangaral!

Dito natin makikita kung tunay at wagas ang ating pagiging Kristiyano. Dito natin mapatutunayan kung ang ating pagnanasa at may kalakip na pagsisikap.

Kung meron, kung ang dalawang ito ay tunay na magkadaup-palad sa buhay natin, nasasa atin na ang pangako … nasasa atin na ang pagpapatotoo ng pahayag ng Panginoon: “Magsaya … “Nasa piling mo na ang Panginoong Diyos” … “masaya kang aawit sa laki ng kagalakan.” Kung gayon, alam mo na ang dapat mong gawin!

PANGAKO AT PANGARAL

In Adviento, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan Bautista, Taon K on Disyembre 2, 2009 at 18:45


Ika-2 Linggo ng Adviento (K)
Disyembre 6, 2009

Mga Pagbasa: Baruch 5:1-9 / Filemon 1:4-6, 8-11 / Lucas 3:1-6

Laging puno ng kabalintunaan ang dating sa akin ng mga pagbasa sa Adviento … puno ng pangarap, puno ng pag-asa, tigib ng pangaral, nguni’t tigib rin ng katotohanang ang pangako at pag-asa at pangaral na ito ay dapat magdaan sa katuparang mula sa Diyos, at mula rin sa atin.

Sa unang pagbasa, binanggit ni Baruch ang buod ng pangaral sa likod ng pangako: “patagin ang mataas na bundok.” Sinang-ayunan ito ni Lucas sa mga kataga ni Juan Bautista: “ihanda ang daraanan ng Panginoon.”

Pangako … pangaral … ang dalawang ito ay parang kambal na salitang hindi dapat paghiwalayin, lalu na sa Adviento.

May mga taong puro pangako ang pinanghahawakan. Ang tanging binabasa nila sa Kasulatan ay ang mga hula tungkol sa darating na kaligtasan. Ayaw nila ang mga bahagi ng Biblia na may kinalaman sa pananagutan. Ito ang mga taong ang panay na inaatupag ay ang magkamal ng lahat ng biyayang makamundo, ayon sa katagang “siksik, liglig, at nag-uumapaw.” Sa kanilang paniniwala, bawal ang malungkot sa mundong ibabaw. Ang dapat gawin ay pag-ibayuhin ang kagalakan mula sa ipinagkaloob ng Diyos sa kalikasan. Ito ang dahilan kung bakit nauubos ang gubat, natutuyot ang mga balon, at patuloy na nababago ang takbo ng panahon saanmang lugar sa daigdig.

Mayroon rin namang mga tao na ang tanging pinanghahawakan ay puro pangaral. Hindi nila pinapansin ang mga bahagi ng Kasulatan na ang pahatid ay puro kagalakan at kaginhawahan. Ang buhay, para sa kanila, ay isang parusa at panay kapighatian. Bawal sa kanila ang magsaya, ang makaranas ng kaunting kaginhawahan sa buhay. Puro pagpapahindi sa sarili ang kanilang pakay. At ang sinumang nagsasaya dahil sa dulot ng biyayang makamundo ay makasalanan at hindi karapat-dapat tawaging taga-sunod ni Kristo.

Ito ang mga laging nanggagalaiti sa mga naliligaw ng landas, ang mga taong walang puwang para sa pang-unawa sa mga nalilisya o nadadapa sa landas ng pagkakasala.

Alam natin ang kalalabisan ng nauna – ang mga puro pangako ang pinanghahawakan. Kumain, uminom, at magsaya, sapagka’t bukas-makalawa ay wala ka na. Ito ang kalalabisan ng mga taong walang kabubusugan, tulad ng mga politicong walang kasawa-sawa sa posisyon, pera, at poder. Ito ang dahilan kung bakit sa mundo, napakarami ang ika nga ay “ubos-ubos biyaya, mamaya’y wala.” Ito ang mga tampalasang ang tingin sa daigdig ay isang walang pagkaubos na kadluan ng lahat ng gusto ng tao. Ito ang mga walang pakundangan sa kinabukasan, at sa mga pangangailangan ng mga darating pang mga henerasyon.

Alam rin natin ang kalalabisan ng pangalawang uri. Utos, puro utos, todos utos, ika nga. Para silang mga ipinaglihi sa bawal. Para silang mga tinitibing hindi maka-iri, na iniipit lagi ang sarili at ang kapwa, na hindi marunong mag-relax, o walang puwang sa pagkakamali. Lagi silang tama. Laging mali ang ibang tao, at laging nasa kanila ika nga, ang huling kataga. Lubha silang sigurado sa kanilang sarili, at kung magsalita ay parang may direktang linya sila sa langit. Ayaw nila ang mga makabagong pamamaraan sa liturhiya, at laging ang luma ang siyang tama. Basta luma, tama.

Alam natin ang ginagawa ng unang pangkat … handa silang pumatay sapagka’t sila ang may hawak ng kapangyarihan. Bawal ang karibal sa politika. Bawal ang mga kalaban. Kung may kalaban ay dapat patayin. Dapat patagin ang daan … para sa akin! Maski mali at hindi makatarungan, ay puede na sapagka’t tadhana ko ang maglingkod sa bayan, kahit na wala akong ginawa kundi nakawan ang kaban ng bayan! Siksik, liglig, at nag-uumapaw … Ito ang aking tadhana at karapatan!

Alam rin natin ang mga ginagawa ng ikalawa. Lahat ay mali. At kung sino mang hindi sumunod sa letra ng batas ay dapat itakwil, itiwalag sa kapatiran, at ihagis sa puntod ng pagkalimot. Ito ang mga pulis ng lipunan. Lahat ay mali. Lahat ay may bahid ng kasalanan. At lahat ay dapat itama … ayon sa batas ng mga taong ito na puro pangaral ang atupag at pinagkakaabalahan.

Subali’t ang mga pagbasa sa araw na ito ay isang tamang-tama ang timpla kumbaga, sa pagitan ng pangako at pangaral, pag-asa at katuparan.

Paano ba natin titimplahin ang dalawang katagang tila magkasalungat?

Ito ang diwa ng magandang balita. Ang magandang balita ay hindi isang sulating dapat sundin ayon sa titik, kundi isang pahayag na dapat isapuso, isa-isip, at isadiwa na dapat maging batayan ng pagkilos at pag-aasal.

Kung gayon, tama dapat ang timpla ng dalawa. Hindi sila magkasalungat, kundi magkasama, at magkabiyak, kumbaga.

Pangako …. Darating na muli ang Mananakop. Pangaral … ituwid ang kanyang daraanan.

Pangako … wala nang luha, wala nang pag-iyak, wala nang pasakit!
Pangaral … ibalabal ang Kanyang katuwiran!

Tama na ang mga pasaway na puro pangako ang inaatupag. Tama na ang mga mananaway na puro pangaral ang tangan sa kamay at bigkas ng bibig. Tama na, sobra na ang mga taong walang kabubusugan. Tama na, sobra na, ang mga taong tila sila lamang ang dapat mamuno at mag-utos sa buong bayan.
Iisa ang pangako ng Diyos … ang kaligtasang walang hanggan. Marami ang pangaral ng mga Pariseong dinagdagan nang dinagdagan ang titik ng batas, nguni’t malayo ang loob sa batas na yaon.

Sobra nang makasalanan ang bayan natin. Sobra nang masiba ang mga namumuno at nagsisikap mamuno at magsilbi kuno sa bayan. Sobra nang makasalanan ang tao kung kaya niya na pumatay nang buong bangis sa 57 inosenteng tao na walang kakasa-kasalanan sa kanila. Sobra nang makasalanan ang bayan na hindi na marunong pumili nang tama, bagkus napadadala sa mga payasong pinaglalaruan lamang ang ating pagkatao.

Adviento …. Pagdating …. Paghihintay … puno ng pangako at pag-asa. Nguni’t teka lang, puno rin ng pangaral! Puedeng pagsabayin ang dalawa. Puedeng timplahin nang tama, ayon sa kagustuhan ng Diyos na buhay … dumating, dumarating, at muling darating!