frchito

Archive for the ‘San Juan Bautista’ Category

SINA ZAIDO, JESEBEL, GAGAMBINO AT JUAN BAUTISTA: “RUNNER” O “FORERUNNER?”

In Adviento, Homily in Tagalog, San Juan Bautista, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 21, 2008 at 20:51

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 23, 2008

Mga Pagbasa: Malaquias 3:1-4, 23-24 / Lk 1:57-66

scene

Tanyag ngayon ang salitang “runner.” Tulad noong si Lozada ay nakasalang pa sa imbestigasyon sa Senado, kung kailan ang salitang “kalakaran” ay naging talamak at naging bukambibig ng buong bayan, ngayon, ang katagang “runner” ay isa nang salitang malalim na at malawak ang kahulugan kaysa sa orihinal na pang-unawa ng lahat. Madulas tila baga ang “runner” na binabanggit natin. Mahirap mahuli. Mahirap madakip, at lahat na yata ng dahilan sa buong mundo ay naisip na upang makaiwas sa mapanghimasok at mapanghusgang daigdig ng pamamahayag, sindulas din ng pangunahing nakasalang sa eskandalong ito na may kinalaman sa abono.

Dapat sana na ang “runner” ay tutuon lamang sa isang tagapaghatid, isang taong walang ibang dapat gawin kundi ang maghatid ng kung ano mang iniutos sa kanya, tulad ng mga “messenger boy” na nauso sa isang bansa na ang mga kalye ay sala-salabat at buhul-buhol sa trapiko, salamat sa mga bangketang ginawa nang extension ng kung anu-anong mga bagay, tulad ng garahe, tindahan, kulahan, at paradahan ng mga kotseng malaon nang hindi umaandar, salamat din sa mga tsuper na ang akala ay bawa’t pulgada ng makitid nang kalsada ay babaan at sakayan, kung hindi terminal.

Subali’t mayroong mahalagang aral para sa atin hinggil sa tagapaghatid na pinag-uusapan natin. Tunghayan natin ang unang pagbasa …

Sinabi ng Panginoon: “Tingni, isusugo ko ang isang tagapaghatid upang ihanda ang aking daraanan.” Subali’t ang tagapaghatid na binabanggit sa aklat ni Malaquias ay hindi tagapagdala ng pera, ni tagapaghatid lamang ng isang mensahe. Mahalaga ang kanyang papel na gagampanan. Sa katunayan, mayroon pang tila isang anggulo tungkol sa kanyang papel na wari’y nakatatakot. Kasama sa kanyang “job description” ang pagiging parang apoy na nagdadalisay, o gamit ng tagapagtina ng tela, na matapang at nakakamit ang dahilan kung bakit sila ginagamit.

Ang hulang ito, samakatuwid, ay may kinalaman sa isang hindi lamang “runner” kundi “forerunner.” Ang runner ay parang kartero – nagdadala ng mga liham o pahatid. Sa ating panahon, higit pa sa liham ang dala nila … papel din, oo … pero papel na may mga mukhang nakaguhit, papel na kakaiba ang amoy … nakalalasing, nakatutusing, nakabubulag sa sinumang magkapalad tumanggap nito. Ang ganitong runner ay hindi tagapagdalisay. Sa katunayan, may katotohanan sa kasabihang ang pera ay marumi. At hindi ito isang talinghagang dapat pang dukalin nang malalim para maintindihan. Ang nagdadala ng papel na ito ay hindi nakalilinis, hindi nakapagpapalinis, bagkus nakapagdudulot ng susun-susong mga suliranin, tulad ng nangyayari sa mga nakinabang o nakisawsaw sa NBN-ZTE deal, sa fertilizer fund scam, at sa marami pang puro mababaho at umaalingasaw na transaksyon na nagawa sa buong Filipinas.

Ang hula ni Malaquias ay naganap sa katauhan ni Juan Bautista. Kung paanong ang tagapaghatid na binanggit ng propeta ay naging tagapagdalisay, ganuon din ang ginawa ni Juan nang siya ay nabubuhay. Matalas ang kanyang mga pahatid, at masinsin ang pagkakasalansan, kumbaga. Dinalisay niya ang mga daan. Nanawagan siyang patagin ang mga lubak, punuin ang mga guwang, at hawanin ang mga dawagan. Nanawagan siya na ituwid, hindi lang mga landasin, kundi ang mga isipin at gawain ng mga nakikinig sa kanya. Nagpagal siya at nagpilit na dalisayin ang lahat na may kinalaman sa buhay ng sangkatauhang nagupiling sa maraming dantaong pagkakasala at pamumuhay nang malayo sa Diyos.

Malinaw na tagapaghatid siya at tagapagdalisay.

Sa mga nakaraang mga araw, marami tayong mga hindi pinagkakasunduan. Maraming usapin na nakapaghahati-hati sa bayan natin. Nariyan ang House Bill 5043. Nariyan ang cha-cha. Nariyan ang ferlizer fund scam at ang iba pang imbestigayong wala namang napatutunayan at walang kinahihinatnan. Ewan ko sa inyo, pero, sa wari ko’y tanging ang nag-iimbestiga at ang iniimbestigahan lamang ang hindi nakaaalam ng tunay na kasagutan sa isang tanong na alam nang sagutin ng buong bayan. Marami tayong pagkabigo nang pinalaya o pinawalang-sala ang mga taong alam natin ay halos tiyak nang may kinalaman sa maraming tiwaling panukala o gawain.

Sa madaling salita, hindi patag, hindi dalisay, hindi kaaya-aya ang daan at landasin ng ating bayan, mapa politica, mapa lipunang sibil, at mapa-simbahan. Kay raming baku-bako, kay raming liku-liko. Hindi ito kayang sagutan ng pulis pangkalawakan, ni kayang puluputan ng sapot ni Gagambino. Magkaroon man tayo ng isang daang Dyesebel, gumanda man si Betty la Fea (ugly Betty), at magbalik man si Batman, at muli mang mag-away at magtagisan silang dalawa ni Joker (Heath Ledger), ay hindi maaalis ang katotohanang ang landasin ng buhay natin bilang Pinoy, ay baku-bako, sala-salabat, at lubhang masalimuot, tulad ng ating mga kalsada saanmang dako ng kapuluan.

At ang matindi pa ay ito … hindi pa natin nakukuha ang lahat. Naghahanap pa tayo ng masisisi lagi. Naghahanap tayo ng mga ulong gugulong sa gilotin at sa gilitan. Hindi natin napapagtanto na tayong lahat ay kasabwat sa sapot na ito ng kasalanan at katiwalian (mas matindi nga lang at mas masiba ang mga nasa kapangyarihan!)

Malinaw ang papel na dapat gampanan ng tagapaghatid na binabanggit ni Malaquias. Siya at tagapagdalisay. Tinupad ni Juan Bautista ang larawang ito ng propeta. Naghatid siya ng mensahe. Gumawa para sa ika-dadalisay ng lipunan. At ang unang naging kabayaran nito ay walang iba kundi ang kanyang sariling buhay.

Ito ang mataginting na panawagan sa atin. Uhaw na uhaw tayong mga Pinoy sa mga bayani. Iyan ang dahilan kung bakit tayo ay hibang na hibang kay Manny Pacquiao (at ito ay tama lamang). Naghahanap tayo ng maitatanghal na bayani liban sa mga mang-aawit at mga artistang marami ay Americanong hilaw.

Ang aking mungkahi ay ito … pagkakataon na natin upang maging bayani … kahit na hinding hindi tayo itatanghal ng pay per view o ng sports channel. Tayo ay tinatawagan ng Diyos na maging tagapaghatid, tagapagdalisay, at higit sa lahat, tagapagpatunay.

Mahirap itong gawin … Maniwala kayo … ang huli kong balita ay ginilitan ng ulo si Juan Bautista. Hindi siya isang “runner” kundi “forerunner.” Hindi siya lumihis ng landas. Hindi siya nadapa. Hindi siya napuluputan ng sapot ni Gagambino. Pero naging biktima siya ng katumbas ni Dyesebel, na nagsayaw at nagpakana ng kanyang maagang pagpanaw. Isang dakilang tagapagpatunay.

TAG-ANI SA TAG-TUYOT

In Adviento, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Samson, San Juan Bautista, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 17, 2008 at 14:11

life-and-death-of-treeIka-apat na Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 19, 2008

Mga Pagbasa: Hukom 13:2-7. 24-25 / Lk 5:1-25

Puno ang Banal na Kasulatan ng mga kabalintunaan, mga pangyayaring tila magkasalungat, magkahadlang, magkasangga. Parang bato-balani na may dalawang dulo na magkasalungat. Pero walang bato-balani na iisa ang dulo. Lahat ng bato-balani ay may south pole at north pole, at ang dalawang magkasalungat ay kumakatawan sa iisang katotohanan.

Ang kakayahang mamuhay sa gitna ng ganitong kabalintunaan ay isang tanda ng malalim na pananampalataya – ang kakayahang tumunghay sa mga pangyayari at ang kakayahan ring makita ang kaganapan, ang kabuuuan, ang kaisahan sa kabila ng tila magkasalungat na bagay.

Dalawang kabalintunaan ang binabanggit ng dalawang pagbasa. Ang una ay may kinalaman kay Samson, na isinilang sa katandaan at kabaogan ng asawa ni Manoah. Ang pagsilang ni Samson, ayon sa salaysay, ay naganap dahil sa tahasang paggawa at panghihimasok, alalaumbaga, ng Diyos sa buhay ng babaeng tigang ang sinapupunan ng napakaraming taon.

Ang katumbas nito ay nasa ebanghelyo ni Lukas. Paralelismo ang tawag dito ng mga dalubhasa sa Biblia. Parang dalawang pisngi ng mangga, ika nga, parang dalawang palad na magkadaop ang dalawang salaysay na ito. At ang paralelismo ay naganap sapagka’t ang anak na iniluwal ni Elisabet ay iniluwal din sa kabila ng katotohanang tigan rin ang kanyang sinapupunan at matanda na si Zacarias.

Maari nating pamagatan ang ating salaysay ng pananampalataya ngayon sa ika-apat na araw ng nobena ng Pasko ng ganito: TAG-ANI SA TAG-TUYOT. Masaganang ani ang bunga ng tag-tuyot sa buhay ni Manoah at ni Zacarias. Tigang man at walang pangako ang kanilang sinapupunan ay naganap ayon sa wika ng Panginoon, na dumating sa dalawa sa pamamagitan ng anghel.

Nguni’t ito ay hindi lamang storya ng dalawang magkasanggang buhay nina Manoah at Zacarias. Hindi ito ika nga “back to back” lamang. Hindi ito isang talikuran at baligtarang salaysay na pinapag-tatagni-tagni lamang natin. Ang parelelismong ito ay tumutuon sa higit pang pangyayari na humihigit pa sa dalawang magkasanggang salaysay na ito.

Ito ang dakilang salaysay ng pagkakatawang-tao ng bugtong na Anak ng Diyos. Sa araw na ito, inihahanda ng dalawang pagbasa ang dakilang hiwaga na ating pagninilayan sa kapaskuhan. Sa pamamagitan ng kwento ni Samson at ni Juan Bautista ay unti-unting lumalapat sa ating guni-guni at kamalayan ang dakilang kakayahan ng Diyos na magsulat ng deretso kahit sa pamamagitan ng mga balikong linya. Ito ang kakayahan ng Maykapal upang papagbungahin at payabungin maging ang mga ilang na tigang at tuyot sa pagmumulan ng buhay. Ito ang hiwaga ng ating Diyos na makapangyayari sa lahat, at makapagdudulot ng buhay kahit mula sa kamatayan, Siya na lumikha ng langit at lupa mula sa kawalan.

Tigang at tuyot ang lupang ating nilalakaran – sa maraming iba-ibang dahilan. Tigang ang ating bayan sa mga bayani. Iyan ang dahilan kung bakit kiliting-kiliti ang lahat ng Pinoy sa pagwawagi ni Manny Pacquiao. Iyan rin ang dahilan kung bakit lahat ng nananalo sa mga timpalak sa ibang bansa, lalu na sa America, ay inaangkin natin at pilit na ginagawang Pinoy na Pinoy. Iyan rin ang dahilan kung bakit itinatanghal natin ang mga OFW bilang mga bagong bayani. Wala tayong mapili sa bayan natin. Salat na salat ang lipunan natin sa bayani, sa mga taong titingalain natin at tutularan.

Totoo nga ba ito? At ito ba ay may kinalaman sa ating mga pagbasa sa araw na ito at sa pagdiriwang natin sa gabing ito?

Nais kong isipin na malaki at marami ang kaugnayan nito sa buhay natin. Una, ang Diyos ay Diyos ng buhay, at hindi kamatayan. Ang Diyos ay nagtataguyod sa buhay at siyang nangangalaga sa buhay. Ang pagsilang ni Samson at ni Juan Bautista ay patunay na Siya ay may kakayahang magdulot ng buhay sa kabila ng tila malinaw na tanda ng kamatayan. Ang Diyos ay siyang nagpapasibol at nagpapausbong sa panibagong buhay. Di ba’t ito ang pinag-usapan natin kahapon? … na ang Diyos na mismo ang magpapausbong sa isang sibol sa angkan ni Judah? Di ba’t itong sibol na ito ay nagtamo ng katuparan sa pagsilang ni Kristong mula sa angkan ni David?

Malimit nating marinig ngayon sa panahon ng tag-hirap … may pera sa basura. Tumpak! Ilang milyon ang kinikita ng mga tiwaling mayor at mga opisyal sa pamamagitan lamang ng basura. Nguni’t higit pa rito ay may katotohanang ang Diyos ay may kakayahang magtaguyod ng buhay sa kabila ng tag-tuyot.

Masaganang ani ang naghihintay sa atin. Sa panulat ni Pablo sa mga Filipos, ginamit niya ang salitang “unang ani” na may kinalaman kay Jesus. Si Jesus, aniya, ang unang ani ng santinakpan, ang unang silang mula sa kamatayan, ang kasukdulan ng kung ano ang tadhanang nakalaan para sa mga nilalang ng Diyos ayon sa kanyang wangis.

Ang Pasko ay isang mahabang salaysay na may kinalaman, hindi lamang sa isang sanggol na isinilang sa sabsaban. Ito ay isang “metanarrative” o mahabang makahulugang salaysay na umiikot sa katotohanang ipinipinta ng dalawang pagbasa … na ang Diyos ay Diyos na nakapag-dudulot ng buhay sa kabila ng tila kawalang buhay sa ating kapaligiran. Si Samson, si Juan Bautista, si Jesus – ang “panganay” kumbaga, ang unang silang sa ating lahat – silang lahat ay pangako at katuparan na ang Diyos ay may kakayahan at pakay na maghatid ng buhay – buhay na walang hanggan, buhay na ganap.

At itong lahat ng ito ay naganap sa gitna ng kasalatan, ng kawalan, ng kahinaan. Ito ang mahabang salaysay ng Paskong pinaghahandaan natin. Sa huling turing, ang salaysay na ito ay walang iba kundi ang pamagat ng ating munting telenobela sa araw na ito … Tag-ani sa tag-tuyot … sapagka’t ang Diyos ay Diyos na buhay, at Diyos ng buhay.