frchito

TAG-ANI SA TAG-TUYOT

In Adviento, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Samson, San Juan Bautista, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 17, 2008 at 14:11

life-and-death-of-treeIka-apat na Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 19, 2008

Mga Pagbasa: Hukom 13:2-7. 24-25 / Lk 5:1-25

Puno ang Banal na Kasulatan ng mga kabalintunaan, mga pangyayaring tila magkasalungat, magkahadlang, magkasangga. Parang bato-balani na may dalawang dulo na magkasalungat. Pero walang bato-balani na iisa ang dulo. Lahat ng bato-balani ay may south pole at north pole, at ang dalawang magkasalungat ay kumakatawan sa iisang katotohanan.

Ang kakayahang mamuhay sa gitna ng ganitong kabalintunaan ay isang tanda ng malalim na pananampalataya – ang kakayahang tumunghay sa mga pangyayari at ang kakayahan ring makita ang kaganapan, ang kabuuuan, ang kaisahan sa kabila ng tila magkasalungat na bagay.

Dalawang kabalintunaan ang binabanggit ng dalawang pagbasa. Ang una ay may kinalaman kay Samson, na isinilang sa katandaan at kabaogan ng asawa ni Manoah. Ang pagsilang ni Samson, ayon sa salaysay, ay naganap dahil sa tahasang paggawa at panghihimasok, alalaumbaga, ng Diyos sa buhay ng babaeng tigang ang sinapupunan ng napakaraming taon.

Ang katumbas nito ay nasa ebanghelyo ni Lukas. Paralelismo ang tawag dito ng mga dalubhasa sa Biblia. Parang dalawang pisngi ng mangga, ika nga, parang dalawang palad na magkadaop ang dalawang salaysay na ito. At ang paralelismo ay naganap sapagka’t ang anak na iniluwal ni Elisabet ay iniluwal din sa kabila ng katotohanang tigan rin ang kanyang sinapupunan at matanda na si Zacarias.

Maari nating pamagatan ang ating salaysay ng pananampalataya ngayon sa ika-apat na araw ng nobena ng Pasko ng ganito: TAG-ANI SA TAG-TUYOT. Masaganang ani ang bunga ng tag-tuyot sa buhay ni Manoah at ni Zacarias. Tigang man at walang pangako ang kanilang sinapupunan ay naganap ayon sa wika ng Panginoon, na dumating sa dalawa sa pamamagitan ng anghel.

Nguni’t ito ay hindi lamang storya ng dalawang magkasanggang buhay nina Manoah at Zacarias. Hindi ito ika nga “back to back” lamang. Hindi ito isang talikuran at baligtarang salaysay na pinapag-tatagni-tagni lamang natin. Ang parelelismong ito ay tumutuon sa higit pang pangyayari na humihigit pa sa dalawang magkasanggang salaysay na ito.

Ito ang dakilang salaysay ng pagkakatawang-tao ng bugtong na Anak ng Diyos. Sa araw na ito, inihahanda ng dalawang pagbasa ang dakilang hiwaga na ating pagninilayan sa kapaskuhan. Sa pamamagitan ng kwento ni Samson at ni Juan Bautista ay unti-unting lumalapat sa ating guni-guni at kamalayan ang dakilang kakayahan ng Diyos na magsulat ng deretso kahit sa pamamagitan ng mga balikong linya. Ito ang kakayahan ng Maykapal upang papagbungahin at payabungin maging ang mga ilang na tigang at tuyot sa pagmumulan ng buhay. Ito ang hiwaga ng ating Diyos na makapangyayari sa lahat, at makapagdudulot ng buhay kahit mula sa kamatayan, Siya na lumikha ng langit at lupa mula sa kawalan.

Tigang at tuyot ang lupang ating nilalakaran – sa maraming iba-ibang dahilan. Tigang ang ating bayan sa mga bayani. Iyan ang dahilan kung bakit kiliting-kiliti ang lahat ng Pinoy sa pagwawagi ni Manny Pacquiao. Iyan rin ang dahilan kung bakit lahat ng nananalo sa mga timpalak sa ibang bansa, lalu na sa America, ay inaangkin natin at pilit na ginagawang Pinoy na Pinoy. Iyan rin ang dahilan kung bakit itinatanghal natin ang mga OFW bilang mga bagong bayani. Wala tayong mapili sa bayan natin. Salat na salat ang lipunan natin sa bayani, sa mga taong titingalain natin at tutularan.

Totoo nga ba ito? At ito ba ay may kinalaman sa ating mga pagbasa sa araw na ito at sa pagdiriwang natin sa gabing ito?

Nais kong isipin na malaki at marami ang kaugnayan nito sa buhay natin. Una, ang Diyos ay Diyos ng buhay, at hindi kamatayan. Ang Diyos ay nagtataguyod sa buhay at siyang nangangalaga sa buhay. Ang pagsilang ni Samson at ni Juan Bautista ay patunay na Siya ay may kakayahang magdulot ng buhay sa kabila ng tila malinaw na tanda ng kamatayan. Ang Diyos ay siyang nagpapasibol at nagpapausbong sa panibagong buhay. Di ba’t ito ang pinag-usapan natin kahapon? … na ang Diyos na mismo ang magpapausbong sa isang sibol sa angkan ni Judah? Di ba’t itong sibol na ito ay nagtamo ng katuparan sa pagsilang ni Kristong mula sa angkan ni David?

Malimit nating marinig ngayon sa panahon ng tag-hirap … may pera sa basura. Tumpak! Ilang milyon ang kinikita ng mga tiwaling mayor at mga opisyal sa pamamagitan lamang ng basura. Nguni’t higit pa rito ay may katotohanang ang Diyos ay may kakayahang magtaguyod ng buhay sa kabila ng tag-tuyot.

Masaganang ani ang naghihintay sa atin. Sa panulat ni Pablo sa mga Filipos, ginamit niya ang salitang “unang ani” na may kinalaman kay Jesus. Si Jesus, aniya, ang unang ani ng santinakpan, ang unang silang mula sa kamatayan, ang kasukdulan ng kung ano ang tadhanang nakalaan para sa mga nilalang ng Diyos ayon sa kanyang wangis.

Ang Pasko ay isang mahabang salaysay na may kinalaman, hindi lamang sa isang sanggol na isinilang sa sabsaban. Ito ay isang “metanarrative” o mahabang makahulugang salaysay na umiikot sa katotohanang ipinipinta ng dalawang pagbasa … na ang Diyos ay Diyos na nakapag-dudulot ng buhay sa kabila ng tila kawalang buhay sa ating kapaligiran. Si Samson, si Juan Bautista, si Jesus – ang “panganay” kumbaga, ang unang silang sa ating lahat – silang lahat ay pangako at katuparan na ang Diyos ay may kakayahan at pakay na maghatid ng buhay – buhay na walang hanggan, buhay na ganap.

At itong lahat ng ito ay naganap sa gitna ng kasalatan, ng kawalan, ng kahinaan. Ito ang mahabang salaysay ng Paskong pinaghahandaan natin. Sa huling turing, ang salaysay na ito ay walang iba kundi ang pamagat ng ating munting telenobela sa araw na ito … Tag-ani sa tag-tuyot … sapagka’t ang Diyos ay Diyos na buhay, at Diyos ng buhay.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: