frchito

Archive for the ‘Simbang Gabi’ Category

TAG-ANI SA TAG-TUYOT

In Adviento, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Samson, San Juan Bautista, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 17, 2008 at 14:11

life-and-death-of-treeIka-apat na Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 19, 2008

Mga Pagbasa: Hukom 13:2-7. 24-25 / Lk 5:1-25

Puno ang Banal na Kasulatan ng mga kabalintunaan, mga pangyayaring tila magkasalungat, magkahadlang, magkasangga. Parang bato-balani na may dalawang dulo na magkasalungat. Pero walang bato-balani na iisa ang dulo. Lahat ng bato-balani ay may south pole at north pole, at ang dalawang magkasalungat ay kumakatawan sa iisang katotohanan.

Ang kakayahang mamuhay sa gitna ng ganitong kabalintunaan ay isang tanda ng malalim na pananampalataya – ang kakayahang tumunghay sa mga pangyayari at ang kakayahan ring makita ang kaganapan, ang kabuuuan, ang kaisahan sa kabila ng tila magkasalungat na bagay.

Dalawang kabalintunaan ang binabanggit ng dalawang pagbasa. Ang una ay may kinalaman kay Samson, na isinilang sa katandaan at kabaogan ng asawa ni Manoah. Ang pagsilang ni Samson, ayon sa salaysay, ay naganap dahil sa tahasang paggawa at panghihimasok, alalaumbaga, ng Diyos sa buhay ng babaeng tigang ang sinapupunan ng napakaraming taon.

Ang katumbas nito ay nasa ebanghelyo ni Lukas. Paralelismo ang tawag dito ng mga dalubhasa sa Biblia. Parang dalawang pisngi ng mangga, ika nga, parang dalawang palad na magkadaop ang dalawang salaysay na ito. At ang paralelismo ay naganap sapagka’t ang anak na iniluwal ni Elisabet ay iniluwal din sa kabila ng katotohanang tigan rin ang kanyang sinapupunan at matanda na si Zacarias.

Maari nating pamagatan ang ating salaysay ng pananampalataya ngayon sa ika-apat na araw ng nobena ng Pasko ng ganito: TAG-ANI SA TAG-TUYOT. Masaganang ani ang bunga ng tag-tuyot sa buhay ni Manoah at ni Zacarias. Tigang man at walang pangako ang kanilang sinapupunan ay naganap ayon sa wika ng Panginoon, na dumating sa dalawa sa pamamagitan ng anghel.

Nguni’t ito ay hindi lamang storya ng dalawang magkasanggang buhay nina Manoah at Zacarias. Hindi ito ika nga “back to back” lamang. Hindi ito isang talikuran at baligtarang salaysay na pinapag-tatagni-tagni lamang natin. Ang parelelismong ito ay tumutuon sa higit pang pangyayari na humihigit pa sa dalawang magkasanggang salaysay na ito.

Ito ang dakilang salaysay ng pagkakatawang-tao ng bugtong na Anak ng Diyos. Sa araw na ito, inihahanda ng dalawang pagbasa ang dakilang hiwaga na ating pagninilayan sa kapaskuhan. Sa pamamagitan ng kwento ni Samson at ni Juan Bautista ay unti-unting lumalapat sa ating guni-guni at kamalayan ang dakilang kakayahan ng Diyos na magsulat ng deretso kahit sa pamamagitan ng mga balikong linya. Ito ang kakayahan ng Maykapal upang papagbungahin at payabungin maging ang mga ilang na tigang at tuyot sa pagmumulan ng buhay. Ito ang hiwaga ng ating Diyos na makapangyayari sa lahat, at makapagdudulot ng buhay kahit mula sa kamatayan, Siya na lumikha ng langit at lupa mula sa kawalan.

Tigang at tuyot ang lupang ating nilalakaran – sa maraming iba-ibang dahilan. Tigang ang ating bayan sa mga bayani. Iyan ang dahilan kung bakit kiliting-kiliti ang lahat ng Pinoy sa pagwawagi ni Manny Pacquiao. Iyan rin ang dahilan kung bakit lahat ng nananalo sa mga timpalak sa ibang bansa, lalu na sa America, ay inaangkin natin at pilit na ginagawang Pinoy na Pinoy. Iyan rin ang dahilan kung bakit itinatanghal natin ang mga OFW bilang mga bagong bayani. Wala tayong mapili sa bayan natin. Salat na salat ang lipunan natin sa bayani, sa mga taong titingalain natin at tutularan.

Totoo nga ba ito? At ito ba ay may kinalaman sa ating mga pagbasa sa araw na ito at sa pagdiriwang natin sa gabing ito?

Nais kong isipin na malaki at marami ang kaugnayan nito sa buhay natin. Una, ang Diyos ay Diyos ng buhay, at hindi kamatayan. Ang Diyos ay nagtataguyod sa buhay at siyang nangangalaga sa buhay. Ang pagsilang ni Samson at ni Juan Bautista ay patunay na Siya ay may kakayahang magdulot ng buhay sa kabila ng tila malinaw na tanda ng kamatayan. Ang Diyos ay siyang nagpapasibol at nagpapausbong sa panibagong buhay. Di ba’t ito ang pinag-usapan natin kahapon? … na ang Diyos na mismo ang magpapausbong sa isang sibol sa angkan ni Judah? Di ba’t itong sibol na ito ay nagtamo ng katuparan sa pagsilang ni Kristong mula sa angkan ni David?

Malimit nating marinig ngayon sa panahon ng tag-hirap … may pera sa basura. Tumpak! Ilang milyon ang kinikita ng mga tiwaling mayor at mga opisyal sa pamamagitan lamang ng basura. Nguni’t higit pa rito ay may katotohanang ang Diyos ay may kakayahang magtaguyod ng buhay sa kabila ng tag-tuyot.

Masaganang ani ang naghihintay sa atin. Sa panulat ni Pablo sa mga Filipos, ginamit niya ang salitang “unang ani” na may kinalaman kay Jesus. Si Jesus, aniya, ang unang ani ng santinakpan, ang unang silang mula sa kamatayan, ang kasukdulan ng kung ano ang tadhanang nakalaan para sa mga nilalang ng Diyos ayon sa kanyang wangis.

Ang Pasko ay isang mahabang salaysay na may kinalaman, hindi lamang sa isang sanggol na isinilang sa sabsaban. Ito ay isang “metanarrative” o mahabang makahulugang salaysay na umiikot sa katotohanang ipinipinta ng dalawang pagbasa … na ang Diyos ay Diyos na nakapag-dudulot ng buhay sa kabila ng tila kawalang buhay sa ating kapaligiran. Si Samson, si Juan Bautista, si Jesus – ang “panganay” kumbaga, ang unang silang sa ating lahat – silang lahat ay pangako at katuparan na ang Diyos ay may kakayahan at pakay na maghatid ng buhay – buhay na walang hanggan, buhay na ganap.

At itong lahat ng ito ay naganap sa gitna ng kasalatan, ng kawalan, ng kahinaan. Ito ang mahabang salaysay ng Paskong pinaghahandaan natin. Sa huling turing, ang salaysay na ito ay walang iba kundi ang pamagat ng ating munting telenobela sa araw na ito … Tag-ani sa tag-tuyot … sapagka’t ang Diyos ay Diyos na buhay, at Diyos ng buhay.

SALIN-SALIN … OO, PERO HINDI BITIN, PARANG SAPIN-SAPIN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 16, 2008 at 16:26

simbang-gabi2

Ikalawang Araw ng Simbang Gabi

Diciembre 17, 2008

Mga Pagbasa: Gen 49:2.8-10 /Mt 1:1-17

Salin-salin ang lahing binabanggit sa ebanghelyo ngayon ni Mateo. Parang walang katuturan, walang kahulugan … Ano ba ang kinalaman ng angkan ni Jesus sa ating buhay ngayon? Ano ba ang mahihita natin sa kaalamang pasalin-salin ang lahi na siyang pinagmulan ni Kristong Panginoon?

Isa itong palaisipan sa atin sa tuwing darating ang Pasko. Nguni’t kung ang Salita ng Diyos ay kinasihan ng Espiritu Santo, at walang nalimbag liban kung ito ay mula sa Diyos, may malaking kahulugan ito sa atin magpahangga ngayon.

Ito ang paghamon ng kahulugang naghihintay sa atin. Ito ang nararapat nating siyasatin ngayon upang kumbaga’y mabuksan ang susi ng kapalinawagan.

Kung ating pagtatabihin ang dalawang pagbasa, ang diwang malinaw na lumilitaw ay may kinalaman sa malasakit. Malaki ang malasakit ni Jacob (Israel) sa kanyang anak na si Juda. Kung kaya’t habang may lakas pa siya ay pinagtagubilinan na niya si Juda kung kanino niya binitiwan ang isang pangako at hula ng isang matingkad na kinabukasan … “Ikaw Juda ay pupurihin ng iyong mga kapatid.” Alam natin sa ebanghelyo ni Mateo na binasa rin natin na si Juda ay ang angkang pinagmulan ni Haring David, na siya ring pinagmulan ni Jesus.

Ito ay natupad ng isilang si Jesus na mula sa angkan ni David. Si Jesus ang siyang itinanghal na “anak ni David,” tulad ng sinabi ng bulag na nagwika sa kanya, “Jesus, anak ni David, maawa ka sa akin.”

Nakakainip ang listahan ng mga pangalang binasa natin. Salin-salin ang lahi, nguni’t hindi bitin. Hindi singaw si Kristo. May pinagmulan siya … may pinanggalingan. At iisa ang katotohanang tinutumbok ng lahat ng ito. Ang pag-ibig, katapatan, at pangako ng Diyos ay hindi “short-time” lamang, hindi bitin. Ang katapatan ng Diyos ay susun-suson … salin-salin,sapin-sapin, dugtong-dugtong, sunud-sunod … nakahanay … magkakawing-kawing … magkarugtong … walang patid … salin-salin, oo …nguni’t hindi bitin!

Kawing-kawing at sali-salimuot ang ating mga suliranin sa mundo. Walang lagot, walang patid, tila walang katapusan. Ang masamang balita na gumugulantang sa atin ay tila walang hangganan … tulad ng telenobela … iyakang walang patumangga … sampalang walang katapusan. Nguni’t sa kabila ng kawing-kawing na problemang bumabagabag sa atin, tila wala tayong natatanaw na wakas, walang tuldok sa pinapasan ng tao.

Para sa mga may edad na, balik-isipin natin ang nakaraan. Ilang beses tayo nag-people power? Ilang beses tayo nag-rally at naghumiyaw sa Mendiola, sa EDSA, at sa Liwasang Bonifacio? Ilang pagkakataon tayo nagpalahaw sa Luneta upang gulantangin ang konsiyensiya ng bayan o ng pamahalaan upang maganap ang tama at ang makatarungan? Susun-suson ang ating paghahanap ng solusyon sa mga suliraning bumabalot sa atin. Sunud-sunod ang pagpupursigue natin. Parang listahan ng mga angkan ni Jesus, na parang walang katapusan.

Subali’t lahat ng ating pinagsikapan ay laging naging bitin … hindi sapat … kulang … kapos … kalpot … Kulang at kulang pa rin ang lahat ng ating ginawa. Masiba pa rin ang mga namumuno sa atin … Lumayas man si Ali Baba, ay nanatili naman at patuloy na namamayagpag ang 40 mandarambong. Patuloy na yumayaman ang mga heneral at nakapagbabaon ng milyon-milyong piso sa Rusya. Patuloy na nauubos ang pork barrel funds sa mga tarpaulin, mga kalsada at tulay na walang patutunguhan, at sa mga state universities na nagiging mga diploma mills o pagawaan ng sertipikong hindi pinaniniwalaan sa America at sa ibang dako ng daigdig. Parang tinuhog na mga tigbi o sigay na walang simula at walang katapusan.

Ito ang buhay natin sa lupang bayang kahapis-hapis ng mga anak ni Eba at ni Adan. Bitin tayong lahat ng namatay nang napakabata si Marky Cielo. Napukaw ang ating nagdadalamhating puso sa habag sa kanyang Ina at kapatid na nabigla sa kanyang pagpanaw. Bitin ang buhay niya. Bitin ang marami nating karanasan.

Ito ang konteksto kung saan tayo ay napapaloob. Ito ang konteksto ng Misa natin, ngayong ikalawang araw ng Simbang Gabi.

Iisa ang tinutumbok ng listahang tatlong pulutong ng mga salinlahi ang binabanggit. Parang mga tinuhog na sampaguita, ang mga salinlahing ito ay pawang tumuturo sa iisang katotohanan – tulad ng binanggit ni Jacob sa kanyang anak na si Juda … pagmamalasakit at katapatan.

Mahirap ang bayan natin. Patuloy na humihirap dahil sa katiwalian at kasalanan natin lahat. Subali’t ang katapatan ng Diyos ay parang tinuhog na sigay, sampaguita, o tigbi o anumang butil na walang patid … Di magmamaliw at di mapapatid ang pagmamalasakit niya sa atin. Ito ang magandang balitang dulot ng ikalawang araw na ito ng Simbang Gabi.

Parang sapin-sapin ang katapatan ng Diyos … Susun-suson … sunud-sunod … dugtong-dugtong, patong-patong … oo … salin-salin, pero hindi bitin! Hindi bitin ang pag-ibig ng Diyos … walang patid … walang lagot … walang linsad … walang kupas … mula kay Abraham magpahanggang kay Jose, ang asawa ni Maria … tatlong pulutong na tig lalabing apat na salinlahi bawa’t pulutong. Pasalin-salin man ay walang patid at walang duda … Si Jesus ang pinakahihintay na Mananakop at Mangliligtas. Siya ang dahilan kung bakit hindi bitin ang pananampalataya at pag-asa natin.