frchito

Archive for the ‘Sunday Reflections’ Category

TAPUNAN O TIPANAN?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Hunyo 12, 2009 at 09:43

Eucharist
KAPISTAHAN NG BANAL NA KATAWAN AT DUGO NI KRISTO
(CORPUS CHRISTI)
Junio 14, 2009

Mahirap isipin na ang bagay na itinatapon ay may halaga para sa mga modernong taong tulad natin. Ang panahon natin, bukod sa iba pa, ay isang panahong ang pagpapahalaga sa maraming bagay ay hindi nagtatagal. Kay bilis maluma ang mga cellphone, mga computer, atbp. At kapag itinapon, ito ay tanda na wala nang halaga, wala nang silbi para sa nagtapon.

Subali’t alam natin na sa sinaunang panahon, ang sakripisyo ay isang pagbububo (pagtatapon) ng kung ano mang lubhang mahalaga, bilang pag-aalay sa kanilang diyos na sinasamba. Maging sa Lumang Tipan, ang pagbubuhos ng dugo ng hayop na iniaalay sa dambana ng templo sa Jerusalem ay isang tanda ng sakripisyong karapat-dapat sa Diyos. Ang dugo ay ibinubuhos sa altar bilang pagtubos o paghuhugas sa mga kasalanan. At ito ay sapagka’t ang dugo ay tanda at sagisag at simulain ng buhay, ang siyang nagtataguyod ng buhay. Ang pagbububo ng dugo ay pag-aalay ng kung anong itinuturing na pinakamahalaga sa tao noong mga panahong yaon.

Bagama’t hindi na sanay ang tao ngayon na magpahalaga sa dugo bilang pangwisik, bilang pampahid sa noo o anumang katumbas na ritwal, batid pa rin ng postmodernong tao na ang dugo ay lubhang mahalaga, tulad halimbawa sa hindi natin pagtanggi sa pagsasalin ng dugo, o pag-aalay ng dugo sa Red Cross tuwi-tuwina, o kung kailangan.

Tunay na, maging sa panahon natin, ang dugo ay kumakatawan sa buhay. Ang pagdaloy ng dugo ay tanda ng pananalaytay ng buhay sa ating katawan. Ang pagkakaloob ng dugo ay pamamahagi ng buhay, at ang pagdadanak ng dugo para sa bayan o sa isang adhikain ay tanda ng pagiging isang dakilang bayani na tinitingala ng balana.

Ang lahat ng ito, at higit pa, ang siya nating ginugunita at ipinagdiriwang sa pista ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristong ating Panginoon. Sa dakilang kapistahang ito, ang diwa ng pag-aalay ng karapat-dapat na pagkakaloob sa Diyos ay atin ngayong pinagyayaman. Sa Lumang Tipan, paulit-ulit ang pangangailangang magkaloob ng dugo sa Diyos. Paulit-ulit rin ang pangangailangang magsakripisyo sa Diyos sa templo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tupang walang bahid, walang pintas, ganap at hindi hihigit sa isang taon ang gulang.

Ang pinakasukdulan ng kaganapan at kabutihan ang siyang binibigyang-halaga sa pag-aalay.

Sa Eukaristiya, na nagsasabuhay at muling nagsasaganap ng sakripisyo ng Kordero ng Diyos, na si Jesus, na tila isang maamong korderong inialay sa altar ng Kalbaryo, at nagbubo (nagbuhos) ng kanyang dugo para sa ikaliligtas ng santinakpan, ay ginugunita natin ang lahat ng ito. Nguni’t kakaiba sa mga alay sa Lumang Tipan, ang alay na ito ay ganap, walang kapantay, walang katumbas, dahil sa ang nag-alay at ang inialay ay walang iba kundi ang bugtong na Anak ng Diyos.

Ang itinatapon sa buhay natin ngayon ay walang silbi. Ang itinapon sa Kalbaryo naman ang nagbigay silbi sa buhay natin na dati-rati ay walang kakabu-kabuluhan dahil sa pagkakasala na minana natin lahat. Ang buhay na ipinagkaloob, ang dugo na ibinubo, at ang katawang ipinagkaloob sa atin upang pagpira-pirasuhin at tanggapin ang siyang naging daan sa ating pagtanggap ng bago at higit na mataas na antas ng pamumuhay-Kristiyano, pamumuhay kapiling ang Diyos.

Bukod sa rito, ang tapunan ng dugo na naganap sa dambana sa Lumang Tipan ay naging tanda ng isang tipanan. Nang tinanggap ni Moises at ng mga Israelita ang paanyaya ng Diyos, at silang lahat ay winisikan ng dugo ng kordero, ang Tipanan ay naganap. “Ako ang inyong Diyos, at kayo ang aking bayan,” ani Yahweh. At ang tugon naman ng mga tao ay ang buod ng kasunduang ito: “Ang lahat ng utos na galing sa Panginoon, ay aming tutuparin.” Kalahati ng dugo ay ibinubo sa altar, at ang kalahati ay iwinisik sa mga tao.

Tapunan o tipanan? Ito ang tanong natin sa araw na ito… Kung ang Eukaristiya ay walang iba kundi ang pagtatapon ng buhay ng Panginoon para sa atin, ang pagkabubo ng dugo niya sa ating kaligtasan, ang nagaganap ay hindi sayang … hindi kailanman dapat ituring na sayang … Ito ang diwa at buod ng Eukaristiya, sagisag, tanda, at katotohanan ng pakikipagniig natin sa Diyos – Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ang tapunan na nagaganap araw-araw sa pagkakaloob Niya ng katawan at dugo at hindi isang pag-aaksaya at pagsasayang na walang kinahihinatnan. Ang tapunan sa altar ay sandigan ng Tipanan sa puso ng bawa’t isa sa atin.

Walang sayang sa mga nagmamahalan. Walang tapon sa mga taong may malasakit sa isa’t isa. Walang panghihinayang sa mga tumatanggap ng lahat at ng kabuuan. Ang tanong natin sa salmong tugunan ay “ano bang maari kong ipagkaloob bilang tugon sa kabutihan ng Diyos?” Nagsasayang ba ako ng oras sa umagang ito, o sa araw na ito sa pagsisimba? Nagtatapon ba ako ng oportunidad sa paggugugol ko ng oras para sa kanya?

Malayo ito sa katotohanan. Ang tapunan sa altar ay batayan at pagtitibay ang tipanan ng Diyos at ng kanyang bayan. At sa tipanang ito, walang hihigit pang tanda sa pangakong ito: “Ang kumain ng aking katawan at uminom ng aking dugo ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”

Mayroon pa bang ibang dapat hanapin? Kailangan pa bang imemorize ito? For life!

SANLIBONG PIGHATI; SANLAKSANG PAG-ASA

In Adviento, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Disyembre 3, 2008 at 20:55

Ika-2 Linggo ng Adviento(B)
Disyembre 7, 2008

Mga Pagbasa:  Is 40:1-5, 9-11 / 2 Pedro 3: 8-14 / Marco 1: 1-8

Nasadlak sa lusak ng pighati ang mga Israelita sa pagkatapon sa Babilonia. Isa ito sa pinakamapait na karanasang magpahangga ngayon ay may mayroong maituturo sa ating pamumuhay. Ano pa ba ang higit pang masakit na karanasan kaysa sa pagkatapon, sa pagkawasak ng templo sa Jerusalem, at sa pagdadala sa kanila sa isang katumbas na karanasan ng taggutom at tagtuyot sa isang bayang banyaga, kung saan ang buhay nila ay walang iniwan sa karanasan ng kanilang ninuno sa mahabang paglalakbay sa ilang noong panahon ni Moises.?

Ito ang konteksto ng unang pagbasa … sa kabila ng sanlibong dahilan upang manatiling malungkot, ay buong pag-asang ipinangaral ni Isaias: “Ginhawa, ginhawa ang ipagkaloob mo sa aking bayan, sabi ng iyong Panginoon.” Binigyang turing ni Isaias ang ginhawang darating na ito: “Isang tinig ang sumisigaw sa ilang: ihanda ang daraanan ng Panginoon.”

May isang libo at isang dahilan tayo ngayon upang malungkot at manghinawa. Sa kabila ng lahat nating pagnanasa tungo sa pagbabago, ang araw-araw na balita ay patuloy na nagpapakitang malayong-malayo pa tayo sa inaasam na ganap na kaisahan, katapatan, at pagpupunyagi para sa kapakanang pangkalahatan. Isang libo at isa ang mga imbestigasyon sa Senado at sa Congreso. Isang libo at isa ang mga balakid na humaharap sa mga taong ang tanging inaasam ay ang makita ang Pilipinas sa hanay ng mga bansang may kakayahang maglakad nang taas noo sa harap ng buong daigdig. Ang kanilang dalisay na adhikain ay patuloy na hinahadlangan ng mga makasarili at ganid na politikong ang tanging iniisip ay ang kanilang kapakanan.

Isang libo at isa ang kadahilanan upang ang daigdig ay mangamba, matakot, at mangimi sa likod ng mga atake ng teroristang tulad ng naghasik ng gulo sa Mumbai, o mga piratang patuloy na naghahasik ng lagim sa dagat sa Somalia at sa iba pang lugar.

Isang libo at isa ang dahilan upang tayo ay patuloy nang sumuko sa puwersa ng kasalanan at kultura ng kamatayan sa lahat ng antas ng ating buhay pansarili at panglipunan.

Ito ang kinapapalooban ng ating pagdiriwang na ito sa ika-2 Linggo ng Adviento. Ito ang kwadro na kinalalagyan ng buhay natin bilang Pinoy. Mayroon pa kayang pag-asa ang Pinoy? Mayroon pa kayang dahilan upang tayo ay umahon mula sa lusak na ito ng kawalang pansin sa katotohanang moral at sa kapakanang pangkalahatan?

Naparito tayo sa simbahan sapagka’t tayo ay naghahanap ng tugon sa mga katanungang ito. Nguni’t ano nga ba ang tugon natin sa mga tanong na ito?

Ang Simbahan ay walang blueprint o mapa tungo sa kalutasan ng maraming problema sa lipunan. Ang mga namumuno sa simbahan ay hindi mga ekonomista, ni mga politico na may angking kakayahan upang isulong ang anumang programa na maghahatid sa atin sa ginhawa at prosperidad o karangyaan.

Subali’t ang simbahan ay may kakayahan upang mangaral tungkol sa katotohanang moral na siyang dapat maging gabay sa anumang pagbabalangkas ng solusyon sa susun-susong mga problema sa lipunan. Nguni’t higit dito, ang simbahan ay may angking isang mahabang salaysay na dapat maging batayan ng anumang pagbabalangkas ng solusyon. Ang salaysay na ito ay nagmumula at nag-uugat sa isang mahalagang pangyayari – ang pagdatal ng Manliligtas o Mananakop.

Ito ang salaysay na ating pinagtutuunan ng pansin sa panahong ito ng Adviento. Ang salaysay na ito ang siyang binabalangkas ni Isaias: “Isang tinig ang sumisigaw: ihanda ang daraanan ng Panginoon … patagin ang mga lubak, gumawa ng isang patag na daan sa ilang …”

Mahaba ang salaysay na ito … libo-libong taon na ang nagdaan … matagal na tayong naghihintay … nguni’t tulad ng sinasabi ni Pablo, sa kabila ng mahaba nating paghihintay, ang katuparan ay tiyak na darating, malaon man o madali … “sa harap ng Panginoon, ang isang araw ay tulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay tila isang araw lamang.”

Ang salaysay na ito na, nagsimula sa mga hula ng propeta sa Lumang Tipan, ay naging makatotohanan sa pagsilang ni Jesucristo at sa paghahandang ginawa ni Juan Bautista. Si Juan Bautista ay nagturo sa darating na Mesiyas: “May isang darating na higit na makapangyarihan sa akin. Hindi ako karapat-dapat na yumuko upang kalasin ang sintas sa kanyang sandalyas. Bininyagan ko kayo sa tubig; bibinyagan Niya kayo sa Espiritu Santo.”

Ang salaysay na ito ay nagpapatuloy sa ating panahon. Ito ang salaysay ng pag-asa. At ito ang kwentong isinasalaysay natin tuwing Adviento sa Simbahan. Ang wakas ng salaysay na ito, ayon sa hula ng mga propeta, at sa pangaral mismo ni Jesucristong Panginoon, ay tiyak at hindi mababago. Nasa panig ng Diyos ang ginhawa … nasa panig Niya ang kaganapan ng pangako … nasa panig ng Panginoon ang walang hanggang kaluwalhatian. Di maglalaon … sa kabila ng isang libo at isang pighati, ang ating inaasam at hinihintay ay isang laksang pag-asa … sapagka’t mabubunyag ang luwalhati ng Diyos … parating ang Diyos, narito Siyang may angking kapangyarihan, na namumuno nang buong tibay. Tulad ng isang pastol ay tinitipon Niya ang kanyang kawan, na tulad ng mga korderong kapit Niya sa kanyang mga bisig.

Ang lahat ng ito ay larawang nagpapataba sa ating puso.  Sa likod ng sanlibo at isang pighati, ay namamalas ng taong may sampalataya, ang sanlaksang pag-asa.

Angkop na angkop ang pambungad na panalangin sa araw na ito: “Tanggalin mo, O Diyos, ang lahat ng humahadlang sa buong puso at buong galak na pagtanggap namin kay Kristo, upang makibahagi kami kanyang karunungan at makiisa sa kanyang maluwalhating pagbabalik. Amen.”