frchito

SANLIBONG PIGHATI; SANLAKSANG PAG-ASA

In Adviento, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Disyembre 3, 2008 at 20:55

Ika-2 Linggo ng Adviento(B)
Disyembre 7, 2008

Mga Pagbasa:  Is 40:1-5, 9-11 / 2 Pedro 3: 8-14 / Marco 1: 1-8

Nasadlak sa lusak ng pighati ang mga Israelita sa pagkatapon sa Babilonia. Isa ito sa pinakamapait na karanasang magpahangga ngayon ay may mayroong maituturo sa ating pamumuhay. Ano pa ba ang higit pang masakit na karanasan kaysa sa pagkatapon, sa pagkawasak ng templo sa Jerusalem, at sa pagdadala sa kanila sa isang katumbas na karanasan ng taggutom at tagtuyot sa isang bayang banyaga, kung saan ang buhay nila ay walang iniwan sa karanasan ng kanilang ninuno sa mahabang paglalakbay sa ilang noong panahon ni Moises.?

Ito ang konteksto ng unang pagbasa … sa kabila ng sanlibong dahilan upang manatiling malungkot, ay buong pag-asang ipinangaral ni Isaias: “Ginhawa, ginhawa ang ipagkaloob mo sa aking bayan, sabi ng iyong Panginoon.” Binigyang turing ni Isaias ang ginhawang darating na ito: “Isang tinig ang sumisigaw sa ilang: ihanda ang daraanan ng Panginoon.”

May isang libo at isang dahilan tayo ngayon upang malungkot at manghinawa. Sa kabila ng lahat nating pagnanasa tungo sa pagbabago, ang araw-araw na balita ay patuloy na nagpapakitang malayong-malayo pa tayo sa inaasam na ganap na kaisahan, katapatan, at pagpupunyagi para sa kapakanang pangkalahatan. Isang libo at isa ang mga imbestigasyon sa Senado at sa Congreso. Isang libo at isa ang mga balakid na humaharap sa mga taong ang tanging inaasam ay ang makita ang Pilipinas sa hanay ng mga bansang may kakayahang maglakad nang taas noo sa harap ng buong daigdig. Ang kanilang dalisay na adhikain ay patuloy na hinahadlangan ng mga makasarili at ganid na politikong ang tanging iniisip ay ang kanilang kapakanan.

Isang libo at isa ang kadahilanan upang ang daigdig ay mangamba, matakot, at mangimi sa likod ng mga atake ng teroristang tulad ng naghasik ng gulo sa Mumbai, o mga piratang patuloy na naghahasik ng lagim sa dagat sa Somalia at sa iba pang lugar.

Isang libo at isa ang dahilan upang tayo ay patuloy nang sumuko sa puwersa ng kasalanan at kultura ng kamatayan sa lahat ng antas ng ating buhay pansarili at panglipunan.

Ito ang kinapapalooban ng ating pagdiriwang na ito sa ika-2 Linggo ng Adviento. Ito ang kwadro na kinalalagyan ng buhay natin bilang Pinoy. Mayroon pa kayang pag-asa ang Pinoy? Mayroon pa kayang dahilan upang tayo ay umahon mula sa lusak na ito ng kawalang pansin sa katotohanang moral at sa kapakanang pangkalahatan?

Naparito tayo sa simbahan sapagka’t tayo ay naghahanap ng tugon sa mga katanungang ito. Nguni’t ano nga ba ang tugon natin sa mga tanong na ito?

Ang Simbahan ay walang blueprint o mapa tungo sa kalutasan ng maraming problema sa lipunan. Ang mga namumuno sa simbahan ay hindi mga ekonomista, ni mga politico na may angking kakayahan upang isulong ang anumang programa na maghahatid sa atin sa ginhawa at prosperidad o karangyaan.

Subali’t ang simbahan ay may kakayahan upang mangaral tungkol sa katotohanang moral na siyang dapat maging gabay sa anumang pagbabalangkas ng solusyon sa susun-susong mga problema sa lipunan. Nguni’t higit dito, ang simbahan ay may angking isang mahabang salaysay na dapat maging batayan ng anumang pagbabalangkas ng solusyon. Ang salaysay na ito ay nagmumula at nag-uugat sa isang mahalagang pangyayari – ang pagdatal ng Manliligtas o Mananakop.

Ito ang salaysay na ating pinagtutuunan ng pansin sa panahong ito ng Adviento. Ang salaysay na ito ang siyang binabalangkas ni Isaias: “Isang tinig ang sumisigaw: ihanda ang daraanan ng Panginoon … patagin ang mga lubak, gumawa ng isang patag na daan sa ilang …”

Mahaba ang salaysay na ito … libo-libong taon na ang nagdaan … matagal na tayong naghihintay … nguni’t tulad ng sinasabi ni Pablo, sa kabila ng mahaba nating paghihintay, ang katuparan ay tiyak na darating, malaon man o madali … “sa harap ng Panginoon, ang isang araw ay tulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay tila isang araw lamang.”

Ang salaysay na ito na, nagsimula sa mga hula ng propeta sa Lumang Tipan, ay naging makatotohanan sa pagsilang ni Jesucristo at sa paghahandang ginawa ni Juan Bautista. Si Juan Bautista ay nagturo sa darating na Mesiyas: “May isang darating na higit na makapangyarihan sa akin. Hindi ako karapat-dapat na yumuko upang kalasin ang sintas sa kanyang sandalyas. Bininyagan ko kayo sa tubig; bibinyagan Niya kayo sa Espiritu Santo.”

Ang salaysay na ito ay nagpapatuloy sa ating panahon. Ito ang salaysay ng pag-asa. At ito ang kwentong isinasalaysay natin tuwing Adviento sa Simbahan. Ang wakas ng salaysay na ito, ayon sa hula ng mga propeta, at sa pangaral mismo ni Jesucristong Panginoon, ay tiyak at hindi mababago. Nasa panig ng Diyos ang ginhawa … nasa panig Niya ang kaganapan ng pangako … nasa panig ng Panginoon ang walang hanggang kaluwalhatian. Di maglalaon … sa kabila ng isang libo at isang pighati, ang ating inaasam at hinihintay ay isang laksang pag-asa … sapagka’t mabubunyag ang luwalhati ng Diyos … parating ang Diyos, narito Siyang may angking kapangyarihan, na namumuno nang buong tibay. Tulad ng isang pastol ay tinitipon Niya ang kanyang kawan, na tulad ng mga korderong kapit Niya sa kanyang mga bisig.

Ang lahat ng ito ay larawang nagpapataba sa ating puso.  Sa likod ng sanlibo at isang pighati, ay namamalas ng taong may sampalataya, ang sanlaksang pag-asa.

Angkop na angkop ang pambungad na panalangin sa araw na ito: “Tanggalin mo, O Diyos, ang lahat ng humahadlang sa buong puso at buong galak na pagtanggap namin kay Kristo, upang makibahagi kami kanyang karunungan at makiisa sa kanyang maluwalhating pagbabalik. Amen.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: