frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

TILA LIWANAG SA KATANGHALIAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon A on Pebrero 1, 2011 at 19:33

Ika-5 Linggo ng Taon (A)
Pebrero 6, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 58:7-10 / 1 Cor 2:1-5 / Mateo 5:13-16

TILA LIWANAG SA KATANGHALIAN

Una sa lahat ay isang mapitagang pagbati sa aking mga tagabasa sa iba’t ibang sulok ng daigdig, kung saan may mga Pilipinong nagpapagal at naghahanap-buhay. Nakatataba ng puso na mabatid na marami-rami rin pala akong nakakatalamitam sa pamamagitan nitong panulat na ito sa maraming bahagi ng mundo.

Pamagat ng pagninilay na ito ang huling mga kataga sa unang pagbasa galing kay Propeta Isaias. Matapos niya pagtagubilinan ang mga tao na gumawa ng nararapat sa mga gutom, mga hubad, at walang tirahan, nagbitaw siya ng isang pangako na galing sa Diyos … “ang kadilimang bumabalot sa inyo ay magiging tila liwanag sa katanghalian.”

Ito ang panig ng Diyos, ang pangarap niya at saloobin para sa lahat.

Pero, sa panig ng tao, ano ba ang nakatambad sa ating harapan? Huwag na tayo lumayo pa. Tingnan lang natin ang circus na nagaganap sa senado, sa kongreso, sa ejecutivo, sa legislatibo, at sa judicatura. Ang larawang tumatambad sa ating kamalayan ay isang malawak, malalim, sapin-sapin at susun-susong sitwasyon ng kadiliman … pagiging ganid at swapang, pagiging duhapang sa kapangyarihan at sa salapi, at ang walang kahihiyang pandarambong ng mga naturingang tagapaglingkod ng bayan!

Lumapit pa tayo nang kaunti at kung tayo ay tapat sa ating sarili, ay wala nang dapat pang puntahan liban sa ating sariling bakuran. Ano ba ang nasa loob ng ating bakod? Ano ba ang nilalaman ng ating budhi? Ano ang mga ikinukubli nating mga kalalabisan na siya nating mabilis na ipinupukol sa mga nakatira sa mga palasyong kristal ng lipunan nating tila pinamugaran na ng lahat ng uri ng karumihan at kasalanan?

Anong uri ng kadiliman ang dinadala natin at ikinakalat natin?

Huwag na sana tayo magpatumpik-tumpik pa o magmaang-maangan pa. Aminin natin. Kasama tayo sa kulturang ito ng kadiliman. Ang lahat, sabi ni San Pablo, ay kapos kung ihahambing sa luwalhati ng Diyos. Ang lahat ng nagkasala. Ang lahat ay may pananagutan.

Galit tayo sa mga politicong hindi tapat sa asawa. Subali’t ilan sa mga kapitbahay ninyo, ilan sa mga kamag-anak ninyo; ilan sa mga kumpare ninyo, o kapatid ninyo; ilan sa inyo ang may dalawa o higit pang sinusustentuhan? Ilang pamamahay ang inyong itinataguyod?

Galit tayo sa mga tagapaglingkod “kuno” sa bayan ang nangurakot ng bulto bultong salapi sa kaban ng bayan. Totoo. Kasama ako rito. Ngunit sa totoo lang, ilan sa atin ang nagnakaw ng panahon sa ating kompanya at hindi nagtrabaho nang wastong oras? Ilan sa atin ang nagpupuslit ng mga gamit na pag-aari ng kompanya, kasi “mayaman naman” ang kompanya?

Isa sa mga malungkot na katotohanan na narinig ko ay ito. Ang mga graduate namin sa aming school ay ayaw nang tanggapin ng isang malaking kompanya… Bakit? Ang unang pangkat na tinanggap nila ay napakabilis natutong pumeke ng inventory, palitan ang mga numero at iuwi ang mga akala nila ay hindi na madidiskubre. Resulta? Ayon … pati mga kasunod nilang walang malay ay hindi na tinatanggap at hindi na kailanman tatanggapin!

Galit tayo sa mga heneral na naghilata sa milyon milyong piso at daan libong dolyares kada buwan! Nguni’t ilan sa atin ang mabilis ring matutong bumaling na lamang ang tingin kapag pabor sa atin ang mga pangyayari? Ilan sa bureau of immigration, bureau of customs, at department of education ang nakukuha sa envelopmental approaches na tinatawag? Ilan sa atin ang hindi napadala sa mga pakimkim mapadulas lamang ang takbo ng mga papeles na kailangan natin?

Kadiliman! Ito ang tumatambad sa paningin nating lahat sa mga araw na ito. Itaga nyo sa bato … wala tayong mahihita sa mga imbestigasyon sa senado. Bakit? Mahirap yatang pagtiwalaan ang isang aso na magbantay sa iyong pagkain!

Sala-salabat na, sapin-sapin, at susun-suson ang mga ugat na nagkakabuhol-buhol nang sitwasyon ng korupsyon sa buong bayan natin.

Masamang balita? Oo, sa biglang wari. Ngunit isa pang masamang balita ang nasa likod nito … Kasama tayong lahat sa sitwasyong ito.

Bilib ako sa mga taong sa mahabang panahon ay nagumon sa masamang bisyo, na sa oras na napagtanto nila at nakita ang mapait na kahihinatnan ng lahat, ay nagpasya na lamang at sukat na wakasan ang paninigarilyo (cold turkey ang tawag dito sa Ingles). Nakuha nilang tumigil noon din o “ahora mismo!” Ano ang kailangang para gawin ito? Isang malaki at buong-loob na desisyon. Isang metanoia, isang pagbabalik-loob, isang pagtalikod nang ganuon na lamang at sukat sa isang masamang bisyo.

Ito ang ipinangangaral ni Pablo. At kung sakaling akalain ninyo na ito ay isang madaling bagay, pakinggan natin siya uli: “Ipinasya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Jesucristo na ipinako sa krus.”

Ito ang tugon sa ating matinding katanungan … walang ibang daan liban sa daang tinahak ng Manliligtas, ang daan ng krus, ang daan ng pagtalikod, daan ng pagbabago, daan ng pagtahak sa tunay na landas na matuwid, na hindi nakukuha sa pa-cute at pogi points na galing sa kotseng Porshe atbp.

Ang kadiliman ay hindi mapapawi sa pamamagitan lamang ng isang press release o sound bytes na pakagat ng mga showbiz experts. Ang kadiliman ay hindi mapapawi sa pamamagitan ng paninisi lamang sa naunang administrasyon o sa ibang bansa na nagpapalabas ng mga travel advisory. Ang kadiliman ay hindi mawawala sa pamamagitan lamang ng mga sunod-sunod na imbestigasyon sa Senado na walang nararating kundi pataasin ang rating ng mga honorable na puro dakdak sa harapan ng camera.

At hindi mapapawi ang kadiliman kung kaming mga pari ay walang ginawa kundi magbinyag, magkasal, at maglibing lamang at hindi kumikilos upang magampanan ang panawagan ng bagong ebanghelisasyon!

Kadiliman! Walang sagot dito liban kay Kristo at sa mga alagad na handang gawin ang nais ni Kristo. Ano ba ang kanyang nais?

Heto! … “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kayo’s ilaw sa sanlibutan … Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay.”

Huwag na natin hintayin na umamin ang mga salarin. Gawin na lamang natin ang dapat. At ang dapat ay inilista na ni Isaias sa itaas, tinunton na ni Pablo sa kanyang liham, at itinuro na ni Jesus sa atin. Kung magsisimula tayo, sa kabila ng kadilimang bumabalot sa bayan natin, tayo ay magiging “tila liwanag sa katanghalian.”

Patnubayan nawa ng Diyos Maykapal!

SIYA ANG MAMAMAHALA SA ATIN!

In Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Santo Nino, Tagalog Homily, Taon A on Enero 14, 2011 at 07:33

Banal na Sanggol (Santo Nino)
Enero 16, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6.15-18 /Mt 18:1-5.10

Dalawang magkasalungat na larawan ang ipinipinta ng mga pagbasa … Sa isang banda, karupukan, kahinaan, kabataan, at kababaang-loob. Nguni’t sa kabilang banda, ay nababasa natin ang kabaligtaran ng lahat ng ito. Narinig natin kung paano “nilupig ang bansang umaalipin,” “binali ang panghambalos ng mga tagapagpahirap,” at ang “panyapak ng mga mandirigma ay susunugin.”

Malayo ito sa imahen ng isang munting inosente at walang kayang sanggol na ipinagpuprusisyon natin ngayon sa buong kapuluan. Malayo rin ito sa larawan na ikinikintal ng isang musmos na bata na, bagama’t itinatanghal bilang hari ng santinakpan, ay isang sanggol na tila walang kayang magligtas, walang kayang mag-ahon sa atin sa lusak ng kapariwaraan.

Ano bang lusak ang ating kinasadlakan at tayo ay hirap na hirap na bumangon at umahon?

Malinaw ang turo ng Banal na Kasulatan. Ang lahat ay nagmula sa kasalanan, sa pagsuway ni Adan at ni Eva. Ang lahat ng kinasadlakan nating putik sa lipunan – ang katiwalian, kadayaan, pagkakanya-kanya, ang palasak na kahirapan ng napakaraming tao sa bayan natin, ay nag-uugat sa kasalanan. Nagsanga-sanga na, yumabong at lumawig, kumalat at lumago, at ngayon ay nanunuot sa lahat ng antas at aspeto ng buhay natin bilang isang bayan.

Nguni’t tulad ng pistang atin ngayong ipinagdiriwang, tila magkasalungat na larawan ang nakikita natin sa ating lipunan. Sa isang banda, ay puno ang mga simbahan natin tuwing magpapasko. Nagkakalipumpon ang milyon-milyong katao tuwing darating ang pista na Nazareno. At tuwing ipinagdiriwang ang pista ng Senor Santo Nino, na naging isa nang malaking pangitaing pangturismo lalu na sa Sinulog sa Cebu, daan-daang libo, kung hindi, milyon ang nakikipagsiksikan, nakikipagdiwang, at nagsasaya hindi lamang sa Cebu, kundi sa marami pang lugar sa Pilipinas.

Ang kahinaan ng isang bata ay naging makapangyarihang bugso at dagsa ng milyon-milyong Pilipino, sa Pilipinas at sa marami ring lugar sa buong mundo kung saan may Pinoy na naninirahan. Ang kapayakan ng isang musmos na sanggol na madaling pitikin at itulak saanmang dako ay napalitan ng isang hindi maipagkakailang kapangyarihan na galing sa debosyon ng sanlaksang katao na nagsasaya sa mga simbahan at mga lansangan!

Alam natin ang kapangyarihang nagkukubli sa bawa’t patak ng ulan. Nakikita natin ito sa mga araw na ito, kung paano ang tubig at baha ay nakasisira ng pananim, nakamamatay, at nakapagdudulot ng matinding suliranin sa napakaraming mga magsasaka at mahihirap na kababayan natin, sa Albay, sa Leyte, sa Mindanao at sa marami pang lugar sa Pilipinas, maging sa Australia at iba pang mayayamang bansa.

Ang simpleng patak ng ulan, na hindi natin napapansin, kapag nagsama-sama ay gumagawa ng matinding problema sa atin. Ang maliit at mahina ay di nananatiling mahina at walang kapangyarihan. Kapag nagkaisa ay nagiging pwersa na hindi madaling sansalain at labanan.

Ang sanggol na si Jesus, ang Santo Nino, na sa biglang wari ay walang kaya, walang kapangyarihan, at walang kamuang-muang ay lumalabas na isang pwersa sa likod ng milyon-milyong mga deboto sa kanya. Ang ingay at saya, mga sigaw at sayaw sa kalye man at sa simbahan, ang mga panalangin at pangakong binibitiwan ng lahat ng tao tuwing sasapit ang kanyang kapistahan ay isang dilubyo ng kapangyarihang dapat ngayon ilapat sa lahat ng aspeto ng buhay natin.

Sa harap ng matinding katiwalian sa lipunan, ang hiling natin ay ang katuparan ng pangako at hula ni Isaias: “malupig nawa ang mga umaalipin sa atin.” Sa harap ng lahat ng uri ng kadayaan at pagkamakasarili sa lipunan natin, panalangin natin ngayon ay ito: “baliin nawa Niya ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa atin.” Sa gitna ng lahat ng uri ng kriminalidad at karumihan ng budhi ng ating mga kababayan, (kasama tayong lahat!), ang dasal natin at pangako natin ay walang iba kundi ito: “sunugin nawa niya ang mga panyapak ng mga mandirigma.”

Banal na Sanggol, Mahal na Santo Nino, makapangyarihang Diyos, bugtong na Anak ng Ama, nagkubli ka sa likod ng kahinaan at karupukan ng isang bata. Ipinahayag Mo ang kapangyarihan ng Banal na Santatlo sa pamamagitan ng larawan ng kahinaan at kapayakan bilang isang musmos na sanggol, dinggin ang panalangin namin. Batid namin na sa aming pag-iisa, wala kaming malaking magagawa, nguni’t batid rin namin na sa aming pagsasama-sama, sa mga matinding pagdiriwang namin, ay nabubuo ang isang kalakasang hindi magagapi ng anumang kasamaan, sapagka’t kasama ka namin.

Ipahayag Mo ang iyong kapangyarihang mapagligtas sa pamamagitan ng mga namimintuho sa iyo … sa pamamagitan ng magkakasamang kalakasang namumuo sa mga pagdiriwang na ginagawa naming. Hayaan mong hindi lamang manatili sa pagsigaw ng Pit Senyor ang aming debosyon. Itulot mong ang mga sayaw naming sa kalye at lansangan ay mauwi sa paghambalos sa mga katampalasanang idinudulot ng mga kasalanan namin. Gawin mo kaming isang bayang nagkakaisa upang kumilos kami nang sama-sama upang mabali ang mga panghambalos ng mga tagapagpahirap sa amin, at masunog ang mga panyapak ng mga tampalasang mandirigma sa paligid namin. Tuparin Mo nawa ang pangakong binitiwan noong una. Pamahalaan kami, O Senyor Santo Nino! Ikaw na nabubuhay at naghahari kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, Diyos, magpakailanman. Amen!