frchito

TILA LIWANAG SA KATANGHALIAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon A on Pebrero 1, 2011 at 19:33

Ika-5 Linggo ng Taon (A)
Pebrero 6, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 58:7-10 / 1 Cor 2:1-5 / Mateo 5:13-16

TILA LIWANAG SA KATANGHALIAN

Una sa lahat ay isang mapitagang pagbati sa aking mga tagabasa sa iba’t ibang sulok ng daigdig, kung saan may mga Pilipinong nagpapagal at naghahanap-buhay. Nakatataba ng puso na mabatid na marami-rami rin pala akong nakakatalamitam sa pamamagitan nitong panulat na ito sa maraming bahagi ng mundo.

Pamagat ng pagninilay na ito ang huling mga kataga sa unang pagbasa galing kay Propeta Isaias. Matapos niya pagtagubilinan ang mga tao na gumawa ng nararapat sa mga gutom, mga hubad, at walang tirahan, nagbitaw siya ng isang pangako na galing sa Diyos … “ang kadilimang bumabalot sa inyo ay magiging tila liwanag sa katanghalian.”

Ito ang panig ng Diyos, ang pangarap niya at saloobin para sa lahat.

Pero, sa panig ng tao, ano ba ang nakatambad sa ating harapan? Huwag na tayo lumayo pa. Tingnan lang natin ang circus na nagaganap sa senado, sa kongreso, sa ejecutivo, sa legislatibo, at sa judicatura. Ang larawang tumatambad sa ating kamalayan ay isang malawak, malalim, sapin-sapin at susun-susong sitwasyon ng kadiliman … pagiging ganid at swapang, pagiging duhapang sa kapangyarihan at sa salapi, at ang walang kahihiyang pandarambong ng mga naturingang tagapaglingkod ng bayan!

Lumapit pa tayo nang kaunti at kung tayo ay tapat sa ating sarili, ay wala nang dapat pang puntahan liban sa ating sariling bakuran. Ano ba ang nasa loob ng ating bakod? Ano ba ang nilalaman ng ating budhi? Ano ang mga ikinukubli nating mga kalalabisan na siya nating mabilis na ipinupukol sa mga nakatira sa mga palasyong kristal ng lipunan nating tila pinamugaran na ng lahat ng uri ng karumihan at kasalanan?

Anong uri ng kadiliman ang dinadala natin at ikinakalat natin?

Huwag na sana tayo magpatumpik-tumpik pa o magmaang-maangan pa. Aminin natin. Kasama tayo sa kulturang ito ng kadiliman. Ang lahat, sabi ni San Pablo, ay kapos kung ihahambing sa luwalhati ng Diyos. Ang lahat ng nagkasala. Ang lahat ay may pananagutan.

Galit tayo sa mga politicong hindi tapat sa asawa. Subali’t ilan sa mga kapitbahay ninyo, ilan sa mga kamag-anak ninyo; ilan sa mga kumpare ninyo, o kapatid ninyo; ilan sa inyo ang may dalawa o higit pang sinusustentuhan? Ilang pamamahay ang inyong itinataguyod?

Galit tayo sa mga tagapaglingkod “kuno” sa bayan ang nangurakot ng bulto bultong salapi sa kaban ng bayan. Totoo. Kasama ako rito. Ngunit sa totoo lang, ilan sa atin ang nagnakaw ng panahon sa ating kompanya at hindi nagtrabaho nang wastong oras? Ilan sa atin ang nagpupuslit ng mga gamit na pag-aari ng kompanya, kasi “mayaman naman” ang kompanya?

Isa sa mga malungkot na katotohanan na narinig ko ay ito. Ang mga graduate namin sa aming school ay ayaw nang tanggapin ng isang malaking kompanya… Bakit? Ang unang pangkat na tinanggap nila ay napakabilis natutong pumeke ng inventory, palitan ang mga numero at iuwi ang mga akala nila ay hindi na madidiskubre. Resulta? Ayon … pati mga kasunod nilang walang malay ay hindi na tinatanggap at hindi na kailanman tatanggapin!

Galit tayo sa mga heneral na naghilata sa milyon milyong piso at daan libong dolyares kada buwan! Nguni’t ilan sa atin ang mabilis ring matutong bumaling na lamang ang tingin kapag pabor sa atin ang mga pangyayari? Ilan sa bureau of immigration, bureau of customs, at department of education ang nakukuha sa envelopmental approaches na tinatawag? Ilan sa atin ang hindi napadala sa mga pakimkim mapadulas lamang ang takbo ng mga papeles na kailangan natin?

Kadiliman! Ito ang tumatambad sa paningin nating lahat sa mga araw na ito. Itaga nyo sa bato … wala tayong mahihita sa mga imbestigasyon sa senado. Bakit? Mahirap yatang pagtiwalaan ang isang aso na magbantay sa iyong pagkain!

Sala-salabat na, sapin-sapin, at susun-suson ang mga ugat na nagkakabuhol-buhol nang sitwasyon ng korupsyon sa buong bayan natin.

Masamang balita? Oo, sa biglang wari. Ngunit isa pang masamang balita ang nasa likod nito … Kasama tayong lahat sa sitwasyong ito.

Bilib ako sa mga taong sa mahabang panahon ay nagumon sa masamang bisyo, na sa oras na napagtanto nila at nakita ang mapait na kahihinatnan ng lahat, ay nagpasya na lamang at sukat na wakasan ang paninigarilyo (cold turkey ang tawag dito sa Ingles). Nakuha nilang tumigil noon din o “ahora mismo!” Ano ang kailangang para gawin ito? Isang malaki at buong-loob na desisyon. Isang metanoia, isang pagbabalik-loob, isang pagtalikod nang ganuon na lamang at sukat sa isang masamang bisyo.

Ito ang ipinangangaral ni Pablo. At kung sakaling akalain ninyo na ito ay isang madaling bagay, pakinggan natin siya uli: “Ipinasya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Jesucristo na ipinako sa krus.”

Ito ang tugon sa ating matinding katanungan … walang ibang daan liban sa daang tinahak ng Manliligtas, ang daan ng krus, ang daan ng pagtalikod, daan ng pagbabago, daan ng pagtahak sa tunay na landas na matuwid, na hindi nakukuha sa pa-cute at pogi points na galing sa kotseng Porshe atbp.

Ang kadiliman ay hindi mapapawi sa pamamagitan lamang ng isang press release o sound bytes na pakagat ng mga showbiz experts. Ang kadiliman ay hindi mapapawi sa pamamagitan ng paninisi lamang sa naunang administrasyon o sa ibang bansa na nagpapalabas ng mga travel advisory. Ang kadiliman ay hindi mawawala sa pamamagitan lamang ng mga sunod-sunod na imbestigasyon sa Senado na walang nararating kundi pataasin ang rating ng mga honorable na puro dakdak sa harapan ng camera.

At hindi mapapawi ang kadiliman kung kaming mga pari ay walang ginawa kundi magbinyag, magkasal, at maglibing lamang at hindi kumikilos upang magampanan ang panawagan ng bagong ebanghelisasyon!

Kadiliman! Walang sagot dito liban kay Kristo at sa mga alagad na handang gawin ang nais ni Kristo. Ano ba ang kanyang nais?

Heto! … “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kayo’s ilaw sa sanlibutan … Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay.”

Huwag na natin hintayin na umamin ang mga salarin. Gawin na lamang natin ang dapat. At ang dapat ay inilista na ni Isaias sa itaas, tinunton na ni Pablo sa kanyang liham, at itinuro na ni Jesus sa atin. Kung magsisimula tayo, sa kabila ng kadilimang bumabalot sa bayan natin, tayo ay magiging “tila liwanag sa katanghalian.”

Patnubayan nawa ng Diyos Maykapal!

Advertisement
  1. Kung Hei Fat Choy 恭喜发财
    click here

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: