frchito

Posts Tagged ‘Sinulog’

SIYA ANG MAMAMAHALA SA ATIN!

In Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Santo Nino, Tagalog Homily, Taon A on Enero 14, 2011 at 07:33

Banal na Sanggol (Santo Nino)
Enero 16, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6.15-18 /Mt 18:1-5.10

Dalawang magkasalungat na larawan ang ipinipinta ng mga pagbasa … Sa isang banda, karupukan, kahinaan, kabataan, at kababaang-loob. Nguni’t sa kabilang banda, ay nababasa natin ang kabaligtaran ng lahat ng ito. Narinig natin kung paano “nilupig ang bansang umaalipin,” “binali ang panghambalos ng mga tagapagpahirap,” at ang “panyapak ng mga mandirigma ay susunugin.”

Malayo ito sa imahen ng isang munting inosente at walang kayang sanggol na ipinagpuprusisyon natin ngayon sa buong kapuluan. Malayo rin ito sa larawan na ikinikintal ng isang musmos na bata na, bagama’t itinatanghal bilang hari ng santinakpan, ay isang sanggol na tila walang kayang magligtas, walang kayang mag-ahon sa atin sa lusak ng kapariwaraan.

Ano bang lusak ang ating kinasadlakan at tayo ay hirap na hirap na bumangon at umahon?

Malinaw ang turo ng Banal na Kasulatan. Ang lahat ay nagmula sa kasalanan, sa pagsuway ni Adan at ni Eva. Ang lahat ng kinasadlakan nating putik sa lipunan – ang katiwalian, kadayaan, pagkakanya-kanya, ang palasak na kahirapan ng napakaraming tao sa bayan natin, ay nag-uugat sa kasalanan. Nagsanga-sanga na, yumabong at lumawig, kumalat at lumago, at ngayon ay nanunuot sa lahat ng antas at aspeto ng buhay natin bilang isang bayan.

Nguni’t tulad ng pistang atin ngayong ipinagdiriwang, tila magkasalungat na larawan ang nakikita natin sa ating lipunan. Sa isang banda, ay puno ang mga simbahan natin tuwing magpapasko. Nagkakalipumpon ang milyon-milyong katao tuwing darating ang pista na Nazareno. At tuwing ipinagdiriwang ang pista ng Senor Santo Nino, na naging isa nang malaking pangitaing pangturismo lalu na sa Sinulog sa Cebu, daan-daang libo, kung hindi, milyon ang nakikipagsiksikan, nakikipagdiwang, at nagsasaya hindi lamang sa Cebu, kundi sa marami pang lugar sa Pilipinas.

Ang kahinaan ng isang bata ay naging makapangyarihang bugso at dagsa ng milyon-milyong Pilipino, sa Pilipinas at sa marami ring lugar sa buong mundo kung saan may Pinoy na naninirahan. Ang kapayakan ng isang musmos na sanggol na madaling pitikin at itulak saanmang dako ay napalitan ng isang hindi maipagkakailang kapangyarihan na galing sa debosyon ng sanlaksang katao na nagsasaya sa mga simbahan at mga lansangan!

Alam natin ang kapangyarihang nagkukubli sa bawa’t patak ng ulan. Nakikita natin ito sa mga araw na ito, kung paano ang tubig at baha ay nakasisira ng pananim, nakamamatay, at nakapagdudulot ng matinding suliranin sa napakaraming mga magsasaka at mahihirap na kababayan natin, sa Albay, sa Leyte, sa Mindanao at sa marami pang lugar sa Pilipinas, maging sa Australia at iba pang mayayamang bansa.

Ang simpleng patak ng ulan, na hindi natin napapansin, kapag nagsama-sama ay gumagawa ng matinding problema sa atin. Ang maliit at mahina ay di nananatiling mahina at walang kapangyarihan. Kapag nagkaisa ay nagiging pwersa na hindi madaling sansalain at labanan.

Ang sanggol na si Jesus, ang Santo Nino, na sa biglang wari ay walang kaya, walang kapangyarihan, at walang kamuang-muang ay lumalabas na isang pwersa sa likod ng milyon-milyong mga deboto sa kanya. Ang ingay at saya, mga sigaw at sayaw sa kalye man at sa simbahan, ang mga panalangin at pangakong binibitiwan ng lahat ng tao tuwing sasapit ang kanyang kapistahan ay isang dilubyo ng kapangyarihang dapat ngayon ilapat sa lahat ng aspeto ng buhay natin.

Sa harap ng matinding katiwalian sa lipunan, ang hiling natin ay ang katuparan ng pangako at hula ni Isaias: “malupig nawa ang mga umaalipin sa atin.” Sa harap ng lahat ng uri ng kadayaan at pagkamakasarili sa lipunan natin, panalangin natin ngayon ay ito: “baliin nawa Niya ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa atin.” Sa gitna ng lahat ng uri ng kriminalidad at karumihan ng budhi ng ating mga kababayan, (kasama tayong lahat!), ang dasal natin at pangako natin ay walang iba kundi ito: “sunugin nawa niya ang mga panyapak ng mga mandirigma.”

Banal na Sanggol, Mahal na Santo Nino, makapangyarihang Diyos, bugtong na Anak ng Ama, nagkubli ka sa likod ng kahinaan at karupukan ng isang bata. Ipinahayag Mo ang kapangyarihan ng Banal na Santatlo sa pamamagitan ng larawan ng kahinaan at kapayakan bilang isang musmos na sanggol, dinggin ang panalangin namin. Batid namin na sa aming pag-iisa, wala kaming malaking magagawa, nguni’t batid rin namin na sa aming pagsasama-sama, sa mga matinding pagdiriwang namin, ay nabubuo ang isang kalakasang hindi magagapi ng anumang kasamaan, sapagka’t kasama ka namin.

Ipahayag Mo ang iyong kapangyarihang mapagligtas sa pamamagitan ng mga namimintuho sa iyo … sa pamamagitan ng magkakasamang kalakasang namumuo sa mga pagdiriwang na ginagawa naming. Hayaan mong hindi lamang manatili sa pagsigaw ng Pit Senyor ang aming debosyon. Itulot mong ang mga sayaw naming sa kalye at lansangan ay mauwi sa paghambalos sa mga katampalasanang idinudulot ng mga kasalanan namin. Gawin mo kaming isang bayang nagkakaisa upang kumilos kami nang sama-sama upang mabali ang mga panghambalos ng mga tagapagpahirap sa amin, at masunog ang mga panyapak ng mga tampalasang mandirigma sa paligid namin. Tuparin Mo nawa ang pangakong binitiwan noong una. Pamahalaan kami, O Senyor Santo Nino! Ikaw na nabubuhay at naghahari kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, Diyos, magpakailanman. Amen!

NAMANAAG NA ANG LIWANAG!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Santo Nino, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Enero 12, 2010 at 09:54

KAPISTAHAN NG SANTO NINO
Enero 17, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6.15-18 / Lucas 2:41-52

Ang mga kataga sa matulain at masagisag na panulat ni Propeta Isaias ay hindi maipagkakailang nagdudulot ng marubdob at matimyas na kagaanan ng loob sa sinumang makatunghay nito. Isa na ako sa mga paulit-ulit na naaantig ang damdamin tuwing marinig o mabasa ko ito.

Ang biglang sumagi sa aking kaisipan ay ang bantog na panulat ni Lope K. Santos – isang nobelang ang pamagat ay “Banaag at Sikat” na alam ng bawa’t Pinoy na nagdaan sa mahahabang oras ng Panitikan sa mataas na paaralan, na ewan ko ba kung bakit, ay laging inilalagay sa mga oras kung kailan pagod at antok na ang lahat, sa bandang kainitan ng araw, at kasagsagan ng inip ng mga mag-aaral!

Hindi ko masyadong napahalagahan ang nobela ni Lope K. Santos. Pinag-usapan lang naming, ang pamagat, pero hindi pinabasa sa amin. Matay kong isipin ngayon, sino nga ba naman ang magbabasa ng isang napakakapal na libro na naninilaw na ang mga pahina, at kinain na ng bukbok at tanga ang mga dahon nito?

Banaag … ito ang mga unang hibla ng liwanag na dumadatal sa pagdating ng bukang liwayway. Banaag … ito ang diwa ng pamumukadkad ng bagong pag-asa, ang pagsulong ng isang bagong pangako, ang pagsilay ng isang panibagong pangarap, na hindi kailangang ang tao ay paapu-apuhap sa dilim.

Banaag … ito ang unang silahis ng isang bagong bukas, isang bagong umaga, matapos ang karimlan ng pagkagupiling sa anumang hilahil, anumang pagsubok, at anumang suliranin.

Banaag … ito ang sagisag na hatid ng isang sanggol na tugon ng Diyos sa mahabang mga dantaon ng kadustaan at kahirapan na pinagdaanan ng bayang pinili ng Diyos. Ito ang sagot ng Diyos sa kanyang liping hinirang at kinasihan, bagama’t sa biglang-wari ay siniphayo na ng tadhana at tinikis ng kapalaran!

Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi magkanda ugaga ang Pinoy sa pagsayaw at pag-awit, pag-indak at pag-huni, pagpadyak at pag-indayog saliw ng mga tambol at trompeta, na naghihihiyaw ng Pit Senyor! Luwalhati sa banal na sanggol na sagisag ng pamamanaag ng liwanag sa likod ng karimlan. Ito rin marahil ang nasa likod ng tapang at katiyakan ng mga taong nagsisisigaw habang nagpapadyakan: “hala bira!”

Nasa kapistahan ng banal na sanggol ang buod ng pag-asa ng Pinoy na tulad ng silahis ng liwanag na namamanaag sa kabila ng lahat ng uri ng kadiliman. Nasa sanggol na ito ang lahat ng pangakong namutawi sa bibig ni Propeta Isaias, na siya ngayong nagpapainit ng damdamin natin. Nasa batang si Jesus, na “lumago sa karunungan at kaalaman” ang pamumukadkad ng ating pag-asa sa kinabukasang ang Diyos mismo ang gumawa ng paraan upang mabunyag ang pamamanaag sa katauhan ni Kristong isinilang bilang taong katulad natin.

Puno ng pag-asa at pangako ang mga pagbasa: “nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman” … “dinagdadan mo ang kanilang tuwa” … “nilupig mo ang bansang inalipin” … “binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila” … At ang lahat ng ito ay iisa ang dahilan, iisa ang simulain … “Sapagka’t ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.”

Ito ang dahilan kung bakit, sa wari ko, ay walang kalalabisan ang pag-indayog at pag-indak, pag-awit at pagpadyak ng mga deboto sa Santo Nino. Karapat-dapat lamang ito, sapagka’t mismong si San Pablo na ang nagsabi: “magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo.”

Nguni’t tulad ng lahat ng ibang uri ng pagdiriwang, hindi malayong mangyari na ang orihinal na dahilan ng pagdiriwang ay natabunan ng ibang mga elementong walang kinalaman sa pagpupugay sa Diyos na simulain ng lahat ng pagpapapala. Hindi malayong mangyari na makalimutan natin ang tunay na kahulugan ng pag-indayog, pag-indak at pagpadyak sa mga lansangan at liwasan sa buong bansang, sa araw na ito ay tila mga sinapian ng kung anong espiritu sa kanilang mga pagsasaya, na sa hindi kakaunting lugar, ay nauuwi sa paglalasing, at pagtutungayaw.

Hindi rin malayong mangyari na sa diwa ng walang puknat na pagsasaya ay makalimutan natin na ang tunay na dahilan ng pagsasayang ito ay sapagka’t “namanaag na ang liwanag” sa karimlan ng kasalanan.

Ito ngayon ang magandang balitang dapat nating harapin – ang karimlan ng isang sistema political na puno ng katiwalian, kadayaan, katakawan, kasakiman, at pagkamakasarili … Ang lahat ng ito ay may kinalaman sa karimlan ng kasalanan, na kaakibat ng sistema political ng bansa natin.

Dito dapat mamanaag ang liwanag na dulot ng sanggol na si Jesus. Dito dapat masilayan ang mga nanunuot na hibla ng liwanag na papasok sa lahat ng antas ng buhay natin bilang indibidwal at bilang bayan. Dito dapat maghari ang diwa ng isang pag-asang hindi napapako sa paghihintay, bagkus nagbubunsod sa lahat sa paggawa at pagkilos, tulad ng ito ay nagbubunsod sa napakarami upang umindayog, umindak, at pumadyak sa mga lansangan sa Cebu, sa Maynila, at sa halos lahat ng lugar sa Pilipinas.

Sa nakaraang taon, nakita natin ang mga hibla ng pag-asa … mga bayaning nag-alay ng buhay para maligtas ang iba … si Muelmar Magallanes, at iba pa. … mga bayaning hindi nag-atubiling dalhin at ipagmakaingay ang dangal natin bilang Pinoy … sina Kuya Ef, si Pacman, at marami pang ibang nagbigay-dangal sa ating lahi … mga bayaning hindi kilala na patuloy na nagpapagal para sa pamilya at para sa bayan, sa kanilang mahihirap na trabaho sa ibang bansa.

Isinilang na ang pangakong sanggol … namanaag na ang liwanag … sumilay na sa atin ang mga unang hibla ng pag-asa … noon, ngayon, at sa mga panahong darating. Sa pamamanaag na ito ang liwanag, hindi tayo puedeng manatili sa banig ng kawalang-pag-asa. Kailangan natin gumising at bumangon, kumilos, gumawa, umindak at umindayog kung gusto mo, upang makilala ng balana ang tunay na magandang balita sa likod ng pagdatal ng banal na sanggol …. Namanaag na ang liwanag … gumising, bumangon, at humayo! Gawin ang nararapat, ang tama, at ang magaling …. Para sa bayan at para sa Diyos!