frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

KUNG NAGTITIWALA TAYONG MAY MANGYAYARI!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Agosto 4, 2010 at 12:45

Ika-19 na Linggo ng Taon(K)
Agosto 8, 2010

Mga Pagbasa: Karunungan 18:6-9 / Heb 11:1-2, 8-19 / Lucas 12:32-48

Matindi ang mga pagsubok na hinaharap natin. Mahirap ang mga sagabal na nakahambalang sa daang tinatahak ng marami. Nandyan ang kahirapang umuukilkil sa buhay ng napakarami. Nandyan rin ang katiwaliang, siyang dahilang ng karamihan sa kahirapang ito. Nandyan rin ang kamangmangan, na bunga naman ng kahirapang ito. At nandyan ang kawalan ng magandang kinabukasan na kaakibat ng batayang suliraning ito.

Mahaba ang listahan natin … susun-suson … patong-patong … sala-salabat …

Di miminsan natin narinig ang unang pangungusap sa liham sa mga Hebreo sa ika-2 pagbasa: “Tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita.”

Alam natin na walang katiyakan sa maraming bagay sa mundo. Hindi tiyak na ang mga ulan at unos na darating ay magpupuno lamang ng ating mga dam at imbakan ng tubig. Maaring umapaw na naman ang mga ito tulad noong isang taon at maging sanhi ng mga baha. Sa panahong ito ng global warming na tinatawag, kung kailan ang takbo ng panahon ay nagbabago sa buong mundo, wala tayong katiyakan … walang kasiguraduhan.

Nguni’t gusto ko sanang baguhin nang kaunti sa araw na ito ang diskusyon … palitan natin sumandali ang kalakaran ng isipan natin. Sa kabila ng kawalang katiyakan ay ito ang malinaw na pangaral ng unang pagbasa: “Alam ng iyong bayan na ililigtas mo ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway.” Ito ang malinaw pa sa tanghaling tapat na katiyakang pinanghahawakan ng banal na kasulatan.

Maraming halimbawa ang sinasaad sa liham sa mga Hebreo. Ang lahat ng ito ay halimbawa tungkol sa pananalig … ni Abraham, ni Isaac, ni Jacob, ni Sara at iba pa. Mahaba itong salaysay tungkol sa katapatan ng Diyos, sa isang banda; at sa pananalig ng tao, sa kabila.

Hirap na magtiwala ngayon ang Pinoy. Winaldas ng pamahalaang nagdaan, at ng marami pang ngayon ay namumuno na muli (mga recycled na mga liders ng bayan) ang tiwala ng bayan. Napaso na tayo sa lahat ng uri ng kasinungalingan, kadayaan, katakawan, at kasakiman ng maraming mga kung tawagin natin ay mga “honorable.” Di miminsang nakatikim tayo ng pait at ng galit na hindi natin makimkim dahil sa mga tampalasang ang mga bahay, rancho, at ari-arian ay hindi kailanman mabibili ng kanilang maliliit din namang sweldo bilang mga “naglilingkod” sa bayan.

Hirap na hirap tayo ngayon magtiwala. Ang ating pananalig ay di miminsang niyurakan ng mapait na katotohanang hindi lahat ng mababango ang pananalita ay nagsasabi ng tapat, at gumagawa ng wasto at marangal.

Mayroon pa kaya tayong pag-asa?

Naparito kayo sa simbahan sa araw na ito ng Linggo upang makarinig ng katagang naghahatid ng buhay … mga pananalitang nagbubunsod sa atin upang magtiwala pa kahit hindi na karapat-dapat na magtiwala pa.

Ito ang magandang balitang nais kong bigyang diin ngayon. “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” “Tumulad kayo sa mga taong naghihintay ng pag-uwi ng kanilang Panginoon mula sa kasalan …”

Noong ako ay batang paslit pa na nagkakamulat sa Cavite, isang pangungusap ang lagi kong naririnig noon sa matatanda … “pasasaan ba’t giginhawa rin tayo?” “pasasaan ba’t magbabago rin naman ang takbo ng panahon, ang kalakaran sa pangangalakal” … at marami pang iba! Pasasaan ba?

Pasasaan? Ito ang sagot ng Diyos sa aking mga kababayang pinanawan na ng pag-asa. Ito ang sagot ng Panginoon sa mga kapwa kong tila ang kanilang pakiramdam ay pinagsawaan na sila ng Diyos. Ito ang magandang balitang namamaulo sa mga pagbasa natin ngayon … ililigtas ng Diyos ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway … May bukas pa … at may hustisyang naghihintay para sa lahat. Pasasaan ba at darating din ang wakas para sa mga naniniil, nandarambong, nandaraya, at nanlalamang sa kapwa!

Pero dapat natin ngayong patunayan na tayo man ay handang mamuhunan. Dapat natin ipamalas na kahit ngayon, tayo rin ay nakahanda upang magbuwis ng nararapat, magbayad nang malaki upang makamit ang siyang inaasahan natin.
Kailangan natin na mag-asal Abraham; mag mistulang Isaac at Jacob, Sara, at marami pang iba. Kailangan natin muling magtiwala. Kailangan nating isugal pati ang ating pighati at pagkabigo makamit lamang natin ang inaasam.

Kung gusto natin ang kaayusan, dapat natin iwaksi ang wangwang, ang paniningit sa kalye, ang pagwawalang bahala sa batas. Kailangan natin na tulungan ang namumuno upang mapuksa ang lahat ng uri ng katiwalian sa lipunan. At ito ay nagmumula sa bawa’t isa sa atin … ang pagbabayad ng buwis, ang pagbabayad sa homeowners’ association, ang pagsunod sa batas trapiko, ang pag-aalis ng mga hambalang sa mga bangketa, at marami pang iba.

Kung gusto natin ng kaayusan, gagawin natin ang kaayusan … tulad nina Abraham, tulad ng lahat na mga halimbawang binanggit sa ikalawang pagbasa. Ito ang gawa ng mga taong may pananalig, at “tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin.”

LIBAN O LABAN?

In Catholic Homily, Eukaristiya, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Tagalog Homily, Taon K on Hunyo 2, 2010 at 22:21

Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo (K)
Junio 6, 2010

Mga Pagbasa: Genesis 14:18-20 / 1 Corinto 11:23-26 / Lucas 9:11-17

Matapos natin pagnilayan ang pinakabuod ng pagka Diyos ng Banal na Santatlo noong nakaraang Linggo, nakatuon naman ang isipan natin sa kung ano ang kinahinatnan ng dakilang kaloob ng Ama – ang bugtong na Anak ng Diyos na si Kristong Panginoon. Bahagi ng kalikasan ng Diyos ang magkaloob. Ipinagkaloob ng Ama ang Anak, at patuloy na ipinagkakaloob ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo, na patuloy ring nagkakaloob sa kanyang dakilang bayan ng susun-suson at patung-patong na mga iba pang mga kaloob.

Ang mga kaloob na ito ay napapaloob sa konteksto ng mga tanda – mga tandang nakikita, namamalas, nakikilatis, at madaling maunawaan. Isa sa mga tandang ito ang tanda ng Banal na Iglesya – ang katawang mistiko ni Kristong Manliligtas.

Nguni’t hindi lamang ang tanda ng Simbahan ang kanyang ipinagkaloob. Nababalot ang dakilang tandang ito ng iba pang mga dakilang tanda – ang mga Sakramento na nagpapamalas, naghahatid, at nag-aakay sa atin sa kaligtasan.

Susun-suson at dugtong-dugtong ang mga tanda na ito.

Ang unang tanda ng pag-ibig ng Diyos Ama ay ang Diyos Anak na nagkatawang-tao. Si Kristo ang dakilang tanda ng Ama.

Ang tanda ng pag-ibig na ito ng Ama ay pinangangatawanan ngayon ng isa pang tanda – ang Santa Iglesya – ang tanda o sakramento ng kaligtasan.

Subali’t hindi sa Simbahan natatapos ang hanay ng mga palatandaang ito. Mayroon pang pitong dakilang tanda – ang pitong sakramento na hindi lamang nagpapahiwatig, bagkus gumaganap sa ipinahihiwatig nito – ang kaligtasan, at kabanalan ng kanyang bayang hinirang.

Ito ang ipinagdiriwang natin sa araw na ito – ang dakilang tanda hindi ng katawang mistiko ni Kristo, kundi ng sacramental na katawan at dugo ng Panginoon – ang kapistahan ng Corpus Christi.

Lilisanin ko sa sandaling ito ang malalim at teolohikal na pagpapaliwanag sa misteriong ito. Gusto ko sanang tumbukin kaagad ang kahulugan ng misteriong ito sa buhay natin.

Marami sa inyo ay nagkokomunyon tuwing Linggo. Marami sa inyo ay nakakaunawa kahit papaano na ang komunyon ay hindi lamang sagisag. Ito ay isang sakramento na nagpapahiwatig at nagsasakatuparan ng ipinahihiwatig. Alam kong para sa marami sa inyo, ang komunyon ay hindi isang pirasong tinapay lamang o wafer, tulad ng kinakaing matamis na parang ampaw na gustong gusto ng mga bata. Alam kong sa inyong kabatiran, ang komunyon ay hindi lamang pagtanggap sa isang sagisag na walang kinalaman sa buhay nating pang-araw-araw.

Dito papasok ang aking pagninilay na ito. Hindi. Hindi isang paglunok lamang ito ng isang dakila at banal na tanda. Ang komunyon at ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ng Panginoon ay hindi nauuwi lamang sa isang ritual, gaano man kabanal ito. Hindi ito katumbas ng isang pagliban lamang sa kabilang baybayin ng isang ilog. Hindi ito isang pagpapatong lamang ng talukbong sa ulo upang dalhin tayo sa ibang larangan ng buhay makatao.

Ang katawan at dugo ng Panginoon at ang pagtanggap nito sa Eukaristiya ay hindi lamang isang pagliban. Ito ay isang paglaban at pakikibaka sa status quo. Ito ay isang subversibong gawain na may mahalagang kahihinatnan sa buhay makatao sa mundo. Hindi ito isa lamang pangakong napapako sa kawalan. Ito ay isang pangako at paghamon … ang panawagang napapaloob sa pangakong “ang sinumang kumain at uminom nito ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”

Ang dahilan nito ay simple lamang … ang buhay na walang hanggan na binabanggit ng Panginoon ay isang panibagong buhay, isang buhay na walang katulad sa buhay makamundo. Nguni’t para masabing tayo ay lumiliban sa isang bagong larangan ng pamumuhay bilang Kristiano, dapat tayong makilaban at makibaka sa anumang walang kinalaman sa buhay na walang hanggan, sa buhay makalangit. Ito ang dahilan kung subersibo ang Banal na Komunyon. Hindi maaring tumanggap nito na parang kumain ng apa. Ang kumain nito ay uminom ng banal na katawan at dugo ay lumiliban sa isang bagong antas, bagong anyo, at bagong kalakaran. At nangangailangang ang sinumang lumiban sa bagong antas na ito ay matutong lumaban sa salungat sa parehong antas na ito.

Tumbukin agad natin ang bagong antas na ito. Ito ang bagong kautusan, ang bagong tipan, ang bagong kasunduan. At ang tanda ng kasunduang ito ay ang dugo ng Kordero at ang katawan ng kordero ng Diyos na nag-alay ng kasukdulan para sa ating ikapapanuto.

Malaki ang responsibilidad natin matapos makibahagi sa Eukaristiya. Matapos maipatatag at mapag-ibayo ang pagiging bahagi ng Katawang mistiko ni Kristo, sa pagtanggap natin sa katawan at dugo ng Panginoon, handa tayo at pinalakas tayo upang hindi lamang lumiban sa kabilang pampang, kundi lumaban upang marating natin ang langit na tunay nating bayan. Kailangang makibaka sa mali, sa kasalanan, sa katiwalian, sa pagkamakasarili, at sa lahat ng uri ng kasamaan. Ito ang bunga ng pagkakaloob sa atin ni Kristo ng kanyang sarili, hanggang sa ibubo niya ang dugo at ipagkaloob ang katawan hanggang sa kamatayan – kamatayan sa krus.

Wala na tayong paligoy-ligoy pa. Hindi lamang wafer ang komunyon. At lalong hindi lamang ito isang madamdaming pagkain at pag-inom. Ito ay sagisag, tanda, at katotohanang may kinalaman sa pagliban sa isang panibagong buhay, na nagbubunga ng matatag at matapang na paglaban sa anumang walang kinalaman sa panibagong buhay na ito.

Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin!