frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

PANGAKO SA LIKOD NG PANANAGUTAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections on Setyembre 6, 2014 at 06:31

Matthew_18-20

Ika-23 Linggo ng Taon A
Setyembre 7, 2014

PANGAKO SA LIKOD NG PANANAGUTAN

Matindi ang panagimpan o adhikain ng ASEAN, na binubuo ng 10 bansa sa Timog Silangang Asia – ang pangarap ng isang nagkakaisa at nagmamalasakit na region, na magiging ganap nang katotohanan simula sa 2015 – ang ASEAN Economic Community o AEC.

Nagkatuig na ang pangarap ng ASEAN ay siyang pananagutang iniaatang sa balikat natin ng tatlong pagbasa sa Linggong ito. Pangaral ni Ezekiel na tayo ay itinuturing ng Diyos bilang “bantay ng Israel” – mga taong may pananagutan sa kapwa. Pangaral din ni Pablo sa ikalawang pagbasa ang dapat gawin ng taong may pagmamalasakit sa kapwa – ang hindi pagkakaroon ng sagutin kaninuman, “liban sa saguting tayo’y mag-ibigan; sapagka’t ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan.”

Subali’t ang pinakamatindi ay ito … ang pananagutang handang magtiis sa pagkakamali ng kapwa at sa pagpapasensya na nauuwi sa pagtatama sa gawang mali at sa pagsunod sa tamang paraan ng paglilitis sa nagkamali: “Kung hindi siya making sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi.”

Mahirap ngayon ang maging responsable para sa ibang tao. Uso ngayon ang laglagan. Ang mga dating nagsisipalakpakan sa kapalpakan ng dating Presidente ay ngayon ay silang nagpapalakpakan sa bagong dispensasyon. Inilaglag na nila ang wala na sa poder at sinuportahan ang bagong may kakayahang magpabuya sa kanila.

Mahirap ngayon ang magsilbing tagapagtanggol o bantay ng kapwa. Pag napuruhan ka, ay ikaw pa ang masama. Ikaw na ang tumulong ay ikaw pa ang mananagot kung pumalpak. Ilang pagkakataon na may nabundol sa gitna ng daan at wala ni isa man ang tumigil upang tumulong, kahit sa ating bansa!

Mahirap ang magparangya at magpatawad, lalu na’t ang pinatawad mo ay siya pang patuloy na gumagawa ng lahat para mapasama ka. Mahirap ang magsikap magtama sa mali sa ating panahon, kung kailan ang tama ay nagiging mali at ang mali ay nagiging tama. Salamat sa showbiz, ang Simbahan ay nagmumukhang makaluma dahil sa pagtuturo ng tama, at ang mga pakawala ng palsong propeta ang siyang pinakikinggan at hinahangaan.

Mahirap ang paghamon, nguni’t hindi imposible. Matindi ang paghamon, subali’t hindi nangangahulugang wala nang pagkakataong maikalat at maipahayag. Tunay ngang mahirap pero hindi imposible. At paano ito nagiging posible?

Ang panagimpan at pananagutan ay may haliging matibay na kinasasandalan – ang pangako na “kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.” Ito ang pangakong hindi dapat natin kalimutan!

DI-MALIRIP NA PANUKALA AT PAMAMARAAN NG DIYOS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Pedro, Tagalog Homily, Taon A on Agosto 22, 2014 at 22:21

Studio-of-Sir-Peter-Paul-Rubens-Saint-Peter-Detail-keysIka-21 Linggo ng Taon A
Agosto 24, 2014

DI-MALIRIP NA PANUKALA AT PAMAMARAAN NG DIYOS

Alam ng lahat ng estudyante ang bagay na ito. Sino sa atin ang hindi nangamote sa klase noong araw? Sino sa atin ang hindi nakaranas ng pagkakataong hindi natin tila lubos na maunawaan ang mga pinagsasasabi ng guro? Pero sa buhay, mayroong bagay na tila mahirap unawain, kahit na gaano pa kagaling tayo sa eskwela. Magbigay tayo ng ilang halimbawa …

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maunawaan kung bakit patuloy tayong nagdurusa dahil sa ating gobyerno. Ang aking pagkaalam ay ito … ang gobyerno ay dapat magpagaan sa buhay ng tao, hindi ang sila ang nagpapabigat sa buhay ng tao. Sa Pilipinas, ito ang mapait na katotohanan … ang gobyerno ay pahirap sa taong-bayan.

Isa pang halimbawa … Matagal na akong pari upang makita na hindi lahat ng may hawak na posisyon o kapangyarihan ay karapat-dapat sa kanilang titulo o posisyon ng karangalan. May masasamang Santo Papa at may mga banal na Santo Papa. Hindi ko na kailangang ipagkaila ito. Alam ito ng lahat, at alam nating lahat na ang huling anim na Santo Papa ay hindi maibibilang sa kakaunting listahan ng mga masasamang Papa tulad ni Bonifacio VIII, Alejandro VI, at iba pa. May magagaling na Presidente, at may presidenteng pulpol. Sa kasawiang palad at sa isang hiwagang hindi pa natin lubos na maunawaan, ay pinagharian tayo ng mga Presidenteng hindi karapat-dapat man lamang maging Barangay Chairman!

Pero sabi nga nila, ang buhay ay isang misteryong dapat isabuhay, hindi isang problemang dapat lutasin.

Ang misteryo ng balak ng Diyos ay isang bahagi ng malawakang hiwagang ito ng buhay ng tao. Hiwaga na sa unang pagbasa, ay pinababa ng Diyos si Sabna at ipinalit si Eliakim, na pinagkalooban niya ng susi sa Bahay ni David. Ganito katindi ang hiwaga ng balak at kalooban ng Diyos kung kaya’t si Pablo ay napabulalas ng ganito: “Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan, at kaalaman ng Diyos!”

Sa panahon natin, puno pa rin ng misteryo. Kailan pa kaya tayo uunlad bilang bayan? Kailan pa kaya matatauhan ang mga tampalasang tinatawag na honorable na walang inisip at ginawa kundi ang pansariling kapakanan at bulsa? Kailan pa kaya maglalaho ang mga teroristang ang ginagawa ay pumatay sa ngalan ng Diyos at gumawa ng giyera sa ngalan ng Diyos?

Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito, isa pang matinding misteryo ang katotohanang nagagawa at nakukuha pang magtiwala sa Diyos ang mga taong may pananampalataya, tulad ng mga pinatay at pinugutan ng ulo sa Iraq at Syria! Ito ang misteryo ng pananampalatayang Kristiano – ang kakayahan at kahandaang humarap sa pasakit at paghihirap para sa ikaluluwalhati ng Diyos, na siyang nasa likod ng panalanging binigkas natin ngayon: “Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.”

Nais ko sanang panghawakan nating lahat ang katotohanang ito. Misteryo ang buhay, oo … marami tayong hindi mauunawaan kahit ano pang aral ang gawin natin.

Pero ito ang pinalumulutang na katotohanan sa pagpili kay Pedro na tinaguriang “bato.” Ikaw ay Pedro, at sa batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan!”

Kahit ang kapangyarihan ng kamatayan! Wala … Nada … Zero … Walang ibabatbat ang anuman sa kapangyarihan ng Diyos! Di talaga malirip ang kanyang kapangyarihan at karunungan! At ito pa ang matindi … mas mabuti na na tayo ay nasa panig ng siguradong magwawagi, sapagka’t ang puwersa man ng kamatayan ay walang ibabatbat sa kapangyarihan ng Diyos!

Kailangan pa bang i-memorize yan?