frchito

Posts Tagged ‘Pagkakaisa’

PANGAKO SA LIKOD NG PANANAGUTAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections on Setyembre 6, 2014 at 06:31

Matthew_18-20

Ika-23 Linggo ng Taon A
Setyembre 7, 2014

PANGAKO SA LIKOD NG PANANAGUTAN

Matindi ang panagimpan o adhikain ng ASEAN, na binubuo ng 10 bansa sa Timog Silangang Asia – ang pangarap ng isang nagkakaisa at nagmamalasakit na region, na magiging ganap nang katotohanan simula sa 2015 – ang ASEAN Economic Community o AEC.

Nagkatuig na ang pangarap ng ASEAN ay siyang pananagutang iniaatang sa balikat natin ng tatlong pagbasa sa Linggong ito. Pangaral ni Ezekiel na tayo ay itinuturing ng Diyos bilang “bantay ng Israel” – mga taong may pananagutan sa kapwa. Pangaral din ni Pablo sa ikalawang pagbasa ang dapat gawin ng taong may pagmamalasakit sa kapwa – ang hindi pagkakaroon ng sagutin kaninuman, “liban sa saguting tayo’y mag-ibigan; sapagka’t ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan.”

Subali’t ang pinakamatindi ay ito … ang pananagutang handang magtiis sa pagkakamali ng kapwa at sa pagpapasensya na nauuwi sa pagtatama sa gawang mali at sa pagsunod sa tamang paraan ng paglilitis sa nagkamali: “Kung hindi siya making sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi.”

Mahirap ngayon ang maging responsable para sa ibang tao. Uso ngayon ang laglagan. Ang mga dating nagsisipalakpakan sa kapalpakan ng dating Presidente ay ngayon ay silang nagpapalakpakan sa bagong dispensasyon. Inilaglag na nila ang wala na sa poder at sinuportahan ang bagong may kakayahang magpabuya sa kanila.

Mahirap ngayon ang magsilbing tagapagtanggol o bantay ng kapwa. Pag napuruhan ka, ay ikaw pa ang masama. Ikaw na ang tumulong ay ikaw pa ang mananagot kung pumalpak. Ilang pagkakataon na may nabundol sa gitna ng daan at wala ni isa man ang tumigil upang tumulong, kahit sa ating bansa!

Mahirap ang magparangya at magpatawad, lalu na’t ang pinatawad mo ay siya pang patuloy na gumagawa ng lahat para mapasama ka. Mahirap ang magsikap magtama sa mali sa ating panahon, kung kailan ang tama ay nagiging mali at ang mali ay nagiging tama. Salamat sa showbiz, ang Simbahan ay nagmumukhang makaluma dahil sa pagtuturo ng tama, at ang mga pakawala ng palsong propeta ang siyang pinakikinggan at hinahangaan.

Mahirap ang paghamon, nguni’t hindi imposible. Matindi ang paghamon, subali’t hindi nangangahulugang wala nang pagkakataong maikalat at maipahayag. Tunay ngang mahirap pero hindi imposible. At paano ito nagiging posible?

Ang panagimpan at pananagutan ay may haliging matibay na kinasasandalan – ang pangako na “kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.” Ito ang pangakong hindi dapat natin kalimutan!

TUNAY NA PUNO; TAPAT NA BUNGA!

In Uncategorized on Mayo 4, 2012 at 16:41

Image

Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay (B)

Mayo 5, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 9:26-31 / 1 Jn 3:18-24 / Jn 15:4a-5b

Isa sa mga natutunan ko sa paghahalaman ay ang tinatawag namin sa Mendez, Cavite na “pagsusuloy.” Noong araw na maganda pa, ika nga, ang kita sa kape, walang sinumang makaaasang mag-ani nang maraming kape kung hindi sinusuluyan ang mga puno. Walang iba ito kundi ang pagpuputol sa mga suloy na kumakain lamang ng tubig at sustansiya ng lupa na hindi naman namumunga sa huli. Para makapamunga nang marami ang puno, dapat tanggalin ang mga suloy sa tagiliran ng puno at panatiliin lamang ang mga matatandang sanga upang sila ang mamulaklak at mamunga.

 

Isang kabaligtaran mang palaisipan ito, nguni’t ito ang totoo. Ang tunay na sanga lamang ang siyang nagbibigay ng tapat na bunga. Ang lahat ng mga palsong mga sanga, na sumisipsip lamang ng tubig at pataba, ay panay dahon lamang ang alay … walang bunga!

 

Mahaba-haba na rin ang nilakbay natin sa panahon ng Pagkabuhay. Sa Linggo ng Pagkabuhay, ang pinagnilayan natin ay walang iba kundi ang katotohanan ng kanyang muling pagbangon mula sa kamatayan. Sa ikalawang Linggo, pinagnilayan natin ang pananatili sa piling natin ng Panginoong muling nabuhay. Sa ikatlong Linggo, ay ginunita naman natin kung paano ang pahayag na pagkabuhay ay naiparinig at naipa-alam sa balana. Noon namang isang Linggo ay napagtanto natin kung ano ang bunga ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesus – walang iba kundi ang kaligtasan ng sangkatauhan!

 

Sa araw na ito, ikalimang Linggo, ang atin namang hinaharap ay kung ano ang ibinunga ng kaligtasang ito, at kung paano nagsimula at nagkatotoo ang kaligtasan – ang bunga ng isang pamayanang nagkakaisa, nagkakahugpong, at namumunga dahil mismo sa kaisahang ito sa Panginoong muling nabuhay.

 

Napakadaling makita ang katotohanang ito sa kalikasan. Walang kaduda-duda, liban lamang kung ang sinuman sa aking tagabasa ay hindi nakapagtanim sa tanang buhay nila. Kahit sa simpleng kamote lamang o kangkong ay madaling mapatunayan ang sinasabi ng Panginoon. Putulin mo ang isang sanga, at kapagdaka’y malalanta, mamamatay. Tagpasin mo ang isang bahagi ng gumagapang na kamote o kalabasa ay ito ay hindi magtatagal, di maglalaon ay matutuyot at malalanta.

 

Hindi rin mahirap ilipat ang larawang ito sa ating pakikibahagi sa isang samahan. Kapag ang isang kasapi ay humiwalay o tumiwalag, mahirap ang panatiliing nakatayo ang anumang ginagawa natin. Nakita natin ito nang paulit-ulit sa buhay natin. Kay raming mga samahan ang nagsimula nang maganda at maayos, hanggang sa sagian o dapuan ng inggit o galit. Pag ito ay hindi nasawata, nanganganak ang mga samahan, nagkakawatak-watak, at ang nangyayari ay matira ang matibay. Ang dating iisang samahan na iisa ang pakay at layunin ay nagiging dalawang pareho ang layunin. Ang dating nagkakaisa sa iisang mithiin ay nagiging magkaribal sa parehong naisin, at nagiging magkalaban sa iisang larangan o balakin. Di maglalaon ang dalawang samahan ay namamatay nang dahan-dahan, o parehong naglalaho sa sirkulasyon.

 

Marami  nang liksyon o aral ang kasaysayan tungkol dito. Pati ang simbahang itinatag ni Kristo ay naging biktima ng parehong pagkakawatak-watak, at ang lahat ng tumiwalag mula sa iisang Iglesyang itinatag ng Diyos ay nagkawatak-watak pa rin, at nahati-hati sa marami pang ibang pulutong o pangkat-pangkat.

 

Para sa akin, napakalinaw ang aral ng ebanghelyo sa araw na ito. Kinakailangan nating manatiling nakakabit o nakahugpong sa iisang puno, kung tayo ay mamumunga nang marami. Hindi tayo puedeng mag-asal na tulad ni Lone Ranger, na may kanyang sariling mithiin at pakay sa buhay.

 

Subali’t hind lamang pananatili ang dapat natin gawin. Dapat din ay makatotohanan ang ating pananatili. Dapat rin na tayo ay naka-hugpong sa tunay na puno, upang ang bunga natin ay marami at tapat, kaaya-aya at kapaki-pakinabang.

 

Madali rin ito makita sa pagtatanim o pag-aalaga ng halaman. Kung minsan, ang tanim na kamote ay nahahaluan ng ibang binhi. Ang bunga na galing sa tunay na puno at tunay na binhi ay magaganda, mayayabong at kaaya-aya. Nguni’t ang galing sa hindi tunay na puno ay lumalabas na bukbukin, maraming pecas ang bunga, at hindi matamis, o kung minsan ay may halong pait. Ang kamoteng bukbukin ay hindi nabibili, at walang silbi kundi pakain sa baboy.

 

Kung minsan, ang tunay na puno ay dapat rin linisin. Dapat tanggalin ang mga suloy na hindi bahagi ng tunay na puno, at lalong hindi nagbubunga nang tapat at kaaya-aya. Ito ang dapat suluyin, dapat tabasin, at dapat putulin. Ayon mismo kay Kristo, “pinuputol niya ang mga sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga.”

 

Sa panahon natin, hirap ang hindi bahagi ng isang malaking kompanya. Hirap ang anumang komersyo na hindi kaugat ng malalaki o dambuhalang mga multinationals. Sa buhay natin bilang kristiyano, hindi tayo maaring nag-sosolo, nag-iisa at walang koneksyon kaninuman. Higit sa lahat, kailangan nating manatili kay Kristo, siyang tunay na puno, kung gusto nating gumawa ng tapat na bunga.