frchito

Posts Tagged ‘Ika-23 Linggo ng Taon A’

PANGAKO SA LIKOD NG PANANAGUTAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections on Setyembre 6, 2014 at 06:31

Matthew_18-20

Ika-23 Linggo ng Taon A
Setyembre 7, 2014

PANGAKO SA LIKOD NG PANANAGUTAN

Matindi ang panagimpan o adhikain ng ASEAN, na binubuo ng 10 bansa sa Timog Silangang Asia – ang pangarap ng isang nagkakaisa at nagmamalasakit na region, na magiging ganap nang katotohanan simula sa 2015 – ang ASEAN Economic Community o AEC.

Nagkatuig na ang pangarap ng ASEAN ay siyang pananagutang iniaatang sa balikat natin ng tatlong pagbasa sa Linggong ito. Pangaral ni Ezekiel na tayo ay itinuturing ng Diyos bilang “bantay ng Israel” – mga taong may pananagutan sa kapwa. Pangaral din ni Pablo sa ikalawang pagbasa ang dapat gawin ng taong may pagmamalasakit sa kapwa – ang hindi pagkakaroon ng sagutin kaninuman, “liban sa saguting tayo’y mag-ibigan; sapagka’t ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan.”

Subali’t ang pinakamatindi ay ito … ang pananagutang handang magtiis sa pagkakamali ng kapwa at sa pagpapasensya na nauuwi sa pagtatama sa gawang mali at sa pagsunod sa tamang paraan ng paglilitis sa nagkamali: “Kung hindi siya making sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi.”

Mahirap ngayon ang maging responsable para sa ibang tao. Uso ngayon ang laglagan. Ang mga dating nagsisipalakpakan sa kapalpakan ng dating Presidente ay ngayon ay silang nagpapalakpakan sa bagong dispensasyon. Inilaglag na nila ang wala na sa poder at sinuportahan ang bagong may kakayahang magpabuya sa kanila.

Mahirap ngayon ang magsilbing tagapagtanggol o bantay ng kapwa. Pag napuruhan ka, ay ikaw pa ang masama. Ikaw na ang tumulong ay ikaw pa ang mananagot kung pumalpak. Ilang pagkakataon na may nabundol sa gitna ng daan at wala ni isa man ang tumigil upang tumulong, kahit sa ating bansa!

Mahirap ang magparangya at magpatawad, lalu na’t ang pinatawad mo ay siya pang patuloy na gumagawa ng lahat para mapasama ka. Mahirap ang magsikap magtama sa mali sa ating panahon, kung kailan ang tama ay nagiging mali at ang mali ay nagiging tama. Salamat sa showbiz, ang Simbahan ay nagmumukhang makaluma dahil sa pagtuturo ng tama, at ang mga pakawala ng palsong propeta ang siyang pinakikinggan at hinahangaan.

Mahirap ang paghamon, nguni’t hindi imposible. Matindi ang paghamon, subali’t hindi nangangahulugang wala nang pagkakataong maikalat at maipahayag. Tunay ngang mahirap pero hindi imposible. At paano ito nagiging posible?

Ang panagimpan at pananagutan ay may haliging matibay na kinasasandalan – ang pangako na “kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.” Ito ang pangakong hindi dapat natin kalimutan!

BANTAY-GABAY O BANTAY-SALAKAY?

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Agosto 29, 2011 at 13:14

Ika-23 Linggo ng Taon(A)
Setyembre 4, 2011

Mga Pagbasa: Ezekiel 33:7-9 / Roma 13:8-10 / Mateo 18:15-20

Mahirap ang magmalasakit sa kapwa. Kung minsan, sa iyong pagmamalasakit, ikaw pa ang masama sa bandang huli. Sa aking hindi na maikling kasaysayan, na mas mahaba na ang nagdaan kaysa sa darating pa, may ilan rin naman akong karanasan tungkol dito. Gumawa ka ng maganda at may magsasabi ng kung anong hindi maganda, na hindi man lamang sumagi sa iyong guni-guni … Di ba talangka mentality ang tawag dito?

Nguni’t tulad ni Exequiel sa unang pagbasa, may taong inaatangan ng pananagutan sa kapwa, para sa kapakanan ng iba, at hindi ng sarili. Si Exequiel ay siyang naatangan upang maging isang bantay, isang gabay, isang may malasakit para sa bayan ng Diyos.

Nakakalungkot na ang sinasapit ng Simbahang Katoliko ay puro paninira at paninisi … Sa kanyang kagustuhang maging bantay-gabay ng tunay at wagas na kapakanan ng sangkatauhan, sari-saring bansag ang ipinupukol sa kanya. Sa kanyang pagnanais na pangalagaan ang pangkalahatang kapakanan, at higit na malawak na kabutihan ng bayan, inuusig siya at sinisiil, pati ng mga taong nagsasabing sila raw ay katoliko.

Pananagutan ang kanyang pasan … Ngunit iba ang pananagutan at ang sagutin. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ipinapayo niya na wala dapat tayong sagutin sa isa’t isa, liban lamang sa iisang bagay – ang pag-ibig. Wala raw tayo dapat anumang utang sa kapwa, kundi ang pagkakautang ng pag-ibig.

Sa totoo lang, ito ang talagang mahirap gawin. Sinuman sa inyo na nakakabasa nito at nakarananas ng aking naranasan ay sasang-ayon sa akin … Mahirap mahalin ang nagpapahirap sa iyong buhay. Mahirap patawarin ang nag-uusig sa iyo nang walang habas at walang dahilan. Mahirap ngumiti kapag ikaw ay niyayapakan o niyuyurakan kahit wala kang ginawang masama.

Malamang na tulad ni Jeremias, si Exequiel ay nakatikim rin ng lahat ng ito.

Sa ating panahon, hayagan na at palasak ang lahat ng uri ng pagkamakasarili at paghahanap ng sariling kapakanan lamang. Mayroon ngayong tinatawag na “narcissism epidemic” o laganap na kultura ng pagkamakasarili, ayon sa mga sikolohistang tanyag at bihasa. Ang kalinangan ngayon ng kabataan ay umiinog sa paghahanap ng sariling ginhawa at pagpapasasa. Walang iniisip na komunidad, o samahan, o ang pangangalaga sa kapakanan ng kapwa.

Sa panahon natin, kay raming nagsasabing sila raw ay naglilingkod sa bayan. Nguni’t hindi maglalaon at napapagtanto nating sila ay hindi bantay-gabay kundi mga bantay-salakay – mga taong nagsasamantala sa kamangmangan o kahinaan ng iba.

Wala nang lalayo pa sa kalinangang isinusulong ng Simbahan at ng Ebanghelyo. Hindi pagsasarili ang turo ng ebanghelyo, kundi ang pagsasama-sama. “Kung saan may dalawa o tatatlo na nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.

Hindi madali ang magpatawad. Subali’t lalung mahirap kung tayo ay lubos na makasarili. Ang pagkamakasarili ay nakikita sa kakulangan ng kakayahang makita ang pananaw ng kapwa, ang kawalang kakayahang makaunawa ng paningin ng iba, at ang patuloy na pagsisikap upang bumagsak o malugmok ang iba sa paghihirap.

Sa araw na ito, gusto nating alalahanin ang lahat ng mga bantay-gabay: ang mga namumuno, ang mga may pananagutan, ang mga nanunungkulan, ang mga may hawak na kapangyarihan, ang mga naglilingkod sa kapwa sa pamamagitan ng pamumuno saan man, sa pamahalaan man o sa simbahan.

Hiling natin sa Diyos na matulad nawa silang lahat sa halimbawa ni Exequiel, sa halimbawa ni Hesukristo, sa halimbawa ng Beato Juan Pablo II, at marami pang iba.

Nguni’t hiling rin natin na tayo na nasa ilalim ng mga naglilingkod ay matutong magbuklod hindi bunsod ng pagsalungat sa namumuno, kundi ang matuto sa paanan ng Panginoong Hesukristo na siyang nagpapaalaala sa atin: “Saanman may dalawa o tatlo na nagkakatipon sa ngalan ko, naroon akong kasama nila.”

Ito ang isa sa mga palatandaan ng pagiging tunay na bantay-gabay – ang pamumuno kasama at sa ngalan ng Panginoon, at hindi ng sarili.

P.S. Hindi ako tiyak na makakapag-post sa darating na tatlong linggo dahil sa isang mahabang lakbayin na palipat-lipat ang lugar sa Europa. Gayunpaman, sisikapin ko pa ring gawin ito.