frchito

Archive for the ‘Tagalog Sunday Reflections’ Category

SA KAGANAPAN NG PANAHON!

In Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Disyembre 31, 2011 at 11:37


Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Enero 1, 2012

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lucas 2:16-21


Noong nakaraang dalawang taon, ang pamagat ko sa kapistahang ito ay “Pagdating ng Panahon.” Sa taong ito, binabalika ko ang isang salitang laging mali ang paggamit ng mga nagbabalita sa radio at TV – kaganapan! Pag ginagamit nila ang salitang ito, ang ibig nilang sabihin ay ang mga nagaganap sa kapaligiran, pero ang kaganapan ay nangangahulugang kabuuan, ang pagiging ganap na kompleto ng isang bagay o gawain, tulad ng kaganapan ng kaligtasan natin bilang tao.

Maraming kulang sa buhay natin. Maraming hindi ganap, hindi ayos, hindi tapos, hindi kompleto. Laging kulang … laging bawas … laging hindi sapat ang lunas, at laging mayroon pang hinahanap. Hindi naibigay lahat ni Santa Claus ang hinihingi ng mga bata. Para sa maraming lugar na nasalanta ng baha, wala ni anino ni Santa Claus ang nakita, bagkus anino at katotohanan ng kahirapan, pagluluksa, at kamatayan. Bagama’t ang matuwid na daan ang ipinangalandakan ng administrasyon, alam natin na pati ang mga tulong na galling sa ibang bansa ay nagagawan ng paraan, nahihilot, nagkukulang, at may ibang nakikinabang. Sa kabila ng sinasabing pagpupuksa ng katiwalian, alam natin kagabi na ang mga paputok ay patuloy na gumawa ng sari-saring mga problema para sa lahat. Alam nating may daan-daang naputulan ng kamay, o paa, o naging sanhi ng pagdurusa ng mga taong walang kamalay-malay.

Kapos ang lahat sa mundong ibabaw. Walang taong nagsasabing sapat ang kanilang pera at yaman. Wala pa akong naririnig na nagwika na labis-labis ang kanilang nakakamit o pinanghahawakan. Ang mga payat ay hindi lubos na payat, ayon sa kanilang kagustuhan, o dili kaya’y sobrang payat. Ang matataba ay sobra ang taba, o mataba sa mga maling bahagi ng katawan. Ang mga hirap ay laging nag-aasam, laging naghahanap, at laging naghihintay, at mga nanggigitata sa salapi ay gusto pang magkamal nang higit pa, bukod pa, at labis pa. Walang naging Mayor o Governor o Congressman o Senador na hindi naghangad na manatili sa posisyon at humigit pa. Walang labis; laging kulang! Hindi sobra; laging may puwang!

Nguni’t ngayong araw na ito, isang kaganapan ang naganap. Ito ang kaganapan ng panahon para sa Diyos, ang pagsusugo sa kanyang bugtong na Anak, sa pamamagitan ni Maria, Ina ni Kristo, Ina ng Diyos.

Sa paksaing ito, walang kulang, walang puwang, at walang guwang. Ito ang magandang balitang ipinamudmod sa mga taong may mabubuting kalooban. Nguni’t tingnan natin kung paano nangyari ang sinasabi nating naganap para sa ating kaligtasan?

Misteryo … hiwaga … parang kulang … parang mahirap paniwalaan, pero dapat nating tanggapin at pagnilayan.

Ang balita, diumano ay naganap nang dumating ang kaganapan ng panahon … Pagdating ng tamang panahon, nagsilang ang isang babae ng isang sanggol na lalaki.
Pagsapit ng kaganapan ng panahon, nangyari ang ipinangako niyang magaganap. Sa pamamagitan nino?

Ng mga taong hindi ganap … ng mga taong hindi labis, kundi kulang … mga taong walang kapangyarihan, at hindi nalulupasay sa kasaganaan. Ito si Maria, na sapagka’t hindi ganap ay pinuspos ng Diyos ng biyaya … ginanap, kinumpleto, itinangi at nilukuban ng Espiritu Santo.

Sino pa? ang mga pastol na hindi naman dapat nagbabalita at nagmamadali … mga taong nakatali kumbaga sa lupa tulad ng kanilang kawan… mga taong sanay maghintay, at hindi bihasang nagmamadaling pupulas tungo sa kung nasaan ang kabihasnan.

Ang mga taong salat, mga taong kulang, at walang anumang kalalabisan, ang siyang pinili ng Diyos. Sila ang tinawag. Sila ang sinugo. Sila ang inatangan ng magandang balita. At sapagkat sila ay bukas ang puso sa anumang marinig at makita, sila ang nagmamadali, nagtatakbo, at nagbulalas ng ibinulalas ng mga anghel mula sa kalangitan!

Ito ang kasagutan sa ating kakulangan. Ito ang pampuno sa ating kababawan at kabaliwan. Sa dami ng kulang at guwang sa buhay natin, kailangan natin ng biyaya mula sa itaas. Kailangan natin ng tunay na makapagbibigay-kasagutan sa lahat ng ating mga katanungan, sa makapagbibigay kahulugan sa isang buhay na tila walang kakabu-kabuluhan.

Sa gitna ng kadilimang ito na bumabalot sa ating lipunan, matapos ang susun-susong mga problema at sanhi ng kamatayang pisikal at moral, sa pagkawala ng katigan ng ating pamumuhay-moral dahil sa sobrang pagkabalisa upang punuin ang lahat ng kulang, at gumawa ng pera at yaman, maging galing sa nakaw at pandaraya … kailangan natin ng balita mula sa mga pastol na marurumi at mababaho, ngunit nagbubusilak sa mata ng Diyos sapagka’t sila ay nagmadali at nagbalita.

Bagama’t hindi sila kagyat pinaniwalaan, at namangha ang marami sa kanilang mga sinabi at ipinagbigay-alam, kailangan natin ng mga pastol na nagtuturo sa tama, mga obispo at pari at katekistang naghahatid sa tama at wastong pamumuhay moral, at hindi mga taong nagmamadali lamang paramihin ang pera at palawigin ang kanilang kapangyarihan at panunungkulan kuno sa bayan.

Kailangan nating magdilang pastol, at hindi anghel, na magsasabi rin ng magandang balita na sa kaganapan ng panahon, ay sumilang na ang sanggol sa tulong ng isang babaeng ipinagpipitagan natin, si Maria, Ina ni Kristong Anak ng Diyos, Ina ng Diyos!

Salesian House of Studies
Shaukeiwan, Hongkong

PASTULAN AT PAHINGAHAN; HINDI RANGYA AT KAPANGYARIHAN!

In Homily in Tagalog, Kristong Hari, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 16, 2011 at 11:22

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 20, 2011

Mga Pagbasa: Ez 34:11-12.15-17 / 1 Cor 15:20-26.28 / Mt 25:31-46

Hindi kaila sa lahat na magulo ang politika saanman. Sa Europa, halos magsipagbuwagan ang mga gobyerno dahil sa mas masahol pang sitwasyon ng ekonomiya. Sa mga bansang pinamumugaran ng mga diktador, malamang na hindi mapagkakatulog ang mga diktador na kapit-tuko pa rin sa kanilang poder, sa kanilang posisyon, at mapanlinlang na mga administrasyon. Ang mga inihalal na matindi ang mga pangako hinggil sa pagbabago ay di malayong hindi na muling manalo, sapagka’t wala namang nagbago sa takbo ng kanilang pamumuhay.

Mahirap ang tayo ng mga hari … Sa ilang mga bansang mayroon pang hari o reyna, ang malaking problema nila ay ang makakita ng karapat-dapat na kahalili. Sa Thailand, bagama’t napaka tanyag at popular si Haring Bhumibol, hindi kaila na ang kanyang anak, ang prinsipe, ay isang kabiguan para sa mga taga Thailand. Sa ilang mga bansa sa Africa, ang mga namumuno ay nanganganib na sapitin ang kahindik-hindik na sinapit ng diktador ng Libya, si Ghadafi.

Mahirap ang mamuno. Mahirap ang mangasiwa. Kahit saan, ang may putong na korona ay hindi matiwasay ang buhay … “uneasy lies the head that wears a crown,” ika nga. Mahirap ang maghari. Mahirap ang magkaroon ng karangalang umupo sa kataas-taasang trono. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ay nagtataka ako kung bakit nagkakandarapa ang mga bihasa sa katiwalian, at nag-uunahan upang maging presidente ng Pilipinas, na pagkatapos naman ng termino ay singkaran nang paghahanapan ng butas, para ipako sa krus, o kung hindi man ay ikulong sa piitan.

Ito ang telon sa likod ng entablado natin sa araw na ito. Ano ba ang eksena? Sino ba ang bida sa ating entablado sa liturhiya natin ngayon?

Mahirap man natin isipin, isang Hari ang nasa sentro ng ating eksena ngayon – si Kristong Hari!

Pero ano ba ang takbo ng kwento natin ngayon? Kwento ba ito na tulad kay Ghadafi, o tungkol sa kinamumuhiang si GMA? Kwento ba ito tungkol sa mga AFP generals na sa liit ng kanilang sweldo at laki ng kanilang pagkagahaman ay nakapag-tago ng daan-daang milyon, hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati sa Amerika at sa buong mundo? Kwento ba rin ito tungkol sa isang mapaghiganting Presidente na walang inatupag kundi maghanap ng isisisi sa nauna at maghanap ng masisisi sa hindi niya kayang gawin? Kwento ba ito tungkol sa mga mapanlinlang at magulang at masibang mga pinuno na walang ginawa kundi mag-imbestiga at magpapogi sa harapan ng kamera at mag-ipon ng mga alipores upang maging kampon sa susunod na eleksyon?

Ang eksena natin ay tungkol sa hari ngunit kakaibang hari, kakaibang pinuno, na may kakaibang mga pinahahalagahan. Ito ay kwento ng isang hari na walang kaharian, isang pinunong walang inuutusan at kinukutusan (o kinokotongan). Ito ay Hari na ang paghahari ay hindi makamundo, at lalung walang kinalaman sa kamunduhan.

Ito ang pinunong ang pamunuan ay wala sa kapangyarihan, kundi sa panunungkulan, sa paglilingkod, at kahinahunan. Ito ang paghaharing ang pangunahing pakay ay ang tipunin, kupkupin, at arugain ang kanyang kawan.

Kawan! … hindi kaharian! Tupa! Hindi lupa at lugar na pinamumugaran!

Hindi kaila sa atin lahat na ang Israel mismo ay hindi pinalad sa kanilang mga pinuno. Sa salin-saling mga namuno sa Israel, na pawang nakabiyak ng puso ng mga Israelita, Diyos na mismo ang nangako at nagwika at nagpamalas nang kung ano ang kahulugan ng mamuno – na walang iba kundi ang maglingkod, manungkulan, at magpa-alipin: “Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas.”

Ang mga haring makamundo ay may mga kaharian, may pinaghaharian, may mga taong nasa kanilang pinangingibabawan.

Sa kapistahang ito ng Kristong Hari, hindi ang kanyang pagiging nasa itaas o nasa ibabaw ang pokus, ang tinutukoy at binibigyang-halaga ng liturhiya. Hindi ito tungkol sa kanyang kapangyarihan, kundi tungkol sa ating kakayahang magpasailalim at sumunod sa Kanyang kalooban.

Kailangan natin ng Hari – hari ng puso at kaisipan bago maging hari ng sangkalupaan. Ang trahedya sa panahon natin ay ito … Gusto nating maging hari, pero ayaw natin ang paghahari ng Diyos. Gusto natin ang Panginoong Jesucristo, pero ayaw natin ang krus na kanyang pinasan. Gusto natin ng luwalhati, pero ayaw natin ng pighati. Gusto natin ng tagumpay, pero ayaw natin ang pagpupunyagi.

Oo … si Kristo ay Hari … Pero hindi ang kanyang pagiging Hari ang mahalaga ngayon. Ang pinakamahalaga para sa atin ngayon ay ito … anong uri ba tayong tagasunod? Anong uri ba tayong mga tagasunod sa Haring siya mismo ang nagpakita kung ano ang kahulugan ng maka Kristiyanong panunungkulan … “Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan.”

Mabuhay ang paghaharing ito ni Kristong Panginoon!