frchito

Archive for the ‘Tagalog Sunday Reflections’ Category

LIWANAG SA LUPAING BALOT NG DILIM

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Enero 20, 2011 at 10:16

Ika-3 Linggo Karaniwang Panahon(A)
Enero 23, 2011

Mga Pagbasa: Is 8:23 – 9:3 / 1 Cor 1:10-13,17 / Mateo 4:12-23

Parang bumalik ang diwa ng Pasko. Paulit-ulit natin narinig ang hula ni Propeta Isaias tungkol sa darating na liwanag na siya nating ipinagdiwang sa panahon ng kapaskuhan. “Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman …” Pati ang simoy ng hangin ay nagbago sa bayan natin … pati tag-ulan ay parang may nakalimutan at nagbalik. Sa halip na pagsisimula ng tag-tuyot ay hinahagupit tayo ng unos, ulan, baha, at tila bagyo dahil sa La Nina.

Nguni’t ang tanong natin ay hindi lamang sa kung bakit ang ulan ay namamayagpag sa bayan natin. Ang tanong natin ay mas matindi, mas kataka-taka … Totoo ba kaya ang hula ni Isaias. May liwanag bang namanaag sa ating namumuhay na balot ng lahat ng uri ng kadiliman?

Mahirap sagutin ito. Para sa aming mga pari na ang tungkulin ay ang maghatid ng magandang balita sa tao, tila panay na masamang balita ang nilalaman ng aking panitik at pangaral. Mahirap isara ang diwa at isipan sa katotohanang tumatambad sa ating paningin. Mahirap magkaila sa isang bagay na parang isang bulaklak na namumukadkad at ang amoy ay nakasusulasok sa ating mga ilong at lalamunan. Mahirap ikubli ang katotohanang ang bayan natin ay hindi lamang kulelat kumpara sa ibang katabing bayan natin, at napag-iiwanan ng iba pa na dati-rati ay mas mababa sa atin sa lahat ng antas at aspeto ng pamumuhay.

Matindi ang kadilimang bumabalot sa lipunan natin. Maraming iba-ibang uri ng mga panghambalos ang hawak ng mga tagapagpahirap sa atin. Maraming mga “bansa” at kapwa natin Pinoy ang patuloy na umaalipin sa atin. At patuloy pa rin ang mga gawang madilim ng mga taong namumuhi sa atin bilang Kristiyano o Katoliko.

At sapagka’t tapos na ang Pasko at tapos na rin ang pista ng Nazareno, at pista ng Banal na Sanggol na taon-taon ay ginagastusan at ipinagdiriwang ng buong sambayanan halos, balik tayo sa katotohanan na ang buhay natin ay malayong-malayo pa sa diwa ng ebanghelyo.

Nguni’t naparito kayo sa simbahan hindi upang makarining ng dagdag na panlalait mula sa aming mga pari. Naparito kayo upang makarinig ng magandang balita. Pero hindi rin ninyo maiaalis ang katotohahang ang magandang balita ay malimit nating sinasala at pinipili. Para sa marami, ang magandang balita tungkol sa prosperidad na may kinalaman sa “siksik, liglig, at nag-uumapaw” ang siyang pinipili at pinupulot. Ang kabilang pisngi ng magandang balita na may kinalaman sa pananagutan at responsibilidad ay malayo sa ating isipan.

Ito ang magandang balita na tinutumbok ni Pablo. Halos pinapagalitan niya ang mga taga Corinto na nagtutungayaw at nagkakahati-hati, at nagkakanya-kanyang panig o kampo. At ano ang batayan ng magandang balitang ito? Ang kamatayan ni Kristo sa krus. “Ipinangangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananalitang batay sa karunungan ng sanlibutan upang sa gayo’y hindi mawalan ng kabuluhan ang kamatayan ni Kristo sa krus.”

Panahon na upang ating tingnan kung anong uri ng magandang balita ang tinanggap natin. Ito ba ay ang ebanghelyo tungkol lamang sa prosperidad, o ang ebanghelyo na may kinalaman sa responsibilidad? Kung ang tinanggap natin ay ang nauna, wala tayong pananagutan, wala tayong dapat gampanan. Kung ang tinanggap natin ay ang ikalawa, haharapin natin ang misyon natin tulad nang hinarap ni Jesus ang kanyang misyon.

Matay nating isipin, puede na sanang manatili si Jesus sa Nazaret kung saan siya lumaki, kung saan siya maraming kaibigan at kamag-anak, kung saan siya matiwasay. Subali’t nang patayin si Juan Bautista, tumungo siya sa Capernaum, sa lugar ng Zebulun at Neftali, kung saan ang misyon niya ay naghihintay, kung saan ang kadiliman ay naghahari.

Ang pag-asang inaasam natin ay ang pag-asang ginagampanan natin. Ang magandang balitang hanap natin ay ang magandang balitang isinasakatuparan natin. Walang maghaharing kagandahan sa mundo kung walang makapangyayaring magpapatupad noon. Ang lahat ng ating minimithi ay dapat bunga ng gawain at pagsisikap nating masidhi. Tayo ang mga tagapaghatid ng magandang balita, at tayo rin ang tagapagpaganap ng laman ng ating bunganga. Tayo rin, samakatuwid, ang liwanag sa lupaing balot ng kadiliman.

MINARAPAT NA IBILANG SA KANYANG MGA HINIRANG!

In Homily in Tagalog, Kristong Hari, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Nobyembre 17, 2010 at 10:15

Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari (K)
Nobyembre 21, 2010

Mga Pagbasa: 2 Samuel 5:1-3 / Col 1:12-20 / Lucas 23:35-43

Sanay na ang buong mundo makarinig ng mga tinatawag na “trash talkers,” mga taong napakagagaling manlait ng kapwa, mag-maliit sa mga karibal, at manira ng mga katunggali. Nakita natin ito sa paulit-ulit na nating halalan. Hagisan ng putik, tapunan ng basura, at batuhan ng mga bintang ang pinaka-uso sa kampanya ng mga kandidato … siraan, labasan ng baho, at paninirang walang patumangga.

Nakita rin natin ito sa mga laban ng pambansang kamao, na si Manny Pacquiao. Narinig natin kay Hatton … narinig natin ang parehong panlalait kay Mayweather. Nakita rin natin kung paano inalipusta ang sakit ni Fred Roach ng kampo ni Margarito kamakailan.

Ewan ko ba kung bakit ganito ang gawi natin? Para umangat, malimit ang gawa natin ay ibagsak ang iba. Para gumanda ang imahe natin, ang alam lamang natin gawin ay pasamain ang iba … Di ba’t isip talangka ang taguri natin dito?

Ang isip talangkang ito ay walang iba kundi ang pagsisikap umangat sa pamamagitan na pagtuntong sa iba, ang pagpupunyaging tumaas sa pamamagitan ng pagbabagsak sa kapwa.

May tawag ang Banal na Kasulatan dito … At ang taguri natin dito ay walang iba kundi ang kayabangan! … ang pag-aangat ng sarili na wala namang ibubuga, ang pagbubuhat ng sariling bangko, ika nga … ang pag-iisip na tayo ay higit sa iba, lamang sa kapwa, at naka-aangat kaninuman!

Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito ay may salungat na larawan ang nakita tayo sa katauhan ni Manny Pacquiao. Hindi ko intensyon na ideklara siya bilang santo, nguni’t sabi nga nila sa Ingles, “credit needs to be given where credit is due” …dapat kilalanin ang isang bagay na maganda sinuman ang gumawa nito.

Sa araw na ito na pista ng karangalan at luwalhati, patungkol kay Kristo na itinatanghal natin bilang Hari, karapat-dapat lamang na magmuni tayo tungkol sa tunay na kadakilaan, wagas na karangalan, at walang pag-iimbot na pagkilala sa kadakilaan ng sinumang dapat kilalanin.

At sino ang dakila? Sino ang dapat kilalanin? Sino ang karapat-dapat ng pagpupugay at parangal?

Hindi nag-aatubili ang Inang Simbahan tungkol dito. Hindi patumpik-tumpik ang Banal na Kasulatan hinggil rito. At ano ang turo nito? Iisa, iisa, tanging isa lamang ang karapat-dapat ng dakilang papuri at parangal. Iisa, at tanging iisa lamang ang may kapangyarihang mag-akyat at magbaba, maghusga at magpasiya hinggil sa lahat ng nilalang. Siya, at tanging Siya lamang, ang nag-aangat at nagbababa, ang kumikilala at nagpuputong ng korona ng luwalhati.

Siya ang Diyos, ang Panginoon, at ang kanyang bugtong na Anak ang Hari ng santinakpan, ang siya lamang karapat-dapat ng tunay at walang hanggang papuri at parangal.

Siya ang nag-aangat. “ang nag-aangat ng sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa sa sarili ay iaangat.” Ang Diyos ang humihirang … “ipinangako sa iyo ng Panginoon na gagawin ka niyang hari upang mamuno sa kaniyang bayan.”

Nakita natin kung gaano kalakas ang lagapak ng taong mataas ang lipad. Nakita natin kung paano napahiya si Hatton sa kanyang mga panlalait. Nakita natin kung paano ngayon magtago si Mayweather. Ang nagpapakataas ay ibabagsak. Sa kabilang dako, nakita natin kung gaano kasimple, at kabait ang isang kampeon na may habag at pagmamalasakit sa kalaban. Nakita natin kung paano pinaka-ingatan ng kababayan natin ang kapakanan ng kanyang kalaban. Nakita natin ang kanyang paggalang kay Margarito at ang pag-iingat niyang hindi na lumala pa ang mga sugat sa mukha ng kalaban. At bagama’t patuloy siyang nilalait ng mga rasista sa buong mundo, hindi maipagkakaila na respeto para sa kanya ang ipinuputong na parang korona sa kanyang ulo. At ang respetong ito ay tinatamasa rin natin na kanyang mga kababayan.

Ang kasukdulan ng respetong ito ang dapat natin ngayon ibigay sa tunay na Hari ng ating mga puso at kaisipan. Siya na may kapangyarihang mag-angat at magbagsak, siya na may-akda ng lahat ng kadakilaan, at may kaloob ng lahat ng kakayahan ng tao.

Siya bilang tao at Diyos ay nilait din ng tao … “Iniligtas niya ang iba; iligtas din niya ang kanyang sarili!” “Nilibak siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak.”

Ngunit may isang kumilala at nagpakababa, humiling at naki-usap, nanalangin at nanikluhod: “Jesus, alalahanin no ako kapag naghahari ka na.”

Ang pagkilalang ito, ang pagpapakumbabang ito ang nagbukas ng pinto ng langit … “Ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Ito ang Hari ng katarungan … ang Hari ng mga mabababa ang loob, ang Hari na may kapangyarihang mag-angat at magbaba. Siya ang pinupuri natin. Siya ang niluluwalhati natin dahil sa maraming bagay … sa kaloob niyang buhay, sa kaloob niya ng katauhan ni Manny Pacquiao, sa kaloob niya ng lahat ng tinatamasa natin, pati ang paggalang ng mundo sa lahi natin, dahil sa kababaang-loob ng kampeon natin. Purihin ang Hari ng sansinukob! Purihin ang Hari ng mga Hari! At pagpalain nawa Niya ang bayan natin! Sapagka’t “minarapat Niya tayong ibilang sa kanyang mga hinirang!”