frchito

Archive for the ‘Uncategorized’ Category

PANAHON NA! ORAS NA! Unang Linggo ng Adbiyento Taon A

In Adviento, Panahon ng Pagdating, Uncategorized on Nobyembre 26, 2016 at 07:06

Unang Linggo ng Adviento (Taon A)
Nobyembre 27, 2016

Panahon Na! Oras Na!

Noong mga bata pa kami, paborito naming palabas sa TV ang “Oras ng Ligaya.” Malabo na sa aking alaala ang mga detalye ng palabas, pero ang natatandaan ko ay laging puno ng ligaya ang isang oras na tawanan, biruan, at kantahan (hindi pa uso noon ang sobrang pa-cute ng mga batang artista). Ang isang oras na yaon ay lagi naming pinakahihintay at inaasam-asam sa bawa’t araw. Sa musmos ko noong pag-iisip, si Oscar Obligacion ay para bagang bahagi ng bawa’t tahanan, bawa’t pamilya, at bawa’t grupo ng taong nagkakaisa sa ilalim ng iisang bubungan.

Sa aking pagbabalik-tanaw sa nakaraan, hindi ko maubos maisip kung paano kaming mga bata noon ay bihasang-bihasa sa paghihintay. Lagi kaming may hinihintay sa TV (kahit black and white lamang). Bawa’t araw ay may tampok na pinakahihintay: Mga Aninong Gumagalaw, Bahaghari, Piling-Piling Pelikula, Batman & Robin, Combat, Wild, Wild West, Mission Impossible, atbp. Ang Pasko ay tampulan ng lahat ng masidhing paghihintay. Bagama’t wala masyadong dapat hintayin, puno pa rin ng paghihintay at pag-aasam ang puso ng bawa’t bata noon. Kahit isang bagong jacket lamang o isang plastic na laruang baril-barilan ay pinakahihintay nang buong pag-asa.

Damang-dama ang diwa ng Adviento noong panahong iyon. Hindi pa man namin alam ang panahong nabanggit, batid kong ang diwa ng paghihintay ay bahagi ng buhay ng bawat tao bago mag-pasko.

Nakatutuwang isipin na sa unang linggong ito ng Adviento, wala sa mga pagbasa ang bumabanggit sa paghihintay. Sa katunayan, hindi paghihintay ang binibigyang-diin sa araw na ito. Ang malinaw na diwang lumulutang sa pagbasa, lalo na sa ikalawa at ikatlo ay ang diwa na nagsasabing “panahon na.” Sa madaling salita, ang tinutumbok ng pagbasa ay ang katotohanang ang pinag-aasam-asam ay narito na … na ang pinakahihintay ay maaari nang angkinin at pagyamanin.

Dumating na ang oras … ito ang turo ni Pablo … Oras na raw upang bumangon sa pagkakatulog. Oras na upang iwaksi ang gawa sa ilalim ng kadiliman at gumawa ayon sa kaliwanagan. Ito ay ipinagtatagubilin niya sapagka’t malapit nang dumatal ang bukang liwayway. Ang pinakahihintay ay dapat nang angkinin bilang katotohanan, at ang katotohanang ito ay dapat lakipan ng wastong pagkilos at wastong pamumuhay.

Hirap ang tao saanman ang maghintay ngayon. Sa daigdig na punong-puno ng mga orasan, sa kamay man o sa mga dingding ng lahat ng bahay at gusali, kay raming tao ang hindi makahintay. Lahat halos ng ginagamit o kinakain ay “instant” – instant coffee, instant noodles, instant cash, instant loans, atbp., Sa kahirapan natin maghintay, Agosto pa lamang ay nagiging pasko na. Pagkatapos na pagkatapos ng araw ng Pasko ay Valentine’s Day na ang isinusulong ng radyo, TV, internet, at mga pahayagan.

Tama ba kaya o mali ang ating ginagawang anticipasyon ng Pasko at ng anumang mahalagang araw sa buhay natin? Waring ito ang sinasaad ng mga pagbasa. Panahon na … dumating na ang oras! …

Subali’t kung ating titingnang muli, hindi ito isang hungkag at walang kahulugang pag-aanticipar ng darating na dakilang katotohanan. Ito ay hindi pagsalubong sa isang bagay na hindi pa napapanahong maganap. Sa halip ito ay ang pagsasabuhay ng kung anong tama at magaling na ginagampanan ng taong marunong at batid ang kahulugan ng kung ano ang pinakahihintay.

Ang hinihintay nating mga mananampalataya kay Kristo ay ang katuparan ng kanyang pangako – ang ganap na kaligtasan na magaganap sa kanyang muling pagbabalik. Subali’t hindi lamang yaong hindi pa nagaganap ang pinakahihintay natin. Hinihintay rin natin ang kanyang pagdating na ngayon ay patuloy nang nagaganap – ang pagdating niya sa biyaya, at ang pagdating niya sa hiwaga, bukod sa kanyang pagdating sa wakas ng panahon.

Kung si Kristo at ang kanyang kaloob na kaligtasan ay dumating na sa kasaysayan, kung si Kristo ay patuloy pang dumarating ngayon sa pamamagitan ng biyaya at hiwaga, at kung ang parehong Panginoon at Manliligtas ay darating pa sa wakas ng panahon, ito ay bagay na dapat salubungin. Ito ay bagay na dapat nang ipagdiwang, angkinin, at pagyamanin. At higit sa lahat, ito ay bagay na dapat paghandaan.

Ito ang dahilan kung bakit nagwika si Pablo … “Dumating na ang panahon.” Napapanahon na upang bumalikwas sa pagkakahiga at humarap sa isang bagong bukang liwayway … Panahon na upang iwaksi ang gawa ng kadiliman, at pag-ukulan ng pansin ang gawaing angkop sa kaliwanagan. Panahon na … ngayon na.

Ang Adviento ay pagdating. Kung may darating ay may naghihintay. Ang Adviento ay paggunita sa pagdating ng Siyang pinakahihintay ng sangkatauhan. Dumating na siya sa kasaysayan. Patuloy siyang dumarating sa biyaya at hiwaga na dulot ng kanyang katawang mistiko – ang Iglesya Katolika. Muli siyang darating sa wakas ng panahon.

Sapagka’t siya ay dumating, dumarating, at darating pa, iisang mahalagang paalaala ang dulot sa atin ng liturhiya sa araw na ito: “oras na” … hindi ng ligaya lamang, kundi oras na upang magpanibagong-buhay at anyo kay Kristong Panginoon at Diyos, Hari ng sanlibutan.

Nais kong isipin na sa sandali ng kanyang pagdatal, sabay-sabay at sama-sama tayong aawit ng katumbas ng awit nina Oscar Obligacion … Oras ng ligaya, halina’t tayo’y magsaya … “Halina’t magsaya patungo sa bahay ng Panginoon!” (Ps 122) (Tugon sa Salmo).

PANDAK, PERO MATAYOG SA MATA NG DIYOS

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Taon K, Uncategorized on Oktubre 27, 2016 at 09:37

Ika-31 Linggo ng Taon K

Oktubre 30, 2016

ASCENDE SUPERIUS!

Takot ako umakyat sa matatayog na lugar. Takot ako dumungaw sa matataas na gusali. Minsan din akong nahulog sa puno noong bata pa, habang nag-aastang Batman na siyang pinapanuod namin sa TV noong araw. Pero may pagkakataong wala kang mahihita kung di ka magsikap manguyabit sa puno. Kung hindi umakyat ay maghihintay ka na lamang sa nahuhulog na prutas na kinain na ang kalahati ng uod o ng ibon.

May pagkakataon namang kelangan mong umakyat kung gusto mong umangat; kung gusto mong makasilay sa taong hinahangaan, o kung mayroon kang pinapanagimpan at pinagsisikapan. Pandak si Saqueo, tulad ko. Pero hanga ako sa kanya, hindi sapagka’t siya’y tulad kong maliit, kundi sapagka’t siya ay maparaan, at may pinapanagimpan. Nang mabalitaan niyang daraan ang pinag-uusapan ng marami sa Jerico, nagmadali siya … nagtatakbo, at humanap ng balcony – ng puno upang maakyat – kung saan hindi mahaharangan ang kanyang mga mata ng mga taong mas matatangkad kaysa sa kanya.

Sa dinami-dami ng taong dumating sa Jerico, hindi lamang siya ang publikano. Hindi lamang siya ang swapang at ganid, at lalung hindi lamang siya ang nag-aasam ng malaking kita o tubo. Pero iba ang mag-nasa at mag-asam, at iba rin ang maghanap at magpadala sa isang matayog na panagimpan o marangal na pangarap. Tayo man ay mapagnasa at mapaghanap. Naghahanap tayo ng luho, ng yaman, at ng madali ang mariwasang pamumuhay.

Lahat ng nagpunta sa Jerico at ang hanap ay ang Guro – si Kristong daraan ay nagkakaisa sa bagay na ito … Lahat tayo ay may gustong marating. Lahat tayo ay may nais makamit … karangalan man o materyal na bagay … walang sinuman ang makapagsasabing wala siya ni isang hibla ng makamundong pagnanasa. Kagagaling ko lamang noong nakaraang dalawang linggo sa isang bundok – ang isa sa mahigit na 14 na bundok na akin nang naakyat. Takot ako sa matataas na lugar, pero hindi ako takot mangarap umangat, tumaas, at makipag tipan sa mga alapaap sa langit.

Tulad ako ni Saqueo na bagama’t pandak ay may malalim na pagnanais na malampasan ang mga kahinaan at karupukang maaaring magtali sa akin sa ibaba. Kung sa Tondo man daw ay may langit din, ang mga pandak man ay may pangarap marating na matatayog na hangarin. Galing sa akin ang motto ng dalawang kolehiyo sa ating bansa: Ad maiora natus, at Ascende Superius. Ang ibig sabihin ng una ay ito: Isinilang Tayo Para sa Mas Matatayog na Bagay, at ang ikalawa naman ay ito: Umakyat ka Pa ng Kaunti sa Itaas.

Nais kong isipin na si Saqueo ay larawan ng bawa’t isa sa atin. Mababa ang uri … makasalanan … makasarili … sakim at mapagkamkam. Ngunit ang lahat ng santo ay may nakalipas at lahat ng makasalanan ay may hinaharap. Hinarap ni Saqueo ang totoo sa kanyang sarili … bukod sa pandak ay tinanggap niyang kelangan niya ng kaligtasan, ng kagalingan, ng tulong mula sa itaas. Kubrador man ng jueteng ay may pagkakataong magbago. Pandak man at mahirap ay may angking kakayahan at karapatang magnasang umangat, magnais umakyat sa antas ng kabutihan at kagandahang asal.

Kwento ko ito noong katatapos lamang na Philippine Conference on New Evangelization … Noong ako ay bata pang brother, may nakita akong maliit na puno ng mangga sa tabing daan. Ibinuhol ko ang puno at iniwan at inasahan kong mamatay. Ngunit noong ako ay naging pari maraming taon ang lumipas, ay nakita kong malaki na ang puno, matibay, matatag. Hinanap ko ang buhol. Naruon pa rin ang buhol. Matigas. Makapal ang balat. Matipuno at matatag. Lumakas siya kung saan siya nasugatan. Tumatag siya kung saan siya nakaranas ng pagdurusa. Sapagka’t isa siyang punong may panagimpan, may pagnanasa, may takdang kagustuhang marating at makamit.

Si Saqueo ay taong marupok. Tulad nating lahat madali rin siyang matepok. Pero may matayog na pangarap … may malalim na paghahanap. Hinanap niya si Jesus ang Daan, katotohanan, at buhay. Lingid sa kanyang kaalaman, ang Diyos mismo ang naghahanap sa kanya … sa atin, sa bawa’t isa sa ating makasalanan.

Natagpuan siya ng Diyos ng awa at habag: “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” Hinahanap tayo ng Diyos … tayong lahat. Mahal niya tayo at pinagmamalasakitan. Pero mayroon tayong dapat gawin, tulad ni Zaqueo.

Kailangan nating manguyabit sa puno at umakyat. Kailangan nating maghanap ng kaunti, at magpakita ng isang matayog na hangaring gumawa ng tama at karapat-dapat. Nasa ating mga kamay at paa ang kasagutan … Hala … ano pa ang hinihintay natin? Akyat na! Ascende Superius! Sapagkat AD MAIORA NATUS!