frchito

Posts Tagged ‘Bagong Jerusalem’

PANGAKO AT KATUPARAN

In Uncategorized on Mayo 17, 2012 at 11:02

Image

PAG-AKYAT NG PANGINOON SA LANGIT (B)

Mayo 20, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Ef 1:17-23 / Mc 16:15-20

 

Luwalhati at kagalakan ang diwa ng araw na ito. Pagpupugay at mapitagang pagsamba ang kaakibat nito. At bakit hindi? Kapag ang pangako ay hindi napako sa kawalan o kabulaanan, bagkus naganap at natupad, di ba’t pagdiriwang ang dapat isalubong dito?

Bihasa tayong lahat na mangako. Bata pa tayo, kapag inuutusan ng magulang, iisang bagay ang sagot natin tuwina … “Opo, gagawin ko po.” “Magbunot ka na ng sahig,” ang utos sa atin noong wala pang mga polisher na de kuryente. “Opo, mamaya-maya po.” Nang tayo ay medyo tumanda, iba namang pangako, pero pangako pa rin ang malimit nating marinig … mula sa mga politico. Noong araw, mayroong panggulong kandidato sa pagka pangulo (Racuyal ba yon?) ang nangakong gagawing plastic ang lahat ng daan sa Pilipinas. Ngayon, iba na ang pangako ng mga politico … bibigyan daw sila ng lupang matitirikan ng  bahay sa Kamaynilaan … basta ba’t dumami ang mga botante sa lugar nila.

Alam natin kung gaano kahirap ang mangako, lalu na sa mga bata. Kapag nangako ka sa isang bata, hindi nila nalilimutan iyon, kahit na magbilang sila ng tulog, at para sa kanila ang 2 araw ay katumbas ng dalawang taong paghihintay. Ilang pangako ang narinig mo sa magulang mo noong ika’y batang paslit?

Nais kong ikwento sa inyo ang isa kong karanasan sa pangakong ito. Noong ako ay humigit-kumulang 4 na taon, pinangakuan ako ng aking ama na dadalhin sa sirko (circus) noong panahong ang mga sirko ay dumadayo na dala ang malaking telon o tolda kung saan ginagawa ang mga pakitang-gilas. Sabik sa sabik ako … hintay na hintay, at tuwang-tuwa sa pangako.

Hindi naganap ito … hindi natupad. O kita nyo? Hanggang ngayon, natatandaan ko pa, di ba? Ito ang kasamaan sa pangakong napapako … pangakong walang tuldok, walang wakas, liban sa isang markang patanong … “Kailan pa?”

Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem noong Linggo ng Palaspas, nagdiwang ang tao, nagsaya at nagsayaw pa siguro ng Caracol, habang inilatag ang lahat nilang balabal at mga palaspas. Ipinagbunyi siya. Itinanghal. Parang hari. Parang marangal na pinuno, at matapang na general, na magpapakitang-gilas laban sa mga Romano at lahat ng tagapag-usig ng bayang Israel.

Pero hindi ito ang kanyang pangako. Hindi ito ang kanyang pakay. Mahirap yata ang nagdidiwang sa hindi mo naman pala piyesta o kaarawan. Mahirap yata ang nagbubunyi para sa isang bagay na hindi mo naman dapat ipagbunyi.

Dito nagkamali ang mga Israelita. Maling akala! Akala nila’y haring military si Jesus. Akala nila’y magtatangan siya ng setro at ng sandata, para habuling palabas ang mga tampalasang nagpapahirap sa kanila. Sa kanilang pagkakamali sa una, nadagdagan pa ng isa pang mali …

At narito ang trahedya … Matapos sumigaw ng “hosanna,” ay di lumipas ang maraming araw at sila naman ay palahaw nang humiyaw ng “ipako sa krus!”

Ang akala nilang pangako ay biglang napako, biglang naglaho. Ang inaasahan nilang manlulupig at manliligtas ay pala naman ay isang maamong korderong hindi makapatay-langaw, sapagka’t ito nga ang kanyang pangako … kakaiba … walang katulad … walang kapantay … walang katumbas!

Iba pala ang ciudad na kanyang papasukin nang maluwalhati … hindi ang lungsod ng mga makamundo at makapangyarihan at mayaman … hindi ang lungsod ng mga nagkakamal ng naaagnas na mga katangian.

Sa araw na ito, isa na namang pagpasok ang pinagninilayan natin – ang kanyang pagpasok, hindi sa isang ciudad na ang ngalan ay Jerusalem, kundi isang ciudad na makalangit na kung tawagin ng aklat ng pangako, ang Banal na Kasulatan, ay makalangit na Jerusalem!

At bakit hindi? Ito ang pahayag ng mga pagbasa ngayon … ang pag-akyat ni Jesus sa langit, upang maging Hari, hindi ng Israel, kundi ng bayan ng Diyos, na higit pa sa isang kaharian. Mayroon pa ring nagkamali…. Mayroon pa ring medyo naguluhan at nagtanong: “Panginoon, itatatag na ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Nguni’t ano ang naganap? “Pagkasabi nito, siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya.”

Mayroon ka bang pangakong hinihintay? Ako rin … pero kakaiba na itong pangako. Hindi na sirko at ang panonood ng nagliliparang mga sirkero sa tolda. Hindi na ang pagkakataong sumigaw ng “hosanna” na kapagdaka’y mapapalitan ng “ipako sa krus.” Hindi na makamundong Jerusalem ang pinag-uusapan dito, bagkus ang makalangit na Jerusalem, kung saan siya ay maluluklok, at kung saan siya ay maghahari magpakailanman.

Isang mungkahi lamang mula sa isang hindi isinilang kahapon … Huwag kayon sanang magpapaniwala sa mga pangako ng mga hunghang. Wag kayo masyado mapadala sa mga matatamis na pananalita ng mga sinungaling na may hawak ng mass media. Huwag kayo masyado madaling mapa-anod sa agos ng kalakarang hindi maka-diyos at sa halip ay makasarili.

Sundan natin Siya na nangako. Tumpak … pero ang pangako niya ay hindi isa lamang sakong bigas, hindi isang lote na titirikan ng kubo, hindi mga senior citizen card, para libre sa sine at libreng bulaklak sa araw ng birthday … mga mabababaw na pangako.

Sundan natin Siya na nangako … “Ako ang Daan, Katotohanan, at ang Buhay.” At ang kanyang pangako ay hindi napako. Ginawa niya iyon. Nagdusa. Namatay. At umakyat sa langit!

Siya ang tunay na modelo ng Pangako at Katuparan! Saan ka pa? E di kay Jesus na!

PANGITAIN, PANGAKO, PAGGAWA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 4, 2010 at 13:10


Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay(K)
Mayo 9, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 15:1-2, 22-29 / Pahayag 21:10-14, 22-23 / Juan 14:23-29

Puro kalumaan ang nakikita natin sa mga nagaganap sa lipunan. Lumang mga trapo, halimbawa, ang mga nagsisikap bumalik sa “paglilingkod sa bayan.” Lumang politika, ang namamayagpag sa bayan natin. Pati ang pagmasaker sa mahigit sa 50 katao ay lumang politika na nabahiran sa mula’t mula pa ng karahasan.

Panay kalumaan ang natutunghayan natin saanman … liban dito … sa simbahan, kung kailan ang mga pagbasa ay nagwiwika tungkol sa wagas at taos na pagbabago.

Sa unang pagbasa, naging isang malaking suliranin kung ang lumang batas ni Moises ay dapat pang maghari. Upang lutasin ito, ipinadala sina Pablo at Bernabe sa Jerusalem. Bagama’t hindi nila binale-wala ang batas ni Moises, malinaw na may isang panibagong batas na umiiral – ang bagong batas na dulot in Kristo.

Sa ikalawang pagbasa, wagas at lubos na pagbabago ang natutunghayan natin. Isinagisag ang ganap na pagbabagong dulot ni Kristo sa pamamagitan ng larawan ng isang “bagong Jerusalem” na bumababa mula sa kalangitan. Pangitain ito at hula tungkol sa wakas ng panahon kung kailan ang paghahari ng Diyos ay lubos na magaganap sa buong sangkalupaan at sangkatauhan.

Sa ebanghelyo naman, isang mataginting na bagong utos ang sinasaad – ang bagong utos ng pag-ibig.

Alam kong lahat tayo ay bagot na bagot na sa lumang politika sa bayan natin. Alam kong lahat tayo ay nag-aasam at naghahanap ng pagbabago. Alam ko ring, ang mga may kaya ay laging naghahanap ng bagong cellphone, bagong computer, bagong sapatos at bagong damit … bagong lahat. Ang kalumaan ay hindi natin gusting manatili at bumalot sa ating pagkatao.

Likas sa tao ang maghanap ng bago, ang gumawa o gumamit ng anumang hindi pa gasgas, hindi pa kupas, o hindi pa lagas. Likas sa atin ang mag-asam ng pagbabago sa lahat ng antas o larangan ng buhay.

Dito ngayon papasok ang magandang balita ng kaligtasan. Ang buod, puno, at dulo ng magandang balita ni Kristo ay walang iba kundi ito. Gusto ng Diyos ang pagbabago. Gusto niya ang pagpapanibago. Ito ang unang laman ng kanyang pangaral, “Magbago, at sumampalataya sa ebanghelyo.” Ito ang buod ng kanyang pangaral. At ito ang dahilan kung bakit ang kanyang pangaral ay isang bagong balita, tungo sa isang bagong buhay.

At ito ay hindi lamang pangako. Isa na itong katotohanang nagaganap na ngayon, na isinasalarawan ng pangitaing binabanggit sa aklat ng Pahayag. Nagsimula na ito sa pagtatatag ng Santa Iglesya, na isa sa mga tinutumbok ng larawan ng “bagong Jerusalem.” Isa na rin dito ang katotohanang may langit na siyang tunay nating bayan. Dito nagmumula ang “bagong Jerusalem.” Ito ang sukdulan ng ating pag-asa. Ito ang nilalaman ng lahat ng ating inaasam – ang ganap na pagbabagong dulot ng bagong Jerusalem, ng Inang Santa Iglesya, na nagpupunyagi upang tayo ay mapanuto at mapunta sa nilalarawan ng bagong Jerusalem.

Malayo pa ang bayan natin sa bagong Jerusalem. Subali’t bilang kasapi ng Santa Iglesya, may tungkulin tayong nakaatang sa balikat – ang tumulong upang ang pangitaing ito ay maganap, mangyari, at magkatotoo sa buhay natin.

Malayo pa nga tayo … lalu na’t panay paninira ang alam ng mga politikong, nagsisiraan, nagbibintangan, at nagpaparatang sa isa’t isa para lamang malampasan ang kalaban. Para silang mga kalderong napaka-iitim ang puwet na nagbibintangan sa isa’t isa na ang kalaban ay maitim at madungis.

Talagang malayo pa tayo … lalu na’t nakikita natin isang libong piso lamang pala ang katapat ng isang boto; lalu na’t ang namumuro ay ang mga mapera, madatung, mahaba ang pisi, at kayang bumili ng boto – o manloko ng mga mangmang at walang pinag-aralan.

Malayo pa nga tayo, nguni’t hindi tayo busabos na lubos. Hindi tayo mga taong walang kinabukasan. May isang pangitain at pangakong naghihintay sa ating alagaan at gawin. Ang pangitain at pangakong ito ay nagsimula na sa Inang Santa Iglesya. Ang pangakong ito ay naganap na sa pagsilang, pagpapakasakit, at pagkamatay ni Kristong Panginoon.

Isa na lamang ang dapat mangyari. At hindi ang Diyos ang dapat gumawa nito. Ako, Ikaw, tayong lahat ang dapat ngayong kumilos upang ang pangitain at pangako ay maging isang mataginting na katotohanan sa pamamagitan ng ating paggawa.