frchito

Posts Tagged ‘Banal na Sanggol’

SA MGA KATULAD NILA NAGHAHARI ANG DIYOS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Santo Nino, Tagalog Homily, Taon B on Enero 13, 2012 at 20:08

Pista ng Santo Nino(B)
Enero 15, 2012

Mga Pagbasa: Is 9:1-6 / Efeso 1.3-6.15-18 / Mk 10:13-16

SA MGA KATULAD NILA NAGHAHARI ANG DIYOS!

Mga bata ang pokus ng araw na ito … dahil sa iisang kadahilanan … naging sanggol rin si Jesus, lumaki at lumago sa kaalaman, sa karunungan, at sa biyaya ng Diyos Ama.

Nguni’t diretsuhin natin agad … ang sanggol na si Jesus, ay hindi nanatiling sanggol. Lumaki siya at lumago, gaya nga ng nasabi natin. Subali’t tila hindi niya lubusang itinatwa ang pagiging bata. Sinansala pa niya ang mga disipulo na nagbabawal sa mga batang paslit na lumapit sa kanya. Pinagwikaan niya ang mga ito at sinabing hayaan silang lumapit, sapagka’t sa kanila raw naghahari ang Diyos!

Ang mahirap sa mga hindi na musmos ay masyadong maalam magpanggap … masyado marunong magkunwari, at bihasa sa panlilinlang ng kapwa. Maraming matanda sa ating buhay na walang pinagtandaan, at walang natutunan. Marami sa atin, marahil kasama ang bawa’t isa sa atin, na sa halip na manatiling tulad ng bata ay natutong mag-asal hayop sa isa’t isa.

Hindi sa tulad nating matandang walang pinagkatandaan naghahari ang Diyos. Ito ay tiyak …. Masakit man tanggapin.

Maraming mga panlilinlang ang nagaganap sa paligid natin. Maraming mga kabulaanan ang ipinangangalandakan ng mass media. Maraming kasinungalingan ang hatid ng mga survey, ng mga pagsasaliksik, na ang pakay ay ang hubugin ang pananaw ng balana, na naniniwala sa lahat ng lumilitaw sa TV at naririnig sa mga komentarista sa radio.

Ang gumagawa ng mga ito ay hindi mga bata, na ang pokus ay ang maglaro, magsaya, at hindi magkalat ng lagim sa lipunan.

Ang mga gumagawa nito ay tayong mga natuto nang magbalatkayo, ang mga nasanay nang gumawa ng masama, habang mistulang gumagawa ng mabuti.

Obserbahan natin ang mga musmos. Hindi sila marunong magtanim ng galit. Hindi sila marunong maglista ng anumang masasamang ginawa ng kanilang mga magulang. Bagama’t nagtatampo kung minsan, ang bata ay tapat sa kanyang sinasabing dinaramdam … walang pagkukunwari, walang pagkukubli, walang pagpaplano ng masama, walang pagsasabing ginagawa diumano ay prinsipyo lamang, ngunit ang nasa likod naman pala ay paghihiganti.

Malaki ang dapat nating matutunan sa sanggol. Malaki ang itinuturo sa atin ng banal na sanggol na si Jesus. At ang isa sa mga aral na ito ay walang iba kundi ito: malaki rin ang tiwala ng Diyos sa mga musmos. Malaki ang kanyang pagmamalasakit sa kanila, at lalung malaki ang kanyang pagmamahal sa kanila.

Malayo tayong matatandang walang pinagkatandaan. At kung kabilang tayo sa mga ito, ang tanging daan ay ang daan na tinahak ng sanggol na si Jesus, ang daan ring itinuro sa atin ni Jesus … Sa mga batang tulad nila, aniya, naghahari ang Diyos.

Nais kong hilingin sa aking mga tagabasa ang isang pabor. Alam nating nasasadlak muli tayo sa isang madilim na kabanata sa ating kasaysayan. Ang mga namumuno sa atin at may posisyon ay parang mga batang nagbabangay, nag-aaway at naghahamit para sa kani-kanilang agenda. May mga bagay na nasa likod ng tila walang hambas na pagtugis sa mga kinikilalang criminal ng administrasyong ito. Bagama’t hindi ko papel ang kumatig at kumampi sa alinmang panig, tungkulin ko at karapatan ko ang mangamba sa mga kahihinatnan ng lahat ng ito.

Ipagdasal nawa natin na anuman ang maging bunga ng kanilang pag-aaway at paghahanap ng sinasabi nilang tama at matuwid na daan, ay magbunga ng mabuti ito para sa lahat, at ang tunay at wagas na hustisya ay maghari.

Hindi sinabi ni Jesus na mag-asal bata. Ang sinabi niya ay maging tulad ng mga batang kinabig niya sa kanyang tabi. Ito ang mahalagang dapat natin tandaan. Ang paghahari ng Diyos ay hindi nakalaan sa mga nag-aasal batang matandang walang pinagkatandaan, o sa mga nagbabata-bataang walang inisip kundi ang maghiganti o magpakasasa.

Sa tulad ng mga batang ito, aniya, naghahari ang Diyos! Kabilang ba kaya tayo dito?

SIYA ANG MAMAMAHALA SA ATIN!

In Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Santo Nino, Tagalog Homily, Taon A on Enero 14, 2011 at 07:33

Banal na Sanggol (Santo Nino)
Enero 16, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6.15-18 /Mt 18:1-5.10

Dalawang magkasalungat na larawan ang ipinipinta ng mga pagbasa … Sa isang banda, karupukan, kahinaan, kabataan, at kababaang-loob. Nguni’t sa kabilang banda, ay nababasa natin ang kabaligtaran ng lahat ng ito. Narinig natin kung paano “nilupig ang bansang umaalipin,” “binali ang panghambalos ng mga tagapagpahirap,” at ang “panyapak ng mga mandirigma ay susunugin.”

Malayo ito sa imahen ng isang munting inosente at walang kayang sanggol na ipinagpuprusisyon natin ngayon sa buong kapuluan. Malayo rin ito sa larawan na ikinikintal ng isang musmos na bata na, bagama’t itinatanghal bilang hari ng santinakpan, ay isang sanggol na tila walang kayang magligtas, walang kayang mag-ahon sa atin sa lusak ng kapariwaraan.

Ano bang lusak ang ating kinasadlakan at tayo ay hirap na hirap na bumangon at umahon?

Malinaw ang turo ng Banal na Kasulatan. Ang lahat ay nagmula sa kasalanan, sa pagsuway ni Adan at ni Eva. Ang lahat ng kinasadlakan nating putik sa lipunan – ang katiwalian, kadayaan, pagkakanya-kanya, ang palasak na kahirapan ng napakaraming tao sa bayan natin, ay nag-uugat sa kasalanan. Nagsanga-sanga na, yumabong at lumawig, kumalat at lumago, at ngayon ay nanunuot sa lahat ng antas at aspeto ng buhay natin bilang isang bayan.

Nguni’t tulad ng pistang atin ngayong ipinagdiriwang, tila magkasalungat na larawan ang nakikita natin sa ating lipunan. Sa isang banda, ay puno ang mga simbahan natin tuwing magpapasko. Nagkakalipumpon ang milyon-milyong katao tuwing darating ang pista na Nazareno. At tuwing ipinagdiriwang ang pista ng Senor Santo Nino, na naging isa nang malaking pangitaing pangturismo lalu na sa Sinulog sa Cebu, daan-daang libo, kung hindi, milyon ang nakikipagsiksikan, nakikipagdiwang, at nagsasaya hindi lamang sa Cebu, kundi sa marami pang lugar sa Pilipinas.

Ang kahinaan ng isang bata ay naging makapangyarihang bugso at dagsa ng milyon-milyong Pilipino, sa Pilipinas at sa marami ring lugar sa buong mundo kung saan may Pinoy na naninirahan. Ang kapayakan ng isang musmos na sanggol na madaling pitikin at itulak saanmang dako ay napalitan ng isang hindi maipagkakailang kapangyarihan na galing sa debosyon ng sanlaksang katao na nagsasaya sa mga simbahan at mga lansangan!

Alam natin ang kapangyarihang nagkukubli sa bawa’t patak ng ulan. Nakikita natin ito sa mga araw na ito, kung paano ang tubig at baha ay nakasisira ng pananim, nakamamatay, at nakapagdudulot ng matinding suliranin sa napakaraming mga magsasaka at mahihirap na kababayan natin, sa Albay, sa Leyte, sa Mindanao at sa marami pang lugar sa Pilipinas, maging sa Australia at iba pang mayayamang bansa.

Ang simpleng patak ng ulan, na hindi natin napapansin, kapag nagsama-sama ay gumagawa ng matinding problema sa atin. Ang maliit at mahina ay di nananatiling mahina at walang kapangyarihan. Kapag nagkaisa ay nagiging pwersa na hindi madaling sansalain at labanan.

Ang sanggol na si Jesus, ang Santo Nino, na sa biglang wari ay walang kaya, walang kapangyarihan, at walang kamuang-muang ay lumalabas na isang pwersa sa likod ng milyon-milyong mga deboto sa kanya. Ang ingay at saya, mga sigaw at sayaw sa kalye man at sa simbahan, ang mga panalangin at pangakong binibitiwan ng lahat ng tao tuwing sasapit ang kanyang kapistahan ay isang dilubyo ng kapangyarihang dapat ngayon ilapat sa lahat ng aspeto ng buhay natin.

Sa harap ng matinding katiwalian sa lipunan, ang hiling natin ay ang katuparan ng pangako at hula ni Isaias: “malupig nawa ang mga umaalipin sa atin.” Sa harap ng lahat ng uri ng kadayaan at pagkamakasarili sa lipunan natin, panalangin natin ngayon ay ito: “baliin nawa Niya ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa atin.” Sa gitna ng lahat ng uri ng kriminalidad at karumihan ng budhi ng ating mga kababayan, (kasama tayong lahat!), ang dasal natin at pangako natin ay walang iba kundi ito: “sunugin nawa niya ang mga panyapak ng mga mandirigma.”

Banal na Sanggol, Mahal na Santo Nino, makapangyarihang Diyos, bugtong na Anak ng Ama, nagkubli ka sa likod ng kahinaan at karupukan ng isang bata. Ipinahayag Mo ang kapangyarihan ng Banal na Santatlo sa pamamagitan ng larawan ng kahinaan at kapayakan bilang isang musmos na sanggol, dinggin ang panalangin namin. Batid namin na sa aming pag-iisa, wala kaming malaking magagawa, nguni’t batid rin namin na sa aming pagsasama-sama, sa mga matinding pagdiriwang namin, ay nabubuo ang isang kalakasang hindi magagapi ng anumang kasamaan, sapagka’t kasama ka namin.

Ipahayag Mo ang iyong kapangyarihang mapagligtas sa pamamagitan ng mga namimintuho sa iyo … sa pamamagitan ng magkakasamang kalakasang namumuo sa mga pagdiriwang na ginagawa naming. Hayaan mong hindi lamang manatili sa pagsigaw ng Pit Senyor ang aming debosyon. Itulot mong ang mga sayaw naming sa kalye at lansangan ay mauwi sa paghambalos sa mga katampalasanang idinudulot ng mga kasalanan namin. Gawin mo kaming isang bayang nagkakaisa upang kumilos kami nang sama-sama upang mabali ang mga panghambalos ng mga tagapagpahirap sa amin, at masunog ang mga panyapak ng mga tampalasang mandirigma sa paligid namin. Tuparin Mo nawa ang pangakong binitiwan noong una. Pamahalaan kami, O Senyor Santo Nino! Ikaw na nabubuhay at naghahari kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, Diyos, magpakailanman. Amen!