frchito

Posts Tagged ‘Buhay na Walang Hanggan’

ALAM KONG AKO’Y MULING BUBUHAYIN!

In Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Nobyembre 5, 2010 at 09:47

Ika-32 Linggo ng Taon (K)
Nobyembre 7, 2010

Mga Pagbasa: 2 Macc 7:1-2, 9-14 / 2 Tesalonika 2:16 – 3:5 / Lucas 20:27-38

Sanay na sanay tayo makakita ng tahasang pagtanggi sa maraming mga malalaking tao sa larangan ng politika. Sa tanang buhay ko, wala pa ako nakitang pulitiko sa ating bansa na tumanggap sa korupsyon, tumanggap sa pagsusulong ng jueteng, o tumanggap sa anumang katiwalian sa kanilang pamumuno.

Kapag pagtanggi ang pinag-uusapan, walang hihigit sa mga pulitikong malaon nang nasanay at nahirati sa pagiging sanga-sanga ang dila. Sa kabila ng lahat ng malinaw na ebidensya o palatandaan, wala isa man sa nasasakdal na pumatay ng 57 katao sa Mindanao ang tumatanggap sa siya o sila ay kasangkot man lamang sa malagim na pagpaslang sa inosenteng mga tao. Wala pa rin akong narinig na dating presidente na tumanggap sa pagiging kasangkot o kasama sa katiwalian. Alam nating bilyon-bilyon pang piso o dolyar ang nakatago sa mga bangko sa Switzerland, na magpahangga ngayon ay hindi pa mapakinabangan ng bayan.

Kapag pagtanggi ang pinag-uusapan, bihasa tayong lahat at sanay. Paulit-ulit natin itong nakikita.

Nguni’t sa araw na ito, hayaan natin ang sarili natin na makatunghay sa isang tahasang kabaligtaran nito – ang walang pasubaling pagpapatunay … ang kabaligtaran ng pagtanggi – ang pagtanggap at pagpapatunay!

Pagpapatunay ang mariing ginawa ng pitong magkakapatid sa unang pagbasa. Ito ay pagpapatunay sa katotohanang bumubukal sa puso nilang pitong magkakapatid na lalaki: “Alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos!”

Sa panahon natin, kay raming mga handang magbitaw ng salitang sa biglang wari ay pagpapatunay. Ilang beses natin nakita ang mga taong matataas na sumumpa sa harap ng Biblia, o sa harap ng buong bayang nanonood sa TV? Sa dami ng mga imbestigasyong naganap na wala namang bunga, sa senado at kongreso, paulit-ulit natin nakita ang napakaraming bulaan na sumusumpa at nagpapatotoo sa kanilang mga isinisiwalat! Subali’t sa dinami-dami ng mga sumumpa, isa lamang at iisa ang katotohanang tumatambad sa atin … tuloy pa rin ang katiwalian … tuloy pa rin ang kadayaan, at sa kabila ng pagtanggi ay tuloy pa rin ang pamamayagpag ng jueteng, ng illegal logging, ng dynamite fishing, ng suhulan sa loob at labas ng gobyerno, at bayaran sa husgado.

Napakamura ngayon ang panunumpa. Napakadulas ng dila ng mga tampalasang nagkukubli sa likod ng paglilingkod sa bayan.

Kung mayroon tayong mahalagang mapupulot sa mga pagbasa ngayon, ito marahil ang pinakamahalaga para sa atin ngayon. Ang pagpapatunay sa salita ay dapat kaakibat ng pagpapatotoo sa gawa. Ang buka ng bibig ay dapat samahan ng malinaw na katuparan.

Pitong magkakapatid na lalaki sa unang pagbasa ang nagpatunay. Hindi matitinag ang kanilang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya. Mataginting ang kanilang pagpapatotoo. Ngunit hindi lamang nauwi ito sa pagiging mataginting na pananalita, kundi magiting na pagsasagawa. Isinakripisyo nila ang kanilang buhay. Ibinuwis nila ang sariling buhay, sa ngalan ng katotohanang mapagligtas!

Nawawala na ang halaga ng salita ng tao. Natatabunan tayo ng tone-toneladang mga salita – mula sa mass media, mula sa radyo at telebisyon, mula sa mga pulitiko, mula rin sa aming mga pari. Sapagka’t murang-mura na ang salita sa ating panahon, naglalaho na rin ang katapatan, at sa paglalaho ng katapatan ay nawala rin ang pagtitiwala ng tao.

Noong 1975, sinabi ito ni Papa Pablo VI … ang mga kabataan ay hindi na naniniwala sa mga guro. Kung sila ay naniniwala sa kanilang mga guro, ito ay sapagka’t sila ay mga saksi rin. Sa madaling salita, ang mundo ngayon ay naghahanap, hindi sa mga handang magpatunay sa salita, kundi mga taong handang magpatotoo sa gawa.

Bilang pari, alam kong ito ay isa sa batayan ng kung ako ay pakikinggan ng tao. Alam kong hindi sapat ang magagandang pananalita. Alam kong hindi sapat ang maingay na pagpapatunay. Ang hinahanap ng tao ay mga saksi, na sa salitang Griego ay “martir” (witness).

Ang pitong magkakapatid na lalaki ay nag-asal “saksi” sa katotohanang: una, buhay ang Diyos, at ikalawa, “ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kaniya’y buhay ang lahat.” (Lucas 20:37).

Ang Inang Santa Iglesya ay patuloy na nagbibigay-saksi sa mga katotohanang ito. May mga pagpapahalagang bumabagtas sa mga pagpapahalagang makamundo at makatao. May lupa at may langit. May buhay makatao at buhay maka-Diyos. At may buhay na walang hanggan. At may muling pagkabuhay ng mga patay. Tulad ng sinabi ng magkakapatid: “Alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos.”

LANGIT ANG TUNAY NATING BAYAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Taon K on Pebrero 23, 2010 at 07:21

Ikalawang Linggo ng Kwaresma(K)
Pebrero 28, 2010

Isa sa mga palatandaan ng postmodernismo ay ang palaisipang ang mahalaga ay ang nakikita, ang nahihipo, ang nabibilang, at nasusukat. Ang katotohanan ay hindi tiyak, hindi maipapako sa iisang paka-unawa, at bagay na napapalitan, nababago, at nahuhubog. Ang objetivong katotohanan, ayon sa palaisipang ito, ay hindi makakamtan ninuman.

Isa ito sa pinakamahalagang dahilan kung bakit ang karamihan ng tao ay puno ng pagdududa, at ang pagtitiwala ay tila naglaho nang parang bula. Wala tayong tiwala sa mga namumuno. Wala tayong tiwala sa mga naghahatid ng balita. Ang lahat ng institusyon ay pinagsususpetsahan ng balana. At ang nagsisikap mamuno ay nananalo lamang kung pina-aandar ang pera o dili kaya ay malawakang pandaraya.

Bunga ng lahat ng ito ang paniniwalang ang buhay ay nakatuon lamang dito sa lupang ibabaw. Kung ang mahalaga ay dito at ngayon, ang impiyerno, ang purgatoryo, at ang langit ay hindi na masyadong pinag-uusapan.

Tutumbukin ko na agad ang gusto kong sabihin … May langit, kaibigan. May purgatoryo at may impiyerno. Ito ang turo ng Simbahan magmula pa noong una, sapagka’t ito ang nilalaman ng Banal na Kasulatan.

Ito rin ang paalaala sa atin ng mga pagbasa natin ngayon. Una, si Abraham ay tinawag mula sa Ur upang humayo at maging pinuno ng isang malaking angkan. Pinangakuan siya ni Yahweh, na ang kanyang magiging supling ay higit na marami pa kaysa sa mga bituin sa langit. Larawan ito ng isang malinaw na turo ng Biblia – na ang buhay ay kahalintulad sa isang paglalakbay, at ang hantungan ng paglalakbay na ito ay hindi lamang Canaan o Israel. Ang hantungan ng paglalakbay na ito ay walang ibang kundi ang pakikipagniig sa Diyos sa langit na tunay nating bayan!

Binabanggit ni San Pablo sa liham niya sa mga taga Filipos ang kabaligtaran ng pangaral na ito – ang pagpapahalaga sa mga bagay na makamundo lamang: “Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nila ikahiya at ang pinag-uukulan lang nila ng pansin ay ang mga bagay na panlupa.”

Ang pagpapahalaga lamang sa mga bagay na panlupa ay kawalan ng wastong pananaw – kawalan ng tinatawag nating perspektibo, ang wastong pagtingin at tamang pagturing sa lahat ng nakikita, nahihipo, nabibilang, at nasusukat. Alam nating lahat na ang pera ay nabibilang. Alam nating lahat na may bahay na maliit at may bahay na sobra ang lalaki, kahit tatatlong butil lamang ang nakatira. Alam natin na pangarap ng lahat na magkaroon ng komportableng tirahan, magarang sasakyan, at maraming ipong pera sa bangko. Walang masama sa lahat ng ito. Tungkulin natin ang magsikap upang mapaganda ang kinabukasan natin.

Ngunit ang taong walang wastong perspektibo ay nabubulagan sa lahat ng ito at hindi na nakikita ang higit pa sa ngayon at sa rito.

Sa ebanghelyo isang pahimakas ng katotohanang may langit at may hantungang marangal ang buhay ng tao ang ipinaaalala sa atin. Nang umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin, ayon kay San Lucas, nagbago ang kanyang anyo, nagmistulang bulak o niyebe ang kaputian at naging busilak ang kanyang katawan. Nakatikim si Pedro, Juan, at Santiago ng kung ano ang naghihintay sa kanila at sa atin lahat.

May langit kaibigan. May higit pa kaysa sa politikang pinamumugaran ng mga tampalasan. Bagama’t kay raming kawalan ng katarungan sa mundong ito, alam nating may hangganan ang lahat, may katapusan. At ang wakas ng lahat ay ganap na kapayapaan, katarungan, at kaligayahan para sa naging tapat sa kanya, tulad ni Abraham, tulad ni Pablo at ang mga tagasunod ni Kristo na tumahak sa landas ng Panginoon.

Ang mga salaysay sa Biblia na binabasa natin sa Liturhiya ay salaysay na may kinalaman sa buhay natin lahat. Ang kwento tungkol sa pagtawag kay Abraham ay kwento rin ng patuloy na pananawagan ng Diyos sa kanyang bayang pinili. Ang suliranin at pagsubok na pinasan ng mga Israelita noong araw, ay katumbas ng atin ring mga pasanin noon, ngayon, at bukas.

Subali’t para sa taong may wastong pagtingin at tamang pagturing – mga taong may sapat at tapat na perspektibo sa mga bagay-bagay, ang mga mata nila ay nakatuon, hindi lamang sa lupang ibabaw, kundi “sa langit na tunay nating bayan!”