frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog Taon B’

PAGPAPAKATOTOO SA SARILI

In Uncategorized on Hulyo 11, 2015 at 11:11

0615amos-prophet0010

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Julio 12, 2015

PAGPAPAKATOTOO SA SARILI

Puro peke ang laman ng balita ngayon … pekeng bigas, pekeng bihon, pekeng kendi, pekeng politico … Mayroon pang balita tungkol sa nalason sa fast food.

Saan na kayang kangkungan tayo pululutin niyan? Maitanong kaya natin kay Erap.

Pero ngayon, meron pang isang peke ang aking pakay … si Amasias, na tila nainsecure o nainggit kay Amos. Medyo naungasan yata si Amasias kaya walang abog-abog na sinabihan ang propeta: Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda.”

Ang inggit nga naman … parang mga politico natin na ngayon ay nagkakandarapa para sa susunod na halalan, na mahigit isang taon pa bago maganap.

Pero, sandali lang at tingnan natin kung sino si Amos. Mukhang si Amasias lang naman ang may problema. Alam ni Amos kung sino siya: “Hindi ako propeta – hindi ko ito hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga ng mga punong igos.”

Hindi hambog si Amos, at lalong hindi agaw o nakaw eksena. Hindi mapapel, ika nga. Hindi siya naghanap nang anumang higit sa kanya. At hindi niya kailangang magyabang kundi tanggapin lamang ang kung anong iniatang sa kanyang balikat.

Ano nga ba ang ipinatong sa kanya ng Panginoon?

Si Amos na mismo ang nagsabi – isang katotohanang walang halong pag-iimbot, pagyayabang, at pang-aalipusta: “Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya sa mga taga-Israel.”

Ang Diyos, hindi si Amos ang tumawag, at nagsugo.

Sa ebanghelyo, ganoon din ang nangyari. Ewan natin kung ano ang mga unang inasahan ng mga apostol nang sila ay sumunod kay Jesus. Pero sa sandaling ito, walang dudang ang kanilang misyon ay hindi upang maghari at maging makapangyarihan, kundi ang maglingkod at mangalaga sa mga maysakit, sa mga inaalihan ng demonyo, at mga dukha.

Sa mundong ito na napapalibutan tayo ng mga mapagbalatkyong politico , pinuno, artista, at mga cewebrities, kelangan natin magpakatotoo. Sa mundo ring ito na puno ng pekeng pagkain, pekeng Milk Tea, at pekeng bihon at bigas, kelangan natin ng higit pang katotohanan.

At ito ang totoo, para sa ating lahat … Hindi tayo ang namili, tumawag at nagsugo sa ating sarili. Lahat tayo ay tinawag, hinirang, at isinugo ng Diyos upang gumawa ng misyon sa kanyang ngalan, hindi sa ganang sarili natin.

Magpakatotoo sana tayong lahat …tulad ng Diyos na ngayon ay ating tinatawagan: “Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.”

PINILI, ITINAAS, AT KINALULUGDAN!

In Uncategorized on Enero 10, 2015 at 09:21

Binyag ng Panginoon (B)

images-1

Enero 11, 2015

PINILI, ITINAAS, AT KINALULUGDAN

Sabi nila mababa raw ang pagtingin ng Pinoy sa kanyang sarili. Maraming puedeng naging dahilan nito: ang kasaysayan nating daan taong nasa ilalim ng mga banyaga, ang katotohanang wala pa rin tayong kaisahan sa maraming bagay, tulad ng wika, ang pagiging kulelat natin kumpara sa Singapore, o Malaysia, o Thailand …

Tanging showbiz na lamang ang pinanghahawakan natin. Tuwing darating ang Metro Filmfest, pinakahihintay ng marami ang parada ng mga bituin, tulad nang hinihintay ng marami ang prusisyon ng Itim na Nazareno. Sa gobyerno, tiyak ang panalo ng mga artista, ng mga kilala ang pangalan dahil sa TV, sa mga teleserye, o sa mga balitang nagbabaga, na ang balita naman ay pulos pa rin tungkol sa mga showbiz personalities.

Nakapagtataka, pero isa ito sa mga tanda ng kababaan ng ating pagpapahalaga sa sarili … Kapag may puti na matatas magsalita sa Tagalog o Bisaya, hangang-hanga tayo. Pero kapag may Pinoy na matatas magsalita o mahusay sa slang na tipong Ingles, galit tayo, kasi “mayabang,” “mahangin,” inglisero o inglisera kuno ang “hitad” o ang “timang.” Galit tayo sa inglisero at dadalawang salitang ingles ang ating alam tungkol dito: “super” o kaya “nosebleed.” Pero kapag nanalo ang Pinoy na isinilang sa Tate na wala ni isang hibla ng pagka Pinoy ang nanalo sa American Idol, nag-uunahan tayo para angkinin at ibalita sa buong mundo ang “galing ng Pinoy!” (Pero noong natalo na si Brian Viloria na isang inglisero galing sa Hawaii, tahimik ang lahat!)

Ang pista natin ngayon ay para sa ating lahat na (aminin na!) mababa ang self-esteem. Walang masama dito. Pati si Juan Bautista ay siguradong mababa ang self-esteem rin, sa ilang aspeto. Galing siya sa “bulubundukin ng Judea.” Namuhay siya sa ilang at ang pagkain ay insekto at pulut pukyutan. Hindi siya masyado nagpakilala ng sarili. Nagparangya pa nga siya sa harap ng “kordero ng Diyos.”

Sa katotohahan, lahat tayo ay galing sa ibaba, sa lusak, ika nga. Lahat tayo ay makasalanan, pero ito ang magandang balita para sa lahat … Ang Diyos ay nagsugo ng kanyang Anak, upang tayo ay maging tulad niya. Ipinadala niya sa atin ang Mananakop upang ihatid tayo sa rurok ng kaligtasan. At ang iniaangat niya ay hindi lamang self-esteem, o pagpapahalaga sa sarili. Ang kanyang pakay ay ihatid tayo sa langit na tunay nating bayan!

Mahalagang pangyayari ang binyag ng Panginoon. Ito ay tanda at pahimakas ng kung ano ang panawagan sa atin. Ito ay sagisag at nagtuturo sa kung ano ang kinabukasang naghihintay sa atin, ayon sa balak ng Diyos.

At ang lahat ng ito ay naganap, nagaganap, at magaganap pa dahil sa paghirang, dahil sa katotohanang pinili Niya, itinaas at kinalugdan ang kanyang bugtong na Anak: “Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.”

Huwag nang manatili diyan sa mababang antas ng pagpapahalaga sa sarili. Huwag nang tumangis. Mayroon siyang hinirang, sinugo, itinaas at kinalugdan. At sa pamamagitan Niyang Panginoon at Tagapagligtas, tayong lahat ay may kakayanan ngayong marating ang pangakong binitiwan Niya para sa ating lahat.

Lubos ka naming kinalulugdan, Panginoon!