frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog TaonB’

MATUWID, MARAPAT, TAPAT

In Uncategorized on Setyembre 19, 2015 at 10:50

5bd426449bf1642cd95938da8bcb9117

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-25 Linggo ng Taon_B

Setyembre 20, 2015

MATUWID, MARAPAT, TAPAT

Angkop na angkop ang sinasaad ngayon ng mga pagbasa. May mga taong matuwid. May taong hindi marapat. At may mga taong tapat.

Ang unang klase ay laging inuusig, tulad ng sinasabi ng unang pagbasa. Tinatambangan sila ng mga tampalasan; sinusubukan at inilalagay sa bingit ng lahat ng uri ng kamalasan.

Nguni’t sila, ayon sa aklat ng Karunungan, ay laging tinutulungan ng Diyos at inililigtas sa kaaway.

Ang ikalawang uri, ayon sa sulat ni Santiago, ay ang mga hindi marapat. Sila ang mga laging pinaghaharian ng inggit, may mga makasariling hangarin tuwina, at pinamumugaran ang isipan ng lahat ng uri ng kaguluhan at masamang gawa.

Pero mayroong ikatlong uri – ang mga ambisyoso at ambisyosa, na kahit walang kaya at hindi marapat, ay ang tingin sa sarili ay likas na karapat-dapat.

Ito ang malaking pinagtalunan ng mga disipulo … Sino raw sa kanila ang pinakadakila?

Kamakailan ay umatend ako ng isang mahalagang pagtitipon. Maraming malalaking tao, mararangal na tao diumano, at mga taong laman ng mga balita ng dyaryo at pinag-uusapan sa mga social media. Sa kintab pa lamang ng sapatos at kinang ng buhok guhit ng piston ng kanilang kasuutan (amerikana), ay talagang masasabi mong tila sila matuwid, tila marapat, at mistulang tapat.

Ang pinaka malaking bisita ay nagtalumpati pa … Bago siya nagsalita ang pakilala sa kanya ay siya raw ang larawan ng integridad … larawan ng katapatan, kabutihang-asal at kakayanan sa larangan ng paglilingkod.

Alumpihit ako sa aking kinauupuan. Bagama’t walang patunay at anumang malinaw na kaso, alam ng marami na ang taong ito ay hindi likas na larawan ng integridad, yamang laman siya ng maraming blog, maraming social media pages at posts, at alam naman ng buong mundo na walang politikong umaamen kailanman sa anumang katiwalian.

Mabuti pa ang mga nagtatalong mga disipulo. Hindi sila kumibo nang tanungin ng Panginoon kung ano ang pinagtatalunan. Mayroon pa silang delikadesa, ika nga. Pero kahit na may delikadesa, palpak at mali pa rin na ang pinagtalunan ay may kinalaman sa kung sino ang mas dakila at higit sa lahat.

Ang tao nga naman … tulad ko, tulad mo, tulad nating lahat … di na nga matuwid ay nag-aakala pang marapat, at nagpipilit makilalang karapat-dapat at tapat.

Kaya nakabibigla ang ginawa ni Kristong Panginoon. Sino ba ang dakila a ver? Digame … quien es el mejor?

Tinawag ang isang bata at pinaupo. Ito ang kadakilaan … ang tumulad sa isang bata, ang kumilos na parang batang walang pagkukunwari, walang pag-aasam nang hindi naman kaya o nararapat, at ang tumulad sa kanyang ang pakay lamang ay sumunod sa kagustuhan ng mga nakatataas sa kanya.

Dagok ito sa akin … Dagok ito sa ating lahat na mga feelingerong ang akala ay sila ay dakila.

Sino ang dakila? Alam na this … walang iba kundi ang handang magpakumbaba at maglingkod, hindi ang mga magagara ang suot at makikinang na sapatos, na tuwing SONA ay parang mga burikak sa palengkeng umaaskad at umaastang parang sila ang pinakamagandang nangyari sa bayan o sa buong mundo.

Tumigil nga tayo! Magbulay-bulay rin pag may time.

Di tayo isinilang na matuwid. Di tayo marapat sa mula’t mula pa liban sa kinasihan tayo ng biyaya mula sa itaas. Hindi tayo nararapat. At ang tanging karapat-dapat ay ang taong nabubuhay nang tapat sa Diyos, sa kanyang kalooban, sa kanyang kauutusan.

Tayo na at tumalima. Tayo na at tumulad sa isang simpleng bata.

Advertisement