frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

PAGHIHIKAHOS O PANANAGANA?

In Uncategorized on Oktubre 7, 2011 at 09:25

Ika-28 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 9, 2011

Mga Pagbasa: Isa 25:6-10 / Fil 4:12-14. 19-20 / Mt 22:1-14

Malapit sa puso nating lahat ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Ang mga larawang ginamit ni propeta Isaias, ang mga maramdaming pananalita ni San Pablo at ang tigib ng sagisag na laman ng talinghaga sa ebanghelyo – ang lahat ay tumutuon sa isang tadhanang naghihintay para sa ating lahat.

Nagulantang ang buong mundo sa pagpanaw ni Steve Jobs. Ang isa sa mga pinakamayamang nilalang sa buong mundo na nakarating sa rurok ng tagumpay at sa kailaliman ng pagkabigo ay walang nagawa sa harap ng sakit na walang sinasamba at walang makahahadlang.

Tulad ni San Pablo, batid niya kung paano ang maghikahos at paano ang managana. Isinilang siyang hindi kinilala ng sariling magulang. Ipina-ampon at hindi kailanman inangkin ng sariling ama.

Nguni’t bagaman at siya ay hindi isang kristiyano, mayroong mga ginintuang aral siya para sa atin lahat. At ang pinakamahalaga rito ay ang malugod at maluwag na pagtanggap pati sa mga bagay na hindi katanggap-tanggap, tulad ng kamatayan. Sa kanyang talumpati sa Stanford noong 2005, hindi siya nangiming aminin na ang kabatirang siya ay mamamatay balang araw, ang siyang nagtulak sa kanya upang gumawa ng bagay na dakila, na ang ibig sabihin ay mahalin kung ano man ang kanyang ginagawa.

Sa kabila nito, hindi siya nag-atubiling gawin ang sininta ng kanyang puso, at pagsikapan ang kanyang minimithi.

Ayon kay Ronald Rolheiser, lahat ng tao ay may pangarap, may nasa, may panagimpan. Lahat tayo ay nag-aasam … ng ginhawa, ng karampatang yaman, ng isang magandang buhay, ng isang magandang kinabukasan. Ngunit sa likod ng lahat ng ating pag-aasam, ay ang dakilang nating pagnanasa at paghahanap para sa Diyos. Sa likod ng lahat ng ating naisin ay ang marubdob na pag-aasam natin sa Diyos.

Nguni’t kung ang pinakaaasam at ang pinakahinahanap natin ay ang Diyos, iisa ang ibig sabihin nito … na ang lahat ng bagay ay pumapangalawa lamang sa Kaniya! … na ang lahat ng anumang bagay ay hindi makapapantay sa Kaniya, at walang hihigit pa sa Diyos bilang katuparan ng lahat ng ating pangarap!

Dito pumamapasok ang halimbawa ni San Pablo. Matalino, maraming alam gawin, isang Romano, isang Judio, na kayang buhayin ang sarili … ito si San Pablo. Nakaranas siya ng kasaganaan. Nakaranas siya ng matinding kahirapan. Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito ay namaulo at naghari ang pinakamahalaga niyang pangarap. Ito ang isinasagisag ng mga larawang dulot sa panulat ni Propeta Isaias – “isang piging para sa lahat na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.”

Ito ang larawan ng kung ano ang inaasam natin. Ang kasukdulan ng lahat ng ito ay ang pananatili sa piling ng Diyos, na siyang buong katiyakan nating inilahad matapos ang unang pagbasa: “Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong Mahal.”

Naunawaan ni Steve Jobs ito kahit hindi siya kristiano. Naunawaan niya na sa kabila ng kanyang yaman ay may hangganan ang lahat, may katapusan. Ito rin ang naunawaan nang lubos ni San Pablo – ang kakayahang pahalagahan ang dalawang bagay – ang paghihikahos at ang pananagana.

Sa huling hantong, hindi mahalaga kung ikaw ay hikahos sa makamundong bagay o nananagana sa material na yaman. Ang mahalaga ay mayroon tayong pinaninindigang pangarap, pangarap na bumabagtas sa makamundong karangyaan o yamang material.

Ang piging ay nakahanda na. Ang langit na buod at dulo at rurok ng panagimpan natin bilang kristiyano ay naghihintay para sa atin. Inaanyayahan ang lahat. Kumbidado ang tanan.

Subali’t kung ito ang ating pangarap at asam, ay mayroon tayong dapat gawin. Libre ang mangarap pero hindi libre ang bunga ng pangarap. May halaga ang lahat. May kabayaran ang lahat. At ang kabayaran nito ang siya natin dapat pag-ukulan ng pansin, ayon sa talinghaga sa ebanghelyo ni Mateo.

Naghanda ang Ama ng dakilang piging. Handa ba tayong magbayad ng angkop na halaga para makapasok at mapabilang? Dito makikita ang tunay … Dito mamamalas ang kaibahan at pagitan sa dalawang bagay: paghihikahos o pananagana!

Nasa atin ang pagpapasya. Nasa atin ang pamimili. At hindi Niya tayo bibiguin …
“Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal!”

PANUNTUNAN AYON SA KAHALAGAHAN

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon A on Setyembre 27, 2011 at 09:18

Ika-27 Linggo ng Taon(A)
Oktubre 2, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 5:1-7 / Fil 4:6-9 / Mt 21:33-43

Nakatutuwang tingnan ang mga sinasakang tunay na pinahahalagahan ng nagsasaka. Nakikita natin ito sa sarili nating bayan – mga palayang pinaghati-hati at pinaghanay-hanay, na pinagbubukud-bukod ng mga pilapil, mga tanimang sa biglang-tingin ay tila mga naggagandahang mga hanay ng mga pananim na parang isang kathang guhit na kumikinang sa pagsikat ng araw; mga taniman ng kape sa Cavite na sinusuyod araw-araw, at mga puno ng kapeng sinusuluyan rin at pinananatiling malinis tuwina.

Nakita ko ito sa ubasan sa Chateauneuf du Pape noong nakaraang dalawang Linggo, sa timog silangang Francia, sa rehiyon ng Rhone. Nakita ko rin ito sa Japon, sa Pampanga, sa rice terraces sa Ifugao, at sa maraming pang ibang lugar.

Kapag mahal mo ang iyong taniman, ito ay pinangangalagaan, pinagkakaabalahan. Di ba’t ito rin ang sinasaad sa pagbasa mula kay Isaias at sa ebanghelyo sa araw na ito? Para kay Isaias, ang ubasan ng Diyos ay itinuturing na kasintahan na lubhang sinisinta at inaaruga. Para sa ebanghelyo, ang ubasan ng Diyos ay lubha ring pinaggugugulan ng panahon, binakuran, ginawaan ng pisaan ng ubas, at pinagtayuan ng isang tore …

Malinaw pa sa araw ang katotohanang tinutumbok nito … ang minamahal mo ay inaaruga, inaalagaan, at pinag-uukulan ng lahat ng makakaya.

Gusto kong isipin na isa sa mga aral ng mga pagbasa ngayon ay walang iba kundi ito … mahal tayo bilang ubasan ng Panginoon, at sapagka’t tayo ay kanyang sinisinta, tayo ay kanyang inaaruga ang pinagmamalasakitan.

Kasama sa aming pagbisita sa Chateauneuf du Pape ang pagtikim sa kanilang alak mula sa ubas. Mula sa mga ubasang pinagmalasakitan, ipinatikim nila sa amin ang alak na kanila ring ipinagmamakaingay at pinahahalagahan. Ang bunga ng pag-aaruga ay kagandahan at kainaman. Ang alak na pinagpagalan ay alak na nagdudulot ng kagalakan. Bagaman at hindi ako eksperto sa alak (vino), masasabi kong ang aming natikman ay hindi basta-basta lamang, hindi katulad ng nabibili sa mga pangkaraniwang tindahan lamang.

Iba talaga kapag ang isang bagay ay pinaggugulan ng panahon, at pinag-ukulan ng kaukulang pagmamalasakit.

Masasabi nating ang pinagkaabalahan ay siyang nagdulot ng karampatang bunga ng kagalakan.

Karapat-dapat lamang, ika nga, na ang nagpagal at nagmalasakit ay tumanggap ng angkop na konsuelo o bunga mula sa kanyang pinagpaguran.

Malaki ang kinalaman ng aral na ito sa ating buhay. Marami tayong pinagkakaabalahan sa panahon natin. Nauubos ang oras natin maghapon sa social networking sites, sa facebook, (ngayon, sa Google Plus), sa Twitter, at marami pang iba. Kay rami nating pinaggugugulan ng panahon at lakas. Punong-puno ang buong araw natin sa susun-suson at patung-patong na mga bagay, na pagdating ng gabi, ay wala tayong maipakikitang bunga o kinahinatnan. Sa dami ng iba-ibang bagay na pinagpagalan, wala tayong masasabing isang mahalagang bagay na nagbunga ng karapat-dapat, sapagkat ang bawa’t minuto ay nasayang sa napakaraming mga maliliit na bagay na walang kapararakan.

Minsan na naman tayong pinaaalalahanan. Sa dinami-dami ng mga bagay at katotohanan sa paligid natin, kailangan natin na tukuyin kung alin ang tunay na mahalaga, alin ang ubasan na dapat paggugulan ng panahon at lakas, alin ang taniman na dapat nating pag-ukulan ng lahat at buo nating makakaya.

May mungkahi ang mga pagbasa sa araw na ito … ang ubasan na dapat nating pagpagalan at pagdulutan ng buo nating makakaya – ang ubasan ng Diyos, ang ubasan ng bahay ng Israel, ang pananampalatay natin, ang pagkabilang natin sa Inang Santa Iglesya, ang pagiging Katoliko natin.

Marami at sari-sari ang nagsisikap maglihis ng ating paningin at humila sa hanay ng ating pagpapahalaga. Nandyan ang computer, ang internet, ang mga teleseryes sa TV, ang facebook at twitter. Nakabibiglang mabatid na may mga kabataang halos maghapon at magdamag ay nauubos ang lahat ng oras sa internet o sa walang katapusang entertainment. Wala nang nagbabasa, at wala nang nag-aaral tulad noong araw na wala pang internet.

May mungkahing malinaw si San Pablo para sa atin … ano ba ang dapat nating bigyang-pansin? Ano ba ang dapat nating pag-ukulan ng atensyon? “dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig at kagalang-galang.”

Ito ang mga panuntunan na naaayon sa kahalagahan … mga tuntuning kaakibat ng kung ano ang ating pinagmamalasakitan!