frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

LIBAN O LABAN?

In Catholic Homily, Eukaristiya, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Tagalog Homily, Taon K on Hunyo 2, 2010 at 22:21

Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo (K)
Junio 6, 2010

Mga Pagbasa: Genesis 14:18-20 / 1 Corinto 11:23-26 / Lucas 9:11-17

Matapos natin pagnilayan ang pinakabuod ng pagka Diyos ng Banal na Santatlo noong nakaraang Linggo, nakatuon naman ang isipan natin sa kung ano ang kinahinatnan ng dakilang kaloob ng Ama – ang bugtong na Anak ng Diyos na si Kristong Panginoon. Bahagi ng kalikasan ng Diyos ang magkaloob. Ipinagkaloob ng Ama ang Anak, at patuloy na ipinagkakaloob ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo, na patuloy ring nagkakaloob sa kanyang dakilang bayan ng susun-suson at patung-patong na mga iba pang mga kaloob.

Ang mga kaloob na ito ay napapaloob sa konteksto ng mga tanda – mga tandang nakikita, namamalas, nakikilatis, at madaling maunawaan. Isa sa mga tandang ito ang tanda ng Banal na Iglesya – ang katawang mistiko ni Kristong Manliligtas.

Nguni’t hindi lamang ang tanda ng Simbahan ang kanyang ipinagkaloob. Nababalot ang dakilang tandang ito ng iba pang mga dakilang tanda – ang mga Sakramento na nagpapamalas, naghahatid, at nag-aakay sa atin sa kaligtasan.

Susun-suson at dugtong-dugtong ang mga tanda na ito.

Ang unang tanda ng pag-ibig ng Diyos Ama ay ang Diyos Anak na nagkatawang-tao. Si Kristo ang dakilang tanda ng Ama.

Ang tanda ng pag-ibig na ito ng Ama ay pinangangatawanan ngayon ng isa pang tanda – ang Santa Iglesya – ang tanda o sakramento ng kaligtasan.

Subali’t hindi sa Simbahan natatapos ang hanay ng mga palatandaang ito. Mayroon pang pitong dakilang tanda – ang pitong sakramento na hindi lamang nagpapahiwatig, bagkus gumaganap sa ipinahihiwatig nito – ang kaligtasan, at kabanalan ng kanyang bayang hinirang.

Ito ang ipinagdiriwang natin sa araw na ito – ang dakilang tanda hindi ng katawang mistiko ni Kristo, kundi ng sacramental na katawan at dugo ng Panginoon – ang kapistahan ng Corpus Christi.

Lilisanin ko sa sandaling ito ang malalim at teolohikal na pagpapaliwanag sa misteriong ito. Gusto ko sanang tumbukin kaagad ang kahulugan ng misteriong ito sa buhay natin.

Marami sa inyo ay nagkokomunyon tuwing Linggo. Marami sa inyo ay nakakaunawa kahit papaano na ang komunyon ay hindi lamang sagisag. Ito ay isang sakramento na nagpapahiwatig at nagsasakatuparan ng ipinahihiwatig. Alam kong para sa marami sa inyo, ang komunyon ay hindi isang pirasong tinapay lamang o wafer, tulad ng kinakaing matamis na parang ampaw na gustong gusto ng mga bata. Alam kong sa inyong kabatiran, ang komunyon ay hindi lamang pagtanggap sa isang sagisag na walang kinalaman sa buhay nating pang-araw-araw.

Dito papasok ang aking pagninilay na ito. Hindi. Hindi isang paglunok lamang ito ng isang dakila at banal na tanda. Ang komunyon at ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ng Panginoon ay hindi nauuwi lamang sa isang ritual, gaano man kabanal ito. Hindi ito katumbas ng isang pagliban lamang sa kabilang baybayin ng isang ilog. Hindi ito isang pagpapatong lamang ng talukbong sa ulo upang dalhin tayo sa ibang larangan ng buhay makatao.

Ang katawan at dugo ng Panginoon at ang pagtanggap nito sa Eukaristiya ay hindi lamang isang pagliban. Ito ay isang paglaban at pakikibaka sa status quo. Ito ay isang subversibong gawain na may mahalagang kahihinatnan sa buhay makatao sa mundo. Hindi ito isa lamang pangakong napapako sa kawalan. Ito ay isang pangako at paghamon … ang panawagang napapaloob sa pangakong “ang sinumang kumain at uminom nito ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”

Ang dahilan nito ay simple lamang … ang buhay na walang hanggan na binabanggit ng Panginoon ay isang panibagong buhay, isang buhay na walang katulad sa buhay makamundo. Nguni’t para masabing tayo ay lumiliban sa isang bagong larangan ng pamumuhay bilang Kristiano, dapat tayong makilaban at makibaka sa anumang walang kinalaman sa buhay na walang hanggan, sa buhay makalangit. Ito ang dahilan kung subersibo ang Banal na Komunyon. Hindi maaring tumanggap nito na parang kumain ng apa. Ang kumain nito ay uminom ng banal na katawan at dugo ay lumiliban sa isang bagong antas, bagong anyo, at bagong kalakaran. At nangangailangang ang sinumang lumiban sa bagong antas na ito ay matutong lumaban sa salungat sa parehong antas na ito.

Tumbukin agad natin ang bagong antas na ito. Ito ang bagong kautusan, ang bagong tipan, ang bagong kasunduan. At ang tanda ng kasunduang ito ay ang dugo ng Kordero at ang katawan ng kordero ng Diyos na nag-alay ng kasukdulan para sa ating ikapapanuto.

Malaki ang responsibilidad natin matapos makibahagi sa Eukaristiya. Matapos maipatatag at mapag-ibayo ang pagiging bahagi ng Katawang mistiko ni Kristo, sa pagtanggap natin sa katawan at dugo ng Panginoon, handa tayo at pinalakas tayo upang hindi lamang lumiban sa kabilang pampang, kundi lumaban upang marating natin ang langit na tunay nating bayan. Kailangang makibaka sa mali, sa kasalanan, sa katiwalian, sa pagkamakasarili, at sa lahat ng uri ng kasamaan. Ito ang bunga ng pagkakaloob sa atin ni Kristo ng kanyang sarili, hanggang sa ibubo niya ang dugo at ipagkaloob ang katawan hanggang sa kamatayan – kamatayan sa krus.

Wala na tayong paligoy-ligoy pa. Hindi lamang wafer ang komunyon. At lalong hindi lamang ito isang madamdaming pagkain at pag-inom. Ito ay sagisag, tanda, at katotohanang may kinalaman sa pagliban sa isang panibagong buhay, na nagbubunga ng matatag at matapang na paglaban sa anumang walang kinalaman sa panibagong buhay na ito.

Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin!

BAGO PA NALIKHA AT NAANYO ITONG MUNDO

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 28, 2010 at 13:35

DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA SANTATLO
Mayo 30, 2010

Mahirap parati ang mag homiliya tuwing darating ang Kapistahan ng Banal na Santatlo. Malimit na pagkakamali ng mga pari na bigyang-diin ang dogma, ang laman ng pangaral tungkol sa Diyos, at madalang bigyang-pansin ang dapat na bunga ng pangaral. Mas madali ang magturo ng kung ano ang dapat paniwalaan. Mas mahirap ang mangaral kung ano ang dapat na bunga ng pangaral – ang buhay moral.

Madali ang magsaulo ng mga nilalaman ng katesismo. Nguni’t alam nating lahat na mahirap ang mag-asta, umasal, at mabuhay ayon sa nilalaman ng katesismo.

Ano ba ang mga sinasaad ng mga pagbasa natin ngayong araw na ito? Himayin natin nang isa-isa.

Una sa lahat, binibigyang-diin ng aklat ng Kawikaan, hindi kung ano ang Diyos, kundi kung sino Siya para sa atin, sino Siya sa harap ng lahat ng nilalang. At ano ang pinakamahalagang katotohanan? Ayon sa Kawikaan, Siya ay Diyos na sa mula’t mula pa. Puno ng sagisag ang mga kataga ng Kawikaan … wala pa ang mga dagat; wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw; wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok … Bago pa man ang lahat, ang Diyos ay Diyos na. Sa mga katagang hindi mapagkakamalian, “bago pa nalikha at naanyo ang mundo!”

Mahirap isipin ang mula’t mula pa … bihasa tayong mga tao ang magbilang ng mga araw, linggo, buwan, at taon. Wala sa guni-guni natin ang konsepto ng simula ng panahon. Hirap tayo na umunawa na ang panahon ay nasa ilalim rin ng paghahari ng Diyos sa lahat ng kanyang nilalang. Sapagka’t hindi natin maarok ang simula ng panahon, hindi rin natin maunawaang lubos ang kawalang hanggan ng panahon. Para sa tao, may simula at may wakas, may umpisa at pagtatapos.

Ang mga kapistahang magkakasunod sa mga Linggong kasunod ng Pentekostes ay mga kapistahang nagpapagunita sa atin ng kung sino ang Diyos na ating sinasampalatayanan. Ang una sa hanay na ito ay may kinalaman sa Banal na Santatlo – Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Bagama’t ang kanyang pagpapahayag ng sarili ay naganap sa loob ng kasaysayan, ang Diyos ay hindi nakatali sa kasaysayang makatao, na may simula at may wakas. Siya ay ang “alpha at omega,” ang simula at ang wakas.

Nguni’t ito ang maganda sa Diyos natin. Nagpahayag siya at nagpakilala sa pamamagitan ng kasaysayan. Nilikha Niya ang mundo at ang lahat sa daigdig. Ipinahayag Niya ang sarili bilang maylikha. Nagpakilala rin Siya sa pagsusugo ng kanyang bugtong na Anak. Isinilang ang Diyos Anak na nagkatawang-tao at nakihalubilo sa kasaysayan ng tao. Nagpakilala rin ang Diyos sa pagsusugo ng Espiritu Santo, at ang lahat ng ito ay naganap sa pagsuong Niya sa larangan ng kasaysayang makatao.

May iisa lamang akong gustong bigyang-diin halaw sa katotohanang ito … Ang Diyos, Ama, Anak, at Espiritu Santo, na nakihalubilo sa ating kasaysayan, ay Diyos ng kasaysayan, Panginoon ng lahat ng naganap, nagaganap, at magaganap pa sa lupang bayan nating kahapis-hapis!

Malimit na tayo ay naguguluhan ang isipan. Malimit na tayo ay nahihintakutan sa hinaharap, sa maaring mangyari sa mundo. Malimit tayong sinasagian ng takot dahil sa tila pamamayagpag ng kampon ng kadiliman, sa maraming dako ng mundo. Malimit tayong mawalan ng pag-asa, mapuno ng pangamba, at masidlan ng takot ang puso, dahil sa tila walang ampat na pagtiwalag ng sangkatauhan sa pamumuno at paggagabay ng Diyos.

Sa araw na ito, hindi takot at pangamba, kundi galak at katiyakan ang binibigyang-diin ni Pablo … “sa pamamagitan niya’y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos.” Nabago ang pagtingin natin dahil sa Kanyang pamamatnubay at pagkalinga. “Nagagalak tayo sa ating mga pagbabata sapagka’t alam nating ito’y nagbubunga ng pagtitiyaga.”

Maraming pangamba ang bumabagabag sa atin ngayon. Tuloy pa kaya ang pag-unlad ng bayan o pagbulusok nito dahil sa panibago na namang mga pinuno sa larangan ng politika? Mayroon kaya na namang isang dilubyo galing sa La Nina, matapos ang El Nino ay manalasa sa bayan natin? Mayroon pa kayang pag-asa ang bayan natin na kay daling lumimot, kay rupok, at kay bilis magbago ang isip?
Mauunawaan pa kaya natin kung bakit, sa dinami-dami ng taong nagdaan, sa kabila ng mga pangako ng mga politico, tayo pa rin ang kulelat sa buong Asya, at nalalampasan na ng mga bansang dati-rati ay walang ibatbat sa bayan natin?

Iisa para sa akin ang lumulutang na aral mula sa kapistahang ito. At ito ay walang iba kundi ang kapanatagan ng loob, ang pagkaunawa sa buong katotohanan, sa tulong ng Espiritu Santo. At ano ang katotohanang ito? Hindi lamang na ang Diyos ay iisa sa Tatlong Persona … hindi lamang na ang Diyos ay Diyos na sa mula’t mula pa. Ang pinakamahalagang dapat nating maunawaan ay hindi kung ano ang Diyos, kundi kung sino Siya para sa atin. Siya ay Ama, maylikha, may-akda ng lahat. Siya ay Anak, na kaloob, regalo, at bigay para sa atin. Siya ay Espiritu Santo na nagkakaloob pa magpahangga ngayon. Siya ay Diyos na iisa sa tatlong persona, Banal na Santatlo, na nananatiling Diyos para sa atin, sa kabila ng ating pangamba, sa likod ng ating mga takot at pagkabalisa, sa harap ng mga pangarap natin sa kinabukasan. Siya ay nanduon na, sa simula. Siya ay narito kapiling natin. Siya ay patuloy na nagggagabay sa tabi natin. Siya ay Diyos, sa harap natin, sa tabi natin, at sa likod natin.

At nananatili Siya bilang Diyos, “bago pa nalikha at naanyo itong mundo.” Ano ang dahilan upang matakot at mangamba?