frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

MAY GUWANG, PERO WALANG PUWANG, WALANG KULANG!

In Panahon ng Pagkabuhay, Taon K on Marso 30, 2013 at 10:21

Empty Tomb1Pasko ng Pagkabuhay (K)

Marso 31, 2013

 

MAY GUWANG, PERO WALANG PUWANG

Walang laman ang puntod. Guwang … walang nakalibing. Bago pa man sumikat ang araw, ay naglaho na ang kanilang hanap. Papahiran pa naman sana ng mga kababaihan ang bangkay, ayon sa kanilang kagawian.

May kulang baga at nawala na ang kanilang pakay? May puwang kaya at hindi naganap ang kanilang inaasam? Dapat kayang ibaon na na puntod ng pagkalimot ang nabaon noong isang araw, nguni’t naglaho at lumisan sa kanyang pagkalibing?

Kung guwang ang libingan, may puwang pa kaya sa ating mga pag-asa? … sa ating mga pangarap? … sa ating mga pinakaaasam?

Marami ngayon ang nakararanas ng iba-ibang uri ng kamatayan at pagkagupiling sa mga bagay na malayo sa buhay. Nandyan ang mga kabataang nagumon sa droga … mga binata’t dalagang pinanawan na ng pag-asang sila ay makababangon pa sa maraming mga suliranin … mga kabataang lumaking walang nakilalang ama o ina … mga batang murang-mura ang isipan ay nalukuban na ng lahat ng uri ng bisyong hindi kailanman dapat ipamata at ipamulat sa mga batang paslit … mga batang sa halip na mag-aral ay naghahanap ng basura upang ipagtawid-buhay … mga batang padre o made de familia na dapat lumisan sa malalayong lugar upang makapaghanap ng trabaho ay papag-aralin ang kanilang mga anak na nangungulila sa sarili nilang bayan …

Mahaba ang listahan natin. Sa ating kapaligiran, kay raming mga taong buhay pa ay nagmimistula nang patay dahil sa maraming mga iba-ibang pamamaraan ng pagkitil sa diwa ng buhay pantao.

Sa araw na ito, malaking kabalintunaan ang ipinagdiriwang natin. Narito siyang sinalubong noong isang Linggo nang buong kagalakan sa kanyang pagpasok sa Jerusalem. Narito siyang itinanghal bilang tugon sa lahat ng kanilang mga adhikain at panagimpan. Nguni’t narito siya’t noong isang araw ay pinaratangan, dinakip, hinagupit, pinahirapan, pinagpasan ng krus at ipinako sa pinaka masahol na paraan ng pagkitil ng buhay bilang parusa sa isang pinakamasahol na salarin. Narito siyang matapos itanghal bilang Anak ni David, ay inatangan ng paratang na hindi kailanman niya inisip man o binalak.

Malaking guwang ang naiwan ng yumao. Malaking dagok sa pangarap ng mga disipulo. At eto nga’t dalawa sa kanila ay pauwi na ng Emaus, nakatungo, at puno ng kalungkutan at at pag-aagam-agam o panghihinayang.

Nguni’t guwang nga bang tunay ang puntod? Sumandali nating isipin. Nang makita ni Pedro at ng mas batang disipulo ang puntod na guwang, hindi kailanman nila inisip na may puwang sa kanilang pananampalataya. Nagtakbuhan sila upang ipamalita, hindi ang walang lamang libingan kundi ang napagtanto nilang tunay na kahulugan ng guwang na puntod. Naisip nila at nagunita at nauwaan ang kanyang sinabi: “Ang Anak ng Tao ay dapat magdaan sa pahirap at pagkamatay … nguni’t sa ikatlong araw ay mabubuhay na mag-uli.”

Guwang ang puntod! Salamat sa Diyos! Samakatuwid kung guwang at walang laman, totoo ngang ayon sa kanyang sinabi ay muli siyang nabuhay! Ito ang sumagi sa kanilang isipan … na ang katotohanang nasa harap ng kanilang mga mata ay mayroong mas malalim na katotohanan … ayon sa kanyang mga wika, ayon sa kanyang pangaral, na noon ay hindi nila lubos na naunawaan.

May guwang, oo … nguni’t walang puwang sa kanilang pananampalataya at pag-asa, tulad nang pati mga nakakulong na kabataan sa Casa del Marmo prison sa Roma ay biglang sinagian ng bagong pag-asa sa pagbisita sa kanila ni Papa Francisco noong nakaraang Jueves.

Tayo man ay di miminsang nawalan ng pag-asa at pagtitiwala. Mayroon ring bahagi sa buhay ko bilang pari na ako ay nanghinawa, nagsawa sa paggawa ng mabuti sapagka’t sa aking pakiwari ay hindi nasusuklian nang nararapat. May mga pagkakataong sinasagian rin kami ng kawalan ng pag-asa, na para bagang lahat ng ginagawa namin ay bukod sa pinagdududahan na, ay hindi pa pinahahalagagahan. Di miminsang sa dami ng kabutihang nagawa mo, ay ikaw pa ang masama, at halos patayin ka sa masasamang salita ng mga taong hindi bilib sa iyo.

Araw ngayon ng mga namatay na sa mata ng madla … mga taong nawalan na ng pag-asa, tulad ng mga taong dahil sa kasalanan ay tila nakapiit sa kulungan, mga taong hindi malaman kung ano ang dapat gawin upang makapagsimula nang wasto at magbalik-loob sa Panginoon.

Nakita ko ito nang harapan sa nakaraang mga araw … mga taong mahigit sa 25 hanggang 30 taong hindi nangungumpisal ngunit sa araw ng Biyernes Santo ay biglang nakaramdam ng panawagan ng pagbabago at panibagong buhay. At ang ilan dito ay sapagka’t namangha sila sa kababaang loob ni Papa Benedicto XVI at ang kababaang-loob rin ni Papa Francisco, sampu ng kanilang mga pangaral.

Malaking guwang ang iniwan sa buhay natin ng kasalanan. Malaking kawalan … malaking kakulangan. Nguni’t sa araw na ito, sa muling pagkabuhay ni Kristo, ang malinaw na turo sa atin ay walang iba kundi ito …

Bagama’t malaki ang guwang sa kanyang pagpanaw, walang anumang puwang … walang anumang kulang sa ating buhay bilang tagasunod ni Kristo. At ito ay dahil sa iisang katotohanan, ayon na rin sa kanyang pangaral: Si Kristo ay namatay. Si Kristo ay muling nabuhay. At si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa inyong lahat!

AKING PINILI AT KINALULUGDAN!

In Catholic Homily, Pagbibinyag kay Jesus, San Juan Bautista on Enero 12, 2013 at 12:36

baptism_of_the_lordPagbibinyag sa Panginoon

Enero 13, 2013

Mga Pagbasa: Is 42:1-4.6-7 / Gw 10:34-38 / Lc 3:15-16.21-22

ANG AKING PINILI AT KINALULUGDAN!

Tapos na ang Pasko. Wala na dapat mga palamuti, mga parol, at lahat ng may kinalaman sa paskong pambata at pangkomersyo. Pero hindi natatapos ang hiwaga ng Pasko – lalu na’t kung ang pinag-uusapan ay ang kahulugan ng pagiging tao ng Diyos tulad natin, upang tayo ay maging Diyos tulad Niya.

Noong isang Linggo, ipinagdiwang natin ang isang aspeto ng hiwaga ng kanyang pagpapakilala sa daigdig – ang Epipaniya. Ngayon, ang ikalawang aspeto ng kanyang pagpapahayag o pagpapakilala ang siya nating pinagninilayan – ang kanyang pagbibinyag.

Pero may kaakibat na kwento ito … Isang kwentong hindi gaanong nabibigyang-pansin – ang kwento tungkol sa isang taong naghatid, nagturo, nangaral tungkol sa kanya, nakakilala, nakakita, nakaunawa, ngunit sa takdang panahon ay kumalas, nagparangya, umurong, upang higit na makilala ang dapat makilala ng madla – ang Panginoong Jesucristo, ang Mananakop at tagapagligtas.

Mahirap para sa ating lahat ang maging supporting actor lang, ika nga. Matindi ang maging taga-dala lamang ng portfolio ng tanyag na tao, taga-paypay lamang kumbaga, at sunud-sunuran lamang sa kung saan pupunta ang mahalagang taong pinaglilingkuran. Hindi natin gusto ang dakilang taga karga lamang ng maleta.

Pero ito ang ginampanan ni Juan Bautista. Ito ang pinanindigan niya at nang dumating ang siyang pinakahihintay, ay hindi siya nag-atubiling magsabi: ‘hindi ako ang Kristo. Mayroong darating na higit na dakila kaysa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.”

Ilan sa atin ang nakakakilala ng tama at wasto, at handang bitawan ang pinanghahawakan nating totoo (sa ating akala)? Ilan sa atin ang matahimik at simpleng uurong na lamang sa eksena at hahayaan ang bida ang siyang makita sa gitna ng entablado? Ilan sa atin ang handang magparangya at magbigay, makilala lamang ang tunay na Diyos, ang iisang Diyos, at wala nang iba?

Sabi ng mga dalubhasa sa ating panahon, ang ating henerasyon daw ay gumagawa ng milyon-milyong mga narsisista, mga taong makasarili, at walang iniisip kundi ang sariling ginhawa, sariling kapakanan, sariling larawan at sariling luho. Lubha itong palasak lalu na sa facebook, kung saan wala kang makikita kundi ang walang kupas na kagalingan, walang patid na kagandahan o kagwapuhan ng mga kabataang tila walang kaubusan ang pera at tila laging nasa starbucks at lahat ng kinakain at ginagawa ay naka-post sa facebook.

Gumagawa tayo ngayon ng isang salinlahi ng mga taong puro pagkamakasarili ang natututunan.

Hindi ito ang turo ng araw na ito ng binyag ng Panginoon. Hindi ito ang pakita ni Juan Bautista, at lalung hindi ito ang gusto para sa atin ng Diyos.

Hindi nagdoble-isip ni Juan na magsabi … “Hindi ako ang Kristo.” Nang medyo naguluhan ang mga tao, mga tagasunod niya dahil nakita nilang may marami na ring tagasunod si Jesus, hindi siya nag-atubili… Hindi nagulumihanan, bagkus nagwika: “May darating na higit na dakila kaysa sa akin.”

At bakit higit na dakila?

Siya na sana ang magwika sa pamamagitan ng Kanyang Salita … “ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.” Natupad ito sa araw ng binyag ni Kristo kung saan ating narinig: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Lahat tayo ay nag-aasam makita ang Diyos … ngayon pa man, kundi balang araw. Naghahanap tayo kahit man lamang mga tanda na siya ay tunay, at hindi isang kathang-isip lamang.

Sa aking karanasan, laging may nagaganap, nangyayari sa ating buhay na patunay na ang Diyos ay tunay at buhay, at laging tila may nagdadaig na palumpong na nagpapakitang ang Diyos ay naggagabay pa rin ngayon sa buhay nating lahat, tulad nang Siya ay nagpakita kay Moises. Pero, tanging ang may pananampalataya lamang ang nakakakita, at nakakatunghay. Ang lahat ng iba ay walang pansin, walang nakikita, hindi dahil sa hindi totoo ang Diyos, kundi sapagka’t pulpol ang mata nila ng pananampalataya.

Ito ang tanong natin ngayon. Anong uri ba ng salamin ang suot natin at hindi natin nakikita ang pagpapahayag ng Diyos? Diyos baga ang may suliranin o tayo?

Nakita ni Juan Bautista ang Panginoon. Hindi siya nag-atubiling ituro siya sa lahat ng tao: “Narito ang Kordero ng Diyos!” Nang mabinyagan niya si Jesus, narinig niya at nakita ang pahayag mismo ng Diyos Ama: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ano ang nakikita mo? Meron ka bang napapansin? Meron pa bang dapat hanapin pa bukod sa kanyang ipinangako at natupad na: “Ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.”baptism_of_the_lord