Posts Tagged ‘Ika-12 Linggo ng Taon(A)’
HUWAG MATAKOT! (Ika-12 Linggo ng Taon A)
In Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Hunyo 25, 2017 at 08:32LIWANAG SA KARIMLAN
In Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hunyo 14, 2008 at 16:57Ika-11 Linggo ng Taon (A)
Junio 15, 2008
N.B. Dalawang Linggo ang kalakip ng posting na ito (Ika-11 at Ika-12 Linggo)
Mga Pagbasa: Exodo 19:2-6a / Roma 5:6-11 / Mateo 9:36-10:8
SA DIYOS ANG AWA; SA TAO ANG GAWA!
Tigib ng diwa ng pag-aaruga at pangangalaga ang mga pagbasa natin sa Linggong ito. Sa unang pagbasa, halaw sa aklat ng Exodo, buong pagkalingang ipinaaalaala sa bayan ng Diyos ang katotohanang dapat ay malinaw sa ating lahat: “Nakita ninyo mismo kung paano ko kayo kinipkip na tulad ng mga inakay sa ilalim ng bagwis ng isang agila, at dinala ko kayo sa lugar na ito.” Subali’t ang pagpapagunitang ito ay may kaakibat na higit na malalim na paalaala: “Sa gayon, kung nakikinig kayo sa aking tinig, kayo ay itatangi ko at aangkinin bilang sariling akin, higit sa lahat ng tao sa daigdig.”
Sa ikalawang pagbasa, natunghayan naman natin kung paano ginampanan ng Diyos nang konkreto ang pagkalingang ito – ang pagkamatay ni Jesus sa krus. “Pinatunayan ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa atin sa paraang, habang tayo ay mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.” Sa ganoong paraan, naganap ang pakikipagkasundo ng Diyos at ng tao at tumanggap tayo ng kapatawaran sa kasalanan.
Isa itong katotohanang itunuturing nating tila bagay na nararapat lamang sa atin. Nguni’t ang ating pang-araw-araw na karanasan ay hindi ganito. Mahirap nating matunghayan itong ganitong walang pasubaling pagkalinga mula sa ibang tao. Ang mundo nating iniikutan ay lubhang makasarili na at wala na halos pansin sa kapakanan ng kapwa. Isang buwang mahigit na ang lumipas mula noong salantahin ng isang malakas na bagyo ang Myanmar, at ang China ay halos patagin ng isang malakas na lindol. Matapos ang maikling panahon ng pagkagimbal ng balana sa mga nakita nilang mga larawan ng paghihirap at pagtangis ng libo –libong katao, balik sa dating ugali ang karamihan … Wala nang pansin at pagkahabag sa mga nagdurusa sa kadahilanang nakasanayan na ng marami ang ganoong mga pangitaing nakapanlulunos. Dahil sa patuloy na desensitisasyon ng tao, ang habag at awa ay naglalaho na sa maraming panig ng daigdig.
Ito ang awa, habag, at kakayahang ilagay ng tao ang sarili sa kalooban ng nagdurusa ang siyang tuluyang nawala sa mga walang awang pumaslang sa 10 trabahador sa RCBC bank sa Cabuyao, Laguna kamakailan. Ito ang kalakaran ng mga taong hindi na maalam makadama at magpadama ng kalingang dati ay kusang bumubukal sa loobin ng mga taong may takot pa sa Diyos.
Ito rin ang damdaming makataong tuluyan nang naglaho sa puso at kaisipan ng mga tampalasang politico na walang iniisip liban sa kanilang bulsa at sariling ambisyon. Ito ang kawalan ng damdamin ng pagmamalasakit at pagsasa-isip ng kapakanan ng higit na nangangailangan, ang mga mahihina, ang mga walang kaya, at walang anumang pinanghahawakang pamamaraan upang iangat ang sarili sa pagkagupiling sa kawalan, kasalatan, at kamangmangan.
Ang ating daigdig na iniikutan ay nababalot ng pagkamakasarili at kawalang pagmamalasakit sa kapwa.
Ito ang kinapapalooban nating kalagayan saan man. Ito ang kalakaran ng lipunan na nahirati na sa globalisasyon at postmodernismo. Ito ang mundong pinagmamalasakitan ni Kristong ating Panginoon.
At dito papasok ngayon ang ating tungkulin … Dito dapat mamaulo at lumutang ang sinasaad na paghamon ng ebanghelyo. Sinasaad dito kung paano nagdalang-habag ang Panginoon nang makita niya ang balana na nagsipagsunuran sa kaniya na tila mga tupang walang pastol. Dito rin ipinakita ni Jesus ang kanyang magandang balita – ang magandang balita ng kalinga at pagmamahal ng Diyos sa tao. Dito niya tinawagan ang 12 apostol upang gumawa nang ikapapanuto ng balana.
12 ang inatangan ni Jesus upang gumanap bilang tagapagpatotoo sa kalinga ng Diyos sa tao. 12 ang tinawagan, nguni’t may isang lumihis ng landas at nagbilang nang kung ano ang kanyang mapapakinabangan sa paglilingkod sa ngalan ni Kristo – si Judas!
Malinaw at mataginting ang mensahe ng magandang balita mula kay Kristo. Nasa Diyos ang awa, nguni’t nasa tao ang gawa. Ang magandang balitang ito ay magaganap lamang kung tayo ay lulugar sa daang tinahak ng mga apostol liban kay Judas. Nasa Diyos ang awa, nguni’t ang gawa ay nasa ating mga kamay.
May pag-asa pa ba ang mundong ito na nahirati na kasakiman, korupsyon, pagkamakasarili, katakawan, at pagkaganid? Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Oo … may pag-asa pa. Sapagka’t ang kalinga, habag, at awa ng Diyos ay walang pagmamaliw, walang kupas, at walang patid. Subali’t dapat nating gampanan din ang ginampanan ng mga apostol. “Napipinto na ang paghahari ng Diyos. Pagalingin ang may sakit, buhayin ang mga patay, linisin ang mga ketongin, palayasin ang mga demonyo. Tumanggap kayo nang libre, magkaloob din kayo nang walang bayad.”
Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa.
Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon
Junio 22, 2008
LIWANAG SA KARIMLAN
Mga Pagbasa: Jeremias 20:10-13 / Roma 5:12-15 / Mateo 10:26-33
Ito ay karanasan ng lahat – ang kahirapan … kahirapan ng loob, kahirapan ng katawan, kahirapan ng isipan. Wala naman sigurong nagbabasa nito ang makapagsasabing ni isang hibla ng suliranin ay hindi dumapo sa kanyang buhay.
Subali’t sapagka’t ito ay karanasan ng lahat ng tao, ang magandang balita sa araw na ito ay balitang mataginting at mahalaga para sa ating lahat. Ito ang diwa ng liturhiya sa ating simbahan. Ang lingguhang pagdiriwang ay tinawag na pagdiriwang sapagka’t lagi itong magandang balita. Ang ginagawa natin sa simbahan tuwing Linggo, at sa araw-araw na Misa ay may kinalaman sa magandang balitang ito na kaakibat ng kaligtasang dulot ng Panginoon at Mananakop.
Ito ay tinaguriang pagdiriwang ng Banal na Misa sapagka’t ang bunga ng pag-aalay ng sarili ng Panginoon ay walang iba kundi ang pagkakaloob ng kahulugan sa lahat ng pinagdadaanan at nararanasan ng bayan ng Diyos. At bahagi ng ating karanasan ang pagdadaan sa hilahil, sa pighati, at maging sa pagpapahirap na maaring manggaling sa ating kapwa tao, maging sa mga taong hindi natin inaasahang magpapahirap sa atin.
Ito ang salaysay sa atin ngayon ni Jeremias … Ibinabahagi niya kung paano siya tinanggihan at tinuya ng mga taong hindi makatanggap sa katotohanang kanyang winiwika sa kanila. Ang lahat ng tao, maging kanyang mga kaibigan, ay nagbalak para sa kanyang kapahamakan. At ano naman kaya ang magandang balita sa likod nito?
Walang iba kundi ang katiyakang ang pagwawagi sa wakas, pagkatapos ng lahat, ay nasa panig ng Diyos! Ito ang magandang balitang pinanghahawakan natin. At ito ang magandang balitang atin ding ipinagmamakaingay sa araw na ito. Madali man o malaon, ang wakas ng lahat ng hilahil ay tiyak na tagumpay sa panig ng Diyos!
Alam kong mahirap itong tanggapin. Mahirap tanggapin at lunukin ang pagdurusang dulot ng kapwa, maging mga naturingang mabubuting tao, mga kaibigan, kasambahay, kamag-anak, or kasama natin at kahalubilo sa maraming pagkakataon.
Batid ko ito. Batid ko ang lahat ng ito. Hindi ako musmos at inosente sa larangan ng pagdurusa. Alam ko kung paano magdusa lalu na’t galing ito sa intrigang dulot ng mga taong naturingang banal at maka-Diyos.
Ang magandang balitang ating pinagninilayan ngayong araw na ito ay maganda hindi dahil sa ito ay madaling makamit at madaling madukot mula sa kung saan. Ito ay magandang balita, hindi sapagka’t para itong isang magic wand na maaring iwagayway at kagya’t makapaglalaho ng suliranin. May mga suliraning walang makataong solusyon. Kay raming krimen ang walang solusyon sa mundong ito. Kay raming taong inosente na nagdadanas ng malalaking suliranin at ang solusyon ay hindi kailanman makukuha sa google search sa internet. Hindi ito katulad ng map quest na may kasagutang dagli na walang kahirap-hirap.
Ito ay magandang balita dahil sa isang simpleng katotohanan – sapagka’t nagmumula ito sa Diyos, na siyang muog at pader ng katotohanan, at katuparan ng pangako. Sabi nga ni Papa Benedicto XVI, ang batayan ng ating pag-asa ay hindi isang walang buhay na diwa o laman lamang ng isipan. Ang ating pag-asa ay nakasalalay sa isang diyos na buhay, isang Diyos na hindi katulad ng mga diyos na walang pangalan, kundi isang Diyos na buhay na nagpakilala sa atin sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak na si Jesus.
Ang aking puso sa araw na ito ay nakatuon sa lahat ng aking tagabasang nagdurusa, naghihirap sa anu mang paraan. Kasama ninyo ako. At hindi lamang ito. Kasama at kapiling ninyo ang Diyos. Ang Diyos ay nakiki-pighati kasama ninyo. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng kanyang pagpapasan ng krus at pagkabayubay sa parehong krus? Hindi ba’t ito rin ang diwa ng sinasalaysay ni Jeremias? Hindi ba’t ito ang punong-puno ng pag-asang panaghoy natin matapos ng unang pagbasa? “Sa ngalan ng iyong dakilang pag-ibig, dinggin mo ako, O Diyos!”
Hindi ba’t ito rin ang paalaala sa atin ni Pablo? Na ang dulot ni Kristo sa atin ay biyaya? Na sa kabila ng kasalanan ng tao ay lalung naghari ang pag-ibig at biyaya ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo?
Hindi ba’t ito rin ang sinasaad ng mga katagang puno ng pag-asa ni Kristo? Na hindi dapat tayo matakot sa mga taong nagkukubli sa kadiliman ng kanilang masasamang balak laban sa mga matutuwid?
Opo, mga kapatid, walang anumang binalak sa kadiliman ang hindi mabubunyag sa kaliwanagan. Madali man o mahuli, ang kaliwanagan ay maghahari sa wakas. Mapuksa man ang buhay, malagot man ang hininga natin sa pag-aasam at paghihintay, ang katiyakang matatamasa natin ang kaligtasan ang siyang nagbibigay sa atin ng lakas ng loob at katatagan ng pananampalataya.
Nababalot tayo ng susun-susong mga dahilan upang mawalan ng pag-asa. Sa mga sandaling ito ng kadiliman, kailangan natin ng mga paalaala. Ito ang paalaalang dulot ng magandang balita sa ating pagdiriwang sa araw na ito.
Itaguyod mo kami, O Panginoon alang-alang sa pagpapakasakit ng Iyong Anak na si Jesus. Amen.