frchito

Posts Tagged ‘Ika-17 Linggo Taon B’

MAKAMUNDONG BIYAYA; MAKALANGIT NA PAGPAPALA

In Uncategorized on Hulyo 27, 2012 at 11:42

ImageIka-17 Linggo ng Taon(B)

Julio 29, 2012

 

Mga Pagbasa: 2 Ha 4:42-44 / Ef 4:1-6 / Jn 6:1-15

MAKAMUNDONG BIYAYA; MAKALANGIT NA PAGPAPALA

 

Sino sa atin ang hindi maaantig sa kwento ng isang tulad ni Eliseo propeta na, sa kabila ng kasalatan at kakulangan, ay walang pasubaling nagpakain, nagkaloob, at nagbigay ng kung ano ang tinanggap niya mula sa iba? Sino sa atin ang hindi tatamaan kahit kaunti yamang tayo ay mga taong maramot, mapagkimkim, at makasarili? Sino sa atin ang hindi nag-isip kahit minsan, na itago ang kaunti, ang wag ipagkaloob ang maliit na nakamkam sapagka’t hindi sapat sa lahat ang yamang taglay?

Wala ni isa man marahil sa atin ang makatatanggi ng katotohanang tayo ay balisa malimit at hindi nakatitiyak sa kinabukasan. Wala isa man sa atin ang makapagsasabing wala tayong inaalala para sa kinabukasan. Halos sigurado akong marami sa atin ay nangangamba dahil sa mabilis na pagdami ng tao sa Pilipinas, at pagdami rin ng mga dukha, at mga taong halos walang nang dapat asahan pa sa buhay!

Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit ang RH bill ay lubhang inaakala ng marami bilang isang solusyon? Nagkalat ang mga bata sa kalye … nagtambakan ang mga basura sa ilog at sa mga ilat, na unti-unting nagiging semento at natatakpan ng mga bahay … Marami at susun-suson ang problema, na tila walang solusyong naghihintay.

Kung kaya’t sa sitwasyong ito, hindi malayong madala tayo ng agos ng mga tila solusyong nakaamba, na madalian … at kasama rito ang pagbabawas sa mga bata, at pagkokontrol sa panganganak, at ang pagdedesisyon ng gobyerno para sa mga malayang tao na nararapat sanang sila ang magpapasya sa kani-kanilang sariling buhay.

Sa araw na ito, nais ko sanang ikintal sa isipan natin ang dalawang magkaibang bagay: ang makamundong biyaya at ang makalangit na pagpapala. Dinasal natin sa simula ng Misang ito: “Dagdagan mo ang iyong kagandahang-loob sa amin upang sa iyong pamumuno at pangangasiwang magiliw, mapakinabangan namin ang mga biyaya mo sa lupa bilang pagkakamit na namin sa makalangit mong pagpapala.”

Iisa ang tinutumbok ng lahat ng ito … may larangang pangmundo o pandaigdig, at may larangang espiritwal o pang-kalangitan. May biyayang makamundo, at may pagpapalang makalangit. May buhay pang material, at may buhay pang-kaluluwa!

Samakatwid, may mga pagpapahalagang makamundo, at mayroon ring pagpapahalagang makalangit. Hindi lahat ng kumikinang ay tunay na ginto, at hindi lahat ng nahihipo, nakikita, nasusukat at natitimbang ay tunay na makapaghahatid sa higit na mataas na hanay ng pagpapahalagang may kinalaman sa buhay na walang hanggan.

Subali’t hindi ibig sabihin nito ay walang pakialam ang Diyos sa buhay natin sa daigdig. Sa katunayan, ito nga ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa, nakita natin kung ano ang ginawa ni Propeta Eliseo sa kaloob na tinanggap niya – 20 tinapay at bagong aning trigo. Sa kabila ng protesta ng kanyang kasama – na hindi diumano sasapat ang lahat para sa 100 katao – ipinag-utos pa rin niyang ibigay at ipakain ang lahat.

At mayroon pang natira!

Sa ebanghelyo naman, narinig natin ang naganap. Napakaraming tao ang sumunod sa kanya  … naglakad galing sa kabilang pampang ng lawa ng Galilea … pagod na pagod at gutom na gutom. Naawa si Jesus sa mga tao at nagbalak silang bigyan ng pagkain. Nag reklamo agad si Felipe, at nagwika: “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.”

Walang kaibahan ito sa mga palakad ng isipan natin ngayon … saan tayo kukuha ng ipakakain sa mga batang paslit na naglipana sa lansangan. Saan tayo kukuha upang mapag-aral ang lahat ng ito? Di ba’t napapanahon na, na ang RH bill ay maging batas?

Natangay tayo ng isipang hanggang biyayang makamundo lamang ang tao. Nadala tayo ng pag-iisip na ang tao ay pang mundo lamang, para lamang sa mga bagay na natitimbang at nasusukat, o kumikinang o tumataginting. Naglaho sa isipan natin ang larawan ng Diyos na mapagkalinga, mapagbigay, at nangangalaga sa kanyang bayan.

Batid ko na maraming problema ang hatid ng mabilis na pagdami ng tao. Nguni’t batid ko rin na ang solusyong dulot ng RH bill ay hindi solusyon, sapagkat ang tao ay hindi kuneho na dapat tanggalan ng kakayahang magpasya sa ganang kanilang sarili, at diktahan ng gobyerno kung ano ang dapat nilang gawin sa kanilang mga buhay.

Batid ko ring matindi ang mga suliraning hinaharap natin bilang isang bayan. Subali’t batid ko rin ang higit pang masahol at matinding problemang darating oras na pagbigyang-daan natin ang isang saloobing hindi nagpapahalaga sa larangan ng espiritu, sa larangan ng buhay pang-kaluluwa, at alam kong oras na isipin nating ang tanging solusyon sa problema ay mga solusyong makamundo at hindi ito magdudulot ng tunay na ginhawang pangkalahatan at pangkabuuan na atin lahat inaasam at hinahanap.

At ito ang tinatawag ng Santo Papa, Beato Juan Pablo II na kultura ng kamatayan, kultura o kaisipang pang kontraseptibo, na unti-unting nagpapaagnas sa kultura at kaisipang kristiyano at buhay pangkaluluwa.

May paalala sa atin ang milagro ni Eliseo at milagrong ginawa ng Panginoon. Wag natin sukatin ang biyaya ng Diyos. Wag nating tikisin ang pag-ibig at pagkalinga ng Diyos. Wag natin maliitin ang kanyang kakayahan upang maghatid ng ganap at tunay na buhay para sa atin … ganap na buhay … hindi lamang buhay dito at ngayon … Ganap na buhay, na pinagkakalooban niya ng kinakailangan natin tuwina … “Pinakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal!”

Ano ang kanyang kaloob? Tinapay … Pagkain … biyayang makamundo … At higit pa! pagpapalang makalangit, at higit pa! Higit pa! Pagdating ng panahon, wala na tayong hahanapin pa!

Don Bosco Formation Center

Lawa-an, Talisay City

Cebu

TINIPON, HINDI TINAPON!

In Uncategorized on Hulyo 24, 2009 at 10:58

feeding5000Ika-17 Linggo ng Taon (B)
Julio 26, 2009

Mga Pagbasa: 2 Hari 4:42-44 / Efeso 4:1-6 / Juan 6:1-15

May mga pagkakataong ang mga pagbasa ay nagtataglay ng malinaw na mga detalye na may mahalagang kahulugan para sa nagbabasa o nakaririnig. Ang Linggong ito ay isa sa mga pagkakataong ang tatlong pagbasa ay nagsasanib sa mga iilang mga larawang may kinalaman sa kabuuan ng pahayag, sa buod at lagom ng buong pagdiriwang.

Tatlong kataga ang sumasagi agad sa aking isipan: agapay, tinapay, at buhay!

Agapay ang sinasaad ng unang pagbasa – ang pag agapay ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Eliseo na nagkaloob ng 20 pirasong tinapay na nagpatawid-gutom sa isang daang katao. Bagama’t dadalawampung piraso ang pinaghati-hati sa ganoong karami, ang lahat ay nabusog. At hindi lamang iyon … may natira pang tinipon matapos kumain ang lahat.

May kinalaman naman sa buhay ang paalaala ni Pablo … ang siyang isinasagisag ng pagtitipon ng mga pira-pirasong tinapay na labis – ang kaisahan. Ang pagtitipon ng mga mumo o tira ay isang pahiwatig ng pangangailangang kung paano ang mga pira-pirasong tinapay ay natipon at hindi natapon, gayun din naman, ang mga tagasunod ni Kristo ay dapat magkatipon sa isang malalim at wagas na uri ng kaisahang hindi nagmumula lamang sa isang mababaw na kaparaanan, bagkus bumubukal sa kung ano ang kaakibat ng kaloob ng pagkaing mula sa langit – ang kaloob ng Espiritung mapag-isa, ang Espiritu ng kaisahang bunga ng biyaya ng binyag.

Pag-agapay sa buhay, na nagmula sa sagisag at katotohanan ng tinapay! … Ito ang Eukaristiya na atin ngayon ipinagdiriwang. Ito ang kaisahang malalim na hindi natin maatim na itapon na bunga ng isang pagtitipon. Pagtitipon ang ginawa natin ngayon. Nagsimula tayo sa isang isahang awitan at pagbati mula sa Diyos sa pamamagitan ng pari. Kaisahan ang lahat ng ginagawa natin – sabayang pag-awit, sabayang pananalangin, sabayang pagsamba at pagpupuri sa Diyos. Ito ang kaisahang hindi madaling itapon na lamang at sukat. Ito ang pagtitipong walang iniwan sa pagtitipon ng mga butil ng trigo upang maging isang tinapay na buo, ganap, at iisa. Ito ang iisang pananampalataya na nagmumula sa iisang binyag, sa pananalig sa iisang Diyos, iisang Iglesya, iisang Ama at Diyos ng lahat!

Kay rami ngayong dahilan upang magkawatak-watak. Kay raming dahilan upang magkahiwa-hiwalay. Nandiyan ang kaibahan bunga ng yaman o kahirapan. Nandiyan ang kaibahan at pagkakawatak-watak dahil lamang sa politika o dahil sa anumang pananalig na naiiba. Nandiyan ang kawalang kakahayahang tanggapin ang iba dahil lamang sa kaibahan ng kanilang kulay, kultura, o kamalayan!

Subali’t malinaw ang turo ng mga pagbasa ngayon. Hindi pagtatapon, pagsiphayo, at pagtanggi ang dapat maghari kundi pagtitipon, pagsang-ayon, at pagtanggap sa isa’t isa ang dapat maghari sa puso ng mga taong sibil. Kay rami na ang namatay o nagdusa sa ngalan ng kaibahan, at pagtatangi-tangi ng tao sa isa’t isa. Kay rami na ang naghirap dahilan sa pagkakaiba-iba.

Agapay ang hatid sa atin ng Diyos. Hindi ba’t ito ang tugon natin? “Binubusog tayo ng kamay ng Diyos; tinutugunan Niya ang lahat ng ating pangangailangan.” Alalay mula sa Diyos ang siya nating ipinagbubunyi tuwing tayo sa magtitipon sa liturhiya ng Simbahan. Ito ang parehong alalay ng Diyos na siya nating hinihiling at ipinagsusuyo sa panalangin.

Kailangan natin tuwina ng alalay ng Diyos. Sa panahong naghahanda muli ang bayan sa isang pambansang halalan, naglalabasan na ang lahat ng katakawan at pagkamakasarili. Mayroon nang namamatay dahil sa politika. Mayroon nang nagkakamada na ng lahat ng uri ng pandaraya upang hindi mapatid ang kung anong tawag nila ay “paglilingkod sa bayan.” Ewan ko nga ba kung bakit lahat ng “naglilingkod sa bayan” (daw) ay dinapuan na ng sakit na nagsasabi sa kanilang sila lamang ang puede. Mayroon pang isang kandidato na diumano ay pinagwikaan siya ng Diyos mismo na tumakbo. Ewan ko sa inyo mga kapatid, pero wala akong “hotline” sa langit upang mabatid nang tiyakan kung ano ang gusto niyang ipagawa sa akin sa bawa’t kibot ko sa mundong ito. Hindi ko alam kung ano ang nakain ng mga taong ito na nagbunsod sa kanila upang makasiguradong sila ang napupusuan ng Diyos at tinawag ng Diyos tulad nang tinawag niya si Moises, Elias, o si Eliseo sa ating unang pagbasa.

Alalay ng Diyos ang ating hiling sa panahon natin. Matindi ang kadilimang bumabalot sa lipunan natin. Malakas ang kalaban – ang mga kampon ng kadiliman. At malaking pera ang pinag-uusapan sa tinatawag na “paglilingkod sa bayan.” Ano pa ba ang dahilan at ang buong angkan ng mga tampalasang ito ang nagkukumahog upang maging congressman, mayor, o konsehal man lamang?

Buhay ang dulot ng Diyos – buhay na walang hanggan. At ang daan tungo dito ay isang pagtitipon, hindi pagtatapon. Pati mga maliliit na piraso ng tinapay na tira ay mahalaga para sa kanya. Pati ang mga mahihina at mahihirap, ang mga walang kaya sa mundo – lahat ng patapon – ay mahalaga sa kanya. Itong mga maliliit na ito ay bahagi ng kaisahang hatid ng Diyos kay Kristo. Ang maliiit nating kaya ay hindi maliit sa mata ng Diyos. Ang bawa’t butil, bawa’t hibla, at bawa’t guhit ay nakabubuo ng isang malaking bagay sa mata ng Diyos.

Ang bawa’t boto natin sa isang taon, ang bawa’t kilos natin sa pang-araw-araw – kung atin gagawin sa ngalan ng totoo, at ng makatotohanang Diyos, ayon sa kanyang batas moral, ay kaaya-aya sa kaniya at nagbubunga ng higit pang kaisahan. Hindi niya ipinasyang palitan nang lubos ang batas, bagkus ang bigyang-kaganapan ang lumang tipan. Ni isang tuldok ay hindi niya tinanggal, bagkus binigyang-kahulugan at kaganapan sa pamamagitan ng bagon tipan. Walang siyang itinapon, kundi ang kanyang pinagsikapang gawin ay ang tipunin ang naliligaw na mga tupa at tipunin ang lahat ng mga anak ng Diyos.

Sa Bagong Tipanan ni Kristo Jesus, walang iwanan, walang tapunan. Ang Bagong Tipanan ay walang iba kundi dakilang Tipunan. “Tipunin ninyo ang mga natira, upang walang masayang.”
Sa balak ng Diyos, walang patapon, walang inutil. Tayo ay angkan ng mga tinipon, hindi ng mga tinapon! “Binusog tayo ng kamay ng Diyos; tinutugunan Niya ang lahat ng ating pangangailangan.”