frchito

TINIPON, HINDI TINAPON!

In Uncategorized on Hulyo 24, 2009 at 10:58

feeding5000Ika-17 Linggo ng Taon (B)
Julio 26, 2009

Mga Pagbasa: 2 Hari 4:42-44 / Efeso 4:1-6 / Juan 6:1-15

May mga pagkakataong ang mga pagbasa ay nagtataglay ng malinaw na mga detalye na may mahalagang kahulugan para sa nagbabasa o nakaririnig. Ang Linggong ito ay isa sa mga pagkakataong ang tatlong pagbasa ay nagsasanib sa mga iilang mga larawang may kinalaman sa kabuuan ng pahayag, sa buod at lagom ng buong pagdiriwang.

Tatlong kataga ang sumasagi agad sa aking isipan: agapay, tinapay, at buhay!

Agapay ang sinasaad ng unang pagbasa – ang pag agapay ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Eliseo na nagkaloob ng 20 pirasong tinapay na nagpatawid-gutom sa isang daang katao. Bagama’t dadalawampung piraso ang pinaghati-hati sa ganoong karami, ang lahat ay nabusog. At hindi lamang iyon … may natira pang tinipon matapos kumain ang lahat.

May kinalaman naman sa buhay ang paalaala ni Pablo … ang siyang isinasagisag ng pagtitipon ng mga pira-pirasong tinapay na labis – ang kaisahan. Ang pagtitipon ng mga mumo o tira ay isang pahiwatig ng pangangailangang kung paano ang mga pira-pirasong tinapay ay natipon at hindi natapon, gayun din naman, ang mga tagasunod ni Kristo ay dapat magkatipon sa isang malalim at wagas na uri ng kaisahang hindi nagmumula lamang sa isang mababaw na kaparaanan, bagkus bumubukal sa kung ano ang kaakibat ng kaloob ng pagkaing mula sa langit – ang kaloob ng Espiritung mapag-isa, ang Espiritu ng kaisahang bunga ng biyaya ng binyag.

Pag-agapay sa buhay, na nagmula sa sagisag at katotohanan ng tinapay! … Ito ang Eukaristiya na atin ngayon ipinagdiriwang. Ito ang kaisahang malalim na hindi natin maatim na itapon na bunga ng isang pagtitipon. Pagtitipon ang ginawa natin ngayon. Nagsimula tayo sa isang isahang awitan at pagbati mula sa Diyos sa pamamagitan ng pari. Kaisahan ang lahat ng ginagawa natin – sabayang pag-awit, sabayang pananalangin, sabayang pagsamba at pagpupuri sa Diyos. Ito ang kaisahang hindi madaling itapon na lamang at sukat. Ito ang pagtitipong walang iniwan sa pagtitipon ng mga butil ng trigo upang maging isang tinapay na buo, ganap, at iisa. Ito ang iisang pananampalataya na nagmumula sa iisang binyag, sa pananalig sa iisang Diyos, iisang Iglesya, iisang Ama at Diyos ng lahat!

Kay rami ngayong dahilan upang magkawatak-watak. Kay raming dahilan upang magkahiwa-hiwalay. Nandiyan ang kaibahan bunga ng yaman o kahirapan. Nandiyan ang kaibahan at pagkakawatak-watak dahil lamang sa politika o dahil sa anumang pananalig na naiiba. Nandiyan ang kawalang kakahayahang tanggapin ang iba dahil lamang sa kaibahan ng kanilang kulay, kultura, o kamalayan!

Subali’t malinaw ang turo ng mga pagbasa ngayon. Hindi pagtatapon, pagsiphayo, at pagtanggi ang dapat maghari kundi pagtitipon, pagsang-ayon, at pagtanggap sa isa’t isa ang dapat maghari sa puso ng mga taong sibil. Kay rami na ang namatay o nagdusa sa ngalan ng kaibahan, at pagtatangi-tangi ng tao sa isa’t isa. Kay rami na ang naghirap dahilan sa pagkakaiba-iba.

Agapay ang hatid sa atin ng Diyos. Hindi ba’t ito ang tugon natin? “Binubusog tayo ng kamay ng Diyos; tinutugunan Niya ang lahat ng ating pangangailangan.” Alalay mula sa Diyos ang siya nating ipinagbubunyi tuwing tayo sa magtitipon sa liturhiya ng Simbahan. Ito ang parehong alalay ng Diyos na siya nating hinihiling at ipinagsusuyo sa panalangin.

Kailangan natin tuwina ng alalay ng Diyos. Sa panahong naghahanda muli ang bayan sa isang pambansang halalan, naglalabasan na ang lahat ng katakawan at pagkamakasarili. Mayroon nang namamatay dahil sa politika. Mayroon nang nagkakamada na ng lahat ng uri ng pandaraya upang hindi mapatid ang kung anong tawag nila ay “paglilingkod sa bayan.” Ewan ko nga ba kung bakit lahat ng “naglilingkod sa bayan” (daw) ay dinapuan na ng sakit na nagsasabi sa kanilang sila lamang ang puede. Mayroon pang isang kandidato na diumano ay pinagwikaan siya ng Diyos mismo na tumakbo. Ewan ko sa inyo mga kapatid, pero wala akong “hotline” sa langit upang mabatid nang tiyakan kung ano ang gusto niyang ipagawa sa akin sa bawa’t kibot ko sa mundong ito. Hindi ko alam kung ano ang nakain ng mga taong ito na nagbunsod sa kanila upang makasiguradong sila ang napupusuan ng Diyos at tinawag ng Diyos tulad nang tinawag niya si Moises, Elias, o si Eliseo sa ating unang pagbasa.

Alalay ng Diyos ang ating hiling sa panahon natin. Matindi ang kadilimang bumabalot sa lipunan natin. Malakas ang kalaban – ang mga kampon ng kadiliman. At malaking pera ang pinag-uusapan sa tinatawag na “paglilingkod sa bayan.” Ano pa ba ang dahilan at ang buong angkan ng mga tampalasang ito ang nagkukumahog upang maging congressman, mayor, o konsehal man lamang?

Buhay ang dulot ng Diyos – buhay na walang hanggan. At ang daan tungo dito ay isang pagtitipon, hindi pagtatapon. Pati mga maliliit na piraso ng tinapay na tira ay mahalaga para sa kanya. Pati ang mga mahihina at mahihirap, ang mga walang kaya sa mundo – lahat ng patapon – ay mahalaga sa kanya. Itong mga maliliit na ito ay bahagi ng kaisahang hatid ng Diyos kay Kristo. Ang maliiit nating kaya ay hindi maliit sa mata ng Diyos. Ang bawa’t butil, bawa’t hibla, at bawa’t guhit ay nakabubuo ng isang malaking bagay sa mata ng Diyos.

Ang bawa’t boto natin sa isang taon, ang bawa’t kilos natin sa pang-araw-araw – kung atin gagawin sa ngalan ng totoo, at ng makatotohanang Diyos, ayon sa kanyang batas moral, ay kaaya-aya sa kaniya at nagbubunga ng higit pang kaisahan. Hindi niya ipinasyang palitan nang lubos ang batas, bagkus ang bigyang-kaganapan ang lumang tipan. Ni isang tuldok ay hindi niya tinanggal, bagkus binigyang-kahulugan at kaganapan sa pamamagitan ng bagon tipan. Walang siyang itinapon, kundi ang kanyang pinagsikapang gawin ay ang tipunin ang naliligaw na mga tupa at tipunin ang lahat ng mga anak ng Diyos.

Sa Bagong Tipanan ni Kristo Jesus, walang iwanan, walang tapunan. Ang Bagong Tipanan ay walang iba kundi dakilang Tipunan. “Tipunin ninyo ang mga natira, upang walang masayang.”
Sa balak ng Diyos, walang patapon, walang inutil. Tayo ay angkan ng mga tinipon, hindi ng mga tinapon! “Binusog tayo ng kamay ng Diyos; tinutugunan Niya ang lahat ng ating pangangailangan.”

Advertisement
  1. bakit ganun…

    ang mga tao ang bilis magkawatak watak,
    mabagal naman magsamasama???

    ang Diyos kahit gaano ka kasama , mahal kanya
    handa ka nyang patawarin. Kaya hindi pahuli ang pagabbago.

    “Buhay ang dulot ng Diyos – buhay na walang hanggan. “!!

  2. salamat, jason … keep it up

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: