frchito

Posts Tagged ‘Ika-22 Linggo ng Taon (A)’

HIHIGIT PA BA TAYO SA KANYA?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Jeremias, Taon A on Agosto 24, 2011 at 06:11

Ika-22 Linggo ng Taon (A)
Agosto 28, 2011

Mga Pagbasa: Jer 20:7-9 / Roma 12:1-2 / Mt 1:17-18

Hindi maipagkakaila ng kasaysayan ang sinapit ng Mananakop. Bagama’t tinanggap bilang isang bayani noong siya ay pumasok sa Jerusalem, at nilatagan ng mga balabal, sanga ng kahoy at mga palaspas, ay ipinagbunyi bilang Haring pinakahihintay, hindi naglaon at napalitan ang lahat ng ito ng isang matinding pag-uusig.

Matapos nila makarinig ng mga pangaral na hindi katanggap-tanggap, hindi kaaya-aya, at hindi angkop sa kanilang nais, nagsipagbaligtaran sila at ang itinanghal bilang Hari, ay pinatawan ng kamatayan sa krus.

Hindi kailanman hihigit ang disipulo sa kanyang guro.

Ito ang sinapit ng batang-batang si Jeremias. Matapos siya mahikayat ng Diyos upang mangaral sa Kanyang ngalan, ano ang sinapit niya? Panunuya, panlilibak, pang-uuyam, at pag-uusig!

Nakita natin ito sa mga nakaraang araw – ang unti-unting pagbabago ng simoy ng hangin … ang dahan-dahang pagpapakita ng pagkamuhi sa Inang Simbahan at sa mga namumuno rito. Nakita natin kung pati ang Panginoon ay nilapastangan ng isang diumano ay artista na gumawa ng mga larawang walang pakundangan sa kabanalan ng Poong Maykapal. Nakita natin kung paano, batay sa isang kasinungalingan, ay nilibak ang pitong Obispo at tinaguriang ‘Pajero 7’ kahit wala naman ni isang Pajero, upang usigin sa halagang 6.9 milyong piso na ginamit para sa kapakanan ng mga maysakit at mga salat.

Naranasan ko rin ito nang hindi iisang pagkakataon. Napakahabang kwento ang dapat igugol dito upang balangkasin ang karanasang ito. Nguni’t sapat na sigurong sambitin ko, na halos sampung taon na ang nakararaan, ako man ay inusig at pinagbantaan, dahil sa pamumunong ginawa ko upang mapawi ang droga at bawal na gamut sa komunidad na nasa paligid ng kung saan ako naroon noon.

Marami ang natuwa. Marami ang sumama at sumali sa kilusan. Nguni’t mayroong hindi nasiyahan, dahil sa kami ay naging balakid sa kanilang malaking kita dahil sa droga. Pinagbantaan ako. Ano raw ang gusto ko, ang patuloy na makapag-Misa o ang bumulagta na lamang sa kalye. Ang pari, diumano, ay hindi dapat maki-alam sa mga paksang secular, sa mga bagay na hindi dapat trabaho ng pari, at ang pari, diumano, ay dapat manatili lamang sa sakristiya!

Bilang pari sa halos tatlumpung taon na nakaraan, pinagdadaanan ako minsan ng panghihinawa. Bilang isang guro sa mahigit na tatlong dekada, minsan ako ay nawawalan ng lakas at pinapanawan ng tapang. Sa mga nakaraang taon, para bagang nagbubuhos lang ako ng tubig sa likod ng pato. Parang walang silbi, parang walang katuturan at kahihinatnan. Ang lahat ay nabubura at napapalitan ng mga pagpapahalagang lako at hatid ng mass media, at napapatungan ng mga turong walang kinalaman sa turo ng Poong Maykapal, at kalooban ng Panginoon.

Matapos usigin ang pitong Obispo, matapos bungkalin ang isyu na batay sa isang kasinungalingan, noong ang lahat ay mabigyang-liwanag, ni isa sa mga nag-usig sa TV at radyo, ni isa sa mga mamamahayag na hindi tinantanan ang isyu laban sa mga Obispo, ang humingi ng gaputok man na paumanhin. Patay malisya lamang silang lahat. Walang kibo, walang imik, at walang ipinakitang anumang pagsisisi sa ginawa.

Totoo ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Ang pag-uusig ay nasa paligid natin, dumarating, at darating pa. Lahat ng paraan upang mapawi at mabale wala ang autoridad ng simbahan ay ginagawa ng mga kinauukulan. Lahat ng paraan upang maisulong ang isang panukalang batas na tinututulan ng Simbahan ay ginagawa. At kasama rito ang pang-uusig.

Gusto ko sanang sa araw na ito ay bigyan ng higit pang katatagan ang mga kapatid kong, katulad ko, at kaisa ng Simbahan, ay nagpupunyagi sa ngalan ng katotohanang moral. Gusto ko sanang ang lahat ng nakakabasa nito ngayon ay hindi matulad sa aking kung minsan ay sinasagian ng panghihinawa.

At nais ko sanang tulad ni San Pablo, ay matutunan nating “ialay ang sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa Kanya.” (Ika-2 pagbasa)

Sa kasaysayan ng Simbahan, libo-libo ang nag-alay ng katawan at buhay para sa Panginoon. Tinitingala natin sila bilang mga martir at kumpesor ng pananampalataya. Sila ang mga tinagurian ni Juan Ebanghelista, na mga tupang hinugasan ng dugo ng kordero. Sila ang mga hindi tulad ko, ay hindi nanghinawa.

Nguni’t may pag-asa pa sa tulad natin at tulad kong kung minsan ay nagagapi ng pangamba at takot. Ito ang ipinakita ni San Pedro. Ipinagkanulo niya ang Panginoon, Tatlong beses niya siya ipinagtatwa. Natakot rin siya sa mga alon sa dagat at lumubog. Sa ebanghelyo natin ngayon, hiniling niya sa Panginoon: “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos!” Sumandali siyang umurong, nangamba, natakot.

Parang ako. Parang tayo. Para sa atin ang mga salitang binitiwan ng Panginoon kay Pedro: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.”

Hihigit pa ba tayo sa ating Guro at Panginoon?

PAGSUNOD SA LANDAS NG KATOTOHANAN

In Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Agosto 28, 2008 at 05:33

Ika-22 Linggo ng Taon (A)
Agosto 31, 2008

Mga Pagbasa: Jer 20:7-9 / Rom 12:1-2 / Mt 16:21-27

Tapos na ang Olympics sa Beijing. Alam na ng buong mundo kung sino ang pinakamaraming medalya, sino ang pinakadakila sa palakasan, sa paglalangoy, sa pagtakbo at sa marami pang mga laro na naganap sa Beijing. Habang nagaganap ang laro, masaya ang lahat. Tigib ng wastong pagyayabang ang puso ng mga Chinong nagpakitang gilas sa maraming paraan. Nguni’t alam din ng lahat na pagkatapos ng lahat ng ito, ang katotohanan ay tatambad sa kanilang mga mata.

Ano ba ang katotohanang ito? Tingnan natin ang mga ibang lugar kung saan naganap ang Olympics.  Noong isang taon, ako ay napagawi sa Montreal. Isa sa mga binanggit sa akin ng mga taga roon ay magpahangga ngayon, magmula noong 1976, ay nagbabayad pa sila ng utang na ginastos sa pagpapakitang gilas na ito. Nasa Athens naman ako noong Mayo sa taong kasalukuyan. Ganoon din ang hinaing ng marami sa Grecia. Napagastos nang di hamak, gastos na may kapalit ding malaking kabayaran.

Hindi araw-araw ay Pasko, ika nga. Hindi lahat ng masaya at maingay at maganda ay makukuha ng libre. May malaking halagang nakapatong sa lahat ng bagay na may kapapararakan.

Subali’t kay daling tanggihan ang katotohanan. Kay daling talikuran ang isang tinatawag ni Al Gore na “inconvenient truth”  o isang katotohanang nakababagabag. Sa harap ng mga katotohanang ito, ang pinakamadaling gawin ay huwag tanggapin, tanggihan, o ipagpiliting hindi totoo. Ito ay tinatawag na “denial” sa wikang Ingles. Ito ay isa sa pinakamadaling depensa ng tao sa anumang bagay na nakababagabag at nakapagpapabalisa sa isip ng tao.

Si Pedro ay isa ring taong tulad natin na nabalisa, nabagabag, at nagulumihanan – tulad rin ni Maria na sa simula ay nagulumihanan sa balita ng anghel. Nang ang Panginoon ay nagwika tungkol sa darating niyang paghihirap at pagkamatay, sinansala siya kagya’t ni Pedro. Hindi matanggap ni Pedro na sasapiting ng Panginoon ang kanyang sinasabi, na magdudusa siya sa mga kamay ng mga punong Pari at mga Pariseo at mga Eskriba, mamamatay at magdadaan sa lahat ng uri ng hilahil.

Panginoon, wika niya, huwag kayong magsalita ng ganito. At ang tugon ni Kristo, ay isang malakas na dagok sa kanyang pagtanggi: “Lumayo ka sa akin, Satanas!”

Ang magandang balita sa Linggong ito ay napakalawak at napakalalim. Subali’t kakaunti ang ating kakayanang bigyang-pansin ang lahat. Ang ating bibigyang-pansin ngayon ay walang iba kundi ang ating madalas na pagtanggi sa totoo.

Ano ano ba ito at paano nagaganap sa ating lipunan? Mga halimbawa ay dapat nating ilista. Una, panay ang tanggi natin na tayo ay napapariwara dahil sa magulong politika sa ating bayan. Panay ang pagtutol natin sa katotohanang tayo ay nangungulelat na sa maraming bagay kumpara sa ating mga kapit-bayan sa Asia. Panay ang tanggi natin na tayo bilang isang bayan ay mabilis na humuhulagpos na sa kulturang kristiyano na dati-rati ay namamayagpag sa lipunan. Panay ang tanggi natin na ang mga panoorin na ginagawa sa atin ay panay paglalarawan ng mga kabulukan ng ating lipunan at kultura. Kung ating titingnan, halimbawa, ang uri ng mga sineng ginagawa sa atin ngayon, na dinadala sa ibang bansa, para bagang lahat na lamang ng uri ng kabulukan ang laging pinapaksa. Kung titingnan natin ang mga programang kinahihibangan ng mga Pinoy pati sa ibang bansa, para bagang nakikita natin ang mabilis na pagbulusok ng antas ng ating pagkatao sa maraming larangan ng ating buhay personal at sosyal. Ito ang tinatawag na “dehumanization,” ang unti-unting pagkawala ng diwa ng dignidad ng tao.

Panay ang tanggi natin na ang antas ng edukasyon ay patuloy sa pagbulusok. Panay ang tanggi natin na ang wikang Ingles ay naglaho na sa tinatawag na “mainstream culture.” Tanging mga tao lamang na nasa “dominant culture” ang may kakayanang mangusap at makapagtalastasan sa wikang pinag-aaralan ng buong mundo.

Marami pa ang dapat isama sa listahan. Kasama rin dito ang katotohanang ang lahat ng sangay ng ating gobyerno, pati ang judicatura, ay mga pugad ng katiwalian, katakawan, at pagkamakasarili. Kamakailan, nakahihiya mang tanggapin, pati ang simbahan, ay nagpamalas rin ng ganitong pag-iisip – ang tulong na nakalaan para sa biktima ng bagyo sa Visayas (Iloilo) ay hindi lahat napunta sa mga nangangailangan. Itinago ng isang pari o grupo at nang mabisto ay nagpalusot, na itinabi nila para sa mga darating pang mga bagyo!

Ang katotohanan ay masakit … tuwina, saanman, at kailanman. Ito ang masakit na leksyon na narinig ni Pedro. Tila baga ay dagok rin sa ating mga pagtanggi sa buhay. Ito ay isang panawagan sa ating lahat na gumising, at tumingin, at kilalanin ang mga bagay an patuloy natin tinatanggihan. Matapos umuwi ang mga nagpunta s Beijing, na wala ni isa na namang medalya ang bunga, parehong mga palusot at paninisi na naman ang naririnig sa mga namumuno at nagmarunong sa olimpikong ito.

Ngunit, ang pagtanggi sabi nga ay ang pinakamababang uri ng katalinuhan.

Si Kristo ay nagwiwika ngayon ng kung ano ang totoo. Masakit man o nakababagabag … Pagtanggap, hindi pagtanggi ang dapat natin ngayon isapuso at isaisip. May malaking halaga ang lahat ng tama, wasto, magaling, at nakapagdudulot ng kagalingan sa lahat. May halaga ang mabuti, at tama. At ang halagang pinagbayaran ni Jesus ay walang ibang kundi ang tinatanggihan ngayon ni Pedro.

Matuto nawa tayong tumanggap …. Matuto nawa taong gumanap sa pananagutan na siyang halaga ng ating pagsunod sa yapak ng Panginoon, at matuto nawa nating lisanin ang landas ni Satanas na walang patid ang paghindi at pagtanggi. Di ba’t ito ang kanyang sagot sa Diyos? Non serviam … Hindi ako maglilingkod. Siya ang hari ng pagtanggi at pagtutol (denial king). Si Kristo ay ang abang lingkod na sumunod, tumalima, at nagbayad ng malaking halaga para sa kanyang misyon at panagimpan sa ikapapanuto ng buong sangkatauhan. Salamat sa Iyo, O Jesus at Panginoon, daan, katotohanan, at buhay!