N.B. Ngayong ang relikya ni San Juan Bosco ay naglalakbay sa Pilipinas (at sa buong mundo, bago ang kanyang ika-200 taon ng kapanganakan sa 2015), nais ko sana ibahagi ang opisyal na MTV at opisyal na awit sa aking mga mambabasa, yayamang isa siya sa mga binabanggit ko sa pagninilay na ito
Ika-4 na Linggo ng Pagdating (A)
Disyembre 19, 2010
Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Roma 1:1-7 / Mateo 1:18-24
Ang pinakahihintay ng lahat ay malapit na. Limang araw na lamang at Pasko na. Ang pinapangarap ng bata at matanda ay parating na.
Ngunit ang katuparan ng anuman ay hindi mararating kung hindi nagsisimula sa pangarap at sa masidhi at matagalang pagpaplano.
Ito ang aking natutunan sa mula’t mula pa. Walang “instant coffee” at “instant noodles” sa tunay na buhay. Ang mga bagay na ito ay lako lamang ng Lucky Me at Niisin. Sa tunay na buhay, hindi ka magigising na lamang at sukat na may magarang bahay at mamamahaling kotse. Walang karera sa kolehiyo ang daglian at biglaang makakamit. Pinag-iisipan, pinagmumunian, pinagbabalakan nang mataman ang lahat ng mahalagang bagay.
Ang aking ama ay isang magsasaka kung wala siya sa trabaho noon sa Maynila. Nagsimula siya sa pagtatanim ng kape magmula pa noong siya ay labing-isang taong gulang, katulong ang kanyang tangi at nakababatang kapatid. Ang inani naming kaunti noong kami ay naglalakihan, ay hindi galing sa isang iglap na pagpupunla, kundi sa maraming taong pagpupunyagi at pagsusuloy at pag-aabono ng mga puno. Ang pag-aani ay hindi makakamit kung walang pagsisikap, at maraming maagang paggising at mahabang mga araw ng pagpapagal.
Totoo ito sa lahat ng bagay. Totoo ito sa paggawa ng bagay na masama at mabuti. Kamakailan dito sa Guam, ginulantang kaming lahat sa balita ng pagpaslang sa isang 28 taong gulang na ama ng apat na musmos sa Las Vegas. Lumaki siya dito malapit sa amin sa Yona, Guam. Nguni’t ang kalunos-lunos ay tila ang asawa niya ang nagbalak ng lahat, nagplano, at nagpasya, kasama ang kanyang kalaguyo, upang makuha ang malaking halagang insurance.
Nguni’t kay rami ko rin naman nakilalang mga taong, ang kakayahang magplano, magbalak, at magpasya ay ginamit sa mabubuting bagay. Hindi ko makakalimutan ang aking guro sa Pilipino noong unang taon ko sa kolehiyo. Galing sa mahirap na pamilya, napagtiyagaan niya ang pag-aaral sa kabila ng lahat, at, ika nga, ay iginapang ng magulang makapagtapos lamang. Sa mula’t mula pa ay mayroon na siyang pangarap – pangarap na natupad nang maglaon. Malungkot kami noong siya ay nagpaalam sa amin upang mangibang-bayan sa Canada. Sa kanyang paglisan, iniwanan kami ng isang tulaing naging buod ng kanyang pagkatao. Ang pamagat ng tula ay “Awit ng Makahiya.”
Hindi ko rin malilimutan ang isa ko pang guro sa Speechpower, maraming taon na ang lumipas. Lumaking hirap at salat, nakapagtapos siya sa public school, hanggang sa unibersidad. Simple lang ang punto ko. Hindi niya mararating ang rurok ng tagumpay kung hindi masinsin ang pagpaplano, pagsisikap, at pagpupunyagi. Nagsimula ang lahat sa isang pangarap …
Tulad ni San Juan Bosco. Sa edad na siyam na taon, isang pangarap ang naging simula ng lahat ng kanyang nagawa para sa kabataan hanggang sa siya ay namatay sa gulang na 73, noong 1888. Ang sinimulan ng isang pangarap ay laganap na ngayon sa mahigit na 130 bansa sa buong mundo.
Sa araw na ito, ika-apat na taon ng panahon ng pagdating, muli tayong pinaaalalahanan tungkol sa isang nangarap kasama ng Diyos … isang babaeng hinirang at inatangan ng isang matayog na pangarap ng Poong Maylikha. Nguni’t para matupad ang lahat, kinailangan ang kanyang pakikipagtulungan. Ang pangarap ng Diyos ay naging pangarap ni Maria. Ang paghihintay niya sa Mananakop ay naganap sapagka’t kumilos siya, tumalima, at pumayag na maganap ayon sa wika ng anghel. Hindi siya umupo na lamang at lumupasay, tumingala sa langit at buka ang bibig na naghintay. Kumilos siya, tumakbo patungo kay Elizabet, at matapos sagutin ang anghel ng kanyang “Fiat,” ay nagbuhos ng panahon at kakayahan para sa isasakatuparan ng pangarap ng Diyos.
Sa masugid na pagsunod at pagtalima ni Maria, nangyari ang balak ng Diyos. Naganap ang pangarap ng Diyos. Si Maria, na siyang sagisag ng tunay na paghihintay, ang siyang kapupulutan natin ngayon ng aral, limang araw bago mag-Pasko … naglihi, nagluwal ng isang saggol, at dahil dito ang pangarap ng Diyos para sa atin ay naganap, nagaganap, at magaganap pang muli!