frchito

Posts Tagged ‘Pagpupunyagi’

MAGLILIHI, MANGANGANAK, MAGAGANAP!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Taon A on Disyembre 14, 2010 at 12:35

N.B. Ngayong ang relikya ni San Juan Bosco ay naglalakbay sa Pilipinas (at sa buong mundo, bago ang kanyang ika-200 taon ng kapanganakan sa 2015), nais ko sana ibahagi ang opisyal na MTV at opisyal na awit sa aking mga mambabasa, yayamang isa siya sa mga binabanggit ko sa pagninilay na ito

Ika-4 na Linggo ng Pagdating (A)
Disyembre 19, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Roma 1:1-7 / Mateo 1:18-24

Ang pinakahihintay ng lahat ay malapit na. Limang araw na lamang at Pasko na. Ang pinapangarap ng bata at matanda ay parating na.

Ngunit ang katuparan ng anuman ay hindi mararating kung hindi nagsisimula sa pangarap at sa masidhi at matagalang pagpaplano.

Ito ang aking natutunan sa mula’t mula pa. Walang “instant coffee” at “instant noodles” sa tunay na buhay. Ang mga bagay na ito ay lako lamang ng Lucky Me at Niisin. Sa tunay na buhay, hindi ka magigising na lamang at sukat na may magarang bahay at mamamahaling kotse. Walang karera sa kolehiyo ang daglian at biglaang makakamit. Pinag-iisipan, pinagmumunian, pinagbabalakan nang mataman ang lahat ng mahalagang bagay.

Ang aking ama ay isang magsasaka kung wala siya sa trabaho noon sa Maynila. Nagsimula siya sa pagtatanim ng kape magmula pa noong siya ay labing-isang taong gulang, katulong ang kanyang tangi at nakababatang kapatid. Ang inani naming kaunti noong kami ay naglalakihan, ay hindi galing sa isang iglap na pagpupunla, kundi sa maraming taong pagpupunyagi at pagsusuloy at pag-aabono ng mga puno. Ang pag-aani ay hindi makakamit kung walang pagsisikap, at maraming maagang paggising at mahabang mga araw ng pagpapagal.

Totoo ito sa lahat ng bagay. Totoo ito sa paggawa ng bagay na masama at mabuti. Kamakailan dito sa Guam, ginulantang kaming lahat sa balita ng pagpaslang sa isang 28 taong gulang na ama ng apat na musmos sa Las Vegas. Lumaki siya dito malapit sa amin sa Yona, Guam. Nguni’t ang kalunos-lunos ay tila ang asawa niya ang nagbalak ng lahat, nagplano, at nagpasya, kasama ang kanyang kalaguyo, upang makuha ang malaking halagang insurance.

Nguni’t kay rami ko rin naman nakilalang mga taong, ang kakayahang magplano, magbalak, at magpasya ay ginamit sa mabubuting bagay. Hindi ko makakalimutan ang aking guro sa Pilipino noong unang taon ko sa kolehiyo. Galing sa mahirap na pamilya, napagtiyagaan niya ang pag-aaral sa kabila ng lahat, at, ika nga, ay iginapang ng magulang makapagtapos lamang. Sa mula’t mula pa ay mayroon na siyang pangarap – pangarap na natupad nang maglaon. Malungkot kami noong siya ay nagpaalam sa amin upang mangibang-bayan sa Canada. Sa kanyang paglisan, iniwanan kami ng isang tulaing naging buod ng kanyang pagkatao. Ang pamagat ng tula ay “Awit ng Makahiya.”

Hindi ko rin malilimutan ang isa ko pang guro sa Speechpower, maraming taon na ang lumipas. Lumaking hirap at salat, nakapagtapos siya sa public school, hanggang sa unibersidad. Simple lang ang punto ko. Hindi niya mararating ang rurok ng tagumpay kung hindi masinsin ang pagpaplano, pagsisikap, at pagpupunyagi. Nagsimula ang lahat sa isang pangarap …

Tulad ni San Juan Bosco. Sa edad na siyam na taon, isang pangarap ang naging simula ng lahat ng kanyang nagawa para sa kabataan hanggang sa siya ay namatay sa gulang na 73, noong 1888. Ang sinimulan ng isang pangarap ay laganap na ngayon sa mahigit na 130 bansa sa buong mundo.

Sa araw na ito, ika-apat na taon ng panahon ng pagdating, muli tayong pinaaalalahanan tungkol sa isang nangarap kasama ng Diyos … isang babaeng hinirang at inatangan ng isang matayog na pangarap ng Poong Maylikha. Nguni’t para matupad ang lahat, kinailangan ang kanyang pakikipagtulungan. Ang pangarap ng Diyos ay naging pangarap ni Maria. Ang paghihintay niya sa Mananakop ay naganap sapagka’t kumilos siya, tumalima, at pumayag na maganap ayon sa wika ng anghel. Hindi siya umupo na lamang at lumupasay, tumingala sa langit at buka ang bibig na naghintay. Kumilos siya, tumakbo patungo kay Elizabet, at matapos sagutin ang anghel ng kanyang “Fiat,” ay nagbuhos ng panahon at kakayahan para sa isasakatuparan ng pangarap ng Diyos.

Sa masugid na pagsunod at pagtalima ni Maria, nangyari ang balak ng Diyos. Naganap ang pangarap ng Diyos. Si Maria, na siyang sagisag ng tunay na paghihintay, ang siyang kapupulutan natin ngayon ng aral, limang araw bago mag-Pasko … naglihi, nagluwal ng isang saggol, at dahil dito ang pangarap ng Diyos para sa atin ay naganap, nagaganap, at magaganap pang muli!

Advertisement

HANGGANG SA LUMUBOG ANG ARAW!

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Oktubre 12, 2010 at 11:54

Ika-29 na Linggo ng Taon (K)
Oktubre 17, 2010

Mga Pagbasa: Ex 17:8-13 / 2 Tim 3:14 – 4:2 / Lucas 18:1-8

Pagtitiyaga, pagpupunyagi, pagtitiis, pagsisikap, at pag-aaguanta ang larawang buong-buo sa mga pagbasa. Sa una, nagtiis, hindi lamang si Moises, na panatiliing nakataas ang mga kamay sa pananalangin. Pati sina Aaron at Hur ay nag-isip ng paraan upang mapanatiling nakataas ang mga kamay ni Moises “hanggang lumubog ang araw.”

Sa ikalawang pagbasa, tagubilin ni Pablo kay Timoteo na “huwag talikdan ang mga aral na natutuhan at matibay na pinananaligan.” Sa ebanghelyo naman, isang babaeng balo naman ang ginamit ang kakulitan upang makamit ang kanyang kahilingan.

Tumbukin agad natin ang paralelismo o kaugnayan nito sa buhay natin …

Pagod na pagod na ang ating mga kamay sa maraming bagay. May pagkakataong gusto na nating bumitaw, at hayaan na lamang ang mga kampon ng kadiliman ang silang maghari sa buhay natin. Ngunit pagod rin ang ating buong katawan at pag-iisip sa paglaban, hindi sa masasamang tao, kundi sa mabubuting tao na hindi lubos ang pagtalima sa tawag ng ganap na kabutihan.

Kung minsan, sumasagi sa isipan ko na mas madali pa ang pinagdaanan ni Moises. Alam niya ang kaniyang kalaban. Tukoy niya kung sino ang mga sumasalungat sa kalooban ni Yahweh. Sa panahon natin, ang matindi ay ito … ang mga lumalaban sa Santa Iglesya ay ang mga nagsasabing sila ay kasapi ng Iglesya, ang mga tinatawag sa Ingles na “cafeteria catholics,” na parang namimili lamang kung alin ang gusto nilang paniwalaan at sundin, tulad ng taong namimili ng gustong kainin sa cafeteria.

Matindi ang laban tungkol sa Reproductive Health Bill. Sa biglang wari, tila nakabibighani ang kanilang mga rason o dahilan sa pagtutulak nito sa kongreso. Sa biglang tingin, mahirap sansalain ang panukala nilang tila nagsusulong sa kapakanan ng bayang Pilipino – ang labanan ang kahirapan at pangalagaan ang kalusugan ng tao.

At sa larangang ito, tila nag-iisang tinig na sumisigaw sa ilang ang Inang Simbahan. Nabili na nila ang media. Nakuha na nila ang opinion popular ng bayan, salamat sa mga katotohanang parsyal na kanilang paulit-ulit na sinasabi. Ang Simbahan ngayon ang pinagbibintangan nilang sinungaling at nananakot sa tao. Ang Simbahan ngayon ang idinidiin bilang makaluma, at salungat sa pagtakbo ng progreso at pag-unlad.

Mahirap manatiling nakataas ang kamay sa panalangin, at sa pagtataguyod ng tama, at ng magaling sa pangkabuuang katayuan ng tao. Mabuti ang bawasan ang mahihirap sa mundo. Mabuti ang iangat ang kanilang antas ng pamumuhay. Mabuti ang makapag-aral ang lahat ng bata sa lansangan, sa halip na patuloy na pagdaming parang daga na hindi naman mapakain at mapag-aral. Sang-ayon ako sa pangarap na ito.

Ngunit ang mahirap gawin ay ang pairalin ang ganap na kabutihan, ang kapakanang pangkalahatan, na bumabagtas sa kapakanang pansarili ngayon at dito lamang. At ang kabutinang ganap na ito ay bumabagtas sa kabutihang pang-ngayon lamang at pang dito, kabutihang nabibilang at nasusukat lamang.

Ito ang pinangangalagaan ng Iglesya – ang ganap na kabutihang bumabagtas sa personal na kapakanan, at temporaryong kabutihang may kinalaman lamang sa bagay na nabibilang at nahihipo. Ito ang dahilan kung bakit, bagama’t tila nag-iisa na sa ilang ang Simbahan, patuloy niyang ipinagtataguyod ang kanyang pananampalataya at katungkulang mangaral tungkol sa pamumuhay moral at pananampalataya. Aanhin natin ang kariwasaan kung ang ang pagkatao naman natin ay mapariwara? Aanhin natin ang yaman kung ang tao naman ay halos mag-asal hayop at makalimot na sa mga pagpapahalagang makalangit at maka-Diyos?

Nguni’t uulitin ko…. Mahirap gawin ang lahat ng ito, lalu na’t ang opinion popular ay laban na sa simbahan at sa mga namumuno nito, na kay dali nilang tawagin bilang “Padre Damaso.” (Kahit na hindi nila alam ang tunay na kahulugan nito!) Ang isang isyu na dapat ay panatiliing isyu sa larangan ng pakikipagtalong objetivo ay nauwi sa isang personal na atake sa mga namumuno sa Simbahan.

Kung si Moises ay nanghinawa at nanghina, ganuon rin tayo … ganuon rin kaming mga pari at pastol. Mabuti pa si Moises at nanduon si Aaron at Hur. Tinukuran nila ang mga kamay ni Moises. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi lamang patungkol sa aming mga pari. Patungkol ito sa lahat ng nagsasabing sila ay Kristiyano Katoliko. At ang magandang balita para sa amin ay magandang balita rin para sa aming kawan … kayong nagbabasa nito ngayon.

Ang labang ito ay walang kinalaman sa diumano ay pakikialam ng simbahan sa politika. Iyan ang sabi ng media na ngayon ay tinatanggap na lamang ng marami. Hindi ito pagpapataw ng bagay na imposibleng gawin, na sabi nila ay hindi kaya pati ng mga alagad ng simbahan. At lalung hindi ito capricho lamang ng mga paring tulad ng lahat ay taong masakalanan rin. Ito ay laban ng mabuti at ng ganap na mabuti … mabuti noon, ngayon, at bukas – at kabutihang ganap na walang kinalaman lamang sa kayamanan, ginhawang pangkatawan, at makamundong mga panukat ng kasaganaan.

Hirap ang Simbahan na itaguyod ang tama at higit na mabuti sa panahong ito. Kailangan nating gumanap bilang Aaron at Hur na nagtukod sa mga braso ni Moises. Paki-usap ko sa aking mga tagabasa na gampanan ito. Gawin ninyo ang inyong kayang gawin, at huwag iasa lamang kay Moises at sa mga katumbas ni Moises ang laban na ito. Kung kayo ay tunay na Katoliko at hindi lamang “cafeteria catholics” na pihikan at namimili lamang ng gustong paniwalaan, mangyari lamang na pirmahan ang petisyon na ito: http://www.petitiononline.com/xxhb5043/petition.html

At huli sa lahat, samahan natin ng panalangin at pagtataas ng ating mga kamay, hanggang sa lumubog ang araw ng kawalang-pansin at kawalang pag-asa!

Nakikiusap. Nagsusumamo … huwag talikdan ang mga aral na natutunan at matibay na pinanaligan!