frchito

Posts Tagged ‘Kahulugan ng Paghihirap ng Tao’

TAGUYOD SA GITNA NG TAGTUYOT

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Setyembre 15, 2009 at 08:15

Jesus_Children
Ika-25 Linggo ng Taon(B)
Setyembre 20, 2009

Panglaw at lungkot ang dulot ng unang pagbasa. May kinalaman ito sa pagbabalak ng mga masasamang-loob laban sa mga nagpapakabuti at nagpapakabanal. Hindi ba’t ito ay isang makatotohanang eksena sa buhay natin? Ang hindi sumasabay sa katiwalian, ang nagpapakatapat sa kanilang tungkulin, ang mga taong hindi sumusunod sa agos, ang may sariling pamamalakad at alituntunin batay sa kanilang paniniwala at pananampalataya … ito ang mga pinagsisikaping gapiin ng mga taong may masasamang balakin at hangarin.

Alam natin kung bakit hindi makausad ang bayan natin … Alam rin natin, na sa kabila ng ating katiyakan na ang nasa pinakamataas na antas ng pamumuno sa bayan natin ay tiwali at madaya, alam rin natin na pati na rin ang mga nasa ibaba, ang mga pinakamaliliit at payak na kawani ng lahat ng antas ng lipunan natin ay nabahiran na rin ng laganap na katiwalian. At kung mayroong nagsisikap maiba sa kalakaran, alam rin natin na sila ay pinagbabalakan ng masama, tulad ng sinasaad sa unang pagbasa: “Pahirapan natin ang tapat, sapagka’t sinisira niya ang diskarte natin… sinasansala niya ang ating mga balakin.”

Ilang mga tao na naglilingkod sa gobyerno na ang nakapaglahad sa akin nito… Hirap sila magpakabuti, sapagka’t sila ang pinag-iinitan ng mga tiwali. Ilang mga personal na karanasan na ang aking pinagdaanan … ang mahuli ng pulis na nagtatago sa dilim dahil sa diumano ay “traffic violation” sa kadiliman ng Linggo ng gabi, kung kailan wala namang gaanong mga sasakyan? Ang hulihin ang walang kalaban-labang mga driver dahil daw sa hindi pagsunod sa batas trapiko dahil nahuli ng “yellow light” sa gitna ng intersection dahil sa bagal ng takbo ng trapiko?

Ang landas ng buhay pang-araw-araw ay puno ng lahat ng uri ng tagtuyot, taghirap, at pagbabalak ng masama laban sa mga nagpapakabuti at nagsisikap gumawa nang tama at mabuti.

Parang isang bukal ng sariwa at malamig na tubig sa tuyot na tuyot at tigang na lupa ang tugon natin sa lahat ng ito: “Ipinagtataguyod ng Panginoon ang aking buhay.”

Nguni’t matanong nga natin … totoo nga ba ito? Totoo nga ba na ang Diyos ay nagtataguyod sa mga naglalakad sa landas ng katotohanan at kabutihan?

Noong libing ni Cory, libo-libo ang nagpumilit sumilay sa kanyang mga labi. Libo-libo rin ang nagsikap Makita ang pagdaan ng kanyang katawan sa mga lansangan sa Maynila. Libo-libo ang nakipagsiksikan, at nagpagod, at nagpakagutom masilayan lamang si Cory at makapagbigay ng kanilang pamamaalam. Sa semeteryo, mahigit sampung libo ang lumusot sa mga kapulisan upang makapasok sa kung saan siya dinala sa huling hantungan. Iyon lamang ang kanilang pakay … ang magpahayag ng kanilang pasasalamat at pagmamahal sa isang taong itinuring nila bilang hindi lamang Ina ng demokrasya, kundi Ina rin ng bayang Pilipinas. Nilabag nila ang kautusan ng pulis, ngunit wala silang nilabag na batas. Tanging pag-ibig at pasasalamat lamang ang kanilang batas na sinunod.

May pag-asa pa ang Pilipinas! Kung titingnan natin ang naganap noong mga araw na yaon, para itong taguyod ng Diyos sa kabila ng tagtuyot na panahon kung kailan ang masama ay itinuturing na mabuti at ang mabuti ay ginagamit para sa kasamaan!

Sa biyaya ng Diyos, marami na rin akong napuntahan sa buong daigdig. Ang Pinoy ay nasa mahigit sa 130 bansa sa buong mundo. Pati sa Eastern Europe ang Pinoy ay matatagpuan. Isa sa mga maliwanag na pagtataguyod ng Diyos sa tagtuyot ng Europa ay walang iba kundi ang pananatili ng mga Pinoy doon. Sila ang nagbibigay-buhay sa simbahan. Sila ang mga nagpapagalaw sa takbo ng liturhiya sa mga lugar na yaon. Sila ang mga umaawit at naglilingkod, nagpapahayag ng kagalakan sa pamumuhay Kristiyano, at nagsasabing mayroong taguyod mula sa Diyos sa kabila ng tagtuyot sa lipunang nababalot ng terorismo at marami pang ibang suliranin.

Ang pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan ay walang iba kundi pagtataguyod ng katotohanang ang karunungang mula sa Diyos ay buhay, umiiral, umaantabay, gumagabay sa lahat ng tao …. Ngayon, dito, saanman at kailanman.

Paanyaya sa atin ng ikalawang pagbasa na hayaang lumawig ang karunungang ito mula sa itaas. Sa halip na mapariwara dahil sa inggit, pagkamakasarili, at labis na pag-aasam, ang paanyaya sa atin ay yakapin ang karunungan mula sa Diyos. Ito ang malinaw na taguyod ng Diyos sa kabila ng tagtuyot!

Ang ebanghelyo naman ay tumutuon sa kasukdulan ng tagtuyot – ang kamatayang naghihintay sa Panginoon. Kasama ang mga disipulo sa paglalakbay sa buong Galilea, sinabi Niya nang tahasan ang totoo: “Ang Anak ng Tao ay ihahabilin sa mga tao na maghahatid sa kanya sa kamatayan, nguni’t matapos ang tatlong araw, siya ay muling mabubuhay.”

May lalampas pa kaya sa tagtuyot na ito, na kikitil sa kanyang buhay? May mas mapait pa kayang karanasan kaysa sa sinapit Niya sa pagbabalak at paggawa ng mabuti? Hindi ba ito ang kasukdulan ng tagtuyot ng kabutihan at katarungan?

Kung minsan, nadadala tayo ng kalungkutan dahil sa mga nagaganap sa ating lipunan. Wala na yatang taong tapat at kagalang-galang sa gobyerno, maging sa lehislatura, ehekutibo, at judicatura. Tila lahat ng nag-asam ng posisyon ay nag-asam din sa lahat ng maidudulot ng posisyon: pribilehiyo, poder, pera, at lahat ng iba pa – maging ang mali at kasuklam-suklam!

Tuyot at tigang ang mga lalamunan natin habang nagpupuyos ang damdamin at puso nating nais sumigaw ng katotohanan sa isang daigdig na tila hindi na nakikinig sapagka’t pati ang mundo ay nadala na rin ng kalakarang malayo sa Diyos.
Taguyod mula sa itaas ang hanap natin. Taguyod mula sa Diyos na maawain ang dasal natin.

Taguyod sa tagtuyot ang katangian ng buhay kristiyano. At sa araw na ito, hindi isang magic wand o isang kidlat o kulog ang balita Niya para sa ating lahat na nabubuhay pa dito sa lupang bayang kahapis-hapis.

Ang kanyang tugon at taguyod? Heto … kumuha ng isang batang paslit, iniupo sa kanyang harapan at nagwika: “Sinumang tumanggap sa isang batang ito sa ngalan ko, ay tumatanggap sa akin. At sinumang tumanggap sa akin, ay tumatanggap hindi sa akin, kundi sa nagsugo sa akin.”

Ang taguyod ng Diyos sa kabila ng tagtuyot ay hindi isang kulog at kidlat mula sa langit. Ito ay unti-unti at dahan-dahang nagkakatotoo sa pamamagitan ng mahihina, marurupok, at simpleng tao tulad nating lahat … tulad ng isang payak na bata na tila walang kaya, walang yaman, at walang tinig.

Ito ang karunungang mula sa langit. Ang taguyod ng Diyos ay narito … nagkukubli sa likod mo, sa likod ko, sa likod nating lahat. At ang tanging kailangan ay ito … tanggapin ang hamon ng Panginoon … tanggapin Siya sa kabila ng katigangan ng buhay.

Sapagka’t sa kaibuturan ng lahat … ang taguyod natin sa tagtuyot ay walang iba kundi ang Diyos na sa mula’t mula pa ay nagkaloob ng buhay sa gitna ng kadiliman at kawalan!

PAG-ASA SA LIKOD NG PAGDURUSA

In Homily in Tagalog on Hulyo 3, 2008 at 10:00

Ika-14 na Linggo – Taon A
Julio 6, 2008

Mga Pagbasa: Zacarias 9:9-10 / Roma 8:9,11-13 / Mateo 11:25-30

Di kaila sa lahat ng aking tagabasa na napakarami sa buong mundo ang nagdadaan ngayon sa matinding pagsubok. Hindi rin kaila sa lahat ng tumuntong na sa wastong isip, na ang suliranin at pagbabata ng sari-saring pagsubok ay bahagi ng buhay ng tao sa mundo. Libo-libo ang hanggang ngayon ay tumatangis sa pagkamatay ng napakaraming tao sa China matapos ang kagimbal-gimbal na lindol at baha. Gayun din ang karanasan ng higit na maraming tao na hinagupit ng malakas na bagyo sa Myanmar. At para sa atin sa Pilipinas, magpahangga ngayon ay libo-libo pa rin ang nagpapasan ng napakabigat na problemang hatid ng napakalakas na bagyo na kumitil sa buhay ng napakarami, kasama na rin dito ang pumanaw sa pagtaob ng isang barko sa may Romblon. Ang hindi matanggap ng marami ay ang katotohanang ang sakunang nabanggit ay bagay na dapat sana ay naiwasan, kung ang wastong pag-iingat at pagmamalasakit sa kapakanan ng kapwa ay lubhang pinag-ibayo.

Nagtitipon tayo tuwing Linggo para sa iba-ibang layunin. Ang una rito ay upang bigyang puri ang Diyos, ang sumamba at magpasalamat sa Kaniya na kinikilala natin bilang Diyos. Ngunit tayo ay nagtitipon rin upang  maghanap ng kahulugan sa lahat ng nagaganap sa ating buhay, sa ating lipunan, dito man o sa ibayong dagat. Alam natin na batay sa Banal na Kasulatan, ang Diyos ay nagpakilala sa pamamagitan ng kasaysayan at patuloy pa ring nagpapakilala sa atin.

Sa buong kasulatan, natutunghayan natin ang susun-susong mga hilahil na pinagdaanan ng bayang hinirang ng Diyos – ang Israel. Nakita natin kung paano paulit-ulit na ipinamalas ng Diyos sa kanyang bayan ang kahulugan ng pagtalikod sa Kaniyang kalooban at ang kinahihinatnan ng gawang kasalanan. Batid natin kung paano paulit-ulit na ipinaalala ng Diyos kung ano ang mga liksiyon na dapat matutunan nating lahat. Bagama’t hindi natin masasabing ang pagdurusa ay bunga ng kasalanang personal, ang pangaral ng Kasulatan ay malinaw – na ang kasalanan ay laging nagbubunga ng hindi maganda – kung hindi man sa gumawa, ay sa ibang tao, o sa buong lipunan.

Kung itong katotohanang ito ay malinaw sa Kasulatan, malinaw rin ang pangaral na taglay ngayon ng mga pagbasa natin sa araw na ito. Ano bang mga pangaral ang mga ito? Ano bang katotohanan ang dapat natin ngayong pagyamanin sa ating puso at kaisipan?

Una sa lahat, ang pangaral ng dakilang pag-ibig at pagmamalasakit ng Diyos sa kanyang bayan. Itong pagmamalasakit na ito ay nagbunga sa isang mensahe ng pag-asa. Ito ang mataginting na pahatid ni Zacarias: “Magsaya O anak na babaeng si Zion, magalak o anak na babaeng Jerusalem!” At ano ba ang dahilan? Sinabi ni Zacarias sa kanyang hula – ang pangako ng darating na manliligtas, lulan ng isang asno, na magiging pinuno ng buong sanlibutan.

Ikalawa, binabanggit ni San Pablo sa atin kung paano dapat natin kilalanin at pahalagahan ang ating sarili. Tayo, aniya, ay hindi lamang laman, hindi lamang katawang makalupa. Tayo ay nabubuhay sa antas at larangang espiritwal, yayamang tayo ay binubuo ng katawang lupa at kaluluwa.  Sa madaling salita, ang tao ay nakatuon at tinatawagan upang bagtasin ang larangang material, patungo sa antas ng espiritu.

Nguni’t ang pinakamagandang balita sa araw na ito ay ang napapaloob sa ebanghelyo. Napakayaman ang ebanghelyo natin sa araw na ito. Una sa lahat, ang bungad ng siping ito ay isang pasasalamat mula sa Anak sa kanyang Ama. Ang pasasalamat na ito ay may kinalaman sa dakilang biyaya na ipinagkaloob ng Ama sa mga itunuturing ng daigdig na walang kwenta, walang sinasabi, at walang karapatan – mga taong maliliit sa mata ng mundo. Ang malalim na pag-uugnayan ng Ama at ng Anak ay iniugnay ng Panginoon sa kanyang katumbas na pagmamalasakit sa mga walang kaya, sa mga aba, at sa mga kulelat sa mundo.

Hindi natin dapat pabayaang maglaho itong diwang ito dahil sa yaman ng sipi ng ebanghelyo. Maigting ang pagmamahalan ng Ama at ng Anak. At kasama sa maigting at mahigpit na pagmamahal na ito ang kanilang pagpapahalaga at pagmamahal din sa mga aba at sa mga kaawa-awa sa daigdig. Malapit sa puso ng Ama at ng Anak ang mga dukha, ang mga hindi aral, at mga maliliit sa daigdig.

Ito ang magandang balita na nais kong ikintal sa lahat ng mga nagtitiis at naghihirap sa anumang kadahilanan.

Kung ating susuriin, bagama’t ang puso ng Diyos ay malapit sa mga aba, at mabababa, hindi niya sinabing aalisin niya ang nakapatong na pasanin sa kanilang balikat. Ang sinabi niya ay napakahalaga … Ito ang nagbibigay kahulugan sa anumang pasaning nagpapabigat sa ating buhay. Ang sinabi niya ay may taglay na malaking aral: Matuto kayo sa akin … sapagka’t ako man ay mababa ang loob at aba rin tulad ninyo.

Samakatuwid, ang mahalaga ang kanyang sinasabi sa atin. At ang mahalagang ito ay ang katotohanang siya man ay may pasan na ibinabahagi sa atin … “kunin ninyo ang aking pamatok at pasanin …” Ang mahalaga ay ang kabatirang siya ay kasama natin sa bawa’t sandali ng paghihirap. Siya man ay nag-aral sa paaralan ng matinding pasakit at paghihirap.

Ang puso ko ay nakatuon sa mga tumatangis ngayon sapagka’t dahil sa mga sakuna at trahedyo ay hindi na nila mararamdaman ang init ng pagmamahal ng mga mahal sa buhay na pumanaw na. Ang aking isipan ay lubhang naantig sa kaalamang ang pagdurusang ito ay hindi dapat nangyari kung higit na maingat at propesyonal lamang ang mga may-ari at nagpapatakbo ng barko, at kung ang korupsyon ay hindi talamak sa ating lipunan.

Tulad ng Panginoon, wala akong maiaalay na dagliang solusyon. Wala akong malinaw na silogismo na tutugon sa napakaraming katanungan sa isip at puso ng taong tumatangis at naghihirap. Subali’t ako ay nakikiisa sa Panginoon, at nagsisikap ring pagyamanin nang higit pa ang kanyang magandang balita sa ating mga tumatangis – ang kaniyang pagdamay sa atin, tulad ng pagdadamayan ng Ama at ng Anak, tulad ng kanilang maigting na pagmamahalan.

Walang katugunan sa pagdurusa ng tao. Wala maliban sa isang nagsabi sa atin ngayon: “Matuto sa akin, sapagka’t ako man ay maamo at mababa ang loob.” “Tanggapin ninyo ang aking pamatok at pasanin, at makakakita kayo ng kapahingahan.”

Walang sagot sa tanong tungkol sa problema. Subali’t mayroon tayong karamay. Mayroon tayong kasama sa pagpapakasakit. At kung kasama natin Siya, anu pa ang hahanapin natin? “Pupurihin ko ang iyong ngalan magpakailanman, aking hari at Panginoon.”