Ika-14 na Linggo – Taon A
Julio 6, 2008
Mga Pagbasa: Zacarias 9:9-10 / Roma 8:9,11-13 / Mateo 11:25-30
Di kaila sa lahat ng aking tagabasa na napakarami sa buong mundo ang nagdadaan ngayon sa matinding pagsubok. Hindi rin kaila sa lahat ng tumuntong na sa wastong isip, na ang suliranin at pagbabata ng sari-saring pagsubok ay bahagi ng buhay ng tao sa mundo. Libo-libo ang hanggang ngayon ay tumatangis sa pagkamatay ng napakaraming tao sa China matapos ang kagimbal-gimbal na lindol at baha. Gayun din ang karanasan ng higit na maraming tao na hinagupit ng malakas na bagyo sa Myanmar. At para sa atin sa Pilipinas, magpahangga ngayon ay libo-libo pa rin ang nagpapasan ng napakabigat na problemang hatid ng napakalakas na bagyo na kumitil sa buhay ng napakarami, kasama na rin dito ang pumanaw sa pagtaob ng isang barko sa may Romblon. Ang hindi matanggap ng marami ay ang katotohanang ang sakunang nabanggit ay bagay na dapat sana ay naiwasan, kung ang wastong pag-iingat at pagmamalasakit sa kapakanan ng kapwa ay lubhang pinag-ibayo.
Nagtitipon tayo tuwing Linggo para sa iba-ibang layunin. Ang una rito ay upang bigyang puri ang Diyos, ang sumamba at magpasalamat sa Kaniya na kinikilala natin bilang Diyos. Ngunit tayo ay nagtitipon rin upang maghanap ng kahulugan sa lahat ng nagaganap sa ating buhay, sa ating lipunan, dito man o sa ibayong dagat. Alam natin na batay sa Banal na Kasulatan, ang Diyos ay nagpakilala sa pamamagitan ng kasaysayan at patuloy pa ring nagpapakilala sa atin.
Sa buong kasulatan, natutunghayan natin ang susun-susong mga hilahil na pinagdaanan ng bayang hinirang ng Diyos – ang Israel. Nakita natin kung paano paulit-ulit na ipinamalas ng Diyos sa kanyang bayan ang kahulugan ng pagtalikod sa Kaniyang kalooban at ang kinahihinatnan ng gawang kasalanan. Batid natin kung paano paulit-ulit na ipinaalala ng Diyos kung ano ang mga liksiyon na dapat matutunan nating lahat. Bagama’t hindi natin masasabing ang pagdurusa ay bunga ng kasalanang personal, ang pangaral ng Kasulatan ay malinaw – na ang kasalanan ay laging nagbubunga ng hindi maganda – kung hindi man sa gumawa, ay sa ibang tao, o sa buong lipunan.
Kung itong katotohanang ito ay malinaw sa Kasulatan, malinaw rin ang pangaral na taglay ngayon ng mga pagbasa natin sa araw na ito. Ano bang mga pangaral ang mga ito? Ano bang katotohanan ang dapat natin ngayong pagyamanin sa ating puso at kaisipan?
Una sa lahat, ang pangaral ng dakilang pag-ibig at pagmamalasakit ng Diyos sa kanyang bayan. Itong pagmamalasakit na ito ay nagbunga sa isang mensahe ng pag-asa. Ito ang mataginting na pahatid ni Zacarias: “Magsaya O anak na babaeng si Zion, magalak o anak na babaeng Jerusalem!” At ano ba ang dahilan? Sinabi ni Zacarias sa kanyang hula – ang pangako ng darating na manliligtas, lulan ng isang asno, na magiging pinuno ng buong sanlibutan.
Ikalawa, binabanggit ni San Pablo sa atin kung paano dapat natin kilalanin at pahalagahan ang ating sarili. Tayo, aniya, ay hindi lamang laman, hindi lamang katawang makalupa. Tayo ay nabubuhay sa antas at larangang espiritwal, yayamang tayo ay binubuo ng katawang lupa at kaluluwa. Sa madaling salita, ang tao ay nakatuon at tinatawagan upang bagtasin ang larangang material, patungo sa antas ng espiritu.
Nguni’t ang pinakamagandang balita sa araw na ito ay ang napapaloob sa ebanghelyo. Napakayaman ang ebanghelyo natin sa araw na ito. Una sa lahat, ang bungad ng siping ito ay isang pasasalamat mula sa Anak sa kanyang Ama. Ang pasasalamat na ito ay may kinalaman sa dakilang biyaya na ipinagkaloob ng Ama sa mga itunuturing ng daigdig na walang kwenta, walang sinasabi, at walang karapatan – mga taong maliliit sa mata ng mundo. Ang malalim na pag-uugnayan ng Ama at ng Anak ay iniugnay ng Panginoon sa kanyang katumbas na pagmamalasakit sa mga walang kaya, sa mga aba, at sa mga kulelat sa mundo.
Hindi natin dapat pabayaang maglaho itong diwang ito dahil sa yaman ng sipi ng ebanghelyo. Maigting ang pagmamahalan ng Ama at ng Anak. At kasama sa maigting at mahigpit na pagmamahal na ito ang kanilang pagpapahalaga at pagmamahal din sa mga aba at sa mga kaawa-awa sa daigdig. Malapit sa puso ng Ama at ng Anak ang mga dukha, ang mga hindi aral, at mga maliliit sa daigdig.
Ito ang magandang balita na nais kong ikintal sa lahat ng mga nagtitiis at naghihirap sa anumang kadahilanan.
Kung ating susuriin, bagama’t ang puso ng Diyos ay malapit sa mga aba, at mabababa, hindi niya sinabing aalisin niya ang nakapatong na pasanin sa kanilang balikat. Ang sinabi niya ay napakahalaga … Ito ang nagbibigay kahulugan sa anumang pasaning nagpapabigat sa ating buhay. Ang sinabi niya ay may taglay na malaking aral: Matuto kayo sa akin … sapagka’t ako man ay mababa ang loob at aba rin tulad ninyo.
Samakatuwid, ang mahalaga ang kanyang sinasabi sa atin. At ang mahalagang ito ay ang katotohanang siya man ay may pasan na ibinabahagi sa atin … “kunin ninyo ang aking pamatok at pasanin …” Ang mahalaga ay ang kabatirang siya ay kasama natin sa bawa’t sandali ng paghihirap. Siya man ay nag-aral sa paaralan ng matinding pasakit at paghihirap.
Ang puso ko ay nakatuon sa mga tumatangis ngayon sapagka’t dahil sa mga sakuna at trahedyo ay hindi na nila mararamdaman ang init ng pagmamahal ng mga mahal sa buhay na pumanaw na. Ang aking isipan ay lubhang naantig sa kaalamang ang pagdurusang ito ay hindi dapat nangyari kung higit na maingat at propesyonal lamang ang mga may-ari at nagpapatakbo ng barko, at kung ang korupsyon ay hindi talamak sa ating lipunan.
Tulad ng Panginoon, wala akong maiaalay na dagliang solusyon. Wala akong malinaw na silogismo na tutugon sa napakaraming katanungan sa isip at puso ng taong tumatangis at naghihirap. Subali’t ako ay nakikiisa sa Panginoon, at nagsisikap ring pagyamanin nang higit pa ang kanyang magandang balita sa ating mga tumatangis – ang kaniyang pagdamay sa atin, tulad ng pagdadamayan ng Ama at ng Anak, tulad ng kanilang maigting na pagmamahalan.
Walang katugunan sa pagdurusa ng tao. Wala maliban sa isang nagsabi sa atin ngayon: “Matuto sa akin, sapagka’t ako man ay maamo at mababa ang loob.” “Tanggapin ninyo ang aking pamatok at pasanin, at makakakita kayo ng kapahingahan.”
Walang sagot sa tanong tungkol sa problema. Subali’t mayroon tayong karamay. Mayroon tayong kasama sa pagpapakasakit. At kung kasama natin Siya, anu pa ang hahanapin natin? “Pupurihin ko ang iyong ngalan magpakailanman, aking hari at Panginoon.”