frchito

Posts Tagged ‘Kaligtasan’

PERA O PERLAS? LUNAS NA WAGAS AT WALANG KUPAS!

In Uncategorized on Nobyembre 15, 2014 at 09:12

images-1

Ika-33 Linggo ng Taon A

Nobyembre 16, 2014

PERA O PERLAS? LUNAS NA WAGAS AT WALANG KUPAS!

Mapaghanap tayo sa kapayapaan at katiyakan. Walang masama dito. Hindi kasalanan ang magsikap upang magsuksok upang may madudukot pagdating ng tag-tuyot o tag-ulan. Lahat tayo ay nag-aasam magkaroon ng kasiguraduhan sa ating pagtanda. Mabuti na ang may itinanim, sapagka’t tiyak na may aanihin.

Wala ring masama sa mag-asam ng higit pa. Walang masama ang maghanap ng tunay na halaga galing sa ating pinagpaguran. Kung kaya’t tama ang sabi ni Aklat ng Kawikaan, ang “isang mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.” Iba ang presyo at iba ang halaga. Maaring mababa ang presyo ng isang bagay, pero sa espiritwal na pamantayan, ay lubhang mahalaga.

Dito nagkakaiba ang negosyante at ang mananampalataya o ang taong may buhay espiritwal. Hindi lahat ay natutumbasan ng presyo. Hindi lahat ay mabibigyan natin ng makamundong halaga. At kung ang pag-uusapan ay ang buhay sa kabila, mayroong malaking kaibahan ang mapagtuos at ang mapag-paanyo. Ang mapagtuos ay puro presyo o pera ang nasa isip at salita. Ang mapag-paanyo ay hindi lamang pera o kantidad ang hanap, kundi ang tunay na kahalagahang higit pa sa material na bagay sa daigdig.

Ang mapag-paanyo ay katumbas ng mga taong “hindi nabubuhay sa kadiliman”, kundi “kabilang sa panig ng kaliwanagan.”

Ang nasa panig ng kadiliman ay mapagtuos, mapagkubli, mapaghinala. Ang binigyan ng iisang talento ay ganoon nga – mapaghinila na nga, ay mapagtago pa. Itinago at ibinaon ang iisang talentong tinanggap, at naghinala pang sakim ang nagkaloob sa kanya.

Ang nasa panig ng kaliwanagan ay mapag-paanyo, masikap, at masugid na naghahanap pa ng dagdag na halaga. Sa halip na ibaon ang lima at ang dalawang talento ay kanilang pinamunga, pinagyaman, pinayabong!

Sa panahon natin, malinaw ang daang dapat natin tahakin. Tinatawag tayo sa kaliwanagan, hindi sa kadiliman. Inihahatid tayo ng ebanghelyo sa tunay at wagas na kahalagahan, hindi lamang sa mababaw na presyo at material na timbangan. Bagama’t hindi masama ang maglagak ng salapi para sa kinabukasan, isang kahangalan ang manatili lamang dito at maging walang pansin sa tunay at wagas na kahalagahang pang kaluluwa at pangmagpakailanman.

Hindi na mahalaga kung iisa o dadalawa o lima o sampu ang talentong sa atin ay ipinagkaloob. Ang lubhang mahalaga ay ang gamitin ito, pagyamanin, payabungin, pagbungahin ang lahat ng ito ng dagdag pang kabutihan at ikabubuti ng daigdig at ng bayan ng Diyos.

At ano baga ang nasa likod ng lahat ng halagang ito? Walang iba kundi ang Diyos na siyang rurok at tuktok ng kahalagahan at kabutihan! Higit siya sa pera. Higit siya sa perlas. Siya ang lunas na wagas at kayamanang walang kupas. At wala nang iba pa.

“Sa Poon ay manatili siya’y sa atin lalagi, mamungang maluwalhati!”

Advertisement

PANGINOON, ANAK NI DAVID, MAAWA KA SA AKIN!

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Taon A on Agosto 16, 2014 at 15:24

Christ and the Canaanite Woman - c.1784 Germain-Jean Drouais

Ika-20 Linggo ng Taon A
Agosto 17, 2014

PANGINOON, ANAK NI DAVID, MAAWA KA SA AKIN!

Gusto ko ang mga aso. Hindi. Hindi ko sila kinakain, pero gusto ko na may alaga akong aso. Pampaalis ng stress, ika nga nila, at totoong napatunayan ko na ito.

Pero ang pagninilay na ito ay hindi tungkol sa aso, pero tungkol sa taong itinuring na parang aso na dapat sipain, dapat paalisin, dapat huwag pansinin, ni pakinggan.

Ito ang tingin sa mga taong galing sa Tiro at Sidon – mga paganong hindi dapat makahalubilo ng mga Israelita. Pero may dalawang mahahalagang bagay ang laman ng mga pagbasa ngayon. Una, si Jesus ang unang naparoon sa region ng Tiro at Sidon. Siya ang gumawa ng hakbang upang marating ang lugar na hindi pinupuntahan ng mga may pananampalataya.

Ikalawa, ang babaeng Cananea, ay gumawa rin ng hakbang na hindi dapat ginagawa ng isang babaeng wala sa samahang Judio. Lumapit siya kay Jesus. Pinagsikapan niyang buwagin ang bakod na naghihiwalay sa kanya at sa taong tanging sila lamang ang makapagbibigay-tugon sa nilalaman ng kanyang puso.

Ginawa ni Jesus ang hindi inaasahan. Ginawa ng Cananea ang hindi pinapayagan. Pareho silang gumawa ng bagay na hindi pangkaraniwan. Tulad nang hindi pangkaraniwan na ang tuta ay makisalo sa hapag ng kaniyang amo.

Damang-dama ko ang pinagdadaanan ng isang tutang ulila. Tulad ng damang-dama ko ang paghihirap ng mga kristiyanong walang nagmamalasakit liban ang simbahan – ang mga pinag-uusig at hinahabol at pinapatay na parang mga asong pinalalayas sa kanilang mga bahay at mga lupang tinubuan.

Damang-dama ko ang panaghoy ng isang Cananeang walang pumapansin, walang nagmamalasakit, at sa kabila ng kanyang matinding pangangailangan ay iniiwasan ng karamihan.

Pero hindi ko lamang dama ang ginawa ng Diyos para sa mga siniphayo ng tadhana. Batid kong ang ginawa ni Jesus ay siyang nais gawin ng Diyos, tulad ng sinabi ni Isaias sa unang pagbasa: “Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin.”

Tuta man ay may karapatan. Tuta man ay pinagmamalasakitan ng Diyos. Si Jesus mismo ang gumawa ng daan nang siya ay magtungo sa Tiro at Sidon. Nguni’t bunsod ng matinding pangangailangan, at bunsod rin ng matimyas na pag-asa at pananampalataya, ay lumapit rin at nangahas ang babaeng Cananea. Nagdasal. Nanikluhod. Naki-usap … “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

Maawa ka sa amin Panginoon. Maawa ka sa mga aping tinutugis ng mga halimaw sa Iraq at Syria. Maawa ka sa mga taong pinagtampuhan na ng lipunan at ng tadhana. Maawa ka sa mga taong tila wala nang nakaka-alaala, at pinanawan na ng pag-asa. Tanging ikaw, Panginoon, ang kanilang maaring lapitan. Tanging Ikaw, Panginoo, ang kanilang kaligtasan.

Tuta man ay nais makikain. Tuta man ay mayroon ring damdamin. Tuta man ay mayroong ring panimdim at mithiin. At ako, sa pagkakataong ito, ay nag-aasal tuta na nag-aasam, sumasamo, humihiling … para sa mga taong nag-aasal hayop sa kanilang kapwa tao, para sa mga nagdurusa, sa mga nagdadaan sa matinding pagsubok.

Tuta man akong tila walang kaya, ay nagpapahayag ng lakas ng pananampalataya …yayamang ikaw mismo Panginoon ang lumapit sa aming nangangailangan ng kaligtasan … yayamang ikaw ang unang nagmahal sa amin, unang gumawa ng hakbang, at unang nagkaloob ng wasto at tama, biyaya at pag-asa … kami ay nagsusumamo … Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa amin!