frchito

Posts Tagged ‘Kaligtasan’

PALASPAS AT PAHIMAKAS

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Mahal na Araw, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Abril 12, 2014 at 14:26

Christ's Entry into Jerusalem by Hippolyte Flandrin c. 1842

Linggo ng Palaspas (Taon A)
Abril 13, 2014

PALASPAS AT PAHIMAKAS

Linggo na naman ng palaspas. Dagsa na naman ang tao sa mga simbahan, at tulad nang dati, mayroong darating nang huli sa Misa at magpupumilit magpabasbas ng palaspas sa labas ng Misa. Marami rin ang mga magbibiyahe sa probinsiya. Marami ang nagbabalak nang magpunta sa mga beaches, sa Borawan, Boracay, Matabungkay o saanman.

Para sa mga magsisimba sa araw na ito, mainam na simulan natin ang pagninilay sa sinabi ng Panginoon sa simula ng pagbasa ng pasyon ayon kay Mateo: “Ang nakatakdang panahon ay malapit nang dumating.” Ano ba ang nakatakdang panahong ito?

Madaling sagutin ito, pero hindi madaling ipaliwanag. Sa simpleng salita, ito ang tinatawag na “oras” ng kaligtasan, ang mahaba at masalimuot na prosesong itinalaga ng Diyos mula pa sa simula upang ibalik at ang tao sa kanyang nakatakdang tadhana. Ito rin ang tinatawag na misteryo o hiwaga ng gawang pagliligtas ng Diyos sa taong naligaw at nagkasala, upang mapanuto at maibalik sa kanyang piling. Ito ang binabanggit na hiwaga o misteryo na sa mula’t mula pa ay nasa isipan na ng Diyos na unti-unting ibinunyag sa mahabang kasaysayan ng kaligtasan, magmula pa kay Abraham, sa mga propeta, magpahaggang isinilang si Jesus na tagapagligtas.

Inaantok na ba kayo sa aking sagot? Sabi ko sa inyo, madaling sagutin, pero mahirap ipaliwanag.

Pero hindi mahirap intindihin na lahat tayo ay kailangan ng tulong mula sa itaas. Hindi mahirap unawain na tayo ay nangangailangan ng tagapagligtas. Ang Diyos na lumikha sa atin ay siya ring nagliligtas sa atin, at siya ring may balak para sa ating ganap na kaligayahan.

Nang si Jesus ay isinilang, may pagsasaya. Umawit ang mga anghel, at nagsipagsaya ang mga pastol, at ang mga unang nakakita sa isinilang na inaasahang Mesiyas. Nang si Jesus ay pumasok sa Jerusalem, nagsaya rin ang mga taong malaon nang naghihintay. Dito ngayon pumapasok sa usapin ang palaspas.

Sa kanilang pagsasaya at mapitagang pagbati sa inaasahang Mesiyas, nagwagayway sila ng mga sanga, mga palaspas, at naglatag ng mga balabal sa daan. Kasayahan ang diwa ng unang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang palaspas ay hindi lamang palaspas na ipinapagaspas, kundi isang pahimakas … isang tanda … isang signo … isang pahatid tungkol sa higit na mahalagang bagay.

Ang lahat ng gagawin natin sa buong linggong ito (semana santa) ay pawang pahimakas. Ang mga ito ay tandang nagtuturo sa higit na malalim na kahulugan na may kinalaman sa ating kaligtasan. Pero hindi lamang tanda tulad ng isang tarpaulin, o tulad ng isang watawat. Ang mga tanda na nakikita natin at ginagawa sa liturhiya ay pawang tandang mabisa na nagsasagawa at nagsasakatuparan ng kung ano mang itinatanda o isinasagisag.

Sana ay huwag mauwi lamang sa tanda ang ating gagawin sa buong Linggong ito. Dagsa ang tao ngayon sa simbahan, pero sa Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de gloria, ay mas dagsa ang tao sa languyan, sa dalampasigan, at kung saan mas malamig.

Nagsimula tayo sa palaspas. Huwag tayong masiyahan sa kaunting pagaspas. Limiin natin sana at unawaing mabuti at magaling kung ano ang hatid na pahimakas, kung ano ang ibinubulalas ng ating ginagampanan sa simbahan.

Iisa lamang ito … ang ating kaligtasang naganap, nagaganap, at patuloy pang magaganap sa simbahan … ngayon … kung kailan ang nakatakdang panahon ay malapit na.

Ngayon ang nakatakdang panahon. Huwag sana tayo maghanap pa ng iba. Si Kristo ang mananakop at tagapagligtas: sa kanyang pagsilang, sa kanyang pagiging tao, sa kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay! Ang lahat ng ginampanan niya ay bakas at pahimakas ng ating panibagong bukas!

Advertisement

AMPAW NA, BULAG PA!

In Catholic Homily, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 28, 2014 at 11:42

man-born-blind1
Ika-apat na Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 30, 2014

AMPAW NA, BULAG PA!

Ewan ko ba kung bakit biglang naging uso uli ang ampaw. Pagkain namin yan noong araw, kasama ng choc-nut (na malaki pa at nakabubusog!) at balicucha (o tira-tira) na wala na ngayong pumapansin. Iba na ang gusto ng mga bata ngayon … kundi burger (burjer!) ay Mang Inasal o Starbucks!

Hindi na rin uso ang taguan kapag madilim na gabi, o tumbang preso kung maliwanag ang buwan. Wala na rin ngayong naglalaro sa labas ng bahay, at lalu na sa gabi kasi … bakit ka nga naman magtatakbo at magpapalaban ng gagamba kung puede namang mag Dota, o mag- candy crush, o mag-Flappy Bird!

Maraming ilaw sa ating panahon. Pero maraming bulag. Maraming pailaw ngayon kahit saan, lalu na yung galing sa mga posteng may letra pa ng mga pangalan ng ewan, na napapalitan naman tuwing 6 o 9 na taon! Pero marami ang bulag sa katotohanang wala na ni isang matinong bangketa sa buong Pilipinas. Nabarahan na ng mga pailaw ni Mayor o ni Congressman.

Marami ring pailaw ang COA. Marami raw silang nadidiskubreng anomalya. Pero tila bulag pa rin ang kinauukulan. Tatlo lamang ang kanilang idinidiin. At lalong bulag ang mga botante. Patuloy silang bumoboto sa mga tiwali, basta ba’t namimigay kapag piyesta, at nagpapasaya tuwing Pasko!

Kay daming liwanag sa ating panahon, subali’t kay rami ring kadiliman. Kay raming puedeng pagkunan ng sagot sa mga katanungan, subali’t kapag ang sagot ay hindi sang-ayon sa aking inaasahan, ay hindi ko tinatanggap. Kay raming kaalaman, subali’t kay rami ring kamangmangan. Kay raming karangyaan, pero kay rami rin kadayaan at kasakiman.

Hindi … hindi ko tinutukoy lamang ang mga nasa posisyon. Ang unang-unang tinatamaan sa aking sinasabi ay ako … ikaw … sila … tayong lahat.

Bulag rin ang mga taon noon sa lumang tipan. Hindi nila akalaing ang pinili ng Diyos ay ang hindi pinapansing pastol na si David. Ang liwanag ng kalooban ng Diyos ay nakatuon kung saan puro kadiliman ang nakita ng tao. Sabi rin ni Pablo na “dati ay nasa kadiliman tayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag.”

Bulag rin ang mga Pariseo. Pinagaling na’t lahat ang lalaking isinilang na bulag ay panay pa rin ang tanong sa kanya nang paulit-ulit at mga tanong na ayaw naman nila makita ang sagot. Bulag ang mga taong walang pakundangan sa liwanag. Mas bulag ang taong nagbubulag-bulagan, at higit na mahirap gamutin ang taong nagsasakit-sakitan.

Pero lumalabas na ang isinilang na bulag ay may nakikitang liwanag na nalingid sa mga ayaw maniwala. Siya lamang ang nagsabi ng malinaw niyang nakita: “Isa siyang Propeta.”

Mahirap ang bobo na nagdudunung-dunungan. Mahirap gisingin ang taong nagtutulog-tulugan. Mahirap ang taong mas gusto pang manatili sa dilim, kaysa sa liwanag.

Para silang ampaw. Puro porma, wala namang laman. Puro hechura, wala namang hiratsa! Parang mga Pariseong wagas na ampaw na panay ang imbestigasyon sa pobreng bulag, pero ayaw naman nila makita ang totoong nagsusumigaw sa kanilang harapan. Ampaw na, bulag pa!

Bilib at saludo ako sa bulag. Marami siyang alam at lalung maraming nakita sapagkat hindi matang pisikal ang kanyang gamit, kundi ang mata ng pananampalataya, mata ng puso, matang mapagmatyag, at mapag-kilatis, at alam tukuyin kung ang kausap niya ay isa lamang ampaw, o isang propetang nagsabi sa kanya: “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo.” Siya ay hindi ampaw, kundi kaligtasan ng sanlibutan!

O ano? Mamili ka … kwarta o kahon? Hindi! Ampaw o ilaw? ILAW!