frchito

Posts Tagged ‘Pagninilay sa Simbang Gabi’

NAKATAYO SA HARAPAN NG DIYOS

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating on Disyembre 17, 2009 at 17:34

Ika-4 na Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 19, 2009

Mga Pagbasa: Hukom 13:2-7 / Lucas 1:5-25

Kahapon, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagiging matapang, ang pagkakaroon ng sapat na pagtitiwala sa Diyos upang hindi mapadala sa takot at pangamba. Narinig natin si Jeremias at ang kanyang pangako na nasa likod ng ating pag-asa: “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, at ang kaganapan ng kapayapaan magpakailanman.”

Inilista natin ang lahat ng mga dahilan kung bakit ang pangamba at takot ay bumabalot sa lipunan natin ngayon. Nguni’t sa kabila ng mahabang listahang ito, higit na lamang at higit na makapangyarihan ang pag-asang dulot ng pangako ng Diyos: “Darating ang mga araw … kung kailan uusbong ang makatarungang sanga na mamumuno nang may katalinuhan at karunungan … maliligtas si Juda at ang bayang Israel ay mabubuhay sa katiwasayan.”

Darating ang mga araw … ito ang malimit na pasimula sa mga pangako ng mga propeta … ang mga araw na tinaguriang Araw ni Yahweh, ang araw na nilikha ng Panginoon, na isang larawan ng kalubusan at kaganapan ng lahat ng ating pinakahihintay – ang kaligtasang kaloob ng Diyos.

Darating ang mga araw … isang mahalagang katotohanan ang nasa likod nito … nagsimula na ang pangako, ngunit hindi pa natin nakakamit ang katuparan at kalubusan nito. Ito ang diwa ng panahon ng pagdating o adviento … diwa ng paghihintay na tigib ng pag-asa.

Nguni’t sa kabila ng lahat, marami tayong pangamba. Takot tayo maglakbay sa Mindanao. Takot tayo sa mga kandidatong trapo na naglipana sa eksena political ng lipunan nating nahirati sa isang bulok na sistema na patuloy na lumilikha ng mga gahaman at hayok sa kapangyarihan at kayamanan. Takot tayo lumabas man lamang ng bahay pagkagat ng dilim. Takot tayo iwanang walang tao ang bahay natin lalu na ngayong kapaskuhan.

Mahaba ang listahan natin para matakot.

Iyan ang isa mga dahilan kung bakit tayo nagtitipon tuwina sa Simbahan, lalu na sa Simbang Gabi. Wala yatang pananawa ang Pinoy sa pag-asa. Binaha na tayo at lahat, at nakaranas ng pagguho ng lupa sa Benguet at sa iba pang lugar, nguni’t pagsapit ng Kapaskuhan, ay balik na naman tayo sa diwa ng pag-asa.

Mahaba rin ang listahan natin upang magpatuloy umasa. At sa araw na ito, dinadagdagan pa ng mga pagbasa ang listahang ito. Banggitin natin ang ilang pinakmahalaga …

Una, sino ang may sabing ang matatanda ay wala nang silbi? Sino ang may sabing ang gurang ay wala nang maaaring gawin? Hindi ito ang laman ng ating narinig kani-kanina lamang! Nandyan si Manoah, ama ni Samson, at ang kanyang matanda na ring asawa … Sa kanilang katandaan ay naging magulang pa sila ni Samson!

Nandiyan din sina Zacarias at Isabel … gurang pero hindi kulang! Hindi sila kulang sa kabukasang-palad at pagtalima sa panawagan ng Diyos. Gurang sila nguni’t hindi kulang sa tapang, sa kakayahang sumuong sa paghamon mula sa Diyos. Bagama’t matanda, hindi nila inalintana ang kahihinatnan ng kanilang pagtalima.

Ito ngayon ang magandang balita sa atin. Bakit tayo nababalot ng takot? Bakit tayo nag-aatubiling sumunod sa Diyos? Simple lamang ito … sapagka’t mayroon itong kapalit … mayroon itong halagang dapat pagbayaran. Mayroon itong katumbas na panunungkulan na dapat harapin. At dito tayo nanghihinawa at naglalakad na sukot ang buntot. Ayaw natin magambala … ayaw natin ang malukot, kumbaga, o madungisan ang kwelyo ng ating baro o kamisa. Ayaw natin ng komplikasyon sa buhay.

Pero ano ba ang liksiyon ng dalawang pagbasa? Nang sinunod ni Manoah ang paghamon, hinarap niya ang mga tungkuling ito: hindi pag-inom ng alak, hindi pagkain ng anumang marumi, at pati si Samson ay inatangan ng tungkuling huwag mag-ahit sapagka’t siya ay itatalaga sa Diyos sapul sa pagkabata.

Ano ang kinahinatnan ng pagsunod ni Jose? Pagkatapon sa Egipto … paglipat ng tahanan, pagdadala kay Maria at sa sanggol sa malayo upang takasan ang pagkamuhi ni Herodes. Naging komplikado ang buhay ni Jose nang siya ay sumagot sa Diyos. Ito ay sa kabila ng pahatid ng anghel na nagsabi: “Huwag kang matakot Jose na iuwi si Maria sa iyong bahay.” Ito rin ang sinabi ng anghel kay Zacarias na nahihintakutan at sa kanyang takot ay napipi: “Huwag kang mangamba Zacarias, sapagka’t ang iyong panalangin ay dininig ng Diyos.”

Maraming pagsubok ang naghihintay pa sa atin bilang isang bayan. Umaatikabo na naman ang bundok Mayon. Nagsilitawan na naman ang mga politikong mamamatay-tao sa Maguindanao. Naglipana ang mga baril at bala na dati-rati’y pag-aari ng gobyerno, pero sumapa-kamay ng mga kriminal na alaga ng mga politico. At ang dayaan na isang institusyon na sa Pilipinas tuwing eleksyon ay tila hindi maampat sa kabila ng automasyon ng halalan. Dumarami ang mga dukha. Dumarami rin ang mga mangmang na pinagsasamantalahan ng mga tampalasang politico. Dumarami ang walang kakayahang humusga ng kung sino ang dapat ihalal, bagkus natatangay na lamang ng kung sino ang napupusuan ng kapuso at kapamilya network. Ang pinipili ng tao ay ang popular, hindi ang karapat-dapat at may political will. Ang pinipili nila ay ang nakasakay sa popularidad ng isa nating pinakamamahal na dating presidente. At ang masahol pa rito, ay tila wala pa ring kaisahan ang mga Pinoy, at sino mang naging presidente natin ay kinamuhian natin at hindi nagustuhan, kasama yung iniidolo natin na sumailalim sa napakaraming kudeta sa anim na taon.

Mahaba ang listahan natin upang tumalungko na lamang at sumuko sa agos ng mga pangyayari. Mahaba ang listahan nina Manoah upang hindi tumalima, pati na rin si Zacarias. Ngunit alam ba ninyo kung ano ang nasa likod ng kanilang pagsunod sa Diyos na siyang batayan ng kanilang pag-asa?

Ito ang saad ng mga pagbasa ngayon … ang anghel na nagwika: “Ako si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos.”

Nakatayo sa harapan ng Diyos …. Ito ang sikreto ng mga taong puno ng pag-asa. Ito ang lihim ng mga tagasunod ni Kristong Mananakop na puno ng tapang – ang pagkatindig sa harapan ng Diyos!

Ikaw saan ka nakatindig? Saan ka nakasandig?

Advertisement

HUWAG MATAKOT, HUWAG MANGAMBA!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Propeta Jeremias, San Jose on Disyembre 16, 2009 at 17:00

Ika-3 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo –Taon K
Diciembre 18, 2009

Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25

Marami-rami na ring lugar at bansa akong napuntahan, sa biyaya ng Diyos. Hinangaan ko ang mga iba-ibang lugar na ito sa tanang buhay ko. Marami-rami na rin akong napuntahan sa Pilipinas, at masasabi kong, kung mayroong dapat hangaan sa ibang bansa, ay lalu nang maraming dapat hangaan sa bayan natin – mga likas-yaman ng kalikasan at ng kapaligiran na hindi madaling mapawi sa alaala.

Maganda ang bayan natin, nakabibighani. Tama si Rizal na tawagin itong perlas ng silanganan. Nguni’t tama rin siyang tagurian itong “el nuestro perdido Eden!” – and ating naglahong Paraiso. Maganda ang Mindanao … ang mga isla natin at karagatan … subali’t ilan sa inyo ang panatag ang loob na maglakbay sa lugar kung saan malimit may pinupugutan ng ulo, kung hindi ginagawang bihag ng mga walang konsiyensiyang nakikipaglaban diumano sa kanilang karapatan?

Pangamba at takot ang naghahari sa puso natin tuwina. Hindi man lamang natin maiwan nang walang tao ang mga bahay natin, lalu na ngayong kapaskuhan. Noong nakaraang taon, isang OFW ang nagbakasyon, lumabas lamang ng bahay upang sunduin ang asawa matapos magsimba sa Baclaran, kasama ang kanyang kaisa-isang anak na nagdiriwang ng kanyang kaarawan … sa Kamaynilaan … sa lugar na matao, sa lugar na dapat sana ay mapayapa at tahimik … nguni’t sa isang iglap ay pinaulanan siya ng bala ng mga pulis at mga kriminal.

Pangamba at takot … Ito ang dahilan kung bakit hindi makausad ang bayan natin. Takot tayo sa mga kandidato sa eleksyon sa isang taon. Takot tayo sa mga nabansagang ka-alyado ng kinamumuhiang presidente. Takot tayo sa mga “honorable” na nagkukupkop ng mga mamamatay-tao na nagkukubli sa likod ng “public service.” Takot tayo sa kapwa. Hindi man lamang tayo makasakay ng bus, na hindi sinasagian ng pangamba na mayroong holdaper tayong kasabay, o katabi.

Pangamba at takot … ito ang pang-araw-araw na yata nating karanasan. Ito rin ang naging karanasan ni Jose … na nabigla nang malamang kagampan pala ang kanyang katipan. Pangamba at takot … ito ang walang puknat na damdaming bumagabag sa mga Israelita na napapalibutan ng mga higanteng mga kaharian na sa anumang oras ay puedeng dumagit na parang agila sa kanilang maliit na bayan. Ito rin ang pangambang pinagsikapang pawiin ng mga propetang sugo ng Diyos sa Lumang Tipan. Sa kanilang panghuhula o pagwiwika sa ngalan ni Yahweh, isang mataginting na pangako ang kanilang binitiwan tuwina: “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, at ang kaganapan ng kapayapaan magpakailanman.”

Sino sa atin ang hindi naaantig ang damdamin tuwing maririnig natin ito? Sino sa atin ang hindi naghahanap ng kapayapaan at katarungan? Lahat tayo ay nakaranas ng pang-aagrabyado mula sa kapwa natin. Alam natin na hindi pantay-pantay ang turing ng tao sa isa’t isa. Alam nating ang paghihirap ay bunga ng walang iba kundi ng kasalanan ng tao, na nagbubunsod sa napakarami sa kahirapan at sari-saring suliranin. Alam natin na sa dami ng droga na ginagawa malamang pati ng mga kapitbahay nating Intsik, o mga politikong honorable sa mga lalawigan natin, ay libo-libong kabataan ang nagugumon sa droga.

Pangamba … Ito ang totoo sa buhay ng tao. Ito ang masamang balitang bumabalot sa kamalayan natin.

Nguni’t teka … Ito lamang ba ang katotohanan sa buhay ng tao?

Pangako … Ito ang nasa kabila ng lahat ng ito. Pangako ng Diyos na hindi makapaglilinlang at nanlilinlang … “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon at ang kaganapan ng kapayapaan magpakailanman!”

Pangako … Ito ang magandang balitang pinagpupuyatan natin. Walang taong nagpupuyat kung walang inaantay at inaasahan! Noong bata pa ako, tuwing darating ang Pasko, kahit antok na antok na ako, ay pinagsisikapan kong imulat ang mata sapagkat inaantay ko si Santa Claus (kahit na wala naman ako masyadong natanggap sa kanya!). Hindi tayo magpupuyat kung wala tayong inaasam at inaasahan. Ito ang dahilan kung bakit tayo narito at gumigising ng maaga o nag-aalay ng dagdag na oras sa gabi upang magsimba.

Tayo ay bayan ng mga nag-aasam. Tayo ay kabilang ng isang bayang naghihintay. Tayo ay kasapi ng isang samahan (simbahan o ekklesia o katipunan) ng mga taong hindi lamang nag-aasam kundi umaasa.

Pag-asa … ito ang espesyalisasyon ng mga Kristiyano. At ang pag-asang ito ay hindi bunga ng pag-aasam lamang o pag-aapu-apuhap lamang sa dilim kundi sa isang liwanag na suminag sa karimlan … Ang paghihintay natin sa Pasko ay sapagka’t sumambulat na ang liwanag ng kaligtasan – ang pangakong darating na Prinsipe ng Kapayapaan ay sumapi na sa ating makamundong kasaysayan!

Ito ang mensahe ni Jeremias … Isa siya sa mga propetang nagdusa dahil sa kanyang pahatid. Nguni’t sa kabila ng pansamantalang pagdurusa niya, buong tapang niyang ginampanan ang buong tapang ring pinasan ni Jose, asawa ni Maria … “Huwag kang matakot Jose na tanggapin si Maria bilang iyong esposa” Ito ang tapang ng isang mananampalataya … tulad ng tapang ni Jeremias na nagmakaingay at patuloy na nagpahayag: “Ang bayang Israel ay mamumuhay na balot ng katiyakan at katiwasayan!”

Patuloy itong pahatid ng Diyos sa atin. Ang pahatid na ito ay umiinog sa pag-asa. At ang pag-asang ito ay puno ng pangako. Ang pangakong ito ay sumisilay na parang liwanag ng kaligtasang sumilay sa pagdating ng Mananakop. At ang pagsilay na ito ay nagaganap sa buhay ng bawa’t isa sa atin … nagsisimula sa bawa’t isa sa atin … dito sa simbahang ito … doon sa bahay ninyo … kaakibat ng buhay ninyo.

Maging Jeremias nawa tayong lahat ngayon. Maging Jose nawa tayo ngayon na naniwala, nagtiwala, at umasa sa balitang ito: “Huwag matakot; huwag mangamba!”

Ang Diyos ay parating! Ang Diyos ay dumarating. Ang Diyos ay dumating na! Nababasa ba ito sa buhay nating balot ng pag-asa?