frchito

Posts Tagged ‘Kapaskuhan’

KABABAAN, KALUWALHATIAN, KALIGTASAN

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagbibinyag kay Jesus, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan Bautista on Enero 8, 2009 at 20:41

baptism_of_jesus

PAGBIBINYAG SA PANGINOON(B)
Enero 11, 2009

Mga Pagbasa: Is 55:1-11 / 1 Jn 5:1-9 / Mk 1:7-11

Parang tulay ang kapistahan natin ngayon. Namamagitan sa panahon ng Kapaskuhan, at sa karaniwang panahon. Wakas ngayon ng Pasko, at simula ng karaniwang panahon (unang Linggo ng karaniwang panahon).

Tubig ang larawang ipinipinta sa unang pagbasa. Pamatid-uhaw ang pahatid ng hula ni Isaias … isang paanyaya sa mga nauuhaw … isang panawagan sa mga nagugutom … Subali’t ang dulot ng hula ni Isaias ay ang kabusugang maipagkakaloob lamang ng Diyos, isang pamatid-uhaw na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay.

Ito ang tubig na tumutuon sa katotohanang may kinalaman sa kaligtasang hatid ng Mananakop.

Isa sa mga katangian ng tubig ay ang katotohanang hinahanap nito ang pinakamababang level sa tuwina. Habang tumataas ang level nito ay lumalakas ang presyon, nagsusumikap na makakita ng butas upang umagos sa pinakamababang lugar. Kababaan ang hanap ng tubig … kababaan ang likas na katangian ng tubig.

Masasabi natin na ang tubig ay mas makapangyarihan habang nagsusumikap na bumaba mula sa mataas na lugar. Masasabi natin na habang tumataas ito ay lalung lumalakas ang kapangyarihan nito, lalung sumisirit sa tubo o sa hose, at lalung nagiging higit na malakas ang presyon.

Ito ay maari natin gamitin bilang simulain sa isang pagninilay tungkol sa kapistahan sa araw na ito. Ang Panginoon ay hindi nangailangan ng binyag mula sa kamay ni Juan Bautista. Subali’t napasa ilalim siya kay Juan Bautista at nagpakababa, bilang tanda ng kanyang pagtugon sa hula ni Isaias at sa panawagang kanyang binitiwan noong una: “halina at dumulog … halina at kumain at uminom nang walang bayad.” Ito ang tugon sa paanyaya na tugon natin sa unang pagbasa: “Kakadlo kayo ng tubig mula sa bukal ng kaligtasan.”

Nguni’t tulad ng tubig na habang tumataas ay nagiging makapangyarihan, ang kababaan ni Kristo, ang pagpapakumbaba niya ay nagbunga na kapangyarihan mula sa itaas. Sa kanyang pagpapakababa, ay nagtamo siya ng kaluwalhatian at kapangyarihan mula sa Kanyang Ama: “Ikaw ang aking pinakamamahal na Anak, na lubos kong kinalulugdan.”

Isa sa mga trahedya at komedya ng ating lipunan ay ang walang patid na mga imbestigasyon, mga walang katapusang mga paglabasan ng sari-saring mga eskandalo sa parte ng mga politico at makapangyarihang tao sa lipunan. Trahedya ang mga ito sapagka’t ang lahat halos ay may kinalaman sa katiwalian na walang umaamin, katiwaliang alam ng lahat ay nauuwi sa paglawig ng kahirapan ng bayan, at patuloy na pagyaman ng mga mayayaman at makapangyarihan. Komedya rin ito sapagka’t ang karamihan ay may kinalaman sa mga maling grammar, mga pagpipilit na pagsasalita ng Ingles na nauuwi lamang sa pagiging katawa-tawa. Komedya ang mga ito dahil sa kabila ng mga seriosong mga pagkukunwari ng mga kinauukulan, alam ng lahat na ang hanap ng marami sa kanila ay ang tinatawag na pogi points lamang sa harapan ng camera, upang makita ng buong bayan sa telebisyon.

Malaking komedya at lalung malaking trahedya ang magpakatayog, magpakataas na wala namang ibubuga … ang maging parang ampaw na walang laman liban sa hangin. Nakatutuwang isipin na ang globo (balloon) ay pumapailanlang sapagka’t wala itong laman kundi katumbas ng utot. Habang nagyayabang ang tao, habang umaangat o nagpapanggap umangat, ay lalu namang walang laman kundi puro pautot lamang, ika nga.

Kababaan ang liksyon sa atin ng Panginoon na nagpabinyag kay Juan Bautista. Nguni’t ang kababaang ito ay nagbunga ng kapangyarihan at kaluwalhatian na hindi ihip ng hangin lamang kundi ihip ng panibagong buhay mula sa Espiritu, na bumaba sa kanya sa anyo ng kalapati. Ang kaluwalhatian at kapangyarihang kanyang tinanggap ay hindi isang pautot lamang, kundi wagas at tunay na pagsasakatuparan ng hula ni Isaias noong sinauna pa.

Pero tanong natin ngayon ay ito… Saan hahantong ang kapangyarihang ito? Ang tugon nito ay puede natin makita sa salaysay ng kapaskuhan. Nagsimula ang kapaskuhan kay Juan Bautista. Nguni’t nagwakas rin ang kapaskuhan kay Juan Bautista … sa araw na ito. Para siyang isang buhawi na nagdaan sumandali sa escena, sa entablado. Isa siyang napakababa ang loob na nagsabing hindi man lamang siya karapat-dapat magkalas ng sintas ng sapatos ni Jesus. Subali’t tulad ng kanyang Panginoon, ang kanyang kababaan ang kanyang kaluwalhatian; ang kanyang kahinaan ang kanyang kapangyarihan. “Dapat siyang tumaas, at ako ay bumaba.” Ito ang sinabi niya tungkol kay Kristo.

Ipinapanalangin ko ang mga hungkag na payaso sa gobyerno at lipunan natin na parang ampaw na puno lamang ng hangin. Para silang globo na utot lamang ang taglay sa kalooban. Idinadalangin ko ang mga pinuno ng bayan natin na puro pautot at pakitang-tao lamang ang hanap sa kanilang “public service.”

At ipanalangin natin ang sarili natin … na hindi tayo madala sa ihip ng hanging nagpapalobo lamang ng ating kayabangan. Idalangin natin ang sarili natin na tulad ni Juan Bautista, tulad ni Jesus, tulad ng ilang mabubuting tao na natitira sa lipunan natin na naninindigan para sa tama, sa katotohanan, at sa katarungan – sa kabila ng pwersa at kapangyarihan ng mayayaman at makapangyayari, ay mananatili tayong matatag sa pagkapit sa pangako ni Isaias, at ng buong kasulatan … kababaan, kapangyarihan, at kaligtasan. Ang tatlong ito ay hindi magkakasalungat ayon sa Banal na Kasulatan, at ayon sa buhay ni Juan at ni Jesus.

Isang paki-usap ang nais kong hilingin sa inyong lahat. Wala akong nadampot na “letterhead” na puedeng papirmahan mula sa isang taong lubhang makapangyayari sa lipunan natin. Ako ay simpleng tao lamang. Pero nais ko sanang ipagdasal natin at suportahan ang isang David na ngayon ay naninindigan sa harap ng mga Goliat ng mga politico at mga nagtutulak ng droga, kasama ng mga tiwaling fiscal, hukom, pulis, at makapangyayaring tao sa lipunan.

Alam kong takot ako para sa aking tinutukoy na David. Nangangamba ako sa tutoo lang. Pero ang pinanghahawakan ko ay ang pangako ng Diyos na nasa panig ng kababaan. Siya ang Diyos na pinagmumulan ng kapangyarihan, at Siya rin ang bukal at simulain ng kaligtasan!

PAGKAKALOOB O PANLOLOOB?

In Epipaniya, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Enero 2, 2009 at 09:19

midc49mbecketti

magifredi1

KAPISTAHAN NG EPIPANIYA
(PAGPAPAHAYAG NG PANGINOON)
Enero 4, 2009

Marami ang mga balak at gawaing panloloob tuwing nalalapit ang Pasko. Lagi nilang sinasabi na mahirap ang buhay, kung kaya’t ang ilan ay nanloloob na lamang ng hindi nila bahay, ng hindi nila gamit, upang mabuhay. Nakapagtataka, pero kung mahirap ang buhay, bakit nila mas pinahihirap ito sa ibang tao sa kanilang maiitim na balak at gawain?

Bago mag Pasko, isang kahindik-hindik na barilan ang naganap sa Paranaque, malapit kung saan ako malimit mag-Misa. Mahigit 15 ang namatay, kasama na ang masasamang-loob na nagbalak manloob at maglimas ng hindi nila pinaghirapan. Kapag nakaririnig tayo ng ganitong balita, nagpupuyos ang damdamin natin … nagtatanong … Bakit may mga taong ang pakay lamang ay mamitas at umani ng hindi nila itinanim? Bakit mayroong mga taong ang gusto lamang ay dumulog sa hapag na puno ng pagkaing hindi sila ang nagbayo, ni hindi nagluto?

Ang higit na nakararami ay hindi ayon sa ganitong saloobin at gawain – ang panloloob at pagnanakaw.

Mahalaga sa ating Pinoy ang “loob.” Ang “loob” ng Pinoy ay kumakatawan sa kabuuan at yaman ng ating pagkatao. Ang “loobin” natin ang buod ng kung sino tayo, ang lagom ng ating tinatawag na “kakanyahan” (identity). Ang mabuting loob, ang mababa ang loob, ang maganda ang kalooban ay pawang mga konseptong may kinalaman sa isang mabuting tao, sa isang taong ang kabuuan ay pawang kaaya-aya, pawang kaiga-igaya. Ang loob ang tanda ng lahat ng mabuti at maganda sa isang tao.

Nguni’t dahil dito, ang yurakan ang “loob” na ito ay siya ring sukdulan ng kasamaan para sa mga Pinoy. Ang magbigay ng dahilan para sa “sama ng loob” ay ang tapakan ang batayan ng pagkatao natin. Ang “looban” ang bahay o pag-aari ng isang Pinoy ay pagyurak sa kakanyahan ng tao, ang bale-walain ang kaganapan ng pagkatao natin bilang Pinoy.

Ito ang dahilan kung bakit nagpupuyos ang damdamin natin kapag “nilooban” tayo, kapag ang bahay natin ay pinasok at hinalughog. Ito ay paglabag sa kaibuturan ng ating kalooban.

Sa araw na ito, ang liturhiya ay may kinalaman sa konsepto ng “loob” pero sa isang natatanging paraan. Ang mga mago ay hindi nanloob, bagkus nagkaloob. Ito ang tahasang kabaligtaran ng lahat ng masamang kaakibat ng panloloob. Sila ay naparoon sa kinalalagyan ng bagong silang na sanggol, hindi upang manloob, kundi magkaloob. Hindi sila naparoon upang kumabig, kundi ang magbigay ng pag-ibig, ng pag-aalay na tanda ng pag-ibig at pagmamagandang-loob.

Malaki ang kinalaman nito sa ating pananampalataya. Marami ngayong kabataan ang laging naghahanap ng kung ano ang kanilang mahihita sa anumang gawain. Marami ang nagsasabing, wala sila, ika ngang, napapala sa Misa. Diumano’y wala silang nakukuha, wala silang natatanggap o naiuuwi.

Ang saloobing ito ay saloobing pakabig, hindi pagkakaloob. Ito ang saloobin na walang iniwan sa mga nanloloob.

Ang Misa ay hindi panloloob … Ito ay pagkakaloob … Ito ay pakikisama sa mga taong “may magandang kalooban” na silang nararapat magbigay-puri at luwalhati sa Diyos, na una at higit sa lahat ay nagkaloob ng sarili sa ikaluluwalhati ng lahat.

Mahalaga na ang diwang ito ng pagkakaloob ay tumiim sa ating bagang at kaisipan, at kalooban. Sapagka’t ito ang diwa ng Kapaskuhan – ang magkaloob, ang magbigay, at hindi ang kumabig. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig, hindi pagkabig.

Mayroong kabaligtaran sa mga mago ang nababasa natin sa ebanghelyo. Nariyan si Herodes, na nagulumihanan sa pagsilang ng sanggol na si Jesus. Pakabig siya, hindi isang taong tigib ng pag-ibig. Pati bata ay pinatulan niya para lamang matiyak ang kanyang kapangyarihan. Ang kanyang niloloob ay masasabi nating kaakibat ng “sama ng loob.” Ang kanyang hiling sa mga mago na ituro rin sa kanya ang kinalalagyan ng bata ay malayo sa diwa ng pagkakaloob, kundi ang panloloob, ang pagsasamantala sa kaalaman ng iba, para sa pansariling kapakanan. Hindi na tayo dapat magtaka na nakilatis ng mga mago ang tunay niyang niloloob, kung kaya’t hindi nila sinabi kung saan matatagpuan ang sanggol.

At alam natin lahat kung ano ang kanyang ginawa – ang kasukdulan ng panloloob nang kinitil niya ang buong “kalooban” ng mga batang paslit na walang kamalay-malay.

Isa sa magandang kagawian ng mga Pinoy sa maraming lugar, lalu na sa panahon ng Pasko, ay ang malayang pagkakaloob ng alay sa Misa. Bagama’t hindi ang material na bagay ang mahalaga, ang pag-aalay ay tanda ng malayang pagkakaloob sa Diyos.

Ito ang isa sa mga malinaw na liksiyon ng kapistahan natin ngayon. Ang Misa ay isang sakripisyo. Bilang sakripisyo, ang buod ay nakasalalay sa kaloob, sa alay, sa puhunang malaya nating ibinibigay sa Diyos. Naparito tayo sa Misa, hindi upang kumabig, kundi upang magkaloob ng buo nating sarili, lahat ng ating balakin, pangarap, kakayahan, at bunga ng ating gawain.

Sa madaling salita, ang Misa ay hindi upang mayroon tayong mahita at mapala, kundi, ang pagkakaloob higit sa lahat, ng lahat ng ating niloloob sa Diyos. Sa ganitong paraan, tunay ngang tayo ay karapat-dapat makibahagi sa kaloob niyang kapayapaan – para sa mga taong may mabubuting kalooban!

Nanguna ang mga mago sa Belen. Naiwan ang masasama ang kalooban tulad ni Herodes. At tayo ay inaanyayahang makisama at makilakbay sa mga mago. Ang hantungan ng lakbaying ito ay walang iba kundi Siyang dakilang kaloob ng Diyos para sa atin lahat.

Dapat pa bang itanong kung mayroon tayong mahihita sa lahat ng ito?