frchito

Posts Tagged ‘Karunungan’

ITANIM, IPULUPOT, ITALI!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 3, 2011 at 12:00

Ika-9 na Linggo ng Taon (A)
Marso 6, 2011

Mga Pagbasa: Deuteronomio 11:18, 26-28, 32 / Roma 3:21-25a, 28 / Mateo 7:21-27

Panay diwa ng tibay at katatagan ang binabanggit ni Moises: itanim, ipulupot, itali! Sa panahon natin, wala nang bagay na permanente. Wala nang nagtatagal. Wala nang nananatili. Sa daigdig na pinamumugaran ng kultura ng walang tigil na pagbabago, wala na tayong natatandaan. Sa bilis ng agos ng mga pangyayari, wala na halos nananatili sa ating isipan. Pati mga addresses sa ating cellphone ay madaling mabura, mabilis ma-delete, at madaling palitan.

Mababaw ang kakayahan natin ngayon na magtanda, at lalung mababaw ang kakayahan natin gumunita. Ang tao’y marupok, gaya nga ng awit ni Rico Puno … kay daling lumimot. Sa katunayan, 25 taon matapos ang EDSA 1, halos wala nang makaalaala sa kahulugang dulot nito sa bayan natin. At pati ang mga dati-rati ay kinamumuhian ng bayan, ngayon ay gusto na namang ibalik sa kapangyarihan.

Nguni’t matanong natin … ano ba ang dapat nating alalahanin nang higit sa lahat? Ano ba ang dapat nating tandaan? Ano ang bukod sa lahat ay hindi natin dapat kalimutan?

Sinasagot ito ni Moises sa unang pagbasa … Ang higit sa lahat na hindi dapat limutin ay ang katotohanang mayroon tayong kakayahang pumili. Mayroon tayong kakayahang magpasya at pumili sa dalawang bagay – ang sumunod sa utos ng Diyos o ang sumuway at lumihis sa Kanyang landas.

Sa ating panahon, sunod-sunod ang halimbawa ng mga taong namili nang hindi wasto … mga pinuno ng bansa na nagpasyang sila lamang ang puede maging pinuno – sina Mubarak, Ben Ali, Kaddafi, atbp … Lahat sila ay nagpasyang sila lamang ang karapat-dapat, kahit 40 taong mahigit na sila nasa kapangyarihan. Naging halos panginoon na sila ng kanilang mga kababayan, na hindi kailanman nag-iisip na bumaba sa kanilang luklukan.

Sa buhay natin, alam rin natin kung paano ang mga mali nating pagpapasya ay pawang may kahihinatnan. Mayroong nagpasya malaon na na magsigarilyo. Sa loob ng maraming dekada ay pinuno nila ng usok at nicotina ang kanilang baga. Namili silang gawing panginoon ang sigarilyo. Mayroon namang nagpasya sa mula’t mula pa na ang kanilang dieta ay nababalot ng asin, taba, at panay karne. Ang pagpapasyang tila walang kahihinatnan sa simula ay alam nating nauuwi sa sari-saring sakit pagtanda. Ano man ang piliin natin ay mayroon laging kahihinatnan.

Dalawa ang maaring bunga ng dalawa ring puedeng piliin ng tao, ayon kay Moises – pagpapala o sumpa.

Sa kasaysayan ng daigdig, dose-dosenang mga dating makapangyarihang tao ang namili nang mali at nauwi sa paggawa, hindi ng isang bahay na bato, kundi isang gusaling batay sa buhangin. Sina Alexander the Great … Sina Napoleon Bonaparte … si Hitler … si Marcos … si Ceausescu, at marami pang iba. Ang lahat ng kanilang ipinundar ay nauwi sa kawalan, naglaho sa mapa, at pati ang kanilang pangalan ay nauwi sa kapariwaraan.

Sa ating panahon, talagang mahirap nang magtanda ng anuman. Sa dami ng naririnig natin at nakikita sa TV, sa dami ng nababasa sa internet, pinupulpog ng tinatawag na information overload ang mga kamalayan natin. Hindi na natin matandaan kung kailan nangyari ang kung ano, lalu na’t suson-suson at sunod-sunod at patong-patong ang mga nagaganap. Ni hindi natin matandaan ang kinain natin kaninang umaga, o ang kausap natin kagabi sa cellphone.

Hindi naman siguro masama na sa kalalagayang ito, dapat nating alalahanin ang pinakamahalagang dapat gunitain, dapat itanim sa puso, ipulupot sa kamay, at itali sa ating harapan … may kakayahan tayong pumili at mamili. May kakayahan tayong magpasya nang mali at tama. At ang mali ay ang pagpapasyang tila walang Diyos, tulad ng paggawa ng mga batas na labag sa Kanyang kalooban. At ang tama ay ang sumunod sa landas ng Kanyang kalooban.

Ang una ay sumpa. Ang ikalawa ay isang pagpapala.

Nasa ating mga kamay ang susi. Nasa atin ang kakayahan. At para sa atin ang matibay na pangakong ang “bawa’t nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng bato.”

Mahalaga ito. Sobra. Kaya’t dapat itanim sa puso, ipulupot sa kamay, at itali sa ating harapan.

KAMANGMANGAN AT KARUNUNGAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon A on Pebrero 15, 2011 at 06:38

Ika – 7 Linggo ng Karaniwang Panahon (A)
Febrero 20, 2011

Mga Pagbasa: Lev 19:1-2.17-18 / 1 Cor 3:16-23 / Mateo 5:38-48

Kung minsan, dumarating ang pagkakataong nakapag-iisip tayong wala talagang kaibahan ang kamangmangan at karunungan, matay nating isipin. Napakaraming matatalino sa mundo na gumagawa ng sari-saring kagaguhan. Napakarami rin namang mga naturingang mangmang ang gumagawa ng kadakilaan at bagay na hindi inaasahan.

Noong niragasa ng Ondoy at Pepeng ang Pilipinas, hindi iilan ang lumitaw na bayani, mga talubatang walang sinasabi, ika nga, sa lipunan, nguni’t nakapagpamalas ng kadakilaang hinangaan ng buong bansa; mga sundalong inilagay sa panganib ang sariling buhay sa pagtupad ng tungkuling magligtas ng mga buhay ng ibang tao.

Subali’t hindi rin natin maipagkakaila na sa usapin tungkol sa korupsyon, mapa sa gobyerno o sa labas ng gobyerno, pawang marurunong na tao, mga matatalinong mga opisyal, na pinagkagastusan ng lipunan at ng bayang Pilipino (sa PMA o saan man), ang siyang nangunguna sa listahan ng mga tiwali at gumagawa ng lahat ng uri ng kabulastugan.

Mangmang ba sila o marunong? Bobo o maalam? Ito ang pinapaksa ng mga pagbasa natin ngayon.

Mayroong mangmang na isinilang na ganuon. Hindi maipagkakailang ang kakayahan ng utak ng tao ay hindi pantay-pantay. Mayroon rin namang mangmang na nagmamaang-maangan. Kaya nilang magpuslit ng milyon-milyong piso mula sa kaban ng mga sundalo. Pero wala silang matandaan sa kanilang mga ginawa.

Nguni’t mayroong mangmang na nagpakababa at nagpaka-aba sa sarili bilang pagtalima sa higit na mahalagang bagay. Ito ang mga taong matatalino sapagka’t may nakikita silang higit pa kaysa sa mga pinagkakaabalahan ng mundo. Ito ang mga taong maalam na at matalino na, ay marunong pa.

Bobo ang tawag ng mundo sa mga taong hindi marunong gumanti. “Bakit ka pumapayag na lamangan ka?” Ito ang tanong ng marami sa mga nagpapalamang, at nagpaparaya. Pero sa buhay natin sa bahay at pamilya, alam natin na ang nakatatanda ay marunong magparangya, marunong magpalamang sa batang kapatid, sapagka’t ito ang tama. Ito ang sabi ng kultura natin. Ito ang pinahahalagahan natin … na ang matanda ay marunong magtiis at magparangya sa nakababata.

Pero bobo ang tawag ng madla sa taong hindi kumakabig kung may pagkakataon; mga taong nanduon na ay hindi gumamit ng pagkakataon. “Nanduon na sa harap ng manok ay patuka, ay hindi pa tumuka!” Ito ang kasabihan ng mga matatalinong kung mag-isip ay ayon sa takbo ng isip ng kalahatan.

Duwag ang tawag natin sa isang taong hindi marunong gumanti. Bakit ka papayag na apihin? Ito ang takbo ng isipan ng marami. Kung sinipa ka, ay tadyakan mo rin … at basagin mo ang kanyang mukha! Hindi ba’t ito ang takbo ng isipan natin? Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng “kalakaran?”

Tawagin nyo nang mangmang ang Panginoon sapagka’t siya ang nagsabi: “huwag ninyong labanan ang masamang tao.” Tawagin nyo nang bobo ang Panginoon na nagsabi: “kapag may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kaniya ang kabila.”

Hindi salitang batay sa ebanghelyo ang “kalakaran.” Hindi turo ng Panginoon ang magpadala sa agos. Sa katunayan, para sa kanya, walang mangmang sa sinumang may takot sa Diyos. “Ang banal na pagkatakot sa Diyos ay simula ng karunungan.”

Sa mga nasa gitna ng mga usapin sa mga araw na ito, wala sa kanila ang nag-imbento ng korupsyon. Wala ni isa man sa kanila ang nagsimula nito. Lumakad lamang sila papasok doon … nagising na lamang sila sa katotohanang bahagi sila ng “kalakaran,” bahagi sila ng kultura at kalinangan na nababalot ng kadiliman at kasakiman.

Wala ni isa man sa kanila ang nagsimula ng korupsyon. Nguni’t sila ay bahagi ng sistema, ng isang susun-suson at sapin-saping kalagayan ng mga taong nahirati na, nasanay na, at natangay na ng hinihingi ng pagkakataon … Ito ang kalakaran …

Kung iisipin nating lahat nang mataman ito, lahat tayo ay mangmang at matalino. Lahat tayo ay walang alam sa kultura ng kotong. Lahat tayo ay galit sa mga nangongotong. Pero lahat tayo ay handang mangotong para lamang makalusot sa gusot. Lahat tayo ay galit sa mga nasa BIR, pero lahat rin tayo ay handang magbayad na lamang para hindi masampahan ng mabigat na buwis. Lahat tayo ay handa nang magpalakad sa mga mas nakaaalam, upang makalusot na lamang sa usaping walang hahantungan. Sala-salabat, sanga-sanga, at masalimuot ang balag ng korupsyon. At walang makapagsasabing hindi siya bahagi kahit papaano ng kalakarang ito.

May tawag si Philip Zimbardo sa kalagayang ito … The Lucifer Effect! Ito ang sistema at kultura na nagbubunsod sa mga taong mangmang upang maging matalino, at taong matalino upang maging mangmang na handang gumawa ng lahat ng uri ng kagaguhan! Ito ang sistemang malayo na sa diwa ng ebanghelyo, at ito ang kalakarang kinasasadlakan natin lahat ngayon. Sa madaling salita, ang sistemang panglabas ang siyang umuukilkil sa personal na niloloob ng tao. Matalino man at maalam, ang kalakaran ang siyang lalamon sa kaniya.

Hindi madali ang laban. Malimit na ang laban na ginagawa natin ay ang labang personal, na may kinalaman sa panloob na saloobin ng tao. Kung kaya’t ang akala natin ay kapag nag-retreat o nag-rekoleksyon na ang isang tao ay lutas na ang korupsyon. Ngunit ang sistema o kalakaran ay naka latag pa rin sa llipunan.

Matindi ang laban natin. Nguni’t may dapat pagmulan, may dapat pagsimulaan, may dapat magbanat ng unang buto at gumawa ng unang hakbang.

Malinaw ito sa turo ngayon ng pagbasa. Ang mangmang ay magpakarunong. Ang maalam ay matutong magpakababa. At lahat tayo ay dapat magpakabanal. Ang kalakaran ay dapat puksain, simula sa puso natin, simula sa bakuran natin, simula sa pamilya natin. “Kaya, dapat maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”