frchito

Posts Tagged ‘Karunungan’

KARUNUNGAN, KATARUNGAN, KATALINUHAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Agosto 26, 2009 at 12:30

bible

Ika-22 Linggo ng Taon (B)
Agosto 30, 2009

Mga Pagbasa: Dt 4:1-2, 6-8 / Santiago 1:17-18, 21b-22, 27 / Mk 7:1-8, 14-15, 21-23

Marami ang mabait na tao sa mundo. Kay daming mababait na politico sa bayan natin, mababait na mga pinuno ng bayan. Sa kanilang kabaitan, namumudmod ng pera, tulad ni Robin Hood, namimigay ng kung ano-anong pabuya, tulad ng mga mayor na namimigay ng cake sa pagsapit ng kaarawan ng mga senior citizen ng bayan.

Marami rin ang marurunong sa lipunan natin. Magagaling, mahuhusay, maraming pinag-aralan. Kay dunong nila kung kaya’t lahat yata ng problema ay meron silang solusyon, tulad ng mga nag-aasam maging presidente na pawang may taglay na solusyon kahit na hindi pa man nagaganap ang eleksyon.

Marami ang masisipag sa bayan natin. Marami ang dedikado sa trabaho, na nagbubuhos ng kanilang oras sa anumang pinagkakaabalahan. Ang dami ng mga patakbo-takbo, pahingal-hingal, paparuon at paparito, na wari’y laging naghahabol ng hininga.

Kung ang pag-uusapan ay dunong, kabaitan, kasipagan, marami ang nararapat maging pinuno ng bayan; marami ang dapat ay may tangang kapangyarihan sa lipunan.

Nguni’t tingnan natin sumandali ang mga pagbasa sa araw na ito …

Sa unang pagbasa, malinaw ang koneksyon ng dalawang bagay – karunungan at pakikinig. Hindi mahalaga ang dunong kung walang kakayahang makinig at tumalima sa batas ng Panginoon. At ang pakikinig ay nagbubunga ng paggawa ng makatarungan … karunungan na kaakibat ng katarungan.

Ang tugon matapos ng unang pagbasa ay isang pagdidiin sa parehong katotohanan: “Ang gumagawa ng katarungan ay mamumuhay sa harapan ng Panginoon.”

Hindi rin nalalayo ang sinasaad sa ikalawang pagbasa. Paggawa, hindi lamang pag-ngawa ang inaasahan sa atin. Pagtupad, hindi lamang masusing paghahangad, ang siyang dapat pag-ukulan ng pansin ng lahat. Ang katarungang hinihingi ni Santiago ay may kinalaman sa pagmamalasakit sa mga ulila, mga biyuda, at mga mahihina.

Ito ang matinding problema ng mga Pariseo at mga eskriba. Alam nila ang batas. Alam nila ang tama. Alam nila kung ano ang sinasaad ng kautusan. Alam nila ang batas at ang butas nito upang makalusot sa maraming bagay.

Mahalaga na maunawaan natin ang tinutumbok ng mga pagbasa. Karunungan, hindi katalinuhan … kabutihan, hindi kabaitan. At ang kabutihang ito ay makikita sa paggawa ng katarungan, hindi sa pag-ngawa kapag malapit na ang eleksyon, hindi sa paninira ng kalaban, kundi sa pagtupad sa tawag ng kabutihan.

Maraming mababait, matatalino, at masisipag sa lipunan. Pati mga Pariseo at eskriba ay maalam at matatalino. Maraming naghahangad na maging pinuno ng bayan ang mababait, tulad ng isang lasenggero at sugarol na namumudmod ng salapi sa mahihirap. Mabait, nguni’t hindi mabuti.

Ang kabaitan ay isang birtud. Malinaw ito. Nguni’t sa hanay ng mga birtud, ay mayroong higit na mahalaga kaysa sa iba. Ang kabaitan ay puedeng hatid ng makasariling mga layunin, na malimit ay lingid rin sa kaalaman ng isang tao. Ito ang motivacion, ang siyang nagtutulak sa isang tao upang maging mabait, masunurin, o magalang. Ang puno at dulo ng kautusan ay hindi ang gawin tayong mabait, kundi mabuti … tulad ng Diyos, na modelo at simulain ng lahat ng kabutihan. Ang kabaitan ay puedeng magmula sa isang makasariling layunin, upang makakuha ng papuri ng madla. Ang kabutihan ay nagmumula sa dalisay na kagustuhang matulad sa Diyos, hindi upang palakpakan ng balana.

Malapit na naman ang halalan. Kay daming maaalam at matatalino ang nangagsisipaglabasan. Biglang dumami ang napakagaling sa pagtutuos kung ilang classroom ang magagawa sa halaga ng dinner na mamahalin ng mga nagsipuntahan sa New York! Biglang nagdamihan ang mga ekonomista, na biglang nakakita ng solusyon sa mga problema ng bansa. Biglang dumami ang nagmamalasakit sa mahihirap, na kahit hindi marunong pumadyak ay walang ginawa kundi pumadyak sa TV at sa harapan ng camera. Mababait silang lahat. Tulad ng mabait na syang tawag ng mga Tagalog sa mapanirang daga.

Malaki ang pananagutan natin lahat. Tayong lahat ay nag-asal Pariseo sa buhay natin … tulad ng eskribang kay husay magsulat at magsalita. Sa buong Asia, Pinoy ang silang kilala sa mga talumpati, sa mga debate, at sa pag-ngawa. Kasama ako rito, at kayong lahat na nagbabasa nito.

Sa araw na ito, malinaw ang panawagan. Malinaw ang magandang balita. Hindi katalinuhan o kaalaman, bagkus karunungan. Hindi kabaitan, kundi kabutihan. Tulad ng Diyos, na Siyang bukal ng dilang kabutihan at kabanalan!

Mangilao, Guam
Agosto 26, 2009
2:25 PM

DUNONG AT DULANG

In Catholic Homily, Eukaristiya, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Agosto 11, 2009 at 18:58

Eucharist-12g

Ika – 20 Linggo ng Taon (B)
Agosto 16, 2009

Mga Pagbasa: Kawikaan 9:1-6 / Efeso 5:15-20 / Juan 6:51-58

Dunong ang paksa sa una at ikalawang pagbasa. Inihalintulad sa isang tao, nag-aanyaya ang dunong sa isang dulang, isang mesang puno ng pagkain, isang handaang ang hain ay pang-unawa at hindi kahangalan. “Halina, kumain ng aking pagkain, at uminom ng alak na aking inihanda! Talikuran ang kahangalan at mabuhay; umunlad sa daan ng pang-unawa.”

Ang dunong ay kaakibat ng dulang. Ito ang malinaw na pagsasalarawan ng dalawang naunang pagbasa.

Sa sulat ni Pablo sa mga taga Efeso, karunungan sa halip na kahangalan, ang kanya ring tagubilin: “Tingnang mabuti kung paano kayo mamuhay, hindi tulad ng mga hangal, bagkus tulad ng mga paham, na gumagamit ng lahat ng pagkakataon, sapagka’t ang panahon natin ay tigib ng kasamaan.”

Nguni’t bagama’t ang dunong ay kaakibat ng dulang, sa liham ni Pablo, ang dunong ay inihalintulad sa pagdalo sa handaan, hindi sa tunggaan, hindi sa lasingan: “At huwag magpadala sa pagkalasing, na mitsa ng kapariwaraan, bagkus mapuno ng Espiritu.”

Madali para sa atin ang mapuno ng lahat ng uri ng pagpapakasasa. Madali sa mga kabataan ang madala ng kalakaran ng kultura. Madali ang madala ng tawag ng internet. Sa halip na mag-aral, ay panay surfing na lamang ang gawa ng mga bata, o dili kaya’y online games. Madali sa bata at matanda ngayon ang madala ng kultura ng “fastfood” – ang lahat ng madalian, mabilisan, at masarapan, na madalian ding nagsisira sa kalusugan. Madali ang maniwala sa mga artista at mga celebrity … Lahat na yata ng pagpapahalagang Pinoy ay galing s kultura ng “Pinoy Big Brother,” “Wowowee” at marami pang ibang mga panooring hungkag, at salat sa tunay na pagpapahalagang Kristiyano.

Madali ang madala ng kung ano ang popular, ang kinahuhumalingan ng balana, ang pinaka-uso at pinaka-“in” sa mga kabataan. Kaya’t sa dami ng “call centers” na ang inihahain at pinadadama sa mga call center agents ay pawang kulturang Kano at banyaga, kay raming mga talubatang Pinoy ang nagkakasakit sa bato, sa atay, sa puso, o sa alta presyon.

Dunong, hindi lamang dulang na mababaw ang pahatid ng mga pagbasa ngayon. Dunong, maging sa larawan ng isang handaan ang pahatid sa atin ng liturhiya. Handaan … Oo, pero hindi tunggaan!

Ano bang uri ng handaan ang kaakibat ng dunong na pinag-uusapan natin? Ano ba ang kahalagahan ng dunong na isinalarawan at inihalintulad ng aklat ng Kawikaan sa isang dulang?

Karugtong ito ng tugon natin sa unang pagbasa, na atin ring tugon noong nakaraang Linggo: “Tikman at tingnan ang kagandahang-loob ng Diyos.” Sa madaling salita, hindi lang isang mababaw na piyestahan at kainan o tunggaan ang pinag-uusapan natin dito. Ito ay may kinalaman sa isang natatanging kaloob ng Diyos sa atin, na dahan-dahan at unti-unting ipinahayag at ipinakilala ng Diyos mula pa sa Lumang Tipan, hanggang sa Bagong Tipan.

Ito ay may kinalaman sa tunay na pagkaing kaloob ng Diyos para sa Kanyang bayan. Ito ay may kinalaman sa kung ano ang binabanggit ng Ebanghelyo natin sa araw na ito. At dito sa pagkaing ito tunay na uusbong at maghahari ang karunungang tunay na binabanggit sa una at ikalawang pagbasa.

Kailangan ba kaya ng dunong sa pagtanggap ng tunay na pagkaing nabanggit?

Oo … marami ang nasisilaw sa palsong pagkain. Marami ang nasisiyahan na sa mababaw na mga bagay makamundo. Marami ang nasisilaw sa mga tila batong diamante, na kamukat-mukatan mo’y puwet lang pala ng baso. Marami ang natatangay sa paimbabaw na mga pangako ng mga politikong tampalasan, ang kanilang mga pagkukubli sa likod ng katanyagan ni Cory Aquino, ang mga mabababaw at pakitang-taong mga pagbibigay ng senyas o tanda ng “Laban” kahit ang kanila namang ipinaglalaban ay walang iba kundi ang sarili nilang bulsa at upuang makapangyayari.

Oo … kailangan natin ng dunong upang makilatis ang tunay at ang palso, ang tama at ang peke, ang diamante at ang puwet ng baso. At sa buhay natin, mayroong higit pa sa pagpili ng kandidato, higit pa sa pagtanto kung ano ang dapat nating kunin karera sa kolehiyo.

Sa larangan ng buhay na walang hanggan, dunong hindi lamang kaalaman o titolo ang dapat pairalin ng tao. May mga bagay na hindi makakamit sa dami lamang ng kursong tinapos, titolong narating, o mga letra pagkatapos ng pangalan ng tao.

Ang karunungang binabanggit ng mga pagbasa natin ay walang iba kundi ang tunay at wagas na dunong na may kinalaman sa dulang na naghahatid sa buhay na walang hanggan – ang Eukaristiya!

Ito ang pagkaing galing sa langit.

Ito ang tinapay na nagbibigay buhay … buhay na walang hanggan. At para marating ito, kailangan natin ng dunong.

Maging marunong nawa tayong lahat, hindi lamang maalam. Maunawaan nawa natin nang lubos ang siyang pahatid sa atin sa loob ng ilang magkakasunod na Linggong nagdaan, kasama ng araw na ito: “Ang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”