frchito

HARING MARANGYA; HARING MAPAGPARAYA

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Taon B, Uncategorized on Nobyembre 18, 2015 at 03:42

Christ-Enthroned3

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kristong Hari _Taon B

Nobyembre 22, 2015

 

HARING MARANGYA; HARING MAPAGPARAYA

Nagkataong nasa Pilipinas ang mga “hari” ng APEC. Isang marangyang pagtitipon sa isang maralitang bayan ang nagaganap habang sinusulat ko ito. At bagama’t ang laman ng usapan, liban sa buhol-buhol na trapiko, ay ang tinaguriang ALDAV, nagsisikap sumingit ang liturhiya sa araw na ito matapos ang APEC upang pagnilayan ang pagkahari ni Kristong Panginoon.

Iba ang pakahulugan sa hari sa ating panahon, lalu na sa Pilipinas. Sa atin, kapag ikaw ay may posisyon saanman, sikat ka. Kapag sikat ka, marami kang puedeng gawin na hindi kayang gawin ng ordinaryong tao. Puede ka magkaroon ng wangwang. Puede ka mag counter flow sa traffic. Puede ka rin sumingit sa mga pila, at marami pang iba.

Ang maging hari ay katumbas ng pagiging makapangyarihan.

Subali’t sa Lumang Tipan, ang pagiging hari ay mas malapit sa pagiging tulad ng isang pastol, na walang iniisip kundi ang kapakanan ng kawan. Ang pagiging hari ay ang pagpapasan ng pananagutan para sa pinaghaharian. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga Israelita ay humingi ng hari at tumulad sa kanilang mga kapitbayan.

Medyo hindi magandang balita sa marami ang magwika tungkol sa mga namumuno sa atin. Hindi maganda ang imahe sa madla ng mga taong may kapangyarihan. Una, kapag nakatikim ng poder ay ayaw nang bumaba. Ikalawa, kung hindi na puede tumakbo ay inililipat sa asawa, sa kapatid, sa anak, at sa sinumang pinakamalapit sa kanila. Dinastiya ang mga posisyon sa Pilipinas. Pare-parehong pangalan ang mga namumuno. At higit sa lahat, ang posisyon ay malayo sa paglilingkod, kundi sa pagpapahirap sa taong-bayan.

A ver … may nakita na ba kayong politico na humirap dahil naglingkod sila sa bayan? At kung tunay na paglilingkod ang kanilang hanap, bakit sila nagpapatayan maging gobernador lamang or mayor?

Malinaw sa mga pagbasa na Diyos mismo ang nagkaloob ng kapangyarihan. Ayon sa hula ni Daniel, “binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan, at ng kaharian.” Ayon sa Bagong Tipan, ang paghahari ng Diyos ay bumabagtas sa pangkasalukuyan, sa nakaraan at sa hinaharap.

At sa ebanghelyo, hindi iniwasan ni Kristo ang tanong bagkus sinagot: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito.”

At dito pumapasok ang magandang balita. Ang paghahari ng Diyos ay kakaiba sa paghahari ng tao. Ang tao, kapag humawak ng kapangyarihan ay nagbabago, napapalitan ang mga pananaw at nababago rin ang kanilang mga adhikain.

Sa halip na gumawa upang maglingkod … sa halip na magparaya ay naghahanap ng rangya.

Dalawang bagay sa madaling salita ang hinihingi ng liturhiya at mga pagbasa sa atin ngayon. Una, ang ituring si Kristo bilang hari ng ating mga puso. At ikalawa, ang matuto sa kaniyang halimbawa ng paglilingkod na walang paghahanap sa sarili, ang maglingkod nang walang pag-iimbot, walang kasakiman, at walang sarlling adhikain, liban sa adhikain ng Diyos.

Ang tunay na hari ayon sa wangis ng Diyos, ay hindi marangya. Ang tunay na hari ayon sa kanyang wangis ay ang marunong magkalinga at magparaya.

Purihin si Kristong Hari!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: