frchito

Posts Tagged ‘Linggo ng Palaspas’

SALITA PARA TULUNGAN ANG MAHIHINA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Abril 15, 2011 at 10:03

Linggo ng Palaspas (A)
Abril 17, 2011

May kalabaw kami sa seminaryo noong araw, nang ako ay bagong pari na nagtuturo sa seminaryo. Medyo matigas ang ulo at suwail ang kalabaw na iyon. Ayaw magpasuga. At sa kanyang pagpupumiglas sa tali na nakakabit sa kanyang nguso, isang araw, napunit ang nguso niya. Naging malaya nga siya, pero duguan at maga ang nguso sa mahabang panahon.

Nabanggit ko ito sapagka’t kabaligtaran ito ng sinasaad sa pagbasa mula kay Isaias. Inilalarawan niya ang isang lalaking hindi kailanman nagpumiglas bagamat susun-susong pasakit ang sinapit niya sa mga tao.

Ito ang larawang nagbubukas sa pasimula ng mahal na araw sa Pilipinas … isang larawan na salungat sa binabanggit ng ebanghelyo tungkol sa maluwalhati niyang pagpasok sa Jerusalem. Papuri at paghanga ang dulot ng lahat nang siya ay dumating sa siyudad. Itinanghal siya bilang hari, na dumarating sa ngalan ng Panginoon!

Nguni’t kung gaano katindi ang papuri at paghanga ay ganoon rin naman kabilis ang pagbabago ng simoy ng hangin. Sa ikalawang bahagi ng pagdiriwang, matapos ang prusisyon ng palaspas, ay lumapat sa ating kamalayan ang katotohanan – ang haring itinatanghal natin ay isang abang tagapaglingkod na hahamakin at dudustain.

At salungat sa kalabaw na nagpupuyos ang damdamin at nagpupumiglas, ang Anak ng Tao ay nagpamalas ng kahinahunan, kababang-loob, at sukdulang pagtitiis.

Nagsimula sa araw na ito ang tila magkakasalungat na larawang sumasagi sa ating guni-guni sa buong linggo sa mahal na araw. Tagumpay at luwalhati … pagkagapi at pagka-api … pagiging manliligtas at hari kasama ng pagiging lingkod na aba at tila walang kaya at walang kapangyarihan. Itinanghal sa unang banda … dinusta at inalipusta sa kabilang banda.

Ito ang eskandalo na dulot ng pananampalatayang Kristiyano. Ito ang tila magkasalungat na drama na nabubuo unti-unti sa buong Linggong ito. At sa unang eksena pa lamang ay ipinamamalas na sa atin ng liturhiya kung ano ang buod ng lahat ng ito … tagumpay at luwalhati, oo … pero hindi tagumpay at luwalhati ayon sa pang-unawa ng mundo.

Mukhang talo ang simbahan sa maraming usapin. Sa panahon natin, di tulad noong araw, hindi na simbahan at mga sinakulo ang dinudumog ng tao sa mahal na araw. Kung hindi country club o beaches, o Baguio o Tagaytay ang pinupuntahan, ang marami ay nagpapakasasa sa Malls, sa sinehan, sa kainan …

Mukhang talo ang simbahan sa maraming bagay … karamihan ng Pinoy, dahil sa kawalang kaalaman, ay panig sa reproductive health bill. Ang naririnig lamang nila ay ang sabi ng gobyerno, at bahagi ng katotohanan ang kanilang nakikita.

Ang lahat ng ito ay nagbibigay na damdamin ng pagkagapi, kawalan ng pagpupunyagi, at paghulagpos ng pag-asa.

Alam ko ang sinasabi ko. Pati ako ay nadadala na rin ng kawalang pag-asa, sa isang bansang pinamumunuan ng mga makasariling taong walang ibang hanap kundi ang sariling bulsa. Alam ko ang sinasabi ko … isa ako sa mga nanghihinawa at nanghihina sapagka’t ang itinuturo namin sa paaralan ay nababaligtad at nababale-wala ng mga palabas sa telebisyon, ng mga artistang nahirati sa kulturang liberal ng America at ng ibang capitalistang bansa.

Talo ang Panginoon sa unang bugso ng dramang ito. Talo siya sa makasariling talino ni Judas. Naisahan siya at naipagpalit sa 30 pirasong pilak. Talo siya sa harap ng mga publikano at pariseo na nakagawa ng paraan upang maipako siya sa krus, salamat sa isang politikong ambisyoso at takot maisumbong sa imperador sa Roma. Talo ang Panginoon sapagkat namatay siya sa krus, isang kahiya-hiya, mapait, at masakit na pagkamatay na dapat ay para lamang sa mga kriminal na pinaka masahol.

Nguni’t ang dramang ito ng mahal na araw ay hindi nagtapos sa kalbaryo. Hindi rin ito nagtapos sa kanyang pagkalibing. May dakilang pangyayari na nagbaligtad sa lahat ng ito.

Sa araw na ito ng palaspas, ito ang pahiwatig ng simbahan … Tagumpay at luwalhati ang uuwian ng lahat ng ito. Tulad ng sinabi ni Propeta Isaias, ang Panginoon ay nagtuturo sa atin ng sasabihin para tulungan ang mahihina.

Lahat tayo ay nanghihina o nanghihinawa … hindi lamang sa linggo ng palaspas kundi sa araw-araw nating buhay. Lahat tayo ay tulad ng kalabaw naming suwail, makunat at makasalanan. Lahat tayo ay nawawalan ng pag-asa.

Nguni’t ang araw na ito ay ginawa ng Panginoon. Araw ng tagumpay at luwalhati … araw ng hilahil at pighati … Dalawang mukha ito ng iisang karanasan – ang buhay na walang hanggan, na makakamit lamang natin sa pamamagitan ng buhay sa lupang ibabaw, dito at ngayon, sa lupang bayang kahapis-hapis. Ang lahat ay may kahulugan; ang lahat ay may hantungan. At mientras naglalakbay tayo sa landas na ito ng ating kalbaryo, nagwiwika ang Panginoon sa atin ngayon, at nagkakaloob ng salitang makatutulong sa mga mahihinang tulad nating lahat!

KASAMA, KASANGGA, O KATUNGGALI?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Mahal na Araw, Tagalog Homily, Taon K on Marso 22, 2010 at 16:44

Linggo ng Palaspas
Marso 28, 2010

Habang lumalapit ang halalan, lumalabas rin ang tunay na kulay ng mga kandidato o mamboboto. Hindi mahirap makita ang pagiging hunyango ng ilan sa mga kandidato. Ang mga dating mga magkatunggali ay ngayon ay magkakasama; mga dating parang magsing-irog sa iisang partido ngayon ay parang pinaghiwalay ng tadhana. Ang mga dati ay maiingay sa larangan ng politika, ngayon ay nagtatago at hindi natin alam kung saang lupalop naparoon.

Ito rin ang tila telenobelang sa araw na ito ay nagsisimula, kumbaga. Ang kaibahan nga lamang ay hindi ito isang teleserye. Ito ay salaysay ng pinakadakilang pag-ibig na natungyahan ng sangkatauhan sa kasaysayan … ang pinakadakilang kasaysayan ng pag-ibig.

Kasama … ito ang ugaling ipinakita ng marami nang pumasok si Jesus sa Jerusalem! Nangasipaglabasan sa mga lansangan ang mga bata, matanda, at talubata … tangan nila ang anumang mahagilap sa kamay upang iwagayway, ilatag, iwagiswis bilang pagpupugay sa itinanghal nilang Haring dumarating.

Kasama … Ito ang larawan ng mga taong sa simula ay tuwang-tuwa sapagka’t dumarating mula sa kaitaasan ang kanilang pinakaaasam, pinakahihintay! Halos manggayupapa ang lahat sa pagpuri at pag-awit: “Osana sa kaitaasan … Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”

Kasangga … ito ang larawang kanilang ipinamalas. Kasangga sila ng kanilang itinatanghal at pinagpupugayan. Kasangga sila ng isang hindi malamang unawain at tanggapin ng mga namumuno sa bayan, na ang tingin sa kanya ay isang taong may madilim at maitim na pakay na hindi magugustuhan ng mga nasa kapangyarihan.

Minsan din nating ginampanan ang pagiging kasama at kasangga ni Kristong Mananakop. Di miminsan sa buhay natin na nagpahayag tayo ng pagiging kasama at kasangga ng Panginoong dumating sa kasaysayan upang isulat ang panibagong takbo ng kasaysayan.

Nguni’t alam natin ang naging takbo ng salaysay… Ang mga nagmakaingay na masiglang naging kasangga ng Panginoon ay nangagsipag baligtaran … naging mga balimbing na nag-astang mga hunyango ay tumalikod sa kanilang pinuri hanggang langit ilang araw lamang ang nakalilipas. Sa ikalawang bahagi ng liturhiya natin, binasa natin ang pasyon, ang kwento ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Ang mga balimbing na dati-rati ay umawit ng “Osana,” ay sila ring di naglaon ay sumigaw ng “tama na!”

Sala sa init; sala sa lamig ang mga balimbing na walang iisang salita.

Ito ang salaysay na nananalaytay sa ating kasaysayan, sa ating lipunan, sa ating kultura at pagkatao bilang Pinoy. Tingnan lamang natin ang mga hunghang at sinungaling na mga politico na dati ay parang hayop kung magbangay at ngayon ay parang si Romeo at Juliet kung magmahalan. Tingnan natin ang mga dating tinitingala natin na ngayon pala ay mandarambong na primera klase din naman pala. Tingnan natin ang ubod ng yamang kandidato na hanggang langit ang gastos para ipagmakaingay sa siya ay mahirap at natutulog sa bangketa at naglalangoy sa basura!

Higit sa lahat, tingnan natin ang sarili natin. Tingnan natin ang Inang Simbahan, na bilang samahan ng mga taong marupok ay sinagian at dinapuan na rin ng iba-ibang uri ng kabulukan, tulad ng mga pang-aabuso ng mga kabataan. Tingnan natin ang sarili natin sa salamin. Tingnan natin kung paano tayo maghusga tulad ng mga kalalakihang handang pumukol ng bato sa babaeng nahuli sa pakikiapid. Tingnan natin ang sarili natin …

Hindi malayong makita natin ang larawan ni Judas, ni Pedro, ni Pablo – ng lahat ng mga makasalanang naging banal sapagka’t bumangon sila sa tulong ng kanilang itinatwa at ipinagkanulo.

Kasama ako sa pulutong na ito … kasama tayong lahat … kasangga tayo dapat at tunay ngang di miminsang idineklara natin ang sarili bilang kasangga ni Kristo. Ngunit ang linggo ng palaspas ay salaysay tungkol sa mga balimbing at mga salawahan at tampalasan … masakalanan tulad ko, tulad ninyo, tulad ng lahat.

Katunggali tayo ni Kristo … di miminsan, di kayang ipagkaila gaano man kadulas ang ating mga dila, gaano man karami ang sanga ng mga dila natin … kasama tayo sa tinatawag natin sa panalangin, na mga “dilang masasama.”

Pero tumitigil tayo taon-taon upang gunitain, upang balik-isipin at muling ganapin … Alin? Ang dakilang salaysay ng pag-ibig sa atin ng Diyos na gumawa ng lahat para sa ating ikapapanuto at ikaliligtas. Sa kanyang dakilang pagpapakasakit, tayong mga katunggali at kalaban, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig ay muling itinuring na kasama at kasangga. Muli natin naririnig ang mga katagang pinagnilayan natin noong isang Linggo: “Wala bang naghuhusga sa iyo? Ako man, hindi kita hinuhusgahan. Humayo ka na at huwag nang magkasala!”