frchito

Posts Tagged ‘LIngguhang Pagninilay’

HARABAS, PALABAS, TUBOS, LUBOS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kristong Hari, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Nobyembre 16, 2009 at 01:33

Christ_the_King

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 22, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 7:13-14 / Pahayag 1:5-8 / Juan 18:33b-37

Marami ang manonood ng sineng 2012. Kasama ako dito. Kahit ano sabihin natin, nakabibighani ang sine na may kinalaman sa trahedya, sa wakas, sa mga nakasisindak na mga bagay na maaaring mangyari sa daigdig na kinalalagyan natin. Nakapagtataka, nguni’t sa panahong ito kung kailan maraming mga natural na trahedya tulad ng lindol, baha, tsunami, at iba pa ang nagaganap sa maraming bahagi ng mundo, ang mga palabas na nagpapakita ng pagka-harabas ng lahat ng kalikasan ay dumadami.

Madaling madala ng takot dahil sa mga ito. Ang panghaharabas ng kalikasan sa mundo ay magandang paksa sa maraming mga palabas na nagdudulot ng pangamba sa isipan at puso ng marami.

Ngunit ano ba ang kaibahan ng sineng 2012 sa sinasaad ng mga pagbasa ngayon? Ang mga pagbasa ay tumutuon sa pagdatal ng mananakop. Subali’t tulad ng nakagawian ng mga manunulat noong panahong yaon, ang balitang ito ay isinapaloob nila sa isang uri ng panitikang tinaguriang apokaliptiko — isang uri ng panulat na kinapapalooban ng marami at kahindik-hindik na mga sagisag o simbolo, na nakatuon at naglalayon, hindi sa pagdudulot ng takot at pangamba, kundi sa isang karunungang espiritwal.

Takot ang dulot ng 2012. Takot ang dulot ng mga mabababaw na hula na nagsasabing gugunaw na ang daigdig sa taong 2012 at iba pa. Nguni’t ang pagdatal ng Anak ng Tao na binabanggit ni propeta Daniel ay hindi takot ang layon, kundi pag-asa, paghihintay, pagnanasang banal, at pananampalataya sa Diyos na hindi nanghaharabas ng kanyang nilikha bagkus nagliligtas at nagtutubos nang lubos!

Ito ang diwa ng paghahari ni Kristo. Hindi niya kailangang maging Hari. Hindi niya kailangan ng anumang titolo. Nguni’t kailangan natin ng isang ituturing na Hari, upang ang ating kamalayan at pagkatao ay matuon sa iisa at parehong layunin at balakin.

Maraming hari o naghahari-harian sa atin. Sapat nang makita ang mga trahedya na dulot ng mga naghahari-harian sa bayan natin – ang mga tampalasang nagwawasak ng kagubatan, ang mga politikong walang hanap kundi posisyon, poder, at pera … ang lahat na ang sinasanto at sinasamba ay hindi ang espiritwal na katotohanan kundi ang sariling pansamantalang kapakanan. Mahaba ang listahan … at kasama tayong lahat dito.

Ang diwa ng paghahari ni Kristo ay para sa atin, at hindi para sa kanya. Malinaw ba kaya ang ating pinipili? Malinaw bang tunay ang hangad natin?

Nakatutuwang isipin na tayo ay nababagabag ng mga imahenes sa sineng 2012. Subali’t matanong natin ang sarili natin … nababagabag ba tayo sa mga bahang kagagawan natin? Nababagabag ba tayo sa katotohanang hindi na natin kailangan ang init ng araw upang wasakin ang hinaharap natin? Natatakot ba tayo sa mga trahedyang dulot ng katakawan natin, pagkamakasarili, at pagkaganid sa mga dulot ng kalikasang mabilis natin ngayon sinisira at winiwindang?

May taglay na aral ang wakas ng panahon sa atin. At hindi takot ang aral na ito kundi karunungan. May taglay na aral ang matuto nating ituring ang Panginoon bilang Hari, sapagka’t sa ganitong paraan, ay mababatid natin na hindi tayo ang “bosing” ng kalikasan na walang pakundangan sa katotohanang ito ay may hangganan. May malaking aral ang kapistahang ito para sa atin na pawang naghahari-harian sa mundo at sa lahat ng alay ng mundong ito.

Sa araw na ito, pista ni Kristong Hari, matuto nawa tayong ilagay ang sarili sa wastong luklukan, hindi sa luklukan ng mga masisiba, matatakaw, madadamot, at mapagkamal at tampalasang politico na walang inisip kundi palawigin ang sariling poder, posisyon at pananalapi. Matuto nawa rin tayo na alalahanin tuwina na may wakas ang lahat, ang buhay, ang hininga, ang pananatili natin sa mundong ibabaw.

Ang Kristong Hari ay dapat tunay na maghari sa puso ng bawat isang Pinoy.

Ang dulot ng Haring ito ay hindi harabas na makikita natin sa palabas. Ang hatid ng Haring ito ay hindi mga paingay na dala ng mga taong sanga-sanga ang dila na buktot at baluktot ang pag-uugali sa lipunan. Ang hatid ng haring ito ay karunungang espiritwal, na maalam tumingin sa aral ng wakas, ng hantungan at ng hangganan ng lahat.

At ano ba ang hantungan at hangganan na ito? Ang tubos at kaligtasan natin lahat … katubusan at kalubusan. Ang haring ito ay naparito upang maghatid sa atin ng tubos na lubos …. “siksik, liglig, at nag-uumapaw.”

Purihin ang Cristo Rey!

Chicago, IL 60605
Nobyembre 15, 2009
11:30 AM

BALONG HIKAHOS, BALON NG BIYAYA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Tagalog Homily, Taon B on Nobyembre 2, 2009 at 12:49

a_gift_that_pleased_jesus
Ika-32 Linggo ng Taon(B)
Nobyembre 8, 2009

Mga Pagbasa: 1 Hari 17:10-16 / Hebreo 9:24-28 / Marcos 12:38-44

Hindi makatkat sa isipan ko ang mga larawan ng sari-sari at iba-ibang antas ng paghihirap ng mga nasalanta ng bagyo. Noong una, akala ko ay sa Kamaynilaan lamang, sa mga lubog na mga lugar na pinagbahayan ng mayaman at mahirap. Subali’t noong dumaan ang isa pa, si Pepeng, ang mukha ng paghihirap ay lumawig, kumalat, lumaganap, at lalung lumalim, higit na malalim sa mga bahang nanalanta ng gamit ng marami.

Para sa mga mahaba ang pisi, ang paghihirap ay panandalian lamang, temporaryo, ika nga. Hindi maglalaon at sila ay makababangon. Subali’t may paghihirap na tila walang katugunan – tulad ng paghihirap ng isang balo sa unang pagbasa, na matapos iluto ang natitirang harina at langis, ay wala nang aasahan pang iba. Ito ay hindi rin malayo sa paghihirap ng mga taong wala nang bahay na babalikan, na magpahangga ngayon ay nananatili pa sa evacuation centers sa Pasig at iba pang lugar.

Dalawang uri ng balo ang nakikita ko sa mga pagbasa ngayon … dalawang uri ng taong lubhang nangangailangan. Ang una ay isang balo na tila balong malalim ng kasalatan. Sa Banal na Kasulatan, ang balo ay isa sa mga tinaguriang anawim ni Yahweh, mga dukha ni Yahweh, mga dukhang malapit sa puso ng Panginoon.

Ang magandang balita ay nagmula rito sa unang balo sa unang pagbasa. Sa kanyang kasalatan, ang Diyos ay nag-alay ng tulong sa pamamagitan ni Elias. Ibinigay niya ang lahat na natitira sa kanya, at hindi siya umuwing nakatingala sa kawalan. Ang kanyang pagiging malalim na balon ay napag-punuan ng dakilang pag-ibig ng Diyos.

Subali’t dapat nating alalahanin na balo man ay may angking yaman rin. Dapat nating gunitain, na walang sinumang sukdulan ang hirap na walang maaaring ipagkaloob.

At dito nagtutugma ang dalawang balo. Ang una ay isang malalim na balon. Ang ikalawa ay isang balo rin nguni’t bumalon sa kanyang ginintuang kalooban ang balon ng biyayang nagmumula sa kaibuturan ng kanyang puso.

Walang sinumang sukdulan ang hirap na walang maipagkakaloob!

Ito ang larawang hindi makatkat sa aking isipan – ang kabatirang may mga taong handang tumulong, handang magkaloob ng sarili at ng lahat, habang sila mismo ay salat sa maraming bagay.

Maraming halimbawa ang lumutang sa baha ng kasalatan at paghihirap sa lipunan natin. Nandyan si Ping Medina, na bagama’t hindi nahihilata sa salapi, ay kagya’t gumawa ng kung ano ang kanyang kaya – ang magpakain ng lutong pagkain mula sa kanyang restoran sa Quezon City. Nandyan ang mga walang pangalang mga bayani na bagama’t sila mismo ay hirap din, ay hindi nag-atubiling ipagkaloob ang kanilang kaunting naipon o naipundar, upang tumulong sa mga higit na wala kaysa sa kanila.

Maraming halimbawa ang makikita sa facebook, sa internet, sa twitter – mga Pinoy na bagama’t malayo sa larangan ng baha sa Pilipinas, ay nasa gitna na aksyon, ng kilusan para sa mga binaha.

Hindi makatkat sa aking isipan ang ginintuang halimbawa ng balo …ng kapwa mahirap, ng mga taong simple lamang at payak ang pamumuhay, na hindi nag-dobleng isip kung dapat kumilos o umasa sa isang gobyernong hindi maaasahan.

Malapit na naman ang Pasko. Sa pagdating ng malamig na simoy ng hangin, at sa pagpapatugtog ng awiting pamasko, marami tayong malilimutan. Marami tayong makakaligtaan at mabubura sa ating alaala. Paglipas ng panahon, mapapari sa gunita natin ang kapaitan ng paghihirap ng marami, tulad nang, sa pag-alis ng baha, ang mga taong nanirahan sa mga sapa, sa mga ilat, at ilog na napatituluhan o nakamkam ng mga masisiba, ay mangagsisibalikan at makikipag-sapalarang muli – hanggang dumating muli ang isa pang higit na trahedya.

Nguni’t may isang trahedya na hindi natin dapat pairalin – ang trahedya ng pagkakanya-kanya at pagwawalang-bahala.

Sa araw na ito, dalawang balo ang naging balon ng biyaya mula sa Diyos. Walang sinuman ganoong kahirap na wala ni anumang maaaring ibahagi sa iba. Dalawang balo ang pinagmulan ng biyaya ng Diyos … dalawang balong walang kaya, dalawang balong salat kung salat, nguni’t dalawang balo na, dahil sa kanilang ginintuang puso, ay hindi nagdobleng isip na gumawa nang nararapat.

Hindi tayo dapat kailanman lumimot. Hindi natin dapat hayaang ang mga larawan ng paghihirap ay maiwan na lamang sa facebook, sa blogs, at sa vlogs na kumakalat sa buong daigdig.

Maging balon nawa tayo, tulad ng mga balo, ng biyayang kaloob ng Diyos para sa lahat … para sa mayaman at mahirap, na pawang mga “naghihintay sa kanyang kaligtasan.”