frchito

Posts Tagged ‘Kabukasang-Palad’

KUNG ANONG KALTAS, SIYANG LUNAS; BUHAY NA IPINANTUBOS, BUHAY NA GANAP AT LUBOS!

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 10, 2012 at 07:09

Ika-32 Linggo (B)

ImageNobyembre 11, 2012

Mga Pagbasa: 1 Hari 17:10-16 / Heb 9:24-28 / Mc 12:38-44

KUNG ANONG KALTAS, SIYANG LUNAS!

May mga nagdaang panahon na, kapag maysakit o nag-aapoy sa lagnat ang tao, ang alam lamang gawin ng mga duktor ay ang bawasan ng dugo ang maysakit, at ang lagnat ay humuhupa. Kung tawagin ito noong panahon yaon ay bloodletting. Ang lunas ayon sa kanilang paniniwala at kaalaman noon, ay nakasalalay sa pagkaltas o pagbawas.

Nakatutuwang isipin na maging sa counseling, mayroon kaming tinatawag na paradoxical intervention, na walang iba kundi ang pagpapayo sa taong may suliranin na gawin mismo ang kanyang problemang kinagawian o paulit-ulit na ginagawa. Ang lunas ay nakasalalay sa pagkakaloob ng kung ano mismong kailangan ng tao.

Salat ang buong kaharian sa panahong tinutukoy sa unang pagbasa. Tagtuyot at taggutom. Sa mga panahong ito, ang pinaka nauunang magdusa ay ang mga pinakadukha, ang mga walang pagkukunan, walang kakayahang mag-imbak ng pagkain, at walang dudukutin pag dumating ang kagipitan. Sa mga mahihirap na mga ito, ang pinaka masahol sa kahirapan ay ang mga balo at mga ulila.

Subali’t sa dalawang pagbasa, sa una at sa ikatlo, isang balo ang naging halimbawang wagas ng kabukasang palad at ng isang himalang dulot ng kanilang kabukasang-palad. Dalawang balo ang bida sa istorya natin ngayon … dalawang babaeng wala nang ibang inaasahan at pagkukunan, nguni’t dalawang biyudang nagkaloob ng lahat ng taglay nila para sa propeta at para sa Diyos.

Mahirap ang maghikahos, tulad ng mahirap ang paapu-apuhap sa dilim, tulad ng pinag-usapan natin noong nakaraang dalawang Linggo. Napakahirap ang damdamin ng isang taong walang ibang pagkukunan, at kumbaga ay nasa huling buhol na ng kanilang lubid.

Tayong lahat ay nagdadaan sa iba-ibang uri ng kasalatan at taggutom. May pagkakataong nauubusan tayo ng pasensiya, tulad ng may panahong natutuyuan tayo ng pag-asa. Kung minsan, sa buhay natin, pati pananampalataya natin ay tila nasusubukan nang lubusan, at tulad ni Abraham, pati iyong pinakamahalaga sa atin, ang tanging natitira o naiiwanan, ang siya pang hinihingi sa atin. Ang maliit nang nalalabing pananampalataya sa Diyos ang siya pang hinihingi sa atin.

Wala nang iba pang puedeng asahan ang dalawang balo. Tanging ang taglay at hawak lamang nila ang nalalabi, at sa kabila nito ay sila pa ang naatangan at nahingan ng malaki – ng lahat, kung tutuusin natin.

Kung anong kaltas, siyang lunas! Totoo ito sa maraming antas ng buhay natin. Kung tayo ay nauubusan ng pasensya, ito rin ang lunas – ang kaltasan at kalusin ang nag-uumapaw o sobrang kawalan ng pasensya. Kung ang pag-ibig ay sinusubukan, ang mismong tugon ay ang matutong pang umibig sa kabila ng lahat.

Ang ipinakita ng dalawang balo ay walang iba kundi ito … walang sinumang sobrang hirap na walang kakayahang magkaloob at magbahagi. Hindi ito kwento ng paramihan ng alay, kundi palaliman at palawakan ng pag-ibig at kabukasang-palad.

Sa aking karanasan sa maraming pagkalap ng pondo at paghingi ng tulong sa mga tao, hindi ang laki ng bigay o donasyon ang pinakamahalaga. Ang halaga ay nasa kadakilaan ng taong nagkaloob, ang pinakamahalaga ay ang bigay ng isang taong kulang na lamang ay isubo ang ipagkakaloob ay ibinigay pa nang maluwag sa kalooban.

Ito ang kadakilaang hindi batay sa laki ng bigay, kundi sa laki ng puso ng nagbigay – ang kadakilaang nababatay sa kabukasan ng puso at ng palad. At dumarating ang panahon na kung sino pa ang tila nawawalan ng pag-asa, o anuman, ay sila pa ang higit pang sinusubok at inaasahang maging lakas at timon ng karamihan.

Sabi nga nila, kung gusto mong may mangyari, iatang mo ito sa balikat ng isang taong maraming ginagawa at pinagkakaabalahan. Silang halos walang panahon ay sila pang higit na maraming nagagampanan.

Si San Pedro Calungsod ay halimbawa rin nito. Ang buhay na sagana ay nakamit niya nang ipinagkaloob niya nang maluwag sa kalooban ang sariling buhay para ipagtanggol at hindi iwanan ang kanyang pinaglilingkuran, si Beato Diego de San Vitores. Kung ano ang halos mawala na o tila nauubos o nauupos, ay siya pang bagkus ipinagkaloob ng binatilyong itinanghal na ganap na Santo noong nakaraang buwan.

Kung ano ang kaltas, siyang lunas! Buhay na ipinangtubos, siyang buhay na naging ganap at lubos!

Teresa Espinelli Retreat House

Tagaytay City

Advertisements

BALONG HIKAHOS, BALON NG BIYAYA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Tagalog Homily, Taon B on Nobyembre 2, 2009 at 12:49

a_gift_that_pleased_jesus
Ika-32 Linggo ng Taon(B)
Nobyembre 8, 2009

Mga Pagbasa: 1 Hari 17:10-16 / Hebreo 9:24-28 / Marcos 12:38-44

Hindi makatkat sa isipan ko ang mga larawan ng sari-sari at iba-ibang antas ng paghihirap ng mga nasalanta ng bagyo. Noong una, akala ko ay sa Kamaynilaan lamang, sa mga lubog na mga lugar na pinagbahayan ng mayaman at mahirap. Subali’t noong dumaan ang isa pa, si Pepeng, ang mukha ng paghihirap ay lumawig, kumalat, lumaganap, at lalung lumalim, higit na malalim sa mga bahang nanalanta ng gamit ng marami.

Para sa mga mahaba ang pisi, ang paghihirap ay panandalian lamang, temporaryo, ika nga. Hindi maglalaon at sila ay makababangon. Subali’t may paghihirap na tila walang katugunan – tulad ng paghihirap ng isang balo sa unang pagbasa, na matapos iluto ang natitirang harina at langis, ay wala nang aasahan pang iba. Ito ay hindi rin malayo sa paghihirap ng mga taong wala nang bahay na babalikan, na magpahangga ngayon ay nananatili pa sa evacuation centers sa Pasig at iba pang lugar.

Dalawang uri ng balo ang nakikita ko sa mga pagbasa ngayon … dalawang uri ng taong lubhang nangangailangan. Ang una ay isang balo na tila balong malalim ng kasalatan. Sa Banal na Kasulatan, ang balo ay isa sa mga tinaguriang anawim ni Yahweh, mga dukha ni Yahweh, mga dukhang malapit sa puso ng Panginoon.

Ang magandang balita ay nagmula rito sa unang balo sa unang pagbasa. Sa kanyang kasalatan, ang Diyos ay nag-alay ng tulong sa pamamagitan ni Elias. Ibinigay niya ang lahat na natitira sa kanya, at hindi siya umuwing nakatingala sa kawalan. Ang kanyang pagiging malalim na balon ay napag-punuan ng dakilang pag-ibig ng Diyos.

Subali’t dapat nating alalahanin na balo man ay may angking yaman rin. Dapat nating gunitain, na walang sinumang sukdulan ang hirap na walang maaaring ipagkaloob.

At dito nagtutugma ang dalawang balo. Ang una ay isang malalim na balon. Ang ikalawa ay isang balo rin nguni’t bumalon sa kanyang ginintuang kalooban ang balon ng biyayang nagmumula sa kaibuturan ng kanyang puso.

Walang sinumang sukdulan ang hirap na walang maipagkakaloob!

Ito ang larawang hindi makatkat sa aking isipan – ang kabatirang may mga taong handang tumulong, handang magkaloob ng sarili at ng lahat, habang sila mismo ay salat sa maraming bagay.

Maraming halimbawa ang lumutang sa baha ng kasalatan at paghihirap sa lipunan natin. Nandyan si Ping Medina, na bagama’t hindi nahihilata sa salapi, ay kagya’t gumawa ng kung ano ang kanyang kaya – ang magpakain ng lutong pagkain mula sa kanyang restoran sa Quezon City. Nandyan ang mga walang pangalang mga bayani na bagama’t sila mismo ay hirap din, ay hindi nag-atubiling ipagkaloob ang kanilang kaunting naipon o naipundar, upang tumulong sa mga higit na wala kaysa sa kanila.

Maraming halimbawa ang makikita sa facebook, sa internet, sa twitter – mga Pinoy na bagama’t malayo sa larangan ng baha sa Pilipinas, ay nasa gitna na aksyon, ng kilusan para sa mga binaha.

Hindi makatkat sa aking isipan ang ginintuang halimbawa ng balo …ng kapwa mahirap, ng mga taong simple lamang at payak ang pamumuhay, na hindi nag-dobleng isip kung dapat kumilos o umasa sa isang gobyernong hindi maaasahan.

Malapit na naman ang Pasko. Sa pagdating ng malamig na simoy ng hangin, at sa pagpapatugtog ng awiting pamasko, marami tayong malilimutan. Marami tayong makakaligtaan at mabubura sa ating alaala. Paglipas ng panahon, mapapari sa gunita natin ang kapaitan ng paghihirap ng marami, tulad nang, sa pag-alis ng baha, ang mga taong nanirahan sa mga sapa, sa mga ilat, at ilog na napatituluhan o nakamkam ng mga masisiba, ay mangagsisibalikan at makikipag-sapalarang muli – hanggang dumating muli ang isa pang higit na trahedya.

Nguni’t may isang trahedya na hindi natin dapat pairalin – ang trahedya ng pagkakanya-kanya at pagwawalang-bahala.

Sa araw na ito, dalawang balo ang naging balon ng biyaya mula sa Diyos. Walang sinuman ganoong kahirap na wala ni anumang maaaring ibahagi sa iba. Dalawang balo ang pinagmulan ng biyaya ng Diyos … dalawang balong walang kaya, dalawang balong salat kung salat, nguni’t dalawang balo na, dahil sa kanilang ginintuang puso, ay hindi nagdobleng isip na gumawa nang nararapat.

Hindi tayo dapat kailanman lumimot. Hindi natin dapat hayaang ang mga larawan ng paghihirap ay maiwan na lamang sa facebook, sa blogs, at sa vlogs na kumakalat sa buong daigdig.

Maging balon nawa tayo, tulad ng mga balo, ng biyayang kaloob ng Diyos para sa lahat … para sa mayaman at mahirap, na pawang mga “naghihintay sa kanyang kaligtasan.”